Reserbado Ang Lahat Ng Karapatan
(Marami ng nadagdag sa paksang ito mula ng malathala na maging isang aklat)
Mga Nilalaman
III. Ang Kaluluwa: May Kamatayan o Wala?
IV. Ang Parusahang Walang Hanggan
VI. Mga Karagdagang Katotohanan
Marami ng aklat ang nasusulat patungkol sa paglago at pamumuhay Kristiyano, sa pagibig ng Dios, mga pamamaraan ng pag-eebanghelyo, sa mga hula, sa mga pakikibakang espirituwal, at iba pang doktrina. Subalit ang tungkol sa kaparusahan sa impierno na daranasin ng tao ay halos iilan lamang.
Kadalasan ay naririnig natin sa mga pangangaral ang tungkol sa impierno na isang dako ng kaparusahang walang hanggan. Subalit ang naririnig natin ay mga pahapyaw lamang, ang ilang mahalagang bagay na kailangan nating malaman ay hindi naibibigay sa atin. Kaya't kapag ang Kristiyano ay may nakausap na mga taong hindi naniniwala sa kaparusahan, hindi sila makapagbigay ng mahusay na pangangatwiran.
Pinilit matapos ng sumulat ang librong ito sa pagnanasang labanan ang mga pangangaral ng mga nagsasabing walang kaparusahan na si Satanas ang lumikha. Ang estilo ng pangangaral na ginawa niya sa halamanan ng Eden ay siya pa ring ginagamit nila ngayon upang dayain ang mga walang malay. Kaya't kung matututunan ng mga Kristiyano kung paanong sasansalain ang mga argumento ng nagsasabing walang kaparusahan, sila'y nagiging banta din kay Satanas, dahil inilalabas nila ang katotohanan.
Katotohanan lamang na galit si Satanas na malaman ng tao na siya'y isang talunan. Ang kaniyang hahantungan sa walang hanggan ay ang kaparusahan sa dagat dagatang apoy. Ayaw niyang siya lamang ang magtutungo doon. Kinaladkad niya ang ikatlong bahagi ng mga anghel, tinuruan pa pati ang mga tao na magrebelde laban sa Dios. Kaya't pagdating ng katapusan ng panahon sa walang hanggan ay kasama siya ng mga masasamang tao na paparusahan sa impierno, bilang ganti ng Dios sa lahat ng ginawa nilang kasamaan.
Kaya't ang layunin ng munting aklat na ito ay sakbatan ang tao ng Dios at tulungang humarap ng may pagtitiwala dala ang katotohanan na kaniyang tinanggap. Hindi ang lahat ng kasagutan ay narito, subalit ang mahalagang katotohanan marahil ay narito na. Ang lahat ng mga nasusulat sa aklat na ito ay subok na. Hindi kayang salungatin ng mga hindi naniniwala sa kaparusahan sa impierno. Anoman ang kakulangan ng aklat na ito ay maging hamon sa mga mambabasa na saliksikin ang salita ng Dios at doon hanapin ang kasagutan.
Ang mga nasusulat sa munting aklat na ito ay itinuro na sa Panglinggong Paaralan sa taon ng 1994 sa iglesia sa Malabon. Nang isinalibro ay maraming bagay pa ang nadagdag. Isinalibro ng sumulat ang mga bagay na nahayag sa kaniya bilang paraan na din ng kaniyang paglilingkod sa Dios, at pagnanasang malangkapan pa ang mga tao ng Dios ng Kaniyang mga salita. Isinulat ito ng may pagmamahal sa mga kaluluwang patungo sa kapahamakan, at bilang banta na rin sa mga Kristiyano na tutoong may kaparusahan. Hindi ito isinulat dahil sa galit o paninira lamang.
Sa aklat na ito ay higit kong ninanais bigyang pansin ang magiging kalagayan ng mga taong wala kay Cristo. Ano ba ang maaaring mangyari sa kanila pagkamatay nila sa darating na walang hanggan? Tungkol sa kasasapitan ng tao sa pagdating ng panahon, ang Kristiya-nismo ay nahahati sa dalawang grupo: may naniniwala na ang mga hindi tumanggap kay Jesus ay daranas ng kaparusahan; may mga grupo naman na nagsasabing walang kaparusahan. Bilang pasimula ng pagaaral, nais ko munang bigyan ng pansin kung ano ang kalikasan ng tao. Sa pamamagitan nito ay mauunawaan natin kung ano ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan, at ang mangyayari pagdating ng paghuhukom. Dahil na rin sa maling paniniwala tungkol sa kalikasan ng tao kung bakit marami ang hindi naniniwalang may kaparusahan.
Sinabi ni Pablo sa kaniyang sulat: "At pakabalin kayon g lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo..." Ipinakita dito ni Pablo na ang tao ay binubuo ng tatlong bahagi: espiritu, kaluluwa, at katawan. Sa wikang Griego, ang salitang espiritu ay pneuma, ang kaluluwa ay psuche, at ang katawan ay soma. Ang tatlong ito ay magkakaiba, at ang mga manunulat ng Bibliya ay naging maingat sa paggamit ng bawat isa. Hindi nila tinukoy na ang kaluluwa ay katawan o ang espiritu ay kaluluwa.
Tayo ay naniniwala sa turo ng mga apostol na may tatlong bahagi ang tao: espiritu, kaluluwa, at katawan. Naniniwala naman ang iba na ang tao ay nababahagi lamang sa dalawa: katawan at espiritu lamang. Para sa kanila ang pisikal na katawan nating ito ay siya na ring kaluluwa. Ito ay walang matibay na batayan sa Bibliya. Kung nais nating bahagiin ang tao sa dalawa, masasabi natin na ang isang bahagi ay materyal at ang isang bahagi ay di-materyal. Ang materyal na bahagi ng tao ay ang pisikal na katawan; ang di-materyal na bahagi naman ay ang espiritu at kaluluwa. Ang pinaka-mataas sa lahat ng ito ay ang espiritu.
Narito ang ilang talata na nagpapakita ng kaibahan ng bawat isa. Sa Galacia 5:17 ay sinasabi na ang laman at espiritu ay magkalaban. Mababasa naman natin sa I Pedro 2:11 na ang laman ay nakikipagla-ban sa kaluluwa. Ang ganitong klase ng paglalaban sa katauhan ay hindi karanasan ng mga di-mananampalatay, kundi ng mga mananam-palataya lamang. Ang kaluluwa ay laging umaayon sa takbo ng masa-mang pita, kaya't hindi ito banta sa masamang nasa ng laman. Kapag ang tao ay lumakad ng ayon sa espiritu, ang masamang kinahihiligan ng kaluluwa ay nadadaig hanggang sa ito'y umayon sa lakad ng espiritu. Sa gayon ang kaluluwa ay nagkakaroon na rin ng pakikibaka sa laman. Pagaralan pa natin ang detalye ng bawat isa.
Tayong lahat ay naniniwala na ang ating pinagmulan ay alabok ng lupa. Ang tinutukoy dito ay hindi ang kaluluwa o espiritu kundi ang ating katawan. Napatunayan sa siyensa na ang lahat ng parte ng ating katawan ay binubuo ng alabok ng lupa. Gaya ng sinabi ng Dios, dito tayo kinuha dito tayo muling babalik. Nagkaroon ng katuparan ang mga salitang ito ng pumasok sa tao ang kamatayan. Sa gayon ay bumabalik siya sa alabok na pinagkunan sa kaniya.
Habang tayo ay nabubuhay hindi maaaring alisin ang pag-ikot ng dugo sa ating katawan. Sinabi sa Levitico 17:11 na "ang buhay ng ating laman ay nasa dugo," ang salitang ito ay muling inulit sa talatang 14. Ang espiritu at kaluluwa ay hindi nangangailangan ng laman upang mabuhay. Ang salitang laman ay tumutukoy sa ating katawan at hindi sa kaluluwa.
Sa turo ng Panginoong Jesus sa Kaniyang pangangaral sa bundok, mapapansin nating kasama ang katawan sa Kaniyang mga tinutukoy. Ipinakita sa Mateo 6: 25-34 na ang pisikal na katawang ito ay nangangailangan ng mga materyal na bagay: gaya ng damit na masusuot at pagkain para sa ikabubuhay. Sa ating kapaligiran ay ginagamit din natin ang katawang ito sa pakikipag-ugnayan. Maging sa pagkatuto sa mga bagay na materyal, at sa mga batas ng kalikasan na naaabot ng mga pisikal na pandama, ay bahagi ang katawan sa pagkatuto at paglago sa kaisipan.
Ang katawang pisikal ding ito ang tinatahanan ng Espiritu Santo na pinaka-templo, kaya't nararapat natin itong pangalagaan dahil sa Kaniya. Sino man ang mag-abuso dito ay mananagot sa Dios. Kung ito'y pangangalagaan ng tao ay sa kaniyang ikabubuti; kung ito'y aabusuhin ng tao ay sa kaniyang ikawawasak.
Mahalaga ang katawan dahil Dios ang lumikha dito. Ang bawat bagay na nilikha ng Dios ay may layunin, kaya't sa ating katawan ay may layunin ang Dios. Kung ang tao ay may pagpapahalaga dito, higit ang Dios ay may pagpapahalaga dito.
Ilan sa mga kultong organisasyon at mga indibidwal na tao ay naniniwala na ang katawan ay hindi mahalaga. Ginagamit nila ang mga talata gaya ng Roma 7:18 at 2 Corinto 5:4 upang papagmatuwirin ang mga mali nilang paniniwala. Walang ipinapahiwatig sa mga talatang nabanggit na ang katawan ay hindi mahalaga.
Sa Roma 7:18 ay nagpapakita na ang problem sa kasalanan ay nasa ating laman. Ang mabuti na ninanais nating gawin ay hindi natin magawa, ito ay sa dahilang nangingibabaw ang masamang pagnanasa ng ating laman. Hindi natin magagawang labanan ang masamang nasa nito sa sarili nating kalakasan, dahil ito'y nakahilig sa paggawa ng kasamaan mula ng mahulog sa pagkakasala. Kinakailangan natin ang tulong ng Panginoong Jesus upang mapagtagumpayan natin ang kasamaan at kasalanan. Sa gayon ay unti-unti tayong babanalin ng Dios sa espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa humarap tayo na walang bahid dungis sa harap ng Dios.
Ang 2 Corinto naman ay pagnanasa ni Pablo na makapiling ang Dios. Walang ibig sabihin si Pablo na ang katawan ay hindi mahalaga, kundi ang ipinahayag niya, na habang tayo'y nasa katawan pang ito ay wala tayo sa piling ng Dios.
Si Pablo na rin ang nagsabi: "Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu Santo ay nananahan sa inyo? Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagkat ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo" (2 Corinto 3:16-17). Sa pamamagitan ng talatang ito ay naniniwala ako na ang pagkitil sa sariling buhay ay kasalanan sa Dios. Ang pagpapakamatay ay isa sa paraan ng paggiba sa templo ng Dios, kaya't ito ay kasalanan sa Dios.
Kung hindi mahalaga ang katawan ay hindi na sana nagkatawang-tao pa ang ating Panginoong Jesus. Ang katubusang alay Niya ay hindi lamang para sa ating espiritu at kaluluwa, kundi pati na rin sa ating katawan. Kung hindi ito mahalaga ay hahayaan na lamang sana ito ng Dios sa libingan, subalit ito'y bubuhaying muli sa huling panahon.
Bagaman tayo ngayon ay Kaniya ng tinubos sa kasalanan, hindi pa rin nawawala ang pagkakasakit ng ating katawan, ang pagtanda, pagkamatay, at pagkatapos ay ang kabulukan ng katawan. Nangyayari ang mga bagay na ito dahil ang katawan natin ay hindi pa naililipat ng Dios sa walang kasiraan, ito ang kasakdalan na ating hinahangad. Ito ay mararanasan natin sa ikalawang pagbabalik ng Panginoong Jesus.
Habang ang tao ay may buhay, nasa kaniya pa ang kaluluwa na siyang nagiging dahilan ng buhay ng kaniyang katawan. Ang kaluluwa sa wikang Hebreo ay nephesh, ito ay nangangahulugang "kaluluwa," "tao," "buhay," o "hininga ng buhay." Hindi lamang sa tao ginamit ang salitang ito, kundi una na sa pagkakalikha sa mga hayop (Genesis 1:19, 21, 24). Ginamit ito sa mga hayop dahil may buhay din silang hawig ng sa atin.
Ang kaluluwa ng tao at hayop ay may malaking kaibahan: sa mga talatang ibinigay natin ay ipinapakita na ang pagkakalikha sa mga hayop ay sa pamamagitan ng salita lamang, samantalang sa tao ay hindi. Sa Genesis 2:7 ay mababasa natin, "At hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay." Ang ginamit na salitang Hebreo sa "buhay" ay chay, ang salitang ito ay pang-maramihan. Nangangahulugan na hindi lamang iisa ang buhay na tinanggap ng tao sa Dios, kundi ito'y dalawa.
Pansinin na noong nilikha ang katawan ay hindi sinabing ito ay isa ng kaluluwa. Nang mahingahan ang butas ng kaniyang ilong ng hininga ng buhay, ay doon tinawag ang tao na "kaluluwang may buhay." Nangangahulugan na ang kaluluwa ng tao ay hindi direktang ginawa ng Dios at inilagay sa tao; kundi ng ilagay ng Dios ang espiritu sa tao upang magbigay-buhay sa tao ay may isa pang buhay ang nadagdag at ito ay ang sa kaluluwa.
May mga talata gaya sa Levitico 19:28; 21:1; 22:4; Bilang 5:2; 6:11; 9:6-7, na ang pagkakasalin sa nephesh ay "patay na katawan." Gaya ng ipinakita natin, ang salitang ito ay maisasalin din na "tao". Kaya't sa mga talatang nabanggit, ang dapat na pagkakasalin ay "patay na tao."
Ang buhay ng ating pisikal na katawan ay nakasalalay sa kaluluwa. Kapag ang kaluluwa ay humiwalay na sa katawan, ang katawan ay nawawalan ng buhay; ngunit kung ito ay maibabalik, ang katawan ay muling mabubuhay.
Makikita natin sa I Hari 17:21-22 na ng mamatay ang anak ng babaing tinutuluyan ni Elias ay sinasabing dahil lumisan ang kaniyang kaluluwa. Nang manalangin si Elias na ibalik ang kaluluwa ay muling nabuhay ang bata. Kaya't kung wala ang kaluluwa sa tao, ang katawan ay mamamatay. Kung ang espiritu ay pansamantalang lumisan sa katawan, gaya ng mga nagsasanay ng out-of-body experience, maaari pa itong mabuhay. Mamamatay lamang ang tao kapag ang naguugnay sa katawan at espiritu ay malagot na.
Nabubuhay tayo at may pakiramdam dahil sa kaluluwa. Ang patay na katawan ay walang pakiramdam kahit na ano ang gawin mo dito: pagputul-putulin mo o sunugin man ay walang kang maririnig dito kahit na anong daing ng sakit. Samantalang makikita natin sa kasaysayang ibinigay ng Panginoong Jesus, nang nasa hades na ang kaluluwa ng mayamang lalaki ay nagdurusa ito sa hirap na nararamdaman.
Sa pakikipag-ugnayan sa mundo ng mg espiritu, ay hindi lang ang pisikal na katawan ang ginagamit ng tao, pangunahin na ang kaluluwa. May mga pamamaraang ginagamit sa bagay na ito bilang pagdisiplina sa katawan, subalit ang mga yaon ay paghahanda lamang sa kaluluwa upang magkaroon ng pakikiisa sa mga demonyo. Hindi natin ito matatalakay sa ngayon. Kung loloobin ng Dios ay maguukol tayo ng panahon at aklat para dito.
Ano ang kaibahan ng espiritu sa kaluluwa? Sa Job 32:8 ay sinabi: "Ngunit may espiritu sa tao, at ang hinga ng makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa." Lumalabas sa mga salitang ito na ang espiritu ay kaloob ng Dios sa tao. Dahil sa espiritung nasa tao kaya nagkaroon ng malaking kaibahan ang tao sa hayop.
Gaya ng sinasabi sa aklat ni Job: "may espiritu sa tao" na nangangahulugang may isa pang bahagi sa kabuuan ng tao na inilagay ang Panginoong Dios, ng siya ay likhain. Ang unang buhay ay nanggagaling sa Dios na dumadaloy sa ating espiritu. Ang ikalawang buhay ay ang buhay nanggagaling sa kaluluwa, ito ay nagbibigay ng pansamantalang buhay sa katawan.
Kung sa pagkakalikha ay wala tayong kaibahan sa mga hayop, dahil tayong lahat ay tinatawag na kaluluwa; sa pamamagitan ng espiritu ay hindi tayo naging iba sa Dios. Ang katotohanang ito ay matapang na naipangaral ni Pablo sa mga taga-Atenas ng sabihin niyang: "tayo nama'y Kaniyang mga lahi" (Gawa 17:28). Kung sa mga hayop ay wala tayong kaibahan dahil sa alabok ng lupa tayo'y parehong kinuha; sa pamamagitan ng espiritu ay hindi tayo naging iba sa Dios, dahil sa mga katangiang mayroon Siya na ibinigay sa atin.
Ang espiritu ay may pagnanasa sa tuwina na tayo'y magkaroon ng pakikiisa sa lumikha sa atin. Hindi lamang sa pamamagitan ng pana-langin, kundi ang makalakip sa Kaniyang presensya sa tuwina. Noong tayo'y hiwalay sa Dios ay wala tayong pagnanasang malaman ang tungkol sa Dios, sa dahilang tayo ay hiwalay sa Dios; mga patay sa espiritu. Ngayong tayo'y binuhay Niya sa espiritu, higit nating ninanasa ang bigyan Siya ng kaluguran.
