Ang Bibliya ay nagpapahayag na ang tao'y binubuo ng tatlong bahagi: espiritu, kaluluwa, at katawan (I Tesalonica 5:23). Unang binanggit ni Pablo ang espiritu dahil ito ang pinaka-mataas sa lahat ng nilikha ng Dios. Hindi Niya inuna ang kaluluwa o katawan, kundi ayon sa maka-Dios na pagkakasunud-sunod ay nauuna ang espiritu.
Nangangahulugan ng buhay at kamatayan ang pagkaalam ng katotohanang ito: buhay kung ito'y isasakatuparan natin sa ating mga buhay; kamatayan kung ito'y hindi mangyayari sa ating buhay. Sa espirituwal na pamumuhay, napakahalaga ng kaalamang espirituwal kung ninanais nating mamuhay ng ayon sa espiritu. Maraming Kristiyano ang nahuhulog sa pagkakasala, sa pagaakala na ang ginagawa nilang espirituwal ay isa palang maka-kaluluwa, maidadagdag pa nating ito'y maka-laman. Ang bawat isa sa bahagi ng tao ay may kanikaniyang tungkulin. Iba ang gawain ng espiritu, iba din ang gawain ng kaluluwa, at iba ang gawain ng katawan.
Dahil dito kinakailangang maunawaan ng mga Kristiyano ang pagkakaiba ng mga bagay na ukol sa espiritu at sa kaluluwa. Kung hindi natin mauunawaan ang pagkakaiba ng espiritu at kaluluwa, lahat ng ating magagawa ay magiging maka-kaluluwa. May sariling gawain ang kaluluwa; may sariling gawain din ang espiritu. Ang gawa ng espiritu ay maaaring gawin ng kaluluwa; subalit ang gawa ng kaluluwa ay hindi maaaring gawin ng espiritu. Kapag hindi natin napagkilala ang gawa ng kaluluwa at espiritu, ang lahat ng panahon na ating ipinaglingkod sa Dios ay magiging pagaaksaya na lamang ng panahon. Upang ito'y maiwasan pag-aralan nating kumain ng matigas na pagkain upang mapagkilala natin ang mabuti at masama. Ang pag-aaral na ito ay magiging matigas, kaya't ito'y mahalaga lalo na sa mga may-gulang na Kristiyano.
Kung pagkakamaling maituturing ang sinasabing ang kaluluwa ay siya na ding katawan, higit na napakalaking pagkakamali ang nagagawa ng mga taong naniniwala na ang espiritu ay siya na ding kaluluwa. Ito ay maliwanag na pagsalungat sa salita ng Dios.
Bakit natin pag-iisahin ang espiritu at kaluluwa kung ang Bibliya mismo ay nagpapahayag na ito'y magkaiba at pinaghihiwalay, "Sapagkat ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumikilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso" (Hebreo 4:12). Ito ay napakahalagang karanasan ng tao upang mapagkilala niya kung ano ang espiritu at kaluluwa.
Hindi sinabi na tatanggalin ang espiritu sa kaluluwa upang mapaghiwalay, kundi ang kahulugang nais ibigay ng sumulat ay mapagkilala natin ang mga bagay na ukol sa espiritu at kaluluwa.
Maraming beses na ginagawa ng mga mahihina pa sa pananampalataya na ipanghalili ang mga bagay na maka-kaluluwa sa maka-espiritu. Ano ang nagiging resulta? Kung ano ang puno ay siyang bunga; lahat ng resulta ng kanilang mga gawa ay pawang maka-kaluluwa din. Ang mga bagay na maka-kaluluwa ay isinalin sa Bibliyang Tagalog na maka-laman (I Corinto 2:14).
Isang talata ang makikita nating itinulad ang tao sa templo. Ito ay mababasa natin sa I Corinto 6:19, "O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? At hindi sa inyong sarili" (I Corinto 6:19). Ang templo ay nababahagi sa tatlo: ang dakong labas, ang dakong banal, at ang dakong kabanalbanalan. Kung paanong ginamit ni Pablo ang templo bilang pagtutulad sa atin, masasabi natin na ang dakong labas ay ang katawan, ang dakong banal ay ang kaluluwa, at ang dakong kabanalbanalan ay ang espiritu.
