10. IBA'T-IBANG EMOSYON NG TAO

Ang iba't-ibang emosyon ng tao ay kaloob sa kaniya ng Dios. Kung anong emosyon mayroon tayo ngayon, ang Dios ay mayroon din niyaon maliban sa pagkatakot at pagkahiya. Ang emosyon ng Dios ay hindi gaya ng sa tao, sa theology kung tawagin ang mga yaon ay anthropophatism: nangangahulugan ito na ang mga emosyong pantao ay ibinibigay natin sa Dios, upang maunawaan natin ang Kaniyang kalooban. Kung ang Dios ay Espiritu, kailangang ang tao ay lumakad ng ayon sa espiritu; kung paanong gumagawa ang emosyon sa Dios, ay kailangang gayon gagawa ito sa tao upang siya'y makalakad sa espiritu. Ginagamit ng espirituwal na tao ang emosyon sa mga bagay na nararapat lamang, samantalang sa mga makasalanan ay ito ang umaalipin sa kanila.

Ang emosyon bilang bahagi ng kaluluwa, ay siyang nagiging panginoon ng tao habang nananatili siyang maka-kaluluwa. Kung ang espiritu naman ng Dios ay nasa atin, ang bawat bahagi ng ating emosyon ay magiging alipin natin. Tingnan natin ang ilan sa mga ito na laging nananaig sa tao.

1. TAKOT

Karamihan sa mga tao, ang kanilang pagkatakot ay sa hindi nila nalalaman. Ang mga mahihirap ay natatakot sa kung ano ang mang-yayari sa kinabukasan, hindi nila alam kung ano ang magiging buhay nila sa susunod na araw; ang mga mayayaman naman ay natatakot baka may magbanta sa kanilang buhay, o baka ang kayamanan nila'y mabawasan dahil sa hindi matatag na ekonomiya ng bansa. Ang pagkatakot ay naging isang karamdaman na rin sa ngayon: mayroong takot sa dilim, may mga takot sa tubig, at sa ibang mga bagay.

Ang salitang "Huwag kang matakot" ay maraming ulit nating mababasa sa Bibliya, mula sa Luma hanggang sa Bagong Tipan. Ayaw ng Panginoong Dios na ang Kaniyang lingkod ay may kinatatakutang anoman. Ang pagkatakot ng mga taga-sanlibutan ay hindi katanggap-tanggap sa Kaniya, ang pagkatakot naman ng mga Kristiyano sa ibang bagay maliban sa Kaniya ay karumal-dumal pa rin sa Kaniyang harapan.

Nakakita na ako ng mga Kristiyano na noong napahalo sa mga taga-sanlibutan, ng matuon sa mga born again ang usapan, biglang sinabi ng Kristiyanong ito na hindi naman siya aktibo. Sa pagkatakot niyang siya'y tuyain ay ipinagkaila niya ang pagka-Kristiyano niya.

Nagbabala ang Panginoong Jesus sa mga taong ganito: "Datapwat ang sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit" (Mateo 10:33). Nagiging kapalit ng ating pagkatakot na ipakilala ang Dios sa harap ng mga tao, ay ang ating kaligtasan. Kung gayon, ang maging duwag ka sa harap ng ibang tao ay nagpapakita na nangunguna pa rin sa iyo ang kaluluwa.

Sinabi pa rin ng Panginoong Jesus: "Huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impierno" (Mateo 10:28). Kung si Satanas ay may kakayahang patayin ang ating katawan, hindi pa rin natin siya nararapat katakutan; ang tangi nating dapat katakutan ay walang iba kundi ang Panginoong Dios lamang, na may kakayahang tayo'y itapon sa nakakakilabot na kaparusahan sa impierno.

Kung kay Satanas ay hindi tayo dapat matakot, kung gayon, hindi din tayo dapat matakot kanino mang tao. Hindi din sila dapat katakutan dahil kung mapatay man nila ang ating katawang panlupa ay wala na silang magagawa pa. Hindi sila mga dios upang katakutan. Kaya't kung sa paanong paraan natin dapat gamitin ang pagkatakot, ito ay tanging sa Panginoong Dios lamang.

Bilang mga lingkod ng Dios, masasabi natin kung ano ang sinabi ni David: "Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?" (Awit 27:1). Hindi nagiging tama ang pagkagamit natin ng pagkatakot, kung ang ating kinatatakutan ay ang mangyayari sa buhay na ito. Kung tayo'y nasa Panginoon, payapain natin ang ating sarili at wala tayong dapat katakutan. Ang pagkatakot ay para lamang sa mga hindi mananampalataya.

