11. ANG KALIWANAGAN NG DIOS

Lahat ng mga hindi mananampalataya ay may iisang kalagayan sa harap ng Dios: ang kanilang mga gawang maka-laman ay kasuklam-suklam sa harap ng Dios. Para sa kanila ang gawang ginagawa nila ayon sa laman ay hindi naman nakapandidiri, ito ay sa dahilang hindi nila nakikita ang nakikita ng Dios. Kaya't para sa kanila ay wala ang pagkamuhi sa paggawa ng kasalanan. Kahit na ang mga taong nakikita nilang gumagawa ng mga gayong bagay ay hindi nila sinasaway kahit na maaari nilang sawayin kundi sinasang-ayunan pa.

Sa isang lingkod ng Dios ay nakikita niya ang kalagayan niya noong una, at ang kaibahan ng kaniyang mga gawa sa ngayon. Kung ano ang pagtingin ng Dios sa luma niyang pagkatao ay gayon niya ito tinitingnan. Ito ang kaliwanagang ibinibigay ng Dios sa mga tao: na mapagkilala nila ang tunay na kabutihan sa kamalian.

Nang tayo ay manampalataya sa Panginoong Dios ay nakita natin ang ating mga kahinaan at limitasyon; samantalang sa mga hindi mananampalataya ay hindi nila nakikita ito. Sinabi ng isang estudyante sa kolehiyo: "Kung nagagawa nilang mandaya makapasa lamang, bakit hindi ko rin gawin ito?" Hindi niya itinuturing na kahinaan ang ginagawa niya dahil kasama siya ng mga mahihina. Wala sa kaniya ang pagtanggi sa kasamaan dahil para sa mga di-mananampalataya ay walang karumihan sa paggawa ng kasamaan.

Lahat ng bagay na inaabot ng isang maka-kaluluwa ay para sa kaniyang sariling kaligayahan lamang. Ang mga bagay na kaniyang tinatangkilik ay para sa kaniyang kapakinabangan. Pawang maka-sarili ang kanilang pag-iisip. Hindi na baleng masaktan ang iba huwag lamang siya; hindi baleng maghirap ang iba huwag lamang siya; hindi na baleng mawalan ang iba huwag lamang siya.

Kaya nga, imposibleng mapagbago ang tao habang siya'y nanana-tili sa maka-lamang kalagayan. Siya'y nasa kadiliman kaya't ang mga masasama niyang gawa ay hindi niya nakikita. Upang siya ay maialis sa gayong masamang kalagayan, kailangang makakita siya ng kaunting kaliwanagan upang makita niyang hindi kinaluluguran ng Dios ang kaniyang mga gawa.

Imposibleng mapagbago ng kulungan ang kasamaan ng isang masama habang nananatili ang