Ang dakong labasan ng templo ay inilaan ng Dios para sa lahat: sa mga Gentil at sa Israel. Dito ay hindi binibigyan ng Dios ng pagkakaiba ang lahat, hindi din binibilang ang antas ng buhay, lahat ay pantay sa Kaniyang paningin: lahat ay makasalanan. Dito'y makikita natin na ang mga tao ay may dalang handog para sa Dios, tanging binabawalan ay ang mga taong may kapintasan at kapansa-nan o may sakit na nakakahawa.
Sa labas ay hantad sa araw ang lahat, kaya't ang bawat gawa ay hindi maikakaila. Sa panlabas na anyo ay mga may anyo ng kabana-lan dahil sila ay may dalang handog para sa Dios, hindi lamang natin masasabi kung ano ang talagang kalooban ng bawat isa, dahil ang nababasa lamang ng tao ay ang panlabas.
Gaya ng mga tao sa Iglesia, maaaring ipakita ng tao na siya'y maka-Dios dahil sa dami ng serbisyong ginagawa natin: umaawit tayo, nangangaral, nagpapatotoo, at naglilingkod; na ang mga ito'y hinahatulan nating anyo ng kabanalan. Nakikita natin ang ginagawa nila sa labas subalit hindi ang nasa puso. Ang paglilingkod ay maaari nating gawin para sa Dios o para sa sarili.
Kung ang mga tao na laging abala sa gawain ng Dios ay masabihan nating naglilingkod sa sarili, gaano pa kaya ang mga taong nagpapabaya sa mga gawain ng Dios? Kaya natin nahahatulan ang mga tao sa kanilang gawain ay dahil may nagiging pamantayan tayo kung ano ang gawang mabuti. Wala ka sa templo upang magdala ng handog, hindi ba't ito ay madaling pamantayan upang sabihing sa puso mo'y malayo ang Dios.
Huwag nating tingnan ang gawain ng iba. Ang ating mga mata ay hindi nararapat na nakapako sa mga taong masigasig. Paano kung isang araw ay matisod tayo sa kanilang mga gawa? Baka ang pananampalataya natin ay kasama nilang bumagsak.
Tanging sa Panginoong Jesus lamang natin makikita ang kagan-dahan na ating hinahangad. Kung mayroon man tayong nararapat na maging inspirasyon sa paglilingkod, ang mga gawa ng Panginoon ang pinaka-mainam na ating maging inspirasyon. Sa Kaniya ay wala tayong makikitang katitisuran. Ang Kaniyang buhay at isipan ay hayag sa atin sa pahina ng mga Kasulatan. Kaya't kung may narara-pat tayong tularan sa paglilingkod sa Dios, tingnan natin ang Panginoong Jesus.
Lahat ng mga saserdote pati na ang dakilang saserdote, bago mangasiwa pagpasok sa loob ng bahay ng Panginoon ay kailangang maghugas muna ng kanilang katawan lalo na ng mga paa. Nang ipatayo ni Solomon ang templo, sa dakong labasan papasok sa loob ay nagpagawa siya ng isang dagatdagatan (2 Cronica 4:6), ito ay katulad ng isang swimming pool sa ngayon. Bago pumasok ang mga saserdote ay kailangang maglinis muna dito ng kanilang katawan. Ang sinisimbulo ng paghuhugas na ito ay ang bautismo sa tubig. Bagaman sinasabing rituwal ang paghuhugas, sa harap ng Dios ito'y mahalaga. Ang paghuhugas ay paghahanda ng tao sa anomang gawain sa dakong banal.
Pagpasok ng tao sa templo ay unang masusumpungan niya ang dakong banal. Walang sinomang karaniwang tao ang maaaring makapasok sa loob nito maliban sa mga saserdoteng mangangasiwa sa mga paglilingkod. Sa loob ay makikita natin ang lamesa para sa tinapay na handog; ang kandelero na may pitong sanga; at ang altar para sa kamangyan. Ang dakong banal ay siyang natatanging daan patungo sa kabanal banalang dako.