Pagdating ng araw ng paghuhukom, ang mga taong kauna-unahang magkakaroon ng bahagi sa dagat dagatang apoy ay ang mga taong duwag (basahin Apocalipsis 21:8). Sila ang mga taong natakot ipakilala ang Panginoong Jesus. Tandaan ng mga Kristiyano, kung ang pagkatakot ay nangangahulugan ng ating kaligtasan, dapat ngayon pa lamang ay magpakalakas na tayo.

Ang pagkatakot ay kaloob ng Dios, gamitin natin ito sa tama. Wala tayong ibang nararapat katakutan maliban sa Panginoong Dios.

2. GALIT

Bago mangyari ang pagkahulog ng tao sa kasalanan, ang pagkatakot at galit ay nasa maayos na pagkakagamit; mula ng sila'y magkasala, ito'y nawala na din sa tamang pagkakagamit. Ang nangyayari ngayon sa tao, kung saan sila nararapat magalit ay hindi nagagalit; kung kailan hindi dapat magalit, ay doon mo makikitang galit na galit. May mga taong marunong magpigil ng galit, may mga tao namang hindi pinipigilan ang kanilang galit kahit na sa anong bagay. Hindi ba't maraming tao ang napahamak at nagpahamak ng kapuwa dahil sa pagkakaalit lamang? Ang sabi ng Kawikaan, "Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalansang" (Kawikaan 29:22). Ang Kawikaang ito ay nasulat may 3,500 taon na ang nakalilipas, at hanggang ngayon ay katotohanan pa rin.

Akala ng mga hindi mananampalataya, kapag ikaw ay naging Kristiyano na, hindi ka na dapat na nagagalit pa. Ito ang isa sa dahilan kung bakit maraming Kristiyano ang inaabuso ng mga kasamba-hay. Walang sinasabi ang Bibliya na ang Kristiyano ay hindi na dapat magalit, kundi ang payo, "Kayo'y mangagalit at huwag kayong magkasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit" (Efeso 4:26). Maliwanag na tayo ay pinapayagang magalit, huwag lamang magkasala, at ang ating galit ay hindi mananatili. Ang interpretasyon ng iba sa salitang "huwag lumubog ang araw sa inyong galit" ay matapos agad ang ating galit bago maghating-gabi. Hindi iyon ang ibig sabihin ni Pablo. Paano kung sa kinagabihan ka nagalit? Dapat ba hindi ka na magagalit doon? Ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang iyon, huwag mangyari na mawala tayo sa ating sarili dahil sa pagkagalit; huwag tayong pagdiliman ng pagiisip dahil sa galit. Kailangan sa tao ay matutunan niya kung ano ang dapat ikagalit at kung hanggang kailan dapat magalit. Kung babasahin natin ang Lumang Tipan, maraming ulit na ipinakita ang pagkagalit ng Dios ay sa mga kasalanan ng kaniyang bayan. Gaya na lamang ng ginawang pagtataboy ng Panginoong Jesus sa mga nagbebenta, namamalit ng salapi, at mga namimili sa templo ng Dios. Sinabi Niya sa mga taong iyon: "Alisin ninyo ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal" (Juan 2:16).

Ang tamang paggamit ng Panginoong Jesus sa galit, ay sa kasalanan. Hindi Siya basta na lamang magagalit na gaya ng tao; higit sa lahat, ang Kaniyang pagkagalit ay madaling mapawi. Maraming beses nating makikita na Siya'y nagalit, subalit ang kaniyang pagka-galit ay hanggang doon lamang sa mga pangyayaring iyon. Kontrolado ng Panginoon ang Kaniyang galit dahil hindi kaluluwa ang nangunguna sa kaniya kundi ang espiritu. Magagawa ng Panginoong Dios na tayo ay hubugin sa gaya ng ugali ni Cristo. Kailangan lang ay isuko natin sa Dios ang lumang pagkatao, at hayaang Siya ang gumawa sa ikapagbabago natin.

Kung kaluluwa ang mangunguna sa tao, matatapos ang isang pangyayari ay dala pa rin niya ang galit na iyon. Kaya nga, lumakad tayo sa Espiritu upang ang kaluluwa ay mapasa ilalim nito, sa gayon, ang emosyon ng galit ay magiging kontrolado ng espiritu.