Patunay ito na ang mga pagnanasa nating gumawa ng mabuti o masama na tayo ay may malaking obligasyon. Ang bawat obligasyon ay laging nagbabadya ng pananagutan, na kung hindi natin matupad ay may kapalit na kabayaran. Ang pananagutan ay pagbabayaran natin sa Dios dahil sa Kaniya tayo tumanggap ng responsibilidad.
Sa wikang Griego ang salitang espiritu ay pneuma, nangangahulugan ito ng "hinigan," "espiritu," o "hangin". Ang tao at hayop ay magkahawig sa pangangailangan ng hangin na mahihinga, subalit sa pamantayan ng Dios ay magkaiba sila. Ang hayop ay walang pagba-bayaran sa Dios, subalit ang tao ay responsable sa lahat ng mga gawa at desisyon niya.
Isang Saksi ni Jehova ang nagsabi sa akin, "Kapag sinabing pneuma, ito ay laging nangangahulugan ng hininga. Ang salitang "hininga" sa wikang Griego ay pnoe, ito ay nanggaling pa rin sa salitang pneuma. Ang salitang pnoe ay ginamit sa Gawa 17:25; 2 Tesalonica 2:8; Apocalipsis 11:11; 13:11. At sa Juan 3:8; Gawa 2:2; 27:40 ay isinalin naman itong "hangin".
Bagaman nanggaling sa iisang salita ang ginamit sa mga talatang ipinakita natin, hindi nangangahulugan na ang espiritu ng tao ay isang karaniwang paghinga o paghihip ng hangin. Kung ganoon ang kanilang paniniwala, dapat sana'y breath o hininga ang lahat ng salita sa New world Translation nila.
Ang pagkakalalang sa hangin ay iba sa pagkakalalang ng Dios sa espiritu ng tao. Bago nilikha ng Dios ang tao ay may hangin ng umiiral na nagbibigay buhay sa mga hayop at mga pananim. Nang malikha ang katawan ay doon pa lamang inilagay ang espiritu. Gaya ng sinabi ni Zacarias: "...at naglalang ng diwa sa loob ng tao" (12:1). Matapos ilagay ang espiritu ay nagkaroon ng hininga ang tao.
Inilagay ng Dios ang espiritu sa tao upang Kaniyang maging kasangkapan. Sa pamamagitan ng espiritu nakikipag-ugnayan ang Dios sa tao, kaya't kung may anomang mensahe ang Dios sa tao ito ay sinasabi Niya sa espiritu. Ang espiritu na nasa tao ay may sariling kaisipan na iba sa kaluluwa o katawan. Kung paanong ang mga anghel ay mga espiritung nilikha (Hebreo 1:7), may mga pag-iisip at makapangyarihan; gayundin ang espiritu ng tao ay may kapangyarihan, nakakauna-wa, nakadarama, at may paghahangad na iba sa kaluluwa (basahin ang mga sumusunod Mateo 5:3; 26:41; Marcos 2:8; Lucas 1:47,80; Gawa 17:16; 20:22).
Mapapansin natin sa Hebreo 4:12 na ang espiritu at kaluluwa ay kailangang mapaghiwalay. Ito ay mahalagang maging karanasan ng tao sa kaniyang paglakad sa espiritu, dahil kung ito'y hindi mangyayari ay mananatiling maka-laman ang tao.
Ngayon ay napatunayan natin na ang katawan ay hindi ang kaluluwa, at ang kaluluwa ay hindi din ito ang espiritu. Ang katawan ay ang pisikal na bahagi ng tao; ang kaluluwa naman ang siyang namamagitan sa espiritu at sa lamang; at ang ating espiritu ay gaya ng dakong kabanalbanal na kung saan doon nakikipag-ugnayan ang Dios. Sa tatlong ito ay may magkakaibang gawain at layunin ang Dios.
Isa sa pinaka-masakit sa buhay ng tao ay ang iwan ka ng iyong mahal sa buhay. Kahit na sabihing siya'y patungo na sa ating Panginoon, isang normal na bagay ang malungkot tayo sa pagkawala ng mga mahal sa buhay. Maraming tao ang hindi nakatakas sa kalungkutan ng mawalan ng minamahal sa buhay. Ang kilalang manunulat na si Clive Staple Lewis ay isa sa naging biktima ng kalungkutan ng mamatay ang kaniyang asawa. "Kung talagang mabuti ang Dios, bakit Niya hinahayaang mangyari ang mga bagay na ito?" ang tanong niya. Ang kaniyang pananampalataya sa kabutihan ng Dios ay unti-unting napapalitan ng pagaalinlangan. Subalit ang Dios ay hindi nagpabaya sa kaniya, ipinaalala Nito ang mga pangako sa Kasulatan na isang araw ay magkakaroon ng pagkabuhay na muli sa mga patay. Sa araw na iyon ay bubuhayin ng Dios ang lahat ng mga namatay sa Kaniya, pati na ang asawa niya. Kaya't sa araw na iyon ay hindi na sila magkakalayo pa.
Ang kamatayan ay walang pinipili, ito ay dumarating kahit na sa iyong mahal sa buhay na ayaw mong mawalay. Hindi mapipigilan ng kahit sino maliban sa Dios at ng Kaniyang mga anak. Dumarating ito sa lahat ng tao at hindi maaaring takasan. Tunay na kakilakilabot isipin ang pagdating at ang mga bagay na ihahatid sa dakong huli. Ito ang nagdadala ng di masayod na kalungkutan sa mga masasayang tahanan at samahan.
Mahirap dalhin sa isipan kung ano ang kalungkutang ihahatid nito sa mga maiiwan. Kaligayahan ding matatanggap ng mga nabubuhay kapag ang sugat ay naghilom, at naisip nilang kapiling na ng Manlilikha ang kanilang minamahal. Gaano naman kayang mababata ng mga mananampalataya kung maiisip nila na ang kanilang mga mahal sa buhay ay hindi pa tumatanggap sa Panginoon. Nalalaman natin kung ano ang hantungan ng mga walang Tagapagligtas.
Nakikita natin ang mga kabataan sa kanilang kalakasan at kasiglahan, kapag ang kamatayan ay dumating na sa kanila, wala silang lakas upang ito ay iwasan. Ito ay dumarating hindi lamang sa malalakas at mahihina kundi sa lahat! Ang panahon ng pagdating nito ay hindi natin mahuhulaan. Ito ay dumarating gaya ng magnanakaw sa gabi ng hindi inaasahan, walang makapagsasabi kung kailan.
Anomang antas ng tao sa buhay ay hindi makakatakas sa kamatayan: mula doon sa may pinaka-mababang kalagayan sa buhay, hanggang sa pinaka-mayaman at makapangyarihang tao. Maraming mayayaman ang gumagasta ng napakalaking salapi, at nagpupunta pa sa ibang mga bansa upang humanap ng lulunas sa kanilang karamdaman. Ang mga karamdaman nilang hindi nalulunasan ay kamatayan ang kinauuwian.
Kung paanong ang bawat pahina ng kasaysayan ay may katapusan, makikita natin na maging ang mga dakilang tao na nilalaman ng mga kasaysayan ay wala na rin. Magpapatuloy ang pagsulat ng mga aklat ng kasaysayan at bawat tao na magiging laman ng mga pahinang iyon ay papanaw din, at maging ang mga sumusulat ng mga aklat ng kasaysayan ay lilipas din.
Tayong lahat ay naniniwala na ang Dios ay mabuti. Subalit sa mga naulila ay nagkakaroon ng malaking katanungan ang kabutihan ng Dios. Ang nagiging pagkakamali ng mga taong ito ay hindi nila naaalala na ang tunay na kaaliwan ay matatagpuan nila sa Dios.
Nilikha ng Dios ang katawan natin na may kakayahang kumpunihin ang sarili sa mga maliit na pagkakasakit. Mayroon ding senyal ang ating katawan upang malaman natin kung ano ang dapat pangala-gaan. Lahat ng ito ay ikinamamangha ng mga nag-aaral ng medisina. Bago pa man nila nalaman ang mga bagay na iyon ay may higit ng humanga sa pagkakalikha sa atin: iyon ay si David. Sinabi niya sa kaniyang sulat: "Ako'y magpapasalamat sa iyo; sapagkat nilalang ako na kagilagilalas at kakilakilabot: kagilagilalas ang iyong mga gawa; at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa" (Awit 139:14).
Bagaman may ganoong abilidad ang ating katawan ay hindi maipaliwanag ng mga nasa larangan ng medisina kung paanong ang tao ay tumatanda, at sa kaniyang pagtanda ay kasunod ang kamatayan.
Bakit ba natin nararanasan ang pagtanda, pagkakaroon ng sakit, at ang kamatayan? Kailan ba ito nagsimula? Maiiwasan ba natin ito? Gaya ng paniniwala ng maraming Kristiyano, bago nagkasala ang tao ay wala itong kamatayan, wala din sa kaniya ang pagkakasakit, at pati na ang pagtanda. Naranasan lamang ng tao ang mga bagay na ito matapos na siya ay magkasala.
May ilang tao ang nagsasabi na kung hindi talaga plano ng Dios na mamatay ang tao, bakit pa Niya pinatubo ang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama, gayong nalalaman Niya na kapag kinain ito ng tao ay mamamatay siya? Ito ang katwiran ng mga tao na nais ibunton sa Dios ang sisi sa pagkakaroon nila ng kamatayan at pagnanasang takasan ang katotohanan na sila ang nagnasa nito.
Ang Dios kailan man ay hindi nagnasang mamatay ang tao. Sa katotohanan ito ay Kaniyang kalaban. Siya ang pinagmumulan ng buhay, ang kamatayan ang umagaw sa buhay na ipinagkakaloob ng Dios sa tao.
Inilagay ng Dios ang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama, upang ipakilalang mayroon siyang malayang kalooban na makapipili. Hindi nilikha ang tao na gaya ng isang robot na gagawin kung ano lamang ang nakalagay sa kaniyang isipan. . Kaya't ang hindi pagkain ng tao sa bunga ng punong ipinagbabawal ay pagsunod niya sa bilin ng Dios. Kung ikaw ay isang manlilikha, masisiyahan ka ba na ang nagmamahal sa iyo ay malamig ang pagmamahal at pagsunod?
Ang nagiging katwiran pa rin nila: "Kung ang Dios ay talagang makapangyarihan, bakit hindi Niya sinaway si Satanas ng tuksuhin si Eba?" Hindi ginawa ng Dios ang bagay na iyon dahil ang tao ay may malayang kalooban na gawin ang nais niya. Hindi iginuhit ng Dios sa palad ng tao na siya ay magkasala. Kaya't kung sinaway ng Dios si Satanas, lalabas na Siya pa ang may takot na ang tao ay magkasala. Nang pabayaan ng Dios ang diablo ay lumabas ang katotohanan kung hanggang saan ang pagsunod ng tao.
Kung sasabihin nila na ang tao ay nagkasala dahil ito'y itinadhana ng Dios, Siya pala ang dapat sisihin sa pagkapahamak ng tao. Ang Dios ay matuwid at kahit kailan ay hindi mangyayari na Siya ang gagawa ng ikapapahamak ng sinoman. Nang likhain ng Dios ang tao at ilagay sa gitna ng halaman ay Kaniya ng ibinabal: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: datapwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka" (Genesis 2:16-17).
Nang madaya ng ahas ang babae ay kumain siya at binigyan pati ang kaniyang asawa, at pagkain nila ng bunga ay "nadilat kapuwa ang kanilang mga mata" (Genesis 3:7a). Simula noon ay naranasa ng tao ang kamatayan, na ang dahilan ay pagsuway nila sa Dios. Inabuso nila ang kalayaang ibinigay sa kanila at ang naging kapalit ay ang ating kalagayan sa ngayon. Mali ang kanilang pagnanasang maging gaya ng Dios.
Sa ginawa nilang pagsuway ay nagkaroon sila ng kamalayan sa kasalanan. Ang larawan at kabanalan ng Dios ay nawala sa kanila, at ang kamalayan sa kasalanan ang siyang lumukob sa kanila.
Nagbigay pa rin ang Dios ng pagkakataon upang ang tao ay magmana ng buhay na walang hanggan at hindi mapahamak. Ginamit Niya ang bansang Israel upang maging ilawan sa lahat ng mga bansa. Hindi pinangalagaan ng Israel ang katotohanang nasa kanila, kaya't sila ay itinanggi ng Dios. Sa kahuli-hulihan ay Siya na mismo ang nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Jesus (Hebreo 1:1-3), at nakibahagi sa atin upang ituro ang daan ng kaligtasan. Maging Siya man ay tinanggihan ng maraming tao, ipinapako sa krus, at namatay, subalit nabuhay na muli. Bago Siya lumisan ay ipinagkatiwala Niya ang katotohanan sa ilang sumunod sa Kaniya; ito ay sa iglesia.
Naging matagupay ang pagpapalaganap ang pagpapalaganap ng katotohanan ng Panginoon at ito ay nagbunga ng marami, ang iglesia ng Dios na nakatayo sa malaking bato ay binaka ang buong mundo. Ang ebanghelyo ay naipakalat sa buong sanlibutan. Sinomang manampalataya sa sinasabi ng ebanghelyo ay may buhay na walang hanggan; at ang sinomang tumanggi dito ay kapahamakan ang patutunguhan. Kaya't ang tao ay walang maikakatwiran kung siya ay mapahamak, dahil ang kapahamakan at kaligtasan na ipinapangaral ng ebanghelyo ay malakas na isinisigaw sa mga lansangan at bubungan.
Kapag sinabing kamatayan, ang agad na pumapasok sa isip ng marami ay katapusan ng lahat ng bagay paa sa tao. Ito din ang panini-wala ng mga pilosopong Griego na hindi naniniwala sa Dios. Maging ang mga Saduceo ay hindi din naniniwala na pagkatapos ng kamatayan ay may magaganap pang pagkabuhay na muli sa mga mabubuti at masasama. Ang relihiyon ng Christian Science na itinatag ni Eddy Marry Baker ay nagsasabi na ang pagkakasakit at kamatayan ay hindi katotohanan kundi ilusyon lamang. Kaya't lumalabas na maging ang buhay natin sa mundong ito ay isang ilusyon. Ito ang paniniwalang kahit kailan ay hindi mapapatunayang katotohanan. Kaya't ang lahat ng mga tagasunod ng kultong relihiyon na ito ay pawang nagbubulagbulagan sa katotohanan ng buhay at kamatayan.
Maliwanag ang sinasabi sa atin ng Bibliya, "Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 3:23). "Kaya kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay nararanasan ng lahat ng tao, sapagkat ang lahat ay nangagkasala nga" (Roma 5:12).
Katotohanan na tayong lahat ay nagkakasala, at ang bawat nagkakasala ay nakakaranas ng kamatayan. Nasasabi nilang pagkatapos ng kamatayan ay wala ng magaganap pa, dahil ayaw nilang maniwala sa sinasabi ng Bibliya. Kahawig ito ng sinabi ni Abraham sa mayamang lalaki ng siya'y nasa hades ng pagdurusa. Ang nais ng lalaki ay isugo si Lazaro upang patunayang may kaparusahan sa impierno; sagot naman ni Abraham na narito na si Moises at ang mga propeta at sila ang magpapatotoo sa kanila. Ang sabing muli ng lalaki: "Hindi amang Abraham: datapwat ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi. At sinabi niya sa kaniya, kung si nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay" (Lucas 16:30-31). Kaya nga, dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at paniniwalang may impierno, kaya hindi sila naniniwalang pagkatapos ng kamatayan ay may magaganap pa.
Marami ang nagsasabing kamatayan ang katapusan ng lahat sa tao sa dahilang hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng buhay at kamatayan. Higit sa lahat ay hindi nila napaguunawa ang mga Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. Ano ba talaga ang kamatayan? Ang pagkaunawa ng mga Saksi, kapag ang tao'y namatay katapusan na daw ng kanilang pag-iral. Ang mga naging Saksi lamang ni Jehova ang bubuhaying muli ng Dios, at ang mga nabuhay na hindi naman masama. Ang walang pagkabuhay daw ay ang mga balakyot, sila'y mananatili lamang sa libingan. Ang paniniwala ng mga Saksi ay nagpapakita na sila'y nasa kadiliman sa pagkaunawa kung ano ang ibig sabihin ng kamatayan. Nais kong ipakita ngayon kung ano ang kaunawaang ipinapakita ng Bibliya.
1. Pisikal na Kamatayan. Ito ang kamatayan ng ating pisikal na katawan. Nangyayari ang kamatayang ito sa panahon na ang kaluluwa at espiritu ay lumisan na sa katawan. Ito ay isa din sa naging kabayaran ng ating kasalanan. Pagdating ng kamatayang pisikal, ang katawan ay bumabalik sa alabok ng lupa; ang kaluluwa naman ay napupunta sa isang pansamantalang lugar na nararapat sa kaniya.
Bagaman ang mga Kristiyano'y nakakaranas pa rin ng kamatayan, hindi ito nangangahulugan na sila ay may kasalanan pang pinagbaba-yaran. Lahat ng kanilang kasalanan ay pinagbayaran na ng Panginoon ng Siya'y mamatay sa krus. Nararanasan natin ang kamatayan bilang pinaka tulay tungo sa Panginoong Jesus. Kaya nga, kung wala tayo sa katawang ito ay naroon tayo sa Panginoon, nagiging tulay natin ang kamatayan upang makatawid tungo sa Kaniyang kaharian.