Hindi lahat ng mga saserdoteng naglilingkod sa loob ng dakong banal ay masasabing maka-Dios pa rin. Sa mga gawa ay masasabi na sila'y may anyo ng kabanalan, maaaring sa kalooban ay kabaligtaran. Nangangasiwa ang iba sa kanila, sa paghahangad na paggalang ng mga tao.
Kahawig ito ng ating kaluluwa na luklukan ng ating personalidad. Hindi lamang ang mga taong inspirado ng Dios ang nakakaalam ng kalikasan ng kaluluwa; maging ang mga inspirado man ni Satanas. Ang kaalaman ng mga Kristiyano ay patungo sa kabanalan; samantalang ang mga taong hiwalay sa Dios ay paghahangad ng kapangyarihan. Kaya't huwag tayong magpadaya sa mga gawang akala natin ay espirituwal, iyon pala'y silo na inilagay ni Satanas.
Ang looban ng dakong banal ay pinagliliwanag ng apoy sa kandelero. Maitutulad natin ang liwanag na ito sa ating kakayahan upang tumimbang ng tama at mali. Kung ang apoy na nasa kandelero ay pinatay, walang magiging liwanag ang dakong banal. Ito ay kahawig ng magkasala ang tao: nahiwalay siya sa kaalaman sa Dios. Ang buong pagkatao niya'y pinagdilim ng kasalanan. Bagaman ang kani-yang kaisipan ay pinagdilim ng kasalanan, hindi ito nangangahulugan na siya'y wala ng kakayahang tumimbang ng mali at tama. Hindi inalis ng Dios sa atin ang kakayahang kumilala ng katotohanan at kamalian.
Tinitimbang ng tao ang gusto niyang paniwalaan sa mga bagay na nakagisnan niya. Ito ang mga liwanag na dumating sa kaniya kaya't ito ang tinatanggap niya. Dumarating ang panahon na ang tao'y nagkakaisip: natututunan niya ang tamang gramatika, lohiko, at pilosopiya. Dahil sa mga kaalamang ito kaya't kung minsan, ang maling nakagisnan ng tao ay itinatakwil niya. Maraming pagkakataon kahit alam ng tao na mali ang paniniwala nila, ito pa rin ang kanilang niyayakap, patunay na sila'y nasa kadiliman. Dahil ang tao'y nasa kadiliman, hindi niya nakikita ang sarili niyang kamalian. May mga taong tumatanggap ng kanilang mga pagkakamali, subalit may mga taong kahit ipakilala mo sa kanila ang katotohahanan ay hindi pa rin tatanggapin. Sa sanlibutan kung ang kamalian ay hindi nakakasakit ay hindi itinuturing na masama. Kaya't ang tamang pilosopiya at lohiko ay hindi sapat upang tanggapin ng tao ang tunay na Dios. Kadalasan ang karunungang maka-tao pa ang nagsisilbing hadlang upang huwag tanggapin ng tao ang tunay na Dios.
Kung sa kaniyang sarili lamang ay walang sariling kaliwanagan ang kaluluwa. Kung wala ang langis at apoy sa kandelero, hindi magkakaroon ng kaliwanagan dakong banal. Ang kaliwanagan na mayroon ang kaluluwa ay nakukuha niya sa mga bagay na nakapaligid sa kaniya. Gaya na lamang ng pilosopiya ni Aristotle, nabuo niya ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng obserbasyon, ayon sa liwanang ng maka-taong pag-iisip na dumating sa kaniya.
Bagaman kathang-isip ang nobelang isinulat ni Edgar Rice Borrough na Tarzan, ito ay nagpapahayag ng katotohanan. Isang sanggol ang mahimalang nabuhay sa isang aksidente kasama ang mga magulang. Ang sanggol ay inampon at pinalaki ng mga bakulaw; sa kanyang paglaki ay hindi ugaling tao ang kaniyang nakagisnan kundi ugali ng bakulaw. Isang babae ang nakasumpong sa kaniya, binigyan siya ng pangalan, tinuruang magsalita, at mag-isip na gaya ng tao. Natutunan niyang magpakatao sa pamamagitan ng babaing ito.
