Paunang Salita

Sa loob ng dalawampung taon ng paglilingkod ko sa Dios, napatunayan ko na ang pagkatuto sa Kaniyang mga salita ay hindi magtatapos. Akala ko noong una'y sapat na ang mga natutunan ko, sa katotohanan, may mga mahahalagang bagay pa pala akong dapat na matutunan. Naniniwala ako na ang mga bagay na itinuturing kong mahalagang kaalaman sa ngayon na aking natanggap ay kulang pa rin. Magdadaan ang panibagong panahon, alam ko na ang Dios ay muling magtuturo sa akin ng mahalagang kaalaman.

Ang buong panahon ng aking paglilingkod ay ibinuhos ko sa Panglinggong Paaralan. Kung may anomang bagay akong naibahagi sa panahong iyan, higit na mahalagang kaalaman ang itinuro sa akin ng aking mga tinuruan at ng mga kasama kong manggagawa sa iglesia. Ang mga bagay na nilalaman ng aklat na ito ang siyang naging karanasan namin.

Walang maipagmamalaki sa pagka-eksperto ang sumulat ng aklat na ito; hindi din niya inaangkin ang pagiging eksperto sa paksang ito. Natipon ang mga kabanata ng aklat na ito sa pamamagitan ng kaliwanagang ipinagkaloob sa kaniya ng Dios.

Bawat ugali ng tao sa loob ng Iglesia ay kaniyang inoobserbahan. Lagi niyang itinatanong kung bakit nagagawa ng mga Kristiyano ang gayong klase ng kabutihan at kasamaan. Pagkaraan ng mahabang panahon, naging malinaw sa kaniya ang mga kasagutan.

Matagal ng nasa isip ng sumulat na isalibro ang kaalamang ito, salamat sa Diyos at ito ngayo'y nagkaroon ng katuparan. Ang nais kong ipakita sa aklat na ito ay ang mga gawang maka-kaluluwa na ang akala natin ay espirituwal. Gumagawa tayo ng mga bagay na ang akala nati'y paglilingkod sa Dios, iyon pala ay paglilingkod sa sarili. Sa aklat na ito ay huhubarin natin ang ipinapakitang kabutihan na ang itinatago pala'y kasamaan.

Huwag nawang mangyari na ang mga nasusulat dito ay maging gabay lamang ng mga manggagawa sa kanilang pagtuturo na gaya ng isang manwal. Kundi ito'y maging patnubay sa tamang karanasan ng isang Kristiyano. Ang malaking bahagi ng nilalaman ng aklat na ito ay naging karanasan ng sumulat, kaya't ang mga mensahe dito ay praktikal lamang.

Pagpalain tayo ng Dios sa paghahangad nating lumago sa Espiritu. Ang lahat ng kaluwalhatian ay tanging sa Kaniya lamang.

«   |   »

Home