2. Espirituwal na Kamatayan. Nang araw na kainin ni Adan at Eba ang bungang ipinagbabawal ay naranasan nila ang espirituwal na kamatayan. Kung paanong ang pisikal na kamatayan ay paghihiwalay ng kaluluwa at katawan, ang espirituwal na kamatayan naman ay ang paghihiwalay ng tao at ng Dios. Ito ngayon ang kalagayan ng lahat mula sa pagkahulog.
Kung ano ang nakikita natin sa katawang patay na walang maga-gawang anoman, kahit na mabuti o masama: kahawig ito ng mga taong patay sa espiritu wala silang magagawang anoman na ikasasakdal nila sa harap ng Dios. Hindi nila ginagawa ang mamuhay ng may kabanalan para sa Dios; hindi din sila nabubuhay para sa kaluwalhatian ng Dios; at hindi din nila ninanasa ang maglingkod sa Dios. Dahil sa sila'y hiwalay sa Dios kaya't nabubuhay sila para sa kanilang sarili.
Ang kamatayang ito ay malubha at ang nagiging resulta nito ay lalong malubha sa panahong ang tao ay namatay sa pisikal ng hindi tumatanggap kay JesuCristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ang magiging kalagayan nila ang susunod na pagaaralan natin.
3. Ikalawang Kamatayan. Kung mayroong buhay na pansamantala mayroon ding buhay sa walang hanggan; kung mayroong materyal ay mayroong espirituwal. At kung may pisikal na buhay ay mayroon ding espirituwal na buhay. At kung mayroong unang kamatayan ay mayroon ding ikalawang kamatayan. Sumasang-ayon tayo na ang unang kamatayan ay ang pisikal na kamatayan, subalit ang Bibliya ay may binanggit pa na ikalawang kamatayan. Dito ay may paniniwala ang mga Saksi ni Jehova na iba sa ating paniniwala.
Sinasabi ng Bibliya na ang ikalawang kamatayan ay ang pagbubulid sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 14:10-11; 20:13-15). Kaya sinasabing ito ay ang kamatayang wala ng pagkabuhay na muli ay dahil ito ang walang hanggang pagkakahiwalay ng tao at ng Dios. Ang paksang ito ay bibigyan natin ng linaw sa mga susunod na kabanata. Sa pisikal at espirituwal na kamatayan ay mayroon pang pagkabuhay na muli; sa ikalawang kamatayan ay wala ng magiging pagkabuhay pa. Hindi na muli pang iaalay si Cristo para sa mga taong makakabilang dito, nangangahulugan sarado na ang kaligtasan sa kanila.
4. Kamatayan sa Kasalanan. Bawat tao na tumanggap kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ay pawang binago ng Dios ang kanilang buhay. Ang kanilang pamumuhay noong una na ayon sa sanlibutan, ay pamumuhay sa kasalanan (Galacia 5:16-17; Efeso 2:1-3).
Sa pamamagitan ng panibagong kapanganakan ay ginagawa silang mga bagong nilalang: buhay sa Dios at patay sa kasalanan. Sa araw na sila'y ipinanganak muli ay nangangahulugang sila'y namatay na sa kasalanan. Ang kasalanan na nagsilbing pader ang naging sanhi ng pagkakahiwalay ng Dios at ng tao, ay nabuwag sa pamamagitan ng krus ni Cristo. Kaya't ang ating kamatayan sa kasalanan ay nangangahulugan ng pagkakakawala natin sa pagkakabihag ng kasalanan. Sa gayon ay hindi na tayo alipin ng kasalanan. Ang ating kamatayan sa kasalanan ay nangangahulugan ng panunumbalik ng relasyon natin sa Dios.
Hindi nangangahulugan na ang taong namatay na sa kasalanan ay hindi na nagkakasala. May pagkakataon na ang Kristiyano ay mahuhulog sa kasalanan dahil sa kawalan ng pagiingat at pagsunod sa masamang pita ng laman. Magkagayon man, ang biyaya ng Dios ay hindi masasapawan ng mga kasalanan. Sa oras na siya ay magsisi, laging may nakahandang kapatawaran sa kaniya ang Dios.
Linawin natin ito: mapapansin natin na sa kamatayang espirituwa at kamatayan sa kasalanan ay parehong tumutukoy sa mga taong buhay pa sa pisikal. Kaya't ang salitang kamatayan ay hindi nangangahulugan ng hindi pag-iral. Ito ang isa sa sinasabi kong limitasyon ng doktrina ng mga Saksi, walang katotohanan na ang kamatayan ay hindi na pag-iral. Datapwat ang ipinapakita sa ating mga pinag-aralan, ang kamatayan ay nangangahulugan ng pagkakahiwalay.
Sa pisikal na kamatayan ay may pagkakahawig ang tao at hayop: pareho silang nawawalan ng hininga at pareho silang bumabalik sa alabok ng lupa. Ang pagkakaiba ng tao at hayop ay sa moral na obligasyon na ating ipagsusulit sa Dios. Ang hayop ay hindi mga moral na nilalang, kaya't wala silang obligasyon na pagbabayaran sa kanilang mga gawa. Pagkamatay nila ay wala ng magaganap pa dahil ang pagkabuhay na muli ay tanging inilaan ng Dios sa tao.
Ang kaibahan naman ng mga banal at makasalanan ay ang magaganap pagkatapos ng kamatayan. Sa mga banal ay wala ng magiging kahatulan dahil sila'y inilipat na sa buhay. Sa mga makasalanan ay itinakda na pagkatapos ng kamatayana ay daraan sila sa paghuhukom. Dahil sa pagdadaanang paghuhukom kaya't hindi nararapat ituring na ang kamatyan ng mga balakyot ay magiging gaya din ng hayop. Ang mga balakyot man ay may pananagutan sa Dios, kaya't kung sila'y mananatiling patay sa libingan, paano pa silang huhukuman ng Dios.
Wala sinasabi ang Bibliya na ang kamatayan ng mga balakyot ay ito na ang paghuhukom sa kanila. Sa katotohanan, ang mga hinuhukuman ay ang mga humaharap sa isang hukuman; kaya't kung ang mga balakyot ay hindi na umiiral ay hindi sila mahuhukuman. Ang tanging hinuhukuman ay ang mga taong humaharap sa hukuman. Kaya't ang paniniwalang ito ng mga Saksi ay maliwanag na pagsalungat sa sinasabi ng Bibliya. Hindi ba't maraming balakyot ang nabubuhay ng masahol pa sa hayop? Paano pa silang haharap sa hukuman ng Dios kung sila'y hindi na umiiral?
Katotohanan lamang na nabubuhay tayo sa sanlibutang ito sa pagpasan ng ating mga obligasyon. Ang obligasyong iyon ay laging nagbabadya ng pananagutan. Sa hindi pagtupad sa mga yaon ay laging may kapalit na paghatol. Ilan sa mga halimbawang ipinapakita ng Panginoon ay mababasa natin sa Mateo 24:45-51 at 25:14-30. Laging may katapat na kaparusahan na manggagaling sa sinasaklawan ng kapamahalaan ang ating obligasyon.
Maraming ulit na binabanggit ng Bibliya na ang kamatayan ay gaya ng pagtulog. Kapag ang tao ay nahiga upang matulog ay wala siyang nalalaman sa nangyayari sa paligid maging sa kaniyang sarili. Kahawig nito ang mga nangamatay na: wala silang nalalaman sa paligid dahil ang alaala ay wala na.
Ginamit ng Bibliya ang salitang pagtulog bilang pagkukumpara sa isang bagay kung ano ito sa katotohanan. Subalit hindi nangangahulugan na ang patay na katawan ay natutulog lamang sa libingan. Kung sasabihin naman na ang kaluluwa ang natutulog ay maraming talata sa Bibliya ang ating sasalungatin.
Sa katotohanan, ang pagtulog na binabanggit ng Bibliya ay hindi para sa kalagayan ng kaluluwa kundi sa katawan. Maliwanag ang mga bagay na ito na sinalita ng Panginoong Jesus: "Ang mga bagay na ito ay sinalita niya at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y paroroon upang gisingin ko siya sa pagtulog. Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling. Sinalitanga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay, datapwat sinapantaha nila na ang salita ay karaniwang pagtulog. Nang magkagayon nga ay sinabi ni Jesus ng malinaw, si Lazaro ay patay" (Juan 11:11-14). Ang natutulog na tao ay natutulog lamang, ito ay maliwanag sa mga alagad; subalit ang patay ay talagang patay. Ginamit ng Panginoon ang salitang "natutulog" kay Lazaro dahil ito'y Kaniyang bubuhayin.
Narito ang iba pang mga talata na nagpapakita na ang kamatayan ay gaya ng pagtulog: Daniel 12:2; I Hari 14:20,31; II Hari 15:7,22,38; Mateo 9:24; 27:52; Gawa 20:9; I Corinto 11:30. Ang pagtulog na binabanggit sa mga talatang ito ay hindi para sa kaluluwa kundi ito ay tumutukoy sa katawan.
Ipinapakita sa kasaysayan ni Lazaro at ng mayamang lalaki na sila ay parehong namatay. Ang kanilang katawan na mga walang malay ay inilagay sa libingan, subalit ang kanilang kaluluwa ay may kamalayan na nasa hades.
Pagkamatay ng tao ang katawan ay uuwi sa alabok, ano naman ang nangyayari sa kaluluwa? Gaya ng ipinapakita ng Bibliya ang kaluluwa ay patuloy na iiral pagkatapos ng kamatayan. Narito ang ilang talata na nagpapakitang patuloy na iiral ang kaluluwa pagkamatay ng katawan: Filipos 1:22-24; II Corinto 5:1-8. Dito ay mayroon pa tayong pag-aaral sa mga susunod na kabanata.
Hindi natin malalaman kung ano ang buhay sa ngayon kung walang kamatayan. Ngayon ay nalalaman natin, bagaman hindi lubusan, ang malalim na kahulugan ng buhay, dahil sa pagpasok ng pansamantalang kamatayan.
Kung bakit may kabuluhan ang buhay ng mga Kristiyano sa pansamantalang buhay na ito ay dahil na rin sa kamatayan. Kung wala ang banta ng kamatayan at kaparusahan, maaaring mawalan ng kabuluhan ang kamatayan at pagkabuhay muli ng Panginoong Jesus, pati na ang buhay ng mga Kristiyano.
Ang katotohanan ng kamatayan ang nakapagbigay ng tunay na lalim sa kahulugan ng buhay. Subalit ang kahulugan ay hindi natin masusumpungan dito: ito ay masusumpungan natin sa piling ng Panginoon. Ang tulay upang maagang mapasa Panginoon tayo ay ang kamatayan.
Lahat ng tao ay tutungo sa walang hanggan. Pagdating doon ay may dalawa silang kalalagyan: maaaring sa kaparusahan o sa buhay na kasama ang Dios.
Marami ang nagsasabi na ang kamatayan ng tao at hayop ay pareho lamang. Kung paanong sa pagkamatay ng hayop ay wala ng mangyayari, ay gayon din ang nangyayari sa tao. Wala na daw silang ipagsusulit sa Dios dahil binayaran na ng kanilang kamatayan ang kasalanan. Tutoo ang sinasabi ng Bibliya, subalit mali ang impresyong ibinibigay nila. Una, ang kamatayang tinutukoy sa Roma 6:23 ay espirituwal na kamatayan. Ito ang naging kabayaran ng nagawa nila: sila'y nahiwalay sa Dios. Pag-aralan pa natin ang isang talata na ginagamit nila.
Sa Ecclesiastes 3:19-20 ay ipinapakita na ang kamatayan ng tao at hayop ay magkahawig. Ang mapapansin natin, walang pahiwatig na pagkatapos ng kamatayan ay tapos na ang lahat sa tao.
Nalalaman natin na ang tao at hayop ay pawang sa alabok ng lupa kinuha. Kapag sila'y namatay parehong tumitigil ang hininga at bumabalik sa alabok ng lupa. Ang pisikal na pakiramdam nila ay nawawala at ang alaala ay nawawala na; ang pagka-kaiba lamang ay ang magaganap pagkatapos ng kamatayan.
Kaya't ang talata ng Ecclesiastes ay nagsasabi ng kamatayang pisikal ng tao. Ito ay maliwanag sa isipan ni Solomon na sumulat ng aklat na ito. Ipinakita din niya na hindi kamatayan ang katapusan ng lahat sa tao.
Sa talatang 16 at 17 ay ipinahayag niya na ang kasamaan ng tao ay may katapusan, dahil ang Dios ay naglaan ng isang araw upang hukuman at wakasan ang lahat ng mga masasamang gawa. Ito ang sinasabi ng talata: "At bukod dito ay aking nakita sa ilalim ng araw, sa dako ng kahatulan, na nandoon ang kasamaan. Sinabi ko sa puso ko, 'Hahatulan' ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagkat may panahon doon sa bawat gawa." Kung pagkamatay ng tao ay tapos na ang lahat, paano pa itong hahatulan ng Dios kung hindi na umiiral? Kaya't hindi matuwid sabihin na pagkatapos ng kamatayan ay tapos na ang lahat.
Dumaranas ng malaking paghihirap ang mga Kristiyano sa kamay ng mga hindi mananampalataya. Kung pagkatapos ng kamatayan ay tapos na ang lahat sa mga balakyot, aagawin nito ang kaligayan ng mga Kristiyano sa paglilingkod. Lalabas na ang kamatayan ay malaking pagpapala sa mga balakyot na nabubuhay sa pagrerebelde sa Dios.
Hindi masamang sabihin na ang kamatayan ng tao ay katulad ng hayop, huwag lamang daragdagan ito ng maling impresyon. Pagkatapos ng kamatayan, ang tao ay daraan pa sa paghuhukom. Huwag nating hayaan na ang mga masasama ay magkaroon pa ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, dahil sa pagaakalang wala silang pagbabayaran sa kanilang mga gawa.
Ang mga sumasalungat ay nagsasabi na ang pagkabuhay na muli ay para sa mga Kristiyano lamang at hindi para sa mga makasalanan. Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya.
"At marami sa mga nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak" (Daniel 12:2).
"At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapwat ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay" (Mateo 24:46).
"Na may pagasa sa Dios, na siya rin namang hinihintay nila, na magkakaroon ng pagkabuhay muli sa mga ganap at gayon din sa mga di ganap" (Gawa 24:15).
Maliwanag sa mga talata na ating ipinakita na ang pagkabuhay na muli ay hindi lamang matuwid kundi sa mga di-matuwid din naman. Isang mangangaral ng Saksi ang naka-usap ko, sinabi niya sa akin kung ano ang dahilan at bubuhayin ang mga makasalanan: upang sila daw ay turuan sa mga daan ng Dios at hindi parusahan. Ito ay mala-king pagsalungat sa mga salita ng Dios! Ang mababasa natin, bubuhayin ang mga makasalanan upang hatulan at dalhin sa walang hanggang kaparusahan. Walang sinasabing sila'y tuturuan ng daan ng Dios. Dagdag nilang katwiran: "Kung 50 taon na nabuhay ang tao, hindi naman yata mainam na sila'y paparusahan ng walang hanggan sa impierno." Ang masasabi natin ay ang nasusulat, sila'y tutungo sa walang hanggang kapahamakan, walang argumento na maaaring magamit kahit na 1,000 taon ka pang nabuhay, kung nabuhay ang tao ng malayo sa Dios ang tungo ay walang hanggang kaparusahan.
Nakakakilabot isipin ang bagay na ito: mabubuhay ka ng 70 taon at pagkamatay mo ay impierno ang patutunguhan mo! Isipin mo ang malaking kaibahan ng 70 taon sa walang hanggan? Yaong mga nagawa mo sa loob ng 70, ang kapalit ay walang hanggang pagdurusa. Kung gayon, ngayon pa lamang ay nararapat ng ipaglingkod ng tao ang kaniyang buhay sa Dios. Pagkatapos ng buhay sa mundong ito ang kasunod na ay ang walang hanggan. Saan natin ibubuhos ang ating walang hanggan? Kung tayo'y maglilingkod sa Dios ang ganting ibibigay ng Dios ay buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling; kung tayo naman ay mabubuhay na malayo sa Kaniya, ibubuhos natin ang walang hanggang sa lugar ng walang hanggang paghihirap at malayo sa Kaniya. Ngayon ang panahon upang kayo'y mamili.
Ang pangangaral ng walang pagkabuhay sa mga masama ay masusumpungan nating hindi turo ng mga apostol. Ito ay datihan ng turo ng mga pilosopong Griego na nagsasabing, "Magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo ay mangamamatay." Ito ang pilosopiyang tinuligsa ni Pablo sa kaniyang mga sulat, "Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopiya at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't-saling sabi ng tao at di ayon kay Cristo."
Nang mapunta si Pablo sa Atenas ay ipinangaral niya ang pagkabuhay na muli, ng marinig ito ng ilan ay nilibak siya. Kaya't ang pangangaral na walang pagkabuhay sa mga masasama ay hindi sa mga apostol, kundi sa mga taong hindi nakakaalam ng Kasulatan at kapangyarihan ng Dios.
Ang Panginoong Jesus na rin mismo ang nagsabi sa Kaniyang pangangaral na may pagkabuhay na muli: "Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagkat dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol" (Juan 5:28-29).
Sino ang dapat nating paniwalaan? Kung hindi sana natin mababasa ng maliwanag ang sinabi ng Panginoon ay maaari tayong maniwala sa kanila, subalit nakita natin na sila ang sumasalungat sa Bibliya, kaya't hindi natin matatanggap ang paliwanag nila.