Ganito ang ibig kong sabihin: ang ating katawan ay walang kakayahan para sa kaniyang sarili. Anomang gawa ng katawan iyon ang inutos na ipagawa ng kaluluwa. Ang kaluluwa naman ay gagawa ng ayon lamang sa liwanag na kaniyang nasumpungan. Kung ang nasumpungan niyang pamilya ay ang mga hayop, natural na ayon sa kalikasan ng hayop ang kaniyang magiging ugali. Kung ang bata ay pinalaki ng mga magulang na maging mangmang o disiplinado, ito ang ugaling dadalhin nila dahil ito ang naging kaliwanagan nila.
Mula sa pagkakasala ay hindi na ang espiritu ang nangunguna sa tao. Ang espiritu ay napailalim sa kaluluwa. Kaya't ang buong kaisipan ng tao ay naging makalaman. Sa wikang Griego, ang salitang makalaman ay makakaluluwa na gaya ng mababasa natin sa I Corinto 2:14.
Dito ko natutunan ang panganib ng paglakad ayon sa kaluluwa: wala silang kapahayagan na matatanggap sa Dios. Maaaring sabihin ng iba, ang lahat ng kapahayagan ay naibigay na sa atin sa Bibliya, bakit pa tayo mangangailangan ng kapahayagan? Sinabi ng Panginoong Jesus: "...ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay" (Juan 6:63). Kung ang wika ng banal na Kasulatan ay espiritu, ito'y sinasaliksik ng ayon sa espiritu, at sasalitain din sa espiritu. Ang kapahayagan nito ay sa espiritu, kaya't hindi ito mauunawaan ng mga taong makalaman. "Ngunit ang mga taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagkat ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagkat ang mga yaon ay sinisiyasat ng ayon sa espiritu" (I Corinto 2:14). Ang salitang "laman" sa talatang ito ay nanggaling sa wikang Griego na psuchikos na ang ibig sabihin ay "makakaluluwa".
Kung gayon, silang mga mangangaral na makakaluluwa ay hindi makakapangaral sa atin ng mga bagay na may buhay hangga't wala sa kanila ang kapahayagan na galing sa Dios. Hindi din sila makakatatanggap ng mga kapahayagan sa Dios habang namumuhay na makakaluluwa, dahil ang Dios ay nagpapahayag ng ayon sa espiritu. Kung sila man ay nakakapangaral ng mga bagay na katotohanan, ang mga yaon ay sinasalita nila ayon sa maka-taong kaliwanagan. Ang ibig sabihin ng kapayapaang nanggagaling sa Dios ay ang pagkakaroon ng buhay ang mga titik na ito. Ito'y maging buhay hindi lamang sa ating mga buhay kundi pati na sa lahat ng ating mga nakikita: kung ano ang pagtingin ng Dios sa buhay na ito ay yaon ang ating nakikita. Iyan ang kapahayagan na galing sa Dios.
Pagpasok mo sa kalooblooban ng templo ay ang kabanal banalang dako. Dito ay makakakita ka ng kaliwanagan hindi galing sa liwanag ng araw, dito'y imposibleng makapasok ang liwanag ng araw; hindi din sa liwanag ng kandelero, dahil ito'y natatabingan ng malalaking kurtina, kundi sa liwanag na nanggagaling sa kaban ng Dios. Sa loob ng kaban ng tipan inilagay ni Moises ang sampung kautusan na inukit ng Dios sa dalawang tapyas na bato at ang tungkod ni Aaron.
Hindi nagkamali si Pablo ng pagsasabi na ang katawan natin ay templo ng Dios. Ang kabanal-banalang dako ay masasabing tumutukoy sa espiritu; ang dakong banal ay sa kaluluwa; at ang dakong labasan ay sa katawan. Ang puwesto ng kaban ng tipan na nasa kabanal-banalang dako ay paglalarawan na ang Espiritu ng Dios ay tumatahan sa ating espiritu.
Dahil may magkaibang liwanag ang dakong banal at dakong kabanal-banalan: ang isa ay nanggagaling sa apoy ng kandelero at ang isa naman ay sa Panginoong Dios mismo: nangangahulugan ito na may magkaibang pagiisip ang kaluluwa at espiritu. Ang pag-iisip ng dalawang ito ay magkakasalungatan kung ang kaluluwa ay hindi natin ipapa-ilalim sa kapamahalaan ng espiritu.