3. KALUNGKUTAN

Ang buhay na punung-puno ng kalungkutan ay ang buhay ng Kristiyano. Ang mata ng mga taga-sanlibutan ay laging nakatutok sa kanila. Anomang pagkakamali ang magawa nila'y tiyak na mapipintasan sila. Nalulungkot ang mga Kristiyano dahil sa mga kamali-an na kanilang nagagawa; ang kalungkutang ito'y nadaragdagan kung sila ay naging katitisuran sa kanino mang tao. Higit na kabigatan ang nasa kanilang kalooban lalo na kung nalalaman nilang sila'y nagkasala sa Dios. Ito ang tamang pagkadama ng kalungkutan.

Sa isang taong maka-kaluluwa, kadalasan ay hindi niya nadarama ang pagkalungkot, dahil para sa kaniya ang lahat ay ayos lamang. Gumawa man sila ng pagnanakaw, kung walang nakakakitang iba ay wala silang pakialam at wala silang dapat ikalungkot, "na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga" (I Timoteo 4:2). Kaya hindi sila malulungkot sa anomang kasamaan ay dahil selyado na ang kanilang budhi. Kaya nga kung kaluluwa ang mangunguna sa tao, hindi niya madarama ang kalungkutang naghahatid sa pagsisisi.

Isa pang mapanganib sa mga maka-kaluluwa ay kung dumating ang malabis na kalungkutan kasabay ng pagsisisi subalit nawala ang pananampalataya: ang mga bagay na ito ay kadalasang nauuwi sa pagpapatiwakal. Hindi ba't ito ang nangyari kay Judas Iscariote?(Mateo 27:5). Nagsisi siya sa kaniyang ginawa subalit hindi niya matanggap ang pagpapatawad ng Dios. Sa malabis niyang kalungkutan ay nagpatiwakal na lamang siya; inaakala niyang matatakasan niya sa pagpapatiwakal ang ginawang pagkakasala sa Panginoon. Ang nangyari kay Judas ay ang halimbawa ng binanggit ni Pablo na "kalungkutang ayon sa sanlibutan" (II Corinto 7:10).

Iba't-iba ang ugali ng tao sa sanlibutan, lalo na sa mga hindi mananampalataya. May mga taong gaya ng mga Fariseo na alam mong sila'y nagaayuno dahil nakikita ang malungkot nilang mukha (Mateo 6:16). May mga tao namang sa oras na dapat magkaroon ng kasayahan habang nananambahan ay mga malulungkot at walang sigla. Tunay na sa sanlibutan ay wala sa tama ang paggamit ng kanilang kalungkutan.

Habang si David kasama ng maraming tao ay nagpapakasaya sa pagpupuri sa Dios (Awit 42:4), ang kaniya namang kaluluwa ay nasa kalungkutan. Tinanong niya ang kaniyang kaluluwa: "Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios sapagkat pupuri pa ako sa kaniya dahil sa kagalingan ng kaniyang mukha" (tal. 5). Dahil siya'y espirituwal na tao, hindi niya pinabayaang manaig ang kaniyang kaluluwa. Pinangibabaw niya ang espiritu na magpakagalak sa Dios. Kontrolado ng espi-rituwal na tao ang kaniyang kalungkutan at kasayahan. Ginagamit niya sa tama ang pagkalungkot. Maging malungkot tayo sa tamang lugar at panahong kailangan, at hindi sa mga walang kadahilanan.

4. KASAYAHAN

Ito ay katotohanan na ang mga taong maka-sanlibutan ay walang kasayahan sa mga bagay na espirituwal. Ang kanilang kasayahan ay nasa mga kalayawan at usapang maka-sanlibutan. Sa mga pagtitipon gaya ng mga party at reunion ay tiyak na maririnig mo ang mga halakhakan; sa mga madidilim na lugar kung saan ginagawa ang paglalasingan ay maririnig mo rin ang matutunog na halakhakan. Kahit na hindi nakakatuwa ang kanilang pinaguusapan ay naroon ang halakhakan.

May mga grupo ng tao na nakikita nating tuwang-tuwa sa mga ginagawa nilang biruan, lalo na sa mga kabataan. Maririnig mo sa kanilang mga bibig, kung ano pa ang mga mahahalay na salitang hindi marapat salitain sa maraming tao, ay iyon pa ang pinagkakatuwaang pag-usapan. Mula pa lamang sa kapanahunan ni Solomon ay nakita na niya ang ganitong paguugali ng tao. Sinabi niya sa kaniyang Kawikaan: "Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait..." (Kawikaan 15:21).