Pagkatapos ng kamatayan ay may mga magaganap pa, kaya't hindi magiging pagpapala ang kamatayan sa mga makasalanan, bagkus ito ay magiging sumpa. Dios na rin ang nagsabi: "Mayroon baga akong kasayahan sa kamatayan ng masama? Sabi ng Panginoong Dios; at hindi baga mabuti na siya'y humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay (Ezekiel 18:23).
"Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng mga banal" (Awit 115:15), ang sabi ni David. Kung gayon, sa mga banal magiging pagpapala ang kamatayang pisikal. Una, ito ay mahalaga sa paningin ng Panginoon. Pangalawa ay ito, "At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y magpahinga sa kanilang mga gawa; sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila" (Apocalipsis 14:13). Pagkatapos ng kanilang kamatayan ay mayroon naman silang kapahingahan.
Dahil pagpapala sa mga mananampalataya ang kamatayan, dapat bang magalak ang mga Kristiyano sa kamatayan ng kapuwa nila Kristiyano? Natural na malungkot ang mga nabubuhay dahil sa alaala na sa kanila'y naiwan. Ito ay natural na bahagi ng tao. Ang kinakailangan sa mga nabubuhay ay kaaliwan.
Kung ang sinasabi natin tungkol sa imortalidad ng kaluluwa ay tutoo, ayon sa mga Christadelphians: "Bakit pinipilit pa nating mabuhay ang mga taong nasa bingit na ng kamatayan, gayong pagkamatay nila ay makakawala na sila sa kahirapan ng buhay? Hindi ba't magiging kalupitan na lamang kung pipilitin pa silang mabuhay dahil lalo silang mahihirapan?"
Hindi maiaalis ang katotohanan nang imortalidad ng pagnanasa nating iligtas ang mga nasa bingit ng kamatayan. Bawat isa ay tagapag-ingat ng kaniyang kapatid, walang sinoman ang nagwawasak ng mga bagay na kaniyang iniingatan. Kung ito ay hindi gagawin ng sinoman ito ay magiging pananagutan niya. Gaya ng hindi pagsagip sa buhay ng sinomang tao na kung may magagawa ka at hindi mo ginawa, ito ay pananagutan mo sa Dios at sa iyong budhi.
Naparito si Satanas upang mangwasak at pumatay; naparito naman ang Panginoong Jesus upang magligtas at magbigay buhay. Ibig bang sabihin ng mga Christadelphians ay kalupitan ang ginawa ng Panginoong Jesus kay Lazaro ng buhayin Niya ito sa mga patay? Pinagmalupitan ba ng Panginoon ang napakaraming tao na Kaniyang pinagaling sa mga karamdamang nakamamatay at mga patay na binuhay? Higit ba silang nakakaalam ng mabuting bagay kaysa Panginoon? Kung gayon ang paniniwala nila, bakit pa sila naglilingkod at tumatawag sa Panginoong Jesus na nagmalupit sa maraming tao?
Sila naman kaya ang lumagay sa kalagayan na gusto nilang gawin natin. Ano kaya ang gagawin nila kung makita nila na ang isang kapatiran nila ay magkaroon ng karamdamang ikamamatay subalit maaari pang gumaling kung maaagapan? Matutuwa kaya sila dahil ang taong iyon ay makakawala na sa kahirapan ng buhay? Ituturing din ba nilang kalupitan kung pipilitin nilang ito'y buhayin pa?
Masdan natin ang mga Sabadista. Dito sa maynila ay isa sila sa may mamahaling ospital. Karamihan ng ipinapasok doon ay mga makasalanan. Bagaman sila'y naniniwala na ang magiging paghihirap ng mga makasalanan sa impierno ay panandalian lang, dinurugtungan pa rin nilang pilit ang buhay ng mga makasalanang ito. Anoman ang dahilan nila, ang gawaing iyon ay nagpapahayag na mahalaga ang buhay sa mundong ito. Ang kahalagahang iyon ay hindi makikita ng tao maliban na siya'y manampalataya sa Dios. Ipinahayag ng Panginoong Jesus na kahit ang buong sanglibutan ay hindi kayang ibayad sa buhay ng isang kaluluwang mapapahamak (Mateo 16:26).
Bagaman ako'y hindi natatakot sa kamatayan subalit sa aking sarili ay nais ko pang mabuhay ng matagal. Kahit kailan ay hindi ko ituturing na kalupitan ang ako'y dugtungan pa ng buhay kung sakaling magkaroon ako ng karamdamang nakamamatay. Kaya't kung nagnanasang mabuhay pa ang Kristiyano, hindi dahilan upang sabihing siya'y natatakot mamatay. May ilan na akong nasaksihan na noong sila'y nasa banig ng karamdaman ay hindi sila nagkaroon ng pagkatakot na mamatay.
Karamihan sa mga nakikita kong takot mamatay ay ang mga taong walang Cristo sa kanilang buhay. Hindi para sa mga tunay na Kristiyano ang pagkatakot sa kamatayan, ito ay para lamang sa mga hindi mananampalatayang patungo ng impierno.
Ang kailangan sa mga Cristadelphians ay magbasa ng mga aklat ng kasaysayan ng unang iglesia. Makikita nila dito kung paanong hinarap ng mga Kristiyano ang kamatayan ng may katapangan. Hindi ko maituturing na takot sa kamatayan ang mga Kristiyanong patagong nananambahan sa Dios.
Sinang-ayunan din ng Panginoon ang kapamahalaan ng mga manggagamot, hindi gaya nila na halos tinutuya na ito. Sinabi ng Panginoon: "Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit." Dagdag pa ng Panginoon: "Datapwat magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagkat hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan" (Mateo 9:12-13).
Sa nagdaang kasaysayan ng pilosopiya isa sa mga naging kontrobersyal na na usapan ay ang tungkol sa kaluluwa. Marami sa mga pilosopong Griego ay naniniwala na ito ay namamatay pagkamatay ng katawan; ang ilan naman ay naniniwala na ito ay patuloy na iiral pagkatapos ng kamatayan.
Sa panahon na ang Panginoong Jesus ay may iba't-ibang sekta ng relihiyon na ang kinikilala ang mga Judyo. Ang popular sa mga ito ay ang mga Fariseo, Saduceo, at ang Essen. Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa pagkabuhay na muli kaya't hindi din sila na niniwala sa kaluluwang walang kamatayan. Ang mga Essen naman ay naniniwala na ang kaluluwa ay hindi namamatay kundi magpapatuloy maging pagkatapos ng kamatayan. Ang mga Fariseo ay may hawig na paniniwala gaya ng mga Essen.
Upang maunawaan ng mga mambabasa ang ating pinapaksa kailangang ibigay muna natin ang kahulugan ng ating pinag-aaralan.
Nang araw na ang tao'y may pakikiisa sa Dios, ang buhay na dumadaloy sa kaniya ay ang nanggagaling sa Dios sa pamamagitan ng puno ng buhay. Ang sumpa ng Dios sa tao sa araw na siya'y sumuway ay siya'y mamamatay, nangangahulugang siya'y mahihiwalay sa Dios. Nangyari ang salita ng Dios. Nang magkasala ang tao ay namatay siya sa espirituwal.
Bakit nangyari na siya'y patuloy pa ring nabubuhay, hindi ba't ang kamatayang sumpa ng Dios ay hindi lamang espirituwal kundi pisikal din naman? Katotohanan ito. Pagkaraan ng ilang panahon ay naranasan din ng tao ang kamatayang pisikal.
Naging dahilan pa rin ang kaluluwa sa kung bakit hindi agad namatay ang tao sa pisikal. Nang maputol ang buhay na galing sa Dios, ang buhay ngayon na dumadaloy sa tao ay nanggagaling sa kaluluwa. Subalit ang buhay na maibibigay sa katawan ay hindi buhay na walang hanggan. Hindi nito kayang papanatiliin ang buhay ng katawan ng habang panahon na gaya ng buhay na ibinibigay ng Dios.
Kaya't ang pansamantalang buhay na tinataglay ng mga hindi mananampalataya ay nanggagaling sa kaluluwa. Sa araw na sila'y manampalataya sa Dios, ibinabalik ng Panginoong Dios ang buhay na naiwala ni Adan sa halamanan ng Eden. Bagaman sila'y mamatay, pangako ng Dios na sila'y muling mabubuhay at makakasama sa walang hanggan.
Bago nagkasala ang tao ay taglay din ng katawan ang imortalidad, subalit ito'y naiwala dahil sa pagkakasala.
Ang kaluluwa na inilagay ng Dios ang siyang dahilan kung bakit may buhay ang katawan. Ipinapakita sa unang aklat ng mga Hari na noong namatay ang anak na lalaki ng babaing tinutuluyan ni Elias ay sinasabi na "walang hiningang naiwan sa kaniya" (17:17). Nangangahulugan na ang bata ay patay na.
Ipinapakita sa talatang 21, "At siya'y (si Elias) umunat sa bata na makaitlo, at dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito." Maliwanag sa mga panalangin ni Elias na ang paraan upang muling mabuhay ang bata ay kailangang magbalik ang kaluluwasa katawan. Ang katawan na walang kaluluwa ay patay.
Kaya't masasabi natin na ang kaluluwa ay mahalagang bahagi ng tao, na kung hiwalay sa katawan ay walang magiging buhay ang katawan. Upang magbalik ang buhay sa katawan ay kailangang naroroon ang kaluluwa. ito ay malinaw na ipinapakita sa kabanatang iyon, "At dinining ng Panginoon ang tinig ni Elias, at ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya, at siya'y muling nabuhay" (I Hari 17:22).
Ang ating pisikal na katawan ay panlabas na pagkatao. Pagkamatay ng tao, ang katawan ay muling bumabalik sa alabok ng lupa; ang kaluluwa naman ay lumalabas sa katawan. Nagsisilbing damit ng kaluluwa ang katawan at ito'y hinuhubad pagkatapos ng kamatayan. Doon lumalabas ang sinabi ni Pablo na "hubad na pagkatao".
Anoman ang nakikita natin sa panlabas na anyo ay nakikita natin ang kalikasan ng ugali na ang pinagmumulan ay kaluluwa: ang kaluluwa ay ang luklukan ng tunay na pagkatao.
Ipinakita ng Panginoong Jesus ang katotohanang ito sa pamamagitan ng Kaniyang parabula. Isang lalaki ang umani ng marami at halos wala ng mapaglagyan ang kaniyang mga ani. Pagkatapos ay kaniyang sinabi: "At sasabihin ko sa aking kaluluwa, marami ka ng pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, matuwa ka" (Lucas 12:19).
Sa talinghagang ito ay ipinahayag na ang natural na kalikasan ng mga hiwalay sa Dios ay pawang pansarili lamang. Ang may kontrol ng ating buong katawan ay ang kaluluwa. Hindi tayo magkakaroon ng kamalayan sa ating katawan kung hindi dahil sa kaluluwa. Ito ang gumagawa ng mga makasariling desisyon kung hindi napapailalim sa Espiritu.
Sabihin man ng marami na sila'y gumagawa ng kabutihan, sa likod ng mga yaon ay hindi maikakaila na naroon pa rin ang pansariling hangarin nila. Sila ang naluluwalhati sa mga hangaring iyon at hindi ang Dios. Ang isang karaniwang tao ay hindi nalalaman kung paanong sa Dios ibibigay ang kaluwalhatian.
Madalas nating nakikita sa mga parangal na ginagamit ng mga taong binigyan ng karangalan ang pangalan ng Dios. Nagpapasalamat daw sila dahil kung hindi sa tulong ng Panginoong Dios ay hindi nila makakamit ang gayong karangalan. Ang mga salitang ito ay hanggang sa mga labi lamang; sa kalooban ng kanilang mga puso ay iba ang isinisigaw. Sa kanilang mga pamumuhay ay makikita natin ang malayong paglakad nila sa daan ng Panginoong Dios. Anomang kakayahan mayroon ang katawang ito ay dahil sa kaluluwa. Ito ang nagiging dahilan ng ating pagkilos, pagkakaroon ng pandama. Sa pamamagitan ng katawan ay mayroon tayong kamalayan sa ating kapaligiran, subalit ang kapangyarihan ng kamalayang iyon ay walang iba kundi ang kaluluwa.
Kapag ang tao ay nagbago ng kaniyang daan: nagsisi sa kaniyang mga gawa at lumapit sa Dios, ang mga bagay na pansarili niyang hangarin ay nawawala at nauuwi lahat para sa Panginoon. Hindi siya nababawasan o nadaragdagan ng anoman kundi hinuhubog siya ng Dios sa bagong pagkatao. Ang lumang pagkatao ay lumilipas at siya'y nagiging bagong tao.
Ang kaluluwa pa rin ang siyang luklukan ng ating damdamin. Sa katawang patay ay wala tayong reaksiyon na makikita anoman ang ating gawin. Ang pagkagalit, katuwaan, pagkalungkot, at iba pang bagay na pang-emosyon ay nagmumula sa kaluluwa na ipinapakita ng katawan.
Wala tayong mababasa sa Bibliya na literal na nasusulat na "imortal na kaluluwa" o "kaluluwang walang kamatayan." Ang pagiging walang kamatayan ng kaluluwa ay suportado ng Bibliya. Sa kabaligtaran, wala din tayong mababasang salita na "mortal na kaluluwa" o "kaluluwang namamatay." Maliwanag sa mga kapahayagan ng Bibliya na ang kaluluwa ay patuloy na iiral pagkatapos ng kamatayan. Kaya't naniniwala tayo sa liwanang ng mga nasusulat na ito'y walang kamatayan.
Ang kahulugang ibinibigay natin sa mga salita kung minsan ay kakaiba sa kahulugang ibinibigay ng Bibliya. Kapag sinabing imortal, pumapasok agad sa isipan ng tao na ang ibig sabihin ay "walang kamatayan". Sa Biliya ay hindi ganito ang kahulugan. Ang kahulugan natin sa salitang mortal naman ay "may kamatayan", hindi din ito ang eksaktong kahulugan na ibinibigay ng Bibliya. Ano kung gayon ang ibig sabihin ng salitang mortal at imortal?
Sinasabi sa I Timoteo 1:17 na ang Panginoong Dios lamang ang imortal. Ayon kay W. E. Vines, ito ay nangangahulugang "walang kasiraan" (incorruptible); sa kabaligtaran, ang salitang mortal kung gayon ay "may kasiraan" (corruptible). It ang mga biblikal na kahulugan ng mga salita.
Walang pagaalinlangan ang ating paniniwala na ang tao ay mortal. Isang malaking katanungan naman kung sasabihin ng iba na ang tao ay imortal. Ayon sa sinabi ni Pablo, itong katawan nating may kasiraan (mortal) ay kailangang baguhin na maging walang kasiraan (immortal) (I Corinto 15:42). Kaya't hindi natin masasabi na tayo ay mga imortal dahil tayong lahat ay may kasiraan.
Ginamit ni Pablo ang salitang mortal at imortal patungkol sa ating mga katawan at hindi sa kaluluwa. Ang kailangan ng ating espiritu ay pagkabuhay na muli; ang kailangan naman ng kaluluwa ay kaligtasan (Santiago 1:21); ang kailangan naman ng ating katawan ay imortalidad. Ang ating katawan ay may kamatayan, may kasiraan/mortal, at hindi imortal. Ang ating kaluluwa ay walang kamatayan; hindi din siya mortal kundi higit pa dito: siya ay bulok (depraved), at hindi imortal.
Magkaroon na tayo ng kasiyahan sa paggamit ng mga terminong madaling maunawaan. Kung gagamit tayo ng malalalim na salita at hindi naman aangkop, kundi sasalungat pa sa mga kapahayagan ng Dios, mabuti pang limutin natin ang mga salitang iyon alang-alang sa katotohanan. Gaya na lamang ng salitang imortal, kung ang kaluluwa ay imortal nga, bakit pa tayo bibigyan ng kaloob na imortalidad? Ayon sa sinabi ni Pablo kung babasahin natin sa King James Version: "To them who by patient continuance in well doing seek for glory and honor and immortality, eternal life." (Romans 2:7). Kaya tayo bibigyan nito ay sa dahilang hindi pa tayo imortal.
Unti-unti na nating nauunawaan ang kalagayan ng ating kaluluwa, higit sa lahat ng interes na nais nating maunawaan kung ang kaluluwa ba ay may kamatayan o wala.
Wala sa layunin ng Dios na ang tao ay mamatay, sa pisikal o espirituwal man Ang kamatayan ay naranasan lamang ng tao pagkatapos na siya'y magkasala. Bago nangyari na siya'y nagkasala, ang kanilang buhay ay hindi matatapos sa halamanan ng Eden. Naging maliwanag lamang sa tao kung ano ang kamatayan dahil sa pagtigil ng daloy ng buhay sa pisikal na katawan.
Kung ang ating katawan ay may kamatayan, darating ang panahon sa pagbabangon sa mga patay ito ay magkakaroong muli ng bahagi sa imortalidad. Kapag ang katawan natin ay binuhay muli ang kaluluwa at espiritu ay babalik dito, at sa araw na iyon ay hindi na muling makakaranas ang ating katawan ng kamatayan. Hindi ito bubuhayin upang makaranas lamang muli ng kamatayan, kundi sa imortalidad na; sa mga balakyot naman ay hindi imortalidad kundi walang hanggang kapahamakan.
Patunay lamang na ang kamatayang nararanasan ng mga Kristiyano sa ngayon ay hindi pa natutubos ang katawang lupa nila. Ito ay naghihintay ng panahon para sa katubusan, at ang panahong iyon ay walang iba kundi ang unang pagkabuhay na muli sa mga patay (Roma 8:23).
Ang pisikal na kamatayan ay pagpasok sa isang panibagong kalagayan: sa mga banal ito ang magiging pagpasok sa kapahingahan; samantalang sa mga makasalanan ay ito ang pagpasok nila tungo sa kaparusahan.
Hindi para sa mga makasalanan ang buhay na kaloob ng Dios, ito ay para sa mga tumanggap lamang kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ang kapahamakan ng mga balakyot ay hindi ang pagkapuksa kundi ang kalagayan na nasa ilalim ng sumpa ng Dios.
Muli kong uulitin upang bigyang diin ito. Kung ang pisikal na kamatayan ay ang paghihiwalay ng kaluluwa at katawan; ang ikalawang kamatayan naman ay ang walang hanggang paghihiwalay ng tao at Dios, ang walang hanggang kaparusahan sa impierno.
Ang katawan ng tao na nilalang ng Dios ay binubuo ng mga laman, mga buto at dugo. Dahil sa pagsuway ay isinumpa siya ng Dios na sinasabi: "Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi" (Genesis 3:19). Napatunayan ng siyensa na ito ay tutoo, na ang bawat parte ng ating katawan ay alabok ng lupa ang pinagmula. Ang umuuwi sa alabok ng lupa ay ang katawan at hindi ang kaluluwa.
Ang kaluluwa at espiritu ay mga espirituwal na bahagi ng tao. Ang mga bagay na espirituwal ay hindi nakikita ng pisikal na mata, ang mga bagay na ito ayon kay Pablo ay walang hanggan (II Corinto 4:18). Paanong masasabing walang hanggan ang isang bagay kung ito ay nagtatapos sa isang panahon?
Ang katawan natin sa ngayon ay hindi pa imortal, magaganap lamang ito sa ikalawang pagbabalik ng Panginoong Jesus, ito ang katubusang hinihintay ng mga Kristiyano. Ang mga nangamatay ay bubuhayin Niya; ang mga nabubuhay naman ay aagawin Niya at silang lahat ay dadalhin sa Kaniyang kaharian. Sa araw na iyon ang katawan natin ay magiging gaya ng sa Panginoong Jesus ng Siya'y mabuhay na muli: isang katawang maluwalhati.
Ano ba ang mangyayari sa ating katawan sa araw na iyon? Ang sabi ni Pablo: "Sapagkat kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Datapwat pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan" (I Corinto 15:53-54). Mangyayari, sa araw ng pagbabalik ng Panginoon, ang katawan nating may kamatayan at kasiraan ay bibihisan ng walang kamatayan at walang kasiraan.
Hindi mawawala ang katawang ito sa pagkabuhay na muli. Hindi din ito aalisin ng Panginoon. At lalong hindi ibang katawan ang tataglayin natin. Ito pa ring katawang ito ang lalabas sa araw na iyon subalit hindi na sa ganitong kaayusan na may kamatayan at kasiraan, kundi sa maluwalhating katawan na walang kamatayan at walang kasiraan.
Sa pagkaalam ng katotohanan sa walang hanggan, mauunawaan natin kung gaano kahalaga ang ating buhay sa ngayon. Kung tayo ay seryoso sa paglilingkod sa Dios at may takot: bibigyang halaga natin ang maglingkod at mamuhay ng may kabanalan. Sa pagkaunawa nito lalong bibigat ang ating pasanin para sa mga kaluluwang wala pa sa iglesia ng Dios.
Ang katwiran ng mga makasalanan, "Huwag ka lamang gagawa ng masama sa iyong kapwa, mamuhay ka ng may katahimikan, sapat na iyon para pumasok ka sa kaharian ng langit." Ito ay maling paniniwala. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang tunay na obligasyon nila sa Dios.
Paanong masasabing sila'y namumuhay ng matahimik upang maligtas, kung ang kanilang mga labi ay puno ng mga panlalait mga bisyo, at kasalatan sa pamumuhay espirituwal. Hindi ito ang pagbabatayan ng Dios upang sabihing tayo'y may karapatang pumasok sa kaharian ng langit. Mayroong sariling pamantayan ang Dios at iyon ang nararapat sundin ng tao, kung nais talaga niyang maligtas.
Minsan ay nangangaral si Russell sa malaking karamihan na tinatanggihan ang katotohanang ito. Isang makasanlibutan ang tumayo at nangakong magbibigay ng malaking donasyon dahil sa maginhawang pakiramdam na walang kaparusahan. Noong si Robert Ingersoll ay sinasansala ang doktrina ng kaparusahang walang hangan, isang manginginom ang tumayo at nagsabing, "Papagtibayin mo iyan Bob, dahil ang karamihan sa aming magkakasama ay nakadepende sa iyo."
Ang mga taong nakatakda sa kaparusahan ay hindi ikinatutuwa ang makarinig ng tungkol dito. Gaya ang isang kriminal, hindi nito ikinatutuwang marinig ang sasabihing kahatulan ng hukom. Sa ngayon pa lamang ang bawat Kristiyano ay nagiging gaya na ng mga hukom. Ipinapangaral nila ang kaparusahang walang hanggan na mangyayari sa mga makasalanan sa araw na hindi sila magsisi. Kaya't ang mga tao sa sanglibutang ito ay may galit sa mga Kristiyano dahil naririnig nila ang kahatulang mangyayari sa kanila.
Sa kalooban ng bawat tao ay naroon ang pagnanasa sa walang hanggan. Maging ang mga makasalanan ay nagnanasa nito sapagkat ito ay inilagay ng Dios sa puso ng bawat tao. Gaya ng sinabi ni Solomon: "He made everything beautiful in it's time. He has also 'set' eternity in the hearts of men; yet they cannot fathom what God has done from the beginning to end" (Eccl. 3:11, NIV).
Maging sa kalooban ng mga hindi nakakaalam ng salita ng Dios ay naroon ang pagnanasa nilang maabot ang walang hanggan. Sa mga aklat na isinulat ng mga pilosopong Griego na gaya nina Socrates at Aristotle ay naroon ang walang hanggan. Sa mga awitin at tula ay napapaloob din ang walang hanggan. Bakit ganito ang pagnanasa ng tao? Dahil sa kanilang kalooban ay itinanim ng Dios ang pagnanasang makaabot sa walang hanggan.
Kakambal ng walang hanggan ay ang kasakdalan, at ito ay nadarama nila. Subalit ang pagtungo sa kasakdalan ay hindi maituturo ng anomang pilosopiya o sinomang karaniwang tao. Tanging ang Panginoong Jesus lamang ang kuwalipikadong tao upang makapagturo sa atin ng kasakdalan sa walang hanggan, dahil Siya'y nanggaling dito.
Ang mundong ito ay isang lugar na ginagamit ng Dios upang tayo ay sanayin tungo sa lalo pang ikabubuti. Tulad ng isang ginto, upang mapalabas ang kadalisayan ay kailangang dumaan sa apoy. Kaya't kung matututunan natin ang magtiis, maglingkod, at sumunod sa mga aral ng Panginoon at ng mga Apostol: mararating natin ang walang hanggan.
Ang mga taong hindi nagbigay pansin sa magiging kalalagayan nila sa darating na panahon, mararating din nila ang walang hanggan subalit hindi sila ilalagay ng Dios sa lugar ng kapahingahan at kasakdalan: kundi sa lugar ng kahirapan at walang hanggang pagdurusa. Kaya't kung ang kaluluwa ay may kamatayan, para sa ano pa ang pagnanasa nating maabot ang kaluwalhatian?
Mula sa Lumang Tipan ay ipinapakita ng mga manunulat ng Bibliya ang paniniwala sa patuloy na pag-iral ng tao pagkatapos ng kamatayan. Mas higit itong kinakatigan ng Bibliya kaysa paniniwala na ang tao'y titigil sa pag-iral pagkatapos ng kamatayan. Sa Bagong Tipan higit na naging malinaw ang katuruan ng patuloy na pag-iral pagkatapos ng kamatayan, lalo na sa mga katuruan ng Panginoong Jesus.
Sa isang pangangaral ay sinabi Niya: "Huwag kayong mangatakot sa nagsisipatay ng katawan, datapwat hindi nangakapapatay ng kaluluwa. Kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impierno" (Mateo 10:28). Maliwanag sa mga salitang ito na ang kaluluwa at katawan ay magkaiba. Kung mapatay man ang katawan ay hindi ang kaluluwa. Kung ang mga ito ay iisa hindi na sana pinag-iba ng Panginoon ang dalawang ito. Ikinakatwiran ng mga sumasalungat na ang salitang "makapupuksa" ay nangangahulugan daw ng hindi na pag-iral. Ang ginamit na salita dito sa wikang Griego ay apolesai, nangangahulugan ito ng kakilakilabot na kaparusahang mararanasan ng tao sa impierno.
Hindi pa lamang nararanasan ng mga sumasalungat ang sakit ng kaparusahan sa impierno kaya't ito'y hindi nila pinapansin. Sa araw na makita nila ang katotohanan dito, wala ng magiging pagkakataon sa tao upang magsisi pa.
Pagkatapos ng kamatayan ay nalalaman natin na ang katawang lupa ay babalik sa alabok ng lupa, ang magiging kalagayan naman ng kaluluwa ang siyang pinagtatalunan ng mga relihiyon. Hindi tayo aasa ng karunungan sa mga taong walang pagnanasa sa Dios, kundi sa puntong ito, ang karunungan ay hahanapin natin sa liwanag ng salita ng Dios.
Kung bakit ang iba ay naniniwala na ang tao'y hindi na iiral pagkatapos ng kamatayan ay dahil hindi sila naniniwalang may impierno. Samantalang ang iba sa Kristiyanismo ay naniniwala dahil sa pamamagitan nito isasakatuparan ng Dios ang Kaniyang kahatulan sa mga balakyot. Laging kaakbay ng paniniwala sa kaparusahang walang hanggan ang paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa.
Marami ang nagsasabi na ang imortalidad ay hindi itinuturo sa Lumang Tipan kaya't hindi ito mapaniwalaan ng marami. Sa mga nagtuturo ng Salita ng Dios, ang nalalaman kong kauna-unahang nagtuturo ng walang pagkabuhay na muli sa mga patay ay ang mga Saduceo. Ayon sa Panginoong Jesus ang dahilan ng hindi nila paniniwala ay ang kawalan nila ng kaalaman sa mga kasulatan at kapangyarihan ng Dios. Lalo pa nilang pinag-ibayo ang pagtanggi sa pagkabuhay na muli, sa pagsusumakit na maitatag ang sarili nilang paniniwala.
Ang malaking kontrobersya ay mababasa natin sa Mateo 22:23-33. Ang mga Fariseo ay naniniwala na sa pagkabuhay muli ng tao ay magiging gayon din kung ano siya bago mamatay: na ang tao'y binubuo pa rin ng laman at dugo, at kung ano ang buhay na naiwan niya ay muli niyang babalikan. Naniniwala sila na ang tao ay mangangailangan pa rin ng mga bagay na kinakailangan niya sa ngayon. Kung ano ang kalagayan nila bago sila mamatay, sa pagbabangon ay babalik sila sa kalagayang iyon. Kapag nakakabanggaan nila ang mga Saduceo ay umiiwas sila, hindi nila kayang sagutin ang mga argumentong iyon ng mga Saduceo.
Kung nagkakamali ang mga Saduceo sa kanilang paniniwala, ang mga Fariseo man nagkakamali din. Subalit ang ugat ng mga pagkakamali nilang iyon ay walang iba kundi ang kakulangan nila sa kaalaman sa salita at kapangyarihan ng Dios. Kaya't sa paningin ng mga tao, ang mga Fariseo ay tila baga higit na malapit sa Dios; ang mga Escriba naman ay mga matatalinong tao.
Ginamit din nila sa Panginoong Jesus ang pinaka-matalas nilang argumento na hindi masagot ng mga Fariseo, na ang intensyon nila ay hiyain ang Panginoon. Sa halip, sila ang napahiya dahil ipinakita ng Panginoon ang mga kakulangan nila sa pagkaunawa sa mga Salita at kapangyarihan ng Dios.
Nakuha naman ng mga Saduceo ang mga paniniwalang ito sa pilosopiya ng mga Griego. Hindi ikinakaila ng mga Hebreo na sila'y naimpluwensiyahan ng mga Griego sa maraming kaparaanan, lalo na sa literatura. Kaya't ang hindi paniniwala sa pagkabuhay na muli ay isa sa mga impluwensiya ng mga Griego sa mga Judyo. Para sa mga Griego, "Magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo'y mangamamatay."
Kaya't nang mapuna ni Pablo ang kanilang sinasamba at maipangaral sa kanila ang pangalan ng Panginoong Jesus, ang paghuhukom, at ang pagkabuhay na muli, nilibak siya at pinagtawanan ng marami. Kaya nga, sa kamatayan ay laging kasunod ang kaparusahan o kapahingahan.
Kung ang kaluluwa daw ay walang kamatayan, paano pang magiging makabuluhan ang kamatayan ng Panginoong Jesus? Maliwanag ang sina-sabi ng Bibliya na Siya'y namatay at muling nabuhay, paano pa Siyang muling mabubuhay kung nananatili Siyang buhay? Mahusay ang katanungang ito, at sa pagsagot sa dito ay lalabas pa ang isang mainam na kaunawaan.
Hindi inaalis ng paniniwala natin ang katotohanan ng kamatayan. Maging malinaw din sa mga mambabasa na ang kamatayang pisikal ay pagtigil ng buhay: nangyayari ang bagay na ito sa ating katawan. Sa araw na ang tao'y mamatay, tumitigil ang kaniyang paghinga, pagkilos, at paggawa ng bawat parte ng ating katawan. Ang dugo ay titigil na rin sa pag-ikot sa buong katawan, at ang katawan natin ay hindi na maglalabas pa ng natural na init.
Maliwanag ang katotohanan sa atin ng kamatayan at kailan ma'y hindi natin ito pinasisinungalingan. Namatay ang katawan ng Panginoong Jesus bilang pantubos sa atin at handog Niya sa Dios. Naranasan din Niya ang espirituwal na kamatayan, dahil Siya na walang sala ay naging makasalanan dahil sa atin. Kaya't noong Siya'y nasa krus at sumigaw ng "Ama ko, bakit mo ako pinabayaan!" Nangangahulugan ito na Siya'y nahiwalay sa Dios: iyon ang espirituwal na kamatayan. Namatay din ang Kaniyang katawan dahil dito'y lumisan ang kaluluwa at espiritu.
Narito ang isang patunay na ang mga tao sa Lumang Tipan ay naniniwala sa patuloy na pag-iral ng tao pagkatapos ng kamatayan. Tungkol sa kamatayan ng Panginoong Jesus na hinulaan ni David: "Sapagkat hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa hades, ni titiisin man ang iyong banal ay makakita ng kabulukan" (Gawa 2:27). Ang kaluluwa ng Panginoong Jesus ay nagpunta ng hades subalit ang Kaniyang katawan ay nasa libingan lamang.
Pagkaraan ng ikatlong araw ang kaluluwa at espiritu ay muling bumalik sa katawan, at ang katawan ay muling nagkaroon ng buhay. Sa pagkabuhay na muli, ang katawan ay hindi na magiging gaya ng dati na may kamatayan at kabulukan; kundi wala na itong kamatayan, wala ng kabulukan, at wala ng kasiraan. Kung ano ang naging katawan ng Panginoong Jesus noong Siya'y nabuhay na muli ay magiging gayon tayo.
Kung paanong ang kamatayan ay naranasan ng Panginoong Jesus sa Kaniyang katawan; ang pagkabuhay na muli ay para din sa katawan. Ang katawan natin ay hindi pa ang kaluluwa kaya't hindi ito imortal, subalit sa pagkabuhay na muli ito ay hindi na ito makakaranas pa ng kamatayang pisikal.
Noong likhain ng Dios ang tao ay nilikha itong walang kamatayan. Ito ay isang magandang katunayan ng imortalidad. Maliwanag ang sinasabi ng mga Kasulatan na pumasok lamang ang kamatayan ng magkasala ang tao. Kaya't ang imortal ay naging mortal dahil sa kasalanan.
Sinasabi pa ng Bibliya na nilikha ng Dios ang tao ayon sa Kaniyang larawan. Ang larawang ito ay tumutukoy sa mga bagay na ibinahagi ng Dios sa tao: gaya ng kaisipan, damdamin, buhay, pati na ang imortalidad.
Ibinilin ng Dios na ang lahat ng bungang kahoy sa halamanan ay kanilang makakain maliban sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Nang dumating ang pagtukso ay sinuway ng tao ang bilin ng Dios, dahil dito ang naging kabayaran ng kanilang pagsalansang ay kamatayan. Ang buhay ng katawan ay nagkaroon ng limitasyon subalit hindi ang kaluluwa.
Kung ang kaluluwa ay may kamatayan, sinabi sana ng Bibliya na ang tao'y nawala na ang ayon sa pagkakalikha nito sa wangis ng Dios. Maliwanag ang sinasabi ng Bibliya na ang larawang iyon ay nananatili pa rin sa atin (I Corinto 11:7). Hindi nangangahulugan na sa larawan ay kahawig tayo ng Dios; kundi ito'y tumutukoy sa mga bagay na ibinahagi ng Dios sa tao, isa na dito ang walang hanggan.
Ito ang patotoo kay Enoc sa Bagong Tipan: "Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan: at hindi siya nasumpungan, sapagkat siya'y inilipat ng Dios: sapagkat bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y naging kalugud-lugud sa Dios" (Hebreo 11:5). Maliwanag ang sinabi ng talata na hindi nakita ni Enoc ang kamatayan; kaya't imposibleng sabihin na siya'y patay na ngayon.
Ito ang mababasa natin sa Lumang Tipan tungkol kay Enoc: "At ang lahat ng naging araw ni Enoc ay tatlong daan at anim na pu't limang taon: at lumakad si Enoc na kasama ang Dios: at di siya nasumpungan sapagkat kinuha ng Dios" (Genesis 5:23-24).
Mapapansin natin na nagsimula ang paglakad ni Enoc na kasama ang Dios pagkatapos na maipanganak si Matusalem sa ika-300 taon ng kaniyang buhay. Naniniwala ako na bago pa man ipanganak si Matusalem ay may kapahayagan na siyang tinanggap sa Dios. Nahulaan niyang gugunawin ang mundo.
Nang ipanganak ang kaniyang anak ay binigyan niya ito ng pangalang Matusalem na ang ibig sabihin ay "darating pagkatapos niya." Pagkamatay ni Matusalem ay naghintay pa ng may 100 taon ang Dios upang bigyang panahon ang tao na magsisi. Ang mahabang panahon na Kaniyang ibinigay ay hindi sinamantala ng tao, kaya't itinuloy ng Dios ang plano Niyang paggunaw sa mundo sa pamamagitan ng malaking baha.
Mula ng maipanganak si Matusalem ay naging maningas ang pamumuhay ni Enoc sa kabanalan. Nalugod ang Dios sa kaniya, kaya't bilang ganti, hindi niya naranasan ang kamatayan. Ang kaniyang pamumuhay sa kabanalan ay hindi lamang sa isip, salita, kundi sa lahat ng parte ng kaniyang buhay. Kaya't ang Dios ay nagpakahayag sa kaniya ng lubusan. Habang nakikilala ni Enoc ang Dios ay nagpapakahayag din naman sa kaniya ang Dios.
Sa panahong iyon ay bigla na lamang siyang nawala at di masumpungan. Ang kamatayan ay hindi napapaloob dito at walang kinalaman. sa anong dahilan at siya'y kinuha ng Dios? Upang maipagpatuloy niya ang paglakad na iyon sa walang hanggan na kapiling ang Dios.
Inilipat ng Dios si Enoc upang hindi niya makita ang kamatayan. Nang siya ay kinuha at alisin sa gitna ng mga buhay: sinabi ni Herbert W. Armstrong na siya ay pinatay din ng Dios. Gaya daw ng ginawa kay Moises, ito'y kinuha at pagkatapos ay inilibing ng Dios ng walang sinomang nakakaalam; ang pinaglibingan kay Enoc ay wala ding nakakaalam. Tingnan natin ang kaibahan nito kay Moises.
1. Ipinahayag sa kaniya ang magiging pagkamatay niya.
2. Nalalaman ng buong Israel na sa pag-akyat niya sa bundok ng Horeb ay mamamatay na siya.
3. Pagkamatay niya ay may kapahayagan na inilibing ang katawan niya.
4. May lugar na pinaglibingan sa kaniya subalit walang nakakaalam.
2. Wala sa isip ng Dios na siya'y mamatay at walang sinoman ang nakakaalam na kapag siya'y kinuha ay mamamatay siya.
3. Nang siya ay kinuha ng Dios ay biglaan at walang taong nakakaalam. Nang siya'y kinuha ay hindi na niya nasumpungan ang kamatayan. Walang sinasabi ang Bibliya na lugar na inilibing ang kaniyang katawan.
4. Walang sinasabi ang Bibliya na lugar na pinaglibingan kay Enoc.
Hindi sa ganoon natapos ang argumento ni Armstrong. Para sa kaniyang, ang salitang "inilipat" o translated ay nangangahulugan daw ng kamatayan. Ginamit niya ang Gawa 7:16 bilang pagkukumpara sa Hebreo 11:5. Suriin nating mabuti ang binanggit niyang talata.
Ang nasusulat sa aklat ng Gawa ay salaysay ni Esteban tungkol sa pagpasok ni Jacob at ng buo niyang pamilya sa lupain ng Egipto. Sa Egipto ay namatay si Jose. Ibinilin niya sa kaniyang mga kapatid na sa paglisan nila sa Egipto ay iaalis din nila ang buto niya. Kaya't nang lisanin ng buong angkan ng Israel ang Egipto ay dala ni Moises ang buto ni Jose. Kaya't ang mapapansin natin ginamit ang salitang 'inilipat' sa talatang ito, subalit ang inilipat ay buto at hindi taong nabubuhay na namatay sa paglipat. Samantalang si Enoc ay buhay ng ilipat ng Dios, upang huwag niyang makita ang kamatayan.
Dagdag pa sa kaniyang mga argumento at ito'y nakita kong mapanganib at salungat sa mga nauna niyang ipinahayag. Kung paanong si Enoc ay ika-pitong lahi mula kay Adan sa lahi ni Set; si Lamec ay gayon din, subalit sa lahi ni Cain. Maaaring sila ay sabay na nabuhay sa panahong iyon.
Isang araw ay may pagmamalaking sinabi ni Lamec sa kaniyang mga asawa: "Ada at Zilla pakinggan ninyo ang aking tinig: kayong mga asawa ni Lamec ay makinig ng aking salaysay: sapagkay pumatay akong isang tao, dahil ako'y sinugatan, at ng isang binata dahil ako'y hinampas" (Genesis 4:23).
Sino ang binatang iyon na pinatay ni Lamec? Ang sagot ni Armstrong: "si Enoc!" Paano niyang nasabi na iyon ay si Enoc? Ayon pa rin kay Armstrong, ang gulang 365 taon ay napakabata pa para kay Enoc sa panahong iyon. Kaya't kung ikukumpara ang gulang na ito ni Enoc ay siya daw ang pinatay ni Lamec.
Ito ay mababaw na batayan ng kaniyang paniniwala. Kung titingnan natin ang mga salita ni Lamec, hindi maaaring gawin ni Enoc ang mga gayong bagay. Maaari bang gawin ni Enoc ang manugat at manghampas ng ibang tao ng mayroon o walang dahilan? na naging dahilan din ng kaniyang maagang pagkamatay. Pumatay si Lamec dahil siya'y hinampas at sinugatan at ito'y hindi magagawa ng taong maka-Dios.
Walang sinomang nakakakilala sa Dios ang nagiging marahas pa kay sa masamang lahi. Lalong hindi mangyayari na ang isang maka-Dios ay manakit ng walang dahilan, kahit na may dahilan ay hindi ginagawa ng mga propeta ng Dios ang lumaban. Kaya't imposibleng sabihin na si Enoc ang pinatay ni Lamec. Kaya't maitatanong natin kay Armstrong, sino ang talagang pumatay kay Enoc: ang Dios o si Lamec?
Upang ipakita ang lahat ng mga naging araw nang paglakad ng isang tao sa Lumang Tipan, laging ginagamit ang salitang "siya'y namatay" upang ipakita ang kabuuan ng kaniyang mga taon. Sa Genesis kapitulo 5 sa mga talatang 5,14,17, at 20, ay mababasa natin ang salitang "siya'y namatay". Pagdating sa talatang 23 ay walang sinabi na si Enoc ay namatay. Nangangahulugan na pagdating sa kaniya ay may naging pagbabago sa normal na pangyayari na iba sa mga tao. Makaraan ang kaniyang kapanahunan ay muling mababasa natin ang normal na nagiging kalagayan ng lahat. Tanging sa aklat ni Herbert W. Armstrong na pinamagatang Where are Enoc and Elijah nadagdag ang salitang "and he died." Idinagdag niya ang salitang iyon dahil sa lubusan niyang pagtang-gi sa imortalidad na naranasan ni Enoc at Elias, at sa katotohanan na ang tao'y patuloy na iiral pagkatapos ng kamatayan. Kung aaminin niyang si Enoc ay buhay pa rin hanggang ngayon, katotohanan nga na ang kaluluwa ay hindi namamatay. Mayroon ba namang tao ang maaaring mabuhay ng anim na libong taon na hindi pa rin namamatay? Subalit si Enoc ay nariyan. Kung hindi sana natin nabasa sa Bibliya ang mga patotoo tungkol sa kaniya ay hindi tayo maniniwala sa imortalidad. Sa pamamagitan ni Enoc ay kumpirmado na ang ating pagkaunawa sa Banal na Kasulatan ay tama. Kung hindi nila tatanggapin ang patotoo tungkol kay Enoc, ang patotoo mismo ng Dios sa kasaysayan ay hindi nila tinatanggap. Higit ba silang marunong kaysa Dios?
Kaya't ngayon ay may tatlong pagpipilian si Armstrong: si Enoc ba ay namatay dahil natapos na ang kaniyang kapanahunan, o siya ba'y pinatay ni Lamec, o Dios ang pumatay sa kaniya?
Kung si Enoc ay nabubuhay, nasaan kaya siya ngayon? Iisa ang kasagutang maibibigay natin, siya ay nasa langit ngayon at nagpapa-tuloy sa kaniyang paglakad kasama ang Dios.
Ang talatang iyon ay nagpapatotoo ng kawalang kamatayan ng kaluluwa. Upang papagtibayin ng Dios ang katotohanang ito, si Elias ay kinuha din ng Dios upang huwag makaranas ng kamatayang pisikal. Pinaniniwalaan nilang ito'y namatay na rin, bagaman walang sinasabi ang Bibliya.
Maliwanag ang nasusulat sa Bibliya: "...si Elias ay umakyat sa langit" (II Hari 2:11). Para sa kanila ang langit na ito ay hindi pa ang langit na kinaluluklukan ng Dios kundi kalawakan lamang. Hindi natin masasabing gayon dahil hindi naman malinaw na kalawakan ang nasusulat sa Bibliya. Kung ipapabasa mo ito sa isang karaniwang tao, unang-unang sasabihin sa iyo na ito ay ang kaharian ng langit.
Iisang talata ang ginagamit nila upang sabihing si Enoc at Elias ay hindi pa nakakarating sa langit na luklukan ng Dios. Ito ay ang Juan 3:13 na kung saan sinabi ng Panginoong Jesus: "At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, samakatwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit (Juan 3:13). Ipinapakita daw sa talatang ito na wala pang tao ang nakakaakyat sa langit. Pag-aralan nating mabuti.
Kapag babasahin natin ang kabuuan ng mga sinasabi ni Cristo mula sa talatang 11 at 12, ang sinasalita Niya ay mga espirituwal na bagay. Walang sinoman ang makapagsasabi ng mga bagay na yaon malibang siya'y nanggaling sa langit. Hindi ito nagsasabing walang pang taong nakakaakyat sa langit, dahil kung magkagayon ay sasalungat ito sa iba pang talata; maging sa salita mismo ng Panginoong Jesus.
Walang sinoman ang kuwalipikado maliban sa Panginoong Jesus ang makapagsabi ng mga bagay patungkol sa kaharian ng langit, dahil hindi sila nanggaling doon. Tanging ang salita ng Panginoong Jesus ang mapanghahawakan natin dahil Siya'y nanggaling sa langit.
Sa aklat na Alleged Discrepancies of the Bible na isinulat ni John W. Haley: nangangahulugan daw sa talatang ito na wala pang taong nasa langit ang naitaas o tumanggap ng karangalang gaya ng Panginoong Jesus. Ito ay sumasang-ayon pa rin sa kabuuan ng Bibliya.
Salamat na lamang dahil sa ngayon ay nagbago na ang pananaw ng Worldwide Church og God na itinayo ni Armstrong. Iniwan na nila ang unang pananampalataya at ngayon ay umanib sa ebnghelikong pananampalataya. Malapit na sila sa katotohanan, subalit hindi pa sa buong katotohanan.
Kung paanong sa Lumang Tipan ay ipinapakita ang katotohanan ng imortalidad, higit itong naging malinaw sa Bagong Tipan, lalo na sa mga katuruan ng Panginoong Jesus.
Sa pagpapatuloy ng pag-uusap ng Panginoong Jesus at ng mga Escriba ay ganito ang sinabi Niya: "Ngunit tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y lubhang nangagkakamali" (Marcos 12:26-27). Kung nauunawaan lamang ng mga sumasalungat ang talatang ito, hindi na sana sila naiba sa paniniwala natin.
Ang ating mga ama sa pananampalataya na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay may 400 taon ng patay sa pisikal ng kausapin ng Panginoong Dios si Moises sa mababang punong kahoy na nagliliyab (Exodo 3:6). Ginamit ng Panginoong Jesus ang talatang ito upang ipakita sa mga hindi naniniwala sa pagkabuhay na muli at ang katotohanan ng imortalidad. Positibo ang ibinigay niyang kasagutan na kinuha sa Exodo 3:6 bilang pagpapakita sa mga Saduceo sa kanilang kamangmangan sa pinanghahawakang Kasulatan.
Inari ng Panginoong Dios ang mga taong ito na matagal ng patay na Siya ang Dios nila. Subalit maliwanag ang sinabi Niya na hindi Siya Dios ng mga patay. Kung sa panahong iyon na nakikipag-usap ang Panginoong Dios kay Moises ay nananatiling patay si Abraham, Isaac, at Jacob, hindi na sana inari ng Dios ang mga taong ito na matagal ng mga patay na Siya ang Dios nila.
Nangangahulugan na ang paglakad at pakikiisa ni Abraham, Isaac, at Jacob sa Dios ay hindi natapos sa kamatayan. Kung paanong si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan at sa ngayon ay patuloy na lumalakad kasama ang Dios; si Abraham bagaman namatay na sa pisikal ay inari pa rin ng Dios na Kaniyang lingkod. Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kaya't ang ating mga ama sa pananampalataya ay mga buhay pa rin hanggang ngayon. Katotohanang pagkakatapos ng kamatayan ay patuloy pa ring iiral ang tao.
Ano ang ating maiisip sa ngayon? Kung nangamatay na ang mga taong ito ay sa pisikal lamang. Subalit ang tunay na pagkatao na tumatahan sa laman ay hindi namamatay. Kaya nga, ang Dios na ating pinaglilingkuran ay Dios pa rin ng ating mga magulang sa pananampalataya; Dios pa rin Siya ng mga propeta at apostol; at Dios pa rin Siya ng mga Kristiyanong nagbuwis ng buhay dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.
Kung ang Dios ay Dios lamang ng mga nabubuhay sa pisikal, pagkatapos ng kamatayan ay hindi na Siya ang Dios natin. Subalit ito ay hindi katotohanan. Nabubuhay tayo bilang mga lingkod ng Dios; hanggang sa mamatay tayo ay pawang mga lingkod pa rin tayo ng Dios, dahil ang ating buhay ay hindi nagtatapos sa mundong ito.
Sa mga argumentong ito na ating nailahad walang pagaalinlangan na ang kaluluwa ay walang kamatayan. Patuloy itong mabubuhay kahit wala sa katawang pisikal. Patunayan nilang mali ang ating mga paliwanag, at ilabas nila ngayon ang inaakala nilang tama. Kung tama ang kanilang mga sinasabi hindi na sana lalabas ang munting aklat na ito.
Nasumpungan ko na ang maraming relihiyon ng Kristiyanismo ay naniniwala sa Impierno, subalit sa salitang impierno mismo ay may iba't-ibang paniniwala ang mga relihiyon ng Kristiyanismo.
Nais kong ipagpauna na kapag sinabi kong impierno ay tumutukoy ako sa darating na "kaparusahang walang hanggan". Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na may impierno, kaya lang para sa kanila ito ay hindi lugar ng kaparusahan kundi libingan lamang. Ayon sa sinasabi ng Bibliya, ito ay isang lugar na kung saan mararanasan ng mga makasalanan ang kaparusahan dahil sa hindi nila pagtanggap at pagsunod kay Jesus.
Ang kalagayan sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay na muli ay tinatawag na "panggitnang kalagayan". Ang katawan ay nauuwi sa lupa, at ang espiritu ay bumabalik sa Dios na nagbigay sa kaniya (Ecclesiastes 12:7). May nagsasabi na ang kaluluwa ay dumadako sa isang lugar na nararapat sa kaniya; ang iba ay naniniwala na ito ay nananatili sa libingan kasama ng katawan na natutulog. Kaya nga, sa panggitnang kalagayan ay nagkakaroon ng pagkakabahagi ang maraming relihiyon ng Kristiyanismo.
Para sa Apostolikong pananampalataya, ang kaluluwa ng mga Kristiyano ay nagtutungo agad sa ikatlong langit pagkamatay nila. Kaunti lamang ang impormasyong ibibigay natin sa nagiging kalagayan ng mga banal, dahil ang pahina ng aklat na ito ay nakalaan sa paglalahad ng katotohanan sa kaparusahan
Kung ang mga banal ay nagtutungo sa langit kasama ng Dios; ang mga makasalanan naman ay nagtutungo sa isang dako ng parusahan pagkamatay nila. Ang lugar ng parusahang iyon ay hindi pa ang impierno, kundi isang lugar lamang na kung saan pansamantalang mararanasan ng tao ang kaparusahan.
May tatlong salita sa wikang Griego na isinaling impierno: una ay ang "hades", ikalawa ay ang "tartarus", at ikatlo ay "gehenna". Ang mga salitang ito ay pagaaralan natin at ipapakita ang katotohanan.
Ang lugar na tinutukoy natin na nakalaan para sa mga makasalanan pagkamatay nila na lugar para sa pansamantalang kaparusahan ay walang iba kundi ang hades.
Maraming teologo ang nagkakaisa ng paniniwala na hindi ito dapat isalin na hukay, libingan, o impierno man. Bunga ng pangangailangan ito ay isinalin na rin sa mga gayong salita. Sa salin ng New International Version, bagaman ito'y isinaling "grave" ngunit sa talababa ay nakasulat ang orihinal na wika.
Sa New World Translation ay mapapansin natin na ang mga salitang ito ay hindi isinalin ng mga tagapag-salin nila. Pinanatili nila ang salitang sheol sa Lumang Tipan, at hades sa Bagong Tipan. Hindi nila ginalaw ang mga salitang ito dahil maaaring may kombiksyon pa sa kanilang puso na mali ang aral nila.
Maraming mangangaral ng mga Saksi ang nakausap ko tungkol dito at hinihingan ko ng paliwanag. Nakakalungkot dahil wala silang maibigay na dahilan kung bakit nananatili ang mga salitang ito at hindi isinalin sa inaakala nilang tama.
Gaya natin, naniniwala din ang mga Saksi na ang sheol ay isang "lugar na hindi nakikita ng ating pisikal na mata." Dito inilalagay ang mga kaluluwang wala sa pisikal na katawan. Kaya't nangangahulugan na ang sheol ay isang lugar na hindi nakikita para sa mga kaluluwang wala sa pisikal na katawan. Kaya't kung sabihin mang ito'y isang libingan, ito ay isang libingan para sa mga kaluluwang wala sa katawan. Hindi ito libingan para sa katawan na gaya ng nais ilarawan ng mga Saksi ni Jehova
Sa mga sumusunod na pagaaral ay gagamitin natin ang hades o sheol sa mga pangungusap. Kung gamitin ko man ito ng salit-salitan ay hindi nangangahulugan na ang pangungusap na iyon ay para sa sheol o hades lamang, kundi tumutukoy ako sa iisang kalagayan, dahil ang sheol ay may kahulugan na gaya ng hades.
Ginamit ang sheol sa Lumang Tipan na ang katumbas na salita sa Bagong Tipan ay hades. Narito ang katunayan: "Sapagkat hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa 'sheol'; ni titiisin mo man ang iyong banal ay makakita ng kabulukan" (Awit 16:10).
Sa Bagong Tipan ay kinuha ni Pedro ang talatang ito sa kaniyang pangangaral ng araw ng pentecostes. Sinabi niya: "Sapagkat hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa 'hades', ni titiisin man ang iyong banal ay makakita ng kabulukan" (Gawa 2:27).
Ang salitang hades ayon kay Herbert W. Armstrong, ay kaisipan na nanggaling sa mga Griego. Isa sa mga sinaunang aklat na kakikitaan natin ng salitang ito ay ang libro na "The Odyssey" na isinulat ni Homer na nabuhay noong ika-8 siglo. Ang hades daw ay kathang-isip lamang at walang katotohanan.
Kung ang salitang hades ay ginamit man ng mga Griegong manunulat, hindi nangangahulugan na tayo ay may parehong paniniwala sa kanila. Hindi nararapat husgahan na dahil ito'y pinaniniwalaan ng mga pagano ay maling doktrina na para sa mga Kristiyano. Ang kaisipan ng mga pilosopong Griego ay iba sa mga Kristiyano. Ang mga pangyayaring nasusulat sa The Odyssey ay mga kathang-isip lamang, subalit ang sinasabi ng Bibliya ay katotohanan.
Ipagpalagay ng ginamit ng mga Griego ang salitang ito, alalahanin natin na hindi lamang hades ang salitang ginamit nila na ginagamit din natin. Hindi ba't may sarili silang theos o mga diyos na iba sa theo o Dios natin? Kung ituturing nilang kabulukang gamitin ang mga terminong Griego dapat ay humanap na tayo ng salitang magiging talagang atin. Sinabi nila na ang hades ay kaisipang Griego, paano naman ang salitang "theo", na nangangahulugang dios o bathala sa Tagalog: hindi ba’t may sariling theo ang mga Griego? Ang mga theo na ipinapakilala ng mga Griego ay pawang kathang-isip, subalit hindi tayo nakikiisa sa kaisipan nila. Kung gayon na ang "theo" ay kaisipang Griego, hindi na tayo dapat maniwalaang may theo dahil ito’y gawang Griego. Tama kaya o mali?
Ginagamit natin ang salitang hades, hindi dahil may paniniwala tayong gaya ng mga Griego; ginagamit din natin ang salitang theo subalit iba ang paniniwala natin sa mga Griego. Ang paniniwala natin sa hades ay sumusunod sa mga aral ng Bibliya.
Sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Griego lahat ng salitang sheol ay isinaling hades. Hindi isinalin ang salita sa iba. Ang Kasulatang ito ay ang Septuagint na isinalin ng 72 matatanda sa Israel ayon sa kahilingan ng hari sa Egipto na si Ptolemy Philadelphus. Ginamit ng mga apostol ang Kasulatang ito sa kanilang pangangaral, pati na ng unang Iglesia.
Kaya’t sino ang may pagkakamali ng paniniwala na ang hades ay kaisipang Griego lamang? Hindi ang mga sumulat ng Bagong Tipan o ang mga matatandang nagsalin kundi ang negatibong kaisipan ng mga taong hindi naniniwala sa kaparusahang walang hanggan.
Ang pagtungo ng sinomang tao sa sheol ay katapusan ng kanilang mga gawaing panlupa. Ang sheol ay hindi lugar para sa lalong ikalalago ng karunungan. Ito ang lugar na hindi na magagawa ng tao ang anomang bagay na dati niyang ginagawa sa lupa. Kaya’t ang sabi ng mangangaral: “Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagkat walang gawa, ni katha, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa sheol na iyong pinaparunan” (Ecclesiastes 9:10).
Upang maunawaan natin ng lubusan kung anong klase ang lugar na ito, tingnan natin ang isang kasaysayang ibinigay ni Cristo sa panahong siya’y nasa ministerio pa sa lupa.
Ang panahon ng Panginoong Jesus ay panahon pa ng Lumang Tipan. Sa panahong iyon ang mga banal at makasalanan ay nagtutungo sa iisang lugar lamang: ito ay sa hades. Pag-aralan natin ang kasaysayang ipinakita ng Panginoon na nasusulat sa Lucas 16:19-31. Ganito ang sinasabi na mga talata:
“Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya’y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana: at isang pulubi na ang pangala’y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang mga pintuan. At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat. At nangyari na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing. At sa hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan. At siya’y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagkat naghihirap ako sa alab na ito. Datapwat sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapwat ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan. At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang magibig na tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maaari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin. At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama; sapagkat ako’y ma’y limang kapatid na lalake upang sa kanila’y patotohanan niya, baka pati sila’y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa. Datapwat sinabi ni Abraham, nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila’y pakinggan nila. At sinabi niya, hindi amang Abraham: datapwat kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila’y mangagsisisi. At sinabi niya sa kaniya, kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa’y magbangon sa mga patay.”
Ipagpapauna natin na hindi parabula ang sinasalita Panginoong Jesus. Ito ay isang kasaysayan, tutoong nangyari mahabang panahon na ang nakakaraan, kaya’t ang kamatayan ng mayamang lalaki at ni Lazaro ay hindi mga parabula kundi katotohanan pa at hindi sumisimbulo sa anomang bagay. Ang halimbawa ng mga parabula ay nasusulat sa Mateo 13. Laging may paunang sinasabi ang sumulat na ang mga salita ng Panginoon ay sa parabula.
Unang ipinapakita sa kasaysayan ay ang kalagayan ng kanilang pamumuhay kasunod ang kanilang pagkamatay. Mapapansin natin na may mga anghel na nagdala kay Lazaro patungo sa sinapupunan ni Abraham. Sinasabi na “silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mga mangagmamana ng kaligtasan” (Hebreo 2:14). Katotohanan na sa bawat mananampalataya ay nagpadala ang Dios ng mga anghel na magiingat dito, laban sa mga masamang mangyayari at bigyang proteksyon ang Kristiyano sa mga kaaway na mga sugo ni Satanas. Sa mga di mananampalataya ay hindi nagbilin ang Dios ng ganitong bagay. Kaya’t makikita natin na sila’y napapahamak sa mga aksidente o pagtatangkang masama ng ibang tao.
Ayon kay Josephus na isang historyador, sa pagpasok ng mga kaluluwa sa pintuan ng hades ay may isang arkanghel na nakatayo kasama ang kaniyang mga hukbo. Pagpasok sa loob ay hahawakan ng mga anghel ang mga banal sa kanang kamay upang dalhin sa lugar na paglalagyan sa kanila; samantalang ang mga makasalanan ay sa kaliwang kamay upang dalhin sa pansamantalang kaparusahan.
Pagkamatay ng lalaki ay inilagay siya sa hades, sa malayo ay natanaw niya si Lazaro. Nangangahulugan na ang pinaglagyan kay Lazaro ay hindi pa ang langit. Ang mayamang lalaki ay wala pa rin sa impierno na siyang dako para sa kaparusahang walang hanggan. Ang mayamang lalaki, si Lazaro, at si Abraham ay nasa iisang lugar lamang: sa hades. Sa panahon ng Lumang Tipan ang lugar na pinaglalagyan sa mga banal at makasalanan ay ang hades. Bagaman iisang lugar, ito ay nahahati sa dalawa at sa pagitan ay may isang malaking bangin na naghihiwalay sa dalawang kalalagayan.
Sinasabi ng Kasulatan na ang mayamang lalaki ay namatay at inilibing: ang kaniyang katawan na walang buhay, alaala, at pakiramdam ay inilagay sa libingan. Ang kaniyang kaluluwa naman ay nasa hades ng pagdurusa na iniinda ang sakit na nadarama. Ang kaniyang alaala at pakiramdam ay hindi nawala sa kaluluwa pagkatapos ng kamatayan habang siya’y pinaparusahan.
Pagkamatay ng mayamang lalaki at pagkatapos na siya’y mailibing ay sinasabing, “…itiningin niya ang kaniyang mga mata…” ay nagsasabi na hindi kamatayan ang katapusan ng lahat ng bagay sa tao. Pagkatapos ng kamatayan ang tao ay patuloy na iiral, iyan ay maliwanag dahil bukas ang kaniyang mga mata at nakita niya ang mga nangyayari sa kaniya. Pagkatapos ng kamatayan may magaganap pang iba na hindi nararanasan ng kaluluwa sa mundong ito.
Sa maingat na pag-aaral, nasumpungan ko ng ang mga bagay na ipinahahayag ng Bibliya ay iba sa itinuturo ng tao. Nasumpungan ko na ang sheol ay hindi karaniwang libingan. Kaya’t isang pagkakamali ang nagawa ng mga tagapagsalin na ito’y isaling libingan. Sabihin mang ito’y isang libingan, maiaayon pa rin natin sa tunay na doktrina ang pagkakasaling ito.
Ang mga patay na katawan ay sa libingan inililibing; subalit ang mga kaluluwa na lumabas sa katawan ay nagtutungo sa sheol. Kaya’t kung sabihin mang libingan ang sheol, ito ay libingan para sa kaluluwa at hindi sa katawan. Hindi ito ang klase ng libingan na iniisip ng iba na nakahiga ang katawan at walang buhay, kundi dito ay aktibo ang kaluluwa.
Mula sa salitang Hebreo na "qeber" ito ang tamang salita na isinaling libingan sa Tagalog. Kapag gumamit tayo ng Concordance, maramin tayong makikita na ginamit sa qeber na hindi ginamit sa sheol.
Ilan sa mga halimbawa ay narito: sa Isaias 53:9 ay ipinapakita na ang libingan ay ginawa ng mga tao; samantalang sa sheol ay sinong tao kaya ang makagagawa? Sa Genesis 35:20, si Jacob at Raquel ay may sariling libingan; subalit wala silang sariling sheol. Sa Ezekiel 32:23, ang libingan ay isang hukay at ito ay maaaring palibutan ng tao; samantalang ang sheol ay isang lugar na inihanda para sa mga makasalanan na sasakabilang buhay.
Sa kasaysayan ng bansang Israel, nang sila ay makalaya sa pagka-alipin sa Egipto at madako sa isang lugar na walang tubig ay kanilang sinabi, “Dahil ba sa walang libingan sa Egipto kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang?” (Exodo 14:11). Sa Egipto ay maraming libingan, gayundin sa ibang mga bansa at mga bayan ay may mga libingan; subalit walang sheol sa iba’t-ibang lugar.
Ipagpalagay natin na sa isang sementeryo ay may isang libong libingan. Sa bawat libingan ay may mga taong inilibing. Ang katawan na inilagay sa isang libong libingan na iyon ay mananatili hanggang mabulok. Ang isang libong libingan sa isang sementeryo ay hindi nangangahulugang may isang libong sheol. Ang mangyayari, ang kaluluwa ng isang libong tao na nasa libingan ay papasok sa iisang lugar, iyon ay sa sheol.
Narito pa ang ibang katunayan na ang sheol ay iba sa libingang para sa katawan:
Genesis 35:20 – sa ibabaw ng kaniyang libingan… ng libingan ni Raquel.
II Samuel 3:32 – sa libingan ni Abner.
Job 17:1 – ang libingan ay handa sa akin.
Isaias 14:19 – ikaw ay natapon mula sa iyong libingan.
Isaias 53:9 – at ginawa nila ang kaniyang libingan.
Jeremias 20:17 – at sa gayo’y naging libingan ko sana ang aking ina.
Ezekiel 32:23 – ang mga libingan ay nalalagay sa pinaka malalim na bahagi ng hukay.
Ezekiel 37:12 – aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong libingan.
Juan 11:7 – paroroon siya sa libingan upang tumangis.
Ang mga talatang ito ay para sa libingan at hindi sa sheol. Hindi sinabi sa mga talatang ito na “sa ibabaw ng kaniyang sheol;” “ng sheol ni Raquel;” “sa iyong sheol;” “kaniyang sheol;” “mga sheol;” “sa sheol ni Abner;” at iba pang bagay. Wala tayong mababasang ganitong bagay patungkol sa sheol o hades. Walang sinomang tao ang nagmamay-ari sa sheol; at walang sinomang tao ang nakagawa ng sarili niyang hades.
Dahil ang sheol ay hindi qeber kaya’t wala itong katangiang gaya ng mga nababasa natin para sa libingan. Maliwanag ang dahilan, ang sheol ay hindi karaniwang libingan na para sa katawan.
Ang salitang Griego na "mnemion" ay isinaling “libingan” sa ating Bibliyang Tagalog. Ang ibang salita naman ay taphos na ang ibig sabihin pa rin ay puntod o libingan.
Isa sa gawaing pagpapaimbabaw ng mga Fariseo, upang masabi lamang na sila’y mga maka-Dios subalit sa katotohanan ay labag sa kanilang kalooban ang kanilang ginagawa: na pinagaganda nila ang libingan ng mga propeta (Mateo 23:29) bilang parangal sa mga ito.
Nalalaman ng Panginoong Jesus kung ano ang hades at kung ano din ang libingan. Ang pinaglibingan sa katawan ng mga propeta ay libingang para sa katawan at hindi ito hades.
Sa Mateo 27:52 ay ipinapakita noong namatay ang Panginoong Jesus sa krus at lumindol ng malakas ay maraming libingan ang nabuksan. Doon ay lumabas ang katawan ng mga banal at sila’y nabuhay na muli. Hindi sinabi sa talatang ito na ang nabuksan ay mga hades kundi siguradong libingan. Maliwanag pa rin sa talatang ito na ang libingan ay nauugnay sa katawan. Mananatili ang katawan doon at naghihintay na ibangong muli.
Sa Juan 11:31 ay makikita natin na sa karaniwang libingan ay may mga nakakalapit; samantalang sa hades ay walang sinomang nakalalapit. Nangangahulugan na ang libingan ay naaabot ng ating pisikal na katawan; ang hades ay hindi.
Ang libingan ay maaaring nasa ibabaw ng lupa; maaari din namang ito’y isang lupa na hinukay. Ang salitang “hukay” sa wikang Griego ay "phrear", ito ay nasa Lucas 14:5, at "buthonos" sa Mateo 12:11; 15:14; at Lucas 6:39. Sa karaniwang hukay ay maaaring mahulog ang sinoman at maililigtas din ng sinomang sasaklolo; samantalang sa hades ay walang sinomang makapagliligtas upang hanguin ang nasa kahirapan (Lucas 16:26).
Kung bakit hindi pa rin matanggap ng mga sumasalungat na ang sinasalita ng Panginoon ay isang kasaysayan, ay dahil sa antas ng pamumuhay ng dalawa. Ang sabi nila: “Dahil ba naging mayaman ang tao kaya’t dapat sa kaniya ay sa impierno; at dahil ba naging pulubi at mahirap si Lazaro kaya’t dapat sa kaniya ay sa langit?”
Hindi natin alam kung sino sa mga Apostoliko o Ebangheliko ang may paniniwala na gaya ng sinasabi nila, wala akong nalalaman. Ang mga nanghahawakan sa ganoong katuruan , kung mayroon man, ay mga kultong pananampalataya din na gaya nila. Maaaring kathang-isip lamang nila na may ganoong klase ng paniniwala.
Maraming talata sa Bibliya ang nagsasabi kung ano ang gawi ng isang mayaman. Karamihan sa kanila ay may mataas na pag-iisip at umaasa sa kanilang kayamanan (I Timoteo 6:17). Ang kanilang pinagsusumakitan ay kung paano pang kikita ng maraming salapi para sa ikatatag ng kanilang kinabukasan. Hindi nila napapansin na may Dios na unang dapat hanapin at hindi mga kayamanan.
Karamihan sa mga mayayaman ay mahilig sa makasanlibutang kalayawan (Lucas 16:19). Hindi ang pagpapalugod sa Dios ang hinahanap nila kundi ang pagpapalugod muna sa mga tao, lalo na sa kanilang sarili. Karaniwang ugali ng tao ay kapag wala na silang pangangailangan sa buhay ay halos hindi na rin nila kailangan ang Dios.
Sinasabi nila na kung bakit yumaman ang mga mayayaman ay dahil sa pagiging makasarili at mga sakim (Lucas 12:15,17). Gaano karami ang mga manggagawang nasa kahirapan? Hindi ba’t may kasabihan tayo na ang mayaman daw ay yumayaman dahil sa mahihirap; ang mga mahihirap naman ay lalong naghihirap dahil sa mayayaman! Ibig sabihin, ang bahaging nararapat para sa kanila ay hindi ibinibigay. Anuman ang kalagayan ng mga mahihirap ay walang anoman sa kanila, basta’t ang mahalaga ay ang para sa kanila lamang.
Kung bakit karamihan sa mga mayayaman ay magtutungo sa kaparusahang walang hanggan, ay dahil sa kanilang pagtanggi sa tawag ng ebanghelyo (Mateo 13:22). Inihanda ng Dios ang langit para sa mga taong may maka-langit na pag-iisip; subalit ang kaisipan ng mga mayayaman ay pawang maka-lupa. Paano silang makatutugon sa tawag ng Dios kung abala sila para sa sarili nila? Naniniwala ako na ang mayamang lalaki sa ibinigay na kasaysayan ng Panginoon ay ganito ang kalagayan.
Hindi natin sinasabi na ang lahat ng mga mayayaman ay may mga ganitong paguugali. May mga mayayaman na noong tumugon sa tawag ng Dios ay natanggap ang pagbabago.
Naging saksi ako sa patotoo ng isang dating mayaman na ngayon ay naghirap dahil pinili niya ang Panginoon. Ayon sa patotoo niya, nagtatrabaho siya bilang tagabenta ng mga balat noong una. Nang matutunan niya ang pasikot-sikot ay nagtatag din siya ng gayong negosyo. Lahat ng kostumer ng una niyang amo ay sinulot niya. Naging matagumpay ang kaniyang negosyo at hindi mapigilan ang pagsampa ng kuwarta sa kaniya.
Isang araw ay narinig niya ang tawag ng Dios. Sa pasimula ito’y tinanggihan niya, subalit sa bandang huli ay hindi siya nagkaroon ng kalakasan upang lumayo. Tinanggap niya ang Panginoong Jesus sa panalangin at bautismo sa tubig sa Kaniyang pangalan. Mula noon ay nakita niya ang mga kasamaang ginagawa niya. Una ay sa mga buwis na dapat niyang bayaran: ang ibinabayad niyang buwis ay halos wala pa sa kalahati na dapat niyang pagbayaran. Ginigipit din niya ang mga manggagawa niya, na kung puwede lamang daw pati ang mga suweldo nito ay mapunta na sa kaniya. Ang nakakabagabag daw sa kaniya ay ang sunud-sunod na mga pagsisinungaling niya sa mga kliyente niya. Nang hindi niya matiis ang mga kasalanang ginagawa ipanasara niya ang negosyo upang lumakad lamang ng matuwid sa harap ng Dios.
Alalahananin natin na ang mga mahihirap at mayayaman ay papasok sa kaharian ng Dios hindi dahil sa kanilang kayamanan o kahirapan, kundi dahil sa biyaya ng Dios para sa kanila. Ang magiging batayan ng kanilang pagpasok sa kaharian ng Dios ay ang pagkilala at pagtanggap nila sa Panginoong Jesus. Hindi maikakatwiran ng sinoman na dahil siya’y naging mayaman o mahirap kaya’t may karapatan siyang pumasok sa kaharian ng Dios at huwag pahirapan sa impierno. Ang binibilang ng Dios ay ang pagsunod sa Kaniyang mga salita.
Isang magandang halimbawa pa ng mga papasok sa kaharian ng langit ay si Cornelio (Gawa 10). Karamihan sa mga mayayaman ay nahihiyang masabing maka-Dios. Itong si Cornelio ay maka-Dios, lumalayo sa kasalanan at namumuhay na may kabanalan.
Bagaman walang kapintasan ang kaniyang mga lakad sa harap ng mga tao at ng Dios, may isang bagay pa rin siyang kailangang gawin: kailangang marinig niya ang pangangaral ni Pedro. Ang bilin ng Dios kay Cornelio, lahat ng sasabihin ni Pedro ay kailangang sundin niya. Nang marinig niya ang aral tungkol sa Panginoong Jesus ay nanampalataya siya. Agad tinanggap ng mga nakakarinig ang kapuspusan ng Espiritu Santo na siyang selyo ng kaligtasan. Nang makita ito ni Pedro ay pinagbilinan sila na magpabautismo sa pangalan ni Jesucristo. Kung ang lahat ng mayayaman ay ganito, na nagpakababa at tumanggap sa Panginoon, nakasisiguro akong lahat sila ay papasok sa kaharian ng langit.
Ang ibig sabihin ng pangalang Lazaro ay “Dios ang aking katulong.” Wala tayong mababasa na siya’y isang Judyo o Gentil. Isang bagay ang matitiyak natin, kapag ang isang tao na walang kumukupkop ay dumaing sa Dios, dinirinig ng Dios ang daing ng taong yaon (Awit 34:6).
Anong kahigitan ni Lazaro sa mayamang lalaki? Sa pamumuhay ay hindi natin maaaring pagkumparahin ang dalawa. Sa mata ng lipunan ay mas nakahihigit ang mayayaman sa mahihirap; subalit sa pamantayan ng Dios ay higit na “maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat kaysa suwail sa kaniyang mga lakad bagaman siya’y mayaman” (Kawikaan 28:6).
Sinabi naman ng Panginoong Dios: “Sapagkat ang lahat ng bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, at sa gayo’y nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon: ngunit ang taong ito ay titingnan ko, samakatwid baga’y siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa aking mga salita” (Isaias 66:2). Ito ang hindi mawawala sa paningin ng Panginoong Dios. Kung ang pagkatakot sa Dios ay maisasagawa ng mayaman at mahirap, silang lahat ay papasok sa kaharian ng langit.
Kung bakit higit na nagiging malapit ang mga dukha sa Dios, dahil minsan ay kahirapan ang nagtutulak sa kanila upang lumapit sa Dios; kahirapan pa rin ang dahilan kung bakit kadalasan ay nakagagawa ang mga mahihirap ng kasamaan. Kung paanong sa mayayaman ay marami ang napapahamak, gayon din sa mahihirap.
Dumarating sa tao ang kahirapan dahil sa kaniyang katamaran (Kawikaan 13:4; 21:5). May mga mahihirap na yumaman dahil nagsikap; subalit may mga mayayaman na naghirap dahil sa katamaran. Ano pa kaya ang mangyayari sa isang mahirap na tamad? Higit na kagipitan lamang ang darating sa kaniya.
Ang paglapastangan, pagnanakaw, at di-pagkilala sa Dios ay ginagawa ng mahihirap at mayayaman (Kawikaan 30:9). Kaya’t hindi batayan ang pamantayan sa buhay upang ang isa ay makapasok sa langit.
Ang katanungan ng mga Saksi ni Jehova, kung nararapat ba na ang tao ay maging mapalad sa langit dahil sa siya ay naging mahirap, ay depende sa kasagutan. Subalit wala tayong paniniwala na ang lahat ng mga mahihirap sa buhay ay mapalad.
Noong nag-aalay ng kanilang kayamanan ang mga tao sa templo ng malalaking halaga, sinabi ni Jesus na ang mga yaon ay pawang sobra lamang sa kanilang tinatangkilik.
May isang dukha na babaing bao ang lumapit at nagbigay ng dalawang lepta lamang. Ayon sa Panginoon, siya lang ang nakapag-bigay ng higit kay sa kanilang lahat, dahil ang buong kabuhayan niya ang ibinigay niya (Lucas 21:4). Hindi dahil sa kakauntian ng baryang ibinigay ng babae kaya’t siya’y naging mapalad, kundi ang dapat sanang gagamitin niya para sa kaniyang ikabubuhay ay ibinigay pa niya.
Sa sulat naman ni Pablo sa mga taga-Corinto, sinabi niya na sa iglesia ay may mga mayayaman at mga mahal na tao ang kabilang, subalit higit na nakararami ang mga mahihirap na mananampalataya. Kaya’t sa salita ng Dios ay maliwanag na ipinapakita na ang kaligta-san ay dumarating hindi dahil sa kanilang kasaganaan o kasalatan man: ito ay dumarating dahil sa pagtugon sa ebanghelyo.
Ang sabi ng mga Saksi ni Jehova, “ Ang kamatayan ng taong mayaman at ni Lazaro ay kumakatawan sa pagbabago sa kanilang kalagayan. Naganap ang pagbabago ng pakanin ni Jesus sa espirituwal na paraan ang napabayaang tulad-Lazarong mga tao, kung kaya sila’y napasa pabor ng Dakilang-Abraham, ang Dios na Jehova. Kasabay nito, namatay ang huwad na pinuno ng relihiyon na may kinalaman sa pabor ng Dios. Palibhasa’y itinakwil, dumanas sila ng kahirapan nang ibunyag ng tagasunod ni Kristo ang kanilang masamang gawa” (Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, p. 89). Narito ang isa pa sa mga maling interpretasyon nila. Inaalis nila ang katotohanan ng kamatayan, at ang mga tauhan ay sinisimbulo lamang.
Ang kamatayang naganap sa lalaki at kay Lazaro ay katotohanan. Hindi ito kumakatawan sa anomang bagay. Kung ito ang kanilang paniniwala, lalabas na ang kamatayan ay isang bagay na kinalalabasan ng mga pagbabago. Ang sinasabi nilang pinakain ni Jesus si Lazaro sa maka-espirituwal na paraan, ay maliwanag na kathang-isip lamang. Wala tayong mababasa sa Bibliya na si Lazaro ay pinakain ni Jesus kundi sa aklat lamang nila, pawang mga walang solidong batayan.
Ginamit nila ang salitang ‘kumakatawan’ sa kamatayang pisikal ni Lazaro at ng mayamang lalaki; sa ano kumakatawan ang kamatayang pisikal nilang iyon? Idinagdag nila ang salitang kumakatawan upang hindi mahalata ang pagkakasalungat ng kanilang paniniwala sa talata.
Alisin natin ang salitang ‘kumakatawan’ lalabas ang katotohanan na ang kamatayan ay pagbabago ng kalagayan, walang pahiwatig ng pagkapuksa. Mula sa pansamantalang pamumuhay sa mundong ito, tutungo ang tao sa isang panibagong kalagayan. Ang kalagayang iyon ay paghahanda sa kaniya para sa darating na walang hanggan. Ang panibagong kalagayan ay maaaring sa kaaliwan o kaparusahan. Isa-isahin natin ang mga bagay na ipinapakita ng Panginoon. Ito ang mga dahilan kung bakit ayaw nilang paniwalaan na kasaysayan ang sinasabi ng Panginoon:
(1) Ipinapakita na ang kaluluwa ay hindi nananatili sa libingan o natutulog. Kaya’t ang paniniwala nila na ang kaluluwa ay natutulog sa libingan ay mali. Hindi nanatili ang kaluluwa ni Lazaro at ng mayamang lalaki sa libingan. Kung si Lazaro ay natutulog, paano siyang aaliwin sa sinapupunan ni Abraham. Gayundin ang mayamang lalaki, paanong mararanasan niya ang hirap kung siya’y natutulog lamang.
(2) Imposible ding sabihin na ang hades ay isang karaniwang libingan sa mga patay. Mangyayari ba na sa isang maliit na libingan ay may matatanaw ka sa malayo? Iisang libingan ba ang pinaglibingan kay Lazaro at sa lalaki kung kaya’t sila’y nagkakatanawan? Mayroon bang malaking bangin sa isang karaniwang libingan? Kung mali ito, nangangahulugang mali ang pagkaunawa nila na ang hades ay karaniwang libingan.
(3) Sa pagkamatay ni Lazaro at ng mayaman, patuloy pa rin silang umiiral. Ito ay salungat na naman sa paniniwala ng mga Saksi ni Jehova na ang mga balakyot ay hindi na iiral pagkatapos ng kamatayan. Dahil ang sinasalita ng Panginoong Jesus ay salungat sa kanilang paniniwala gumawa sila ng paraan: sinabi nilang ito’y isang parabula lamang. Paanong mangyayari na ito’y isang parabula? Kilala ang mga tauhang naroon: si Abraham, si Lazaro, subalit ang pangalan ng mayamang lalaki ay hindi na sinabi. Ikumpara nila ang parabula ng suwail ng anak, doon ay walang mga pangalang binanggit. Kung tatanggapin nating kasaysayan ito ay hindi magiging mahirap ipaliwanag ang lahat.
(4) Dito’y maliwanag pa ring ipinapakita ang kaibahan ng kaluluwa sa katawan. Sinasabi ng mga Saksi na ang pisikal na katawan natin ay siya na ring kaluluwa. Paanong mangyayari ang gayong bagay na sinasabi nila? sa karaniwang paglilibing ay nakikita nating iniimbalsamo ang katawan subalit wala itong nararamdaman; kainin man ito ng uod o sunugin sa apoy ay wala kang maririnig ditong paghihirap. Samantalang ang kaluluwa ng mayamang lalaki na nasa hades ay naghihirap at humihingi ng tulong upang makaahon sa sakit na nararamdaman. Buong-buo ang isipan ng lalaking mayaman, nagaalala pa siya sa lima niyang kapatid na lalaki, baka mapunta din sa kalagayan iyon.
Ito ay mga katotohanang nais nilang takasan, kaya’t sinabi nila na ang kamatayan ni Lazaro at ng mayamang lalaki ay kumakatawan lamang. Kumakatawan lamang ito sa gusto nilang palabasin, hindi sa pagnanasa nilang palabasin ang katotohanan ng Bibliya. Sa katotohanan, alisin mo ang salitang kumakatawan, lalabas ang katotohanan na ang kamatayan ay pagbabago ng kalagayan. Kung ang kamatayan ay pagbabago ng kalagayan, nangangahulugang hindi ito ang katapusan ng lahat para sa tao.
Pansining mabuti, ang nangyari kay Lazaro at sa lalaki ay iisa lamang: kamatayang pisikal, subalit ang gantingpala ay magkaiba. Ibig bang sabihin, may ibang kinakatawan ang kamatayang pisikal ni Lazaro at iba naman ang kinakatawan ng kamatayang pisikal ng lalaki? Paano nilang ipapaliwanag na ang iisang karanasan ay may magkaibang kinahihinatnan? Kung tatanggapin nila na may naghihintay na kaparusahan sa mga balakyot, katotohanan lamang na ang kaluluwa ay hindi namamatay kasama ng katawan. Nalalagay lamang sila sa napakakumplikadong kalagayan.
Isa pa sa mga maling sinabi nila: “Palibhasa’y itinakwil, dumanas sila ng kahirapan ng ibunyag ng mga tagasunod ni Cristo ang kanilang masasamang gawa.” Wala akong alam na gagawing pagbubunyag ang mga tagasunod ni Cristo. Kahit na ang Bibliya ay walang ipinapahayag na may gagawing ganito ang mga Kristiyano. Sa aklat ng Apocalipsis, ang mga banal ay naghihintay na lamang ng kagantihan para sa kanilang dinanas. Hindi na kailangan ng Dios na isumbong sa Kaniya kung sino ang dapat mga dapat gantihan, dahil walang bagay na nalilihim sa Kaniyan (Marcos 4:22; Lucas 8:17). Pagharap nila sa hukuman ng Dios ay hahatulan sila sa lahat ng kanilang nagawa, at ibibigay kung ano ang nararapat na kaparusahan.
Nang maibunyag daw ang kanilang mga gawa, dumanas sila ng kahirapan. Hindi sinabi ng mga Saksi ni Jehova kung anong kahirapan ang naranasan nila, kung sino ang nagpapahirap, at kung saan pinahihirapan. Maaaring hindi nila masagot kung saan at kung ano ang nagpapahirap sa mga balakyot dahil hindi naman sila naniniwala sa kaparusahan.
Nais kong sabihin na ang lugar na dinakuan ni Lazaro ay hindi pa ang langit, iyon ay ang paraiso. Ano naman ang katunayan ko? Sa Lucas 23:43 ay nangako si Jesus sa isang magnanakaw na nanampalataya sa Kaniya. Ang sabi ng magnanakaw, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian. At sinabi sa Kaniya, katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa paraiso.”
Namatay si Jesus ng araw na iyo at bago magdilim ay pinatay din ang mga magnanakaw. Ang katawan ni Jesus ay inilibing sa libingan (Mateo 27:60; Marcos 15:46), ngunit ang kaluluwa niya ay nagtungo sa hades. Ang hades na Kaniyang pinuntahan sa araw na iyon na kung saan kasama niya ang magnanakaw ay ang paraiso. Kaya’t ang lugar na kinalalagyan ni Lazaro ay paraiso.
Sa panahong bago umakyat sa langit ang Panginoon, ang hades ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang dako na pinuntahan ng Panginoon ay hindi ang dako ng kahirapan kundi ang dako ng kaaliwan. Madalas na sinasabi ng mga sumasalungat na kung ang hades ay isang dako ng pahirapan sa mga kaluluwa, kung gayon ay dumanas ng paghihirap ang ating Panginoon. Kaya nila nasasabi ito, dahil hindi nila lubusang nauunawaan ang dalawang kalagayan sa hades.
Pagkamatay ng lalaki ay nasumpungan niya ang sarili niya sa hades na nagdurusa, samantalang si Lazaro ay nakita niyang inaaliw sa sinapupunan ni Abraham. Sa pagkaunawa ni Armstrong sa sinapupunan ni Abraham: “That is an intimate relationship with Abraham. That is being taken into Abraham’s bosom!” (Lazarus and the Rich Man by Herbert W. Armstrong, p. 3). Ang aklat ni Armstrong ay may malaking kakulangan