Sa mga sulat ni Pablo maliwanag niyang ipinahayag ang pagkakasalungatang ito ng espiritu at kaluluwa. "Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, datapwat ang kaisipan ng espiritu ay buhay at kapayapaan" (Roma 8:6). Kaya't sa pasimula pa lamang ay sinabi ko nang nangangahulugan ng buhay at kamatayan ang kaalaman at karanasang ito, ay dahil sa mga maliwanag na isinulat na ito ni Pablo.
Lahat ng mga gawa sa labas ng templo ay hayag; subalit ang gawain sa dakong kabanal-banalan ay tanging Dios lamang ang nakakakita. Minsan ay inaakala natin na ang mga taong masyadong abala sa mga gawain ng Dios ay mga maka-Dios. Sa katotohanan, higit na nalulugod ang Dios sa mga taong naglilingkod sa Kaniya ng hindi hayag sa iba (basahin Mateo 6:1-5). Hindi natin alam ang pagiisip ng iba, maaaring higit na malalim ang pagkilala ng iba na hindi lamang nailalabas.
Ang mga taong walang Espiritu ng Dios ay walang kaliwanagan sa mga bagay na espirituwal. "...sapagkat ang mga ito ay kamang-mangan sa kaniya: at hindi niya nauunawa, sapagkat ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu" (I Corinto 2:14). Bagaman ang salitang "espiritu" sa talatang ito ay nakasulat sa maliit na titik, ito ay maaari din namang isulat sa malaking titik. Ang pagkakasulat sa malaking titik ay tumutukoy sa Espiritu ng Dios; ang pagkakasulat naman sa maliit na titik ay tumutukoy sa espiritu ng tao. Ang pagkakasulat ng malaki o maliit na titik ay pumapaloob ang pagbibi-gay ng interpretasyon. Higit na tumpak ang pagkakasalin dito sa maliit na titik dahil hindi Espiritu ng Dios ang tinutukoy, kundi espiritu ng tao.
Sabihin nating ang sumasaliksik ng mga malalim ng bagay ay ang Espiritu ng Dios. Nalalaman ng Espiritu Santo ang lahat ng malalim na bagay tungkol sa Dios kaya't hindi na nito kailangan pang magsaliksik. Kung gayon ang ibig sabihin ni Pablo sa talata ng Corinto, ang sumisiyasat ng mga bagay patungkol sa Dios ay ang ating espiritu.
Ang Dios ay tumatahan sa ating espiritu, kaya't kung mayroon Siyang sinasabi sa tao, ay sinasabi niya ito sa espiritu ng tao. Isang malaking katanungan sa akin ang sinasabi ng mga taong narinig nilang nagsalita ang Dios sa kanila. Ang Dios ay hindi direktang nakikipag-ugnayan sa dakong labasan; nakikipag-usap Siya sa nga dakilang saserdote; sa mga taong banal sa dakong kabanal-banalan. Matapos na ang saserdote ay makipag-usap sa Dios, lalabas siya sa dakong banal: sa kaluluwa. Paglabas niya sa dakong banal ay ang dakong labasan, doon pa lamang niya maihahatid kung ano ang sinabi ng Dios sa kaniya at sa kaniyang bayan.
Nagiging tulay ng espiritu sa katawan ay ang kaluluwa. Hindi direktang nangungusap ang espiritu sa katawan, kaya't hindi mangungusap ng direkta ang Dios sa katawan. Ang namamagitan sa espiritu at katawan ay ang kaluluwa.
Kung mayroon tayong marinig na tinig sa ating pisikal na tainga, hindi ba't ang gawang iyon ay maaari ding gawin ni Satanas: bubulungan ka, at aakalain mo namang galing sa Diyos. Maraming paraan si Satanas upang makapandaya at diyan siya eksperto. Paano mong mapagkikilala kung ang bulong na narinig mo ay sa Dios galing o kay Satanas? Mag-ingat tayo sa mga bulong na ating naririnig kung mayroon man, ang mga mensahe ni Satanas ay para bang kailangang-kailangan ng iglesia subalit sa bandang huli ay lumalabas ang katotohanan ng mga pandaraya. Kapag iyon ay nahahayag, ang kinalalabasan ay pagkawasak.