Hindi marapat na ang Kristiyano ay makibahagi sa anomang kasayahan o biruan na hindi makapagpapatibay sa kaniyang espiritu. Kapag siya'y nakitawa sa mga usapang kamangmangan, sinasang-ayunan niya ang mga usapang iyon. Higit sa lahat, hindi marapat na sa isang Kristiyano ay lumabas ang anomang biro na para bang siya'y taga-sanglibutan din. Sinabi ng Panginoong patungkol dito: "At sinasabi ko sa inyo, na ang bawat salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom" (Mateo 12:36).

Kung mayroon tayong dapat na maging kasayahan, ito ay ang pagkakaroon natin ng pakikiisa sa Dios (Awit 16:11). Ang lahat ng mga lingkod ng Dios sa Bibliya ay walang ibang katuwaan, kundi ang makaisa ng Dios. Magkaroon din tayo ng kasayahan kung tayo'y nasa kapighatian dahil sa paglilingkod kay Cristo (I Tesalonica 1:6); sa ganitong bagay, ang Espiritu ng Dios ay nagpapahingalay sa atin (I Pedro 4:14). Ang sinaunang iglesia ay may kagalakang tinatang-gap ang mga paguusig at kamatayan, sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng bahagi sa mga paghihirap ni Cristo.

Kung mayroong panahon na ang ating kagalakan ay malulubos, ito'y sa panahon ng pagkabuhay na muli (Awit 17:15), ito ang panahon na tayo'y hindi na mahihiwalay pa sa Dios. Sa araw na iyon ay magpapasalamat tayo ng lubusan sa dakilang kaligtasan na ibini-gay Niya sa atin. Kulang ang mga pananalitang lalabas sa ating bibig upang pasalamatan Siya sa araw na iyon.

Ang mga Kristiyanong may katuwaan sa mga usapan at biruang maka-sanlibutan, ay palatandaan na may sakit pa sa espiritu. Sa kani-yang puso ay nakatanim pa ang kasamaan ng sanlibutang ito. Dito natin masusubukan ang ating espirituwalidad. Nasaan ang kasiyahan natin? Anong klaseng pananalita ang lumabas sa ating bibig ng nakaraang ilang oras? Kung masumpungan nating lihis sa Dios ang ating naisip at nasabi, panahon na upang tayo ay magbago ng landas. Para sa isang tunay na Kristiyano, wala sa sanlibutang ito ang kaniyang kasiyahan. Ibinahagi ng Dios ang kasiyahan sa atin upang magpakagalak tayo sa kaniya.

5. KATAPANGAN

Para sa mga taga-sanlibutan, ang mga matatapang ay ang mga taong handang mamatay at pumatay ng kapuwa, huwag lamang silang maapi. Ano ba ang nangyayari sa sanlibutan ngayon? May mga taong nagkatinginan lamang sa kalye, maya-maya ay nag-away na hanggang mauwi sa patayan. Sa iba't-ibang pangyayari sa pang-araw-araw na buhay, marami tayong nababalitaang napapatay at nakakapatay ng kapuwa tao ng walang kadahilanan.

Ang hindi maayos ng pagkakagamit ng katapangan ay nagbubu-nga ng kapahamakan. Nangyayari lamang ang mga ganitong bagay sa mga taong alipin ng kanilang sariling emosyon; sila ang mga taong nabubuhay na maka-kaluluwa. Subukin mong hamunin ang pinaka-matapang na tao na tanggapin ang Panginoong Jesus, ito ay kaniyang uurungan at malamang ay pagbantaan pa ang buhay mo. Dahil sa maling kalagayan ng tao sa espirituwalidad, kaya mali din ang paggamit ng kaniyang katapangan.

Kung mayroon mang tunay na matatapang, ito ay walang iba kundi ang mga tunay na Kristiyano. Pinatunayan na ng kasaysayan, na hindi sila natatakot kanino mang tao. Ang mga hari at mga sundalo ng mga kaharian ay walang takot nilang binaka, hindi nila kinatakutan maging ang kamatayan. Wala tayong dapat katakutan. Kung sila'y nagtagumpay, kailangang tayo ay magtagumpay na gaya nila. "Ano ang ating sasabihin sa bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?" (Roma 8:31).

Mahirap at masalimuot ang buhay sa mundong ito; bago tayo makapasok sa kaharian ng Dios, maraming pagsubok ang dadaanan natin. Sa mga darating sa ating buhay, lagi tayong tinuturuan ng Dios na magpakatapang at magpakalakas: "Kayo'y mangagpakalakas, at mangagdalang tapang ang inyong puso, kayong lahat na nagsisiasa sa Panginoon" (Awit 31:24).

Ang payo din ni Pablo: "Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan" (Efeso 6:10). Sa ating kalooban ay may kapangyarihang gumagawa na ang kailangan ay magpakatapang tayo para sa Dios; kung tayo'y mananatiling duwag, ang kapangyarihan ng Dios ay matatago sa atin.

Sa mga pangangaral ay kailangang magpakatapang tayo, inaabot ng Dios ang mga hindi pa mananampalataya sa pamamagitan natin, ang kailangan lamang ay magpakatapang tayo sa pangangaral ng ebanghelyo. Kung tayo ay natatakot, humingi tayo ng lakas ng loob sa Dios. Hindi tayo matapang sa ganang ating sarili, kundi dahil may Dios tayong sinasandalan. Ang katapangan ng sanlibutan ay huwad; ang tunay na katapangan ay ang tumayo tayo sa Panginoong Dios.

Huwag tayong matakot kung tayo ay tinanggihan sa ating pangangaral, alalahanin natin na hindi tayo ang unang tinanggihan kundi ang inaalok nating Tagapagligtas.

Kung mayroon mang mga tutungo ng impierno, kauna-unahan na ang mga taong duwag (Apocalipsis 21:8). Ito ay ang mga taong duwag mangaral, duwag magpatotoo, duwag amining siya'y Kristiyano, at duwag sa mga pagtakwil. Kung ang tao ay wala sa ayos ang katapangan, nangangahulugan ito na siya'y lumalakad pa na maka-kaluluwa. Ang tunay na Kristiyano ay nasa tama ang paggamit ng katapangan, siya ay matapang para sa Dios.

6. PAG-IBIG

Kung mayroon mang pinaka-naaabusong salita na ginagamit, ito ay walang iba kundi ang salitang pag-ibig. Kadalasan nagsisimula ang pagliligawan sa pagbigkas ng salitang "mahal kita" na sa katotohanan ay wala pa ang talagang pagmamahal. Marami din sa mga kabataan na itinutumbas ang salitang pagmamahal sa paghanga. At napakarami sa mga mag-asawa na nawasak ang pagsasamahan dahil wala na daw ang pagmamahal sa isa't-isa. Ang higit na pang-aabuso dito ay ang pagtutumbas ng salitang pag-ibig sa pagnanasang maka-laman. Ang mga bagay na iyan ay hindi ang tunay na pag-ibig.

Ano ba ang ibig sabihin ng salitang ito? Sa katotohan wala pa akong nakitang kasiya-siyang kahulugan na naibigay dito. Ang Bibliya man ay hindi nagbigay ng kahulugan, dahil walang maka-lupang pananalita ang sapat na magagamit upang ibigay ang kahulugan nito. Ang tanging ibinigay ng Bibliya ay ang mga katangian ng pag-ibig na mababasa natin sa I Corinto 13 at sa iba pang mga talata.

Sa katotohanan, ang pagibig ay hindi isang emosyon, ang emosyon ay lumilipas subalit ang pag-ibig ay hindi. Ang tunay na pag-ibig ay hindi makikita sa mga pagbibigay na naghahangad ng ganti: ipagkaloob man natin ang lahat ng ating tinatangkilik upang ipakain sa dukha; ibigay man natin ang ating katawan upang sunugin ay maaari nating magawa ng walang pag-ibig.

Ang ibinigay na paliwanag ni W. E. Vines tungkol sa pag-ibig ay mainam na isama natin: "Christian love, whether exercised toward the brethren, or toward men generally, is not an impulse from the feelings; it does not always run with the natural inclinations, nor does it spend itself only upon those for whom some affinity is discovered. Love seeks the welfare of all, Romans 15:2, and works no ill to any, 13:8-10; love seeks opportunity to do good to 'all men, especially toward them that are of the household of faith,' Galatians 6:10. See further I Corinthian 13 and Colossians 3:12-14."

Ipinakita ng Panginoong Diyos ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay niya kay Cristo upang mamatay na kahalili natin. Hindi Siya humihingi ng anomang kapalit, dahil walang maitu-tumbas sa bagay na Kaniyang ginawa. Ang tunay na pag-ibig ay pagbibigay na hindi naghihintay ng anomang kapalit.

«   |   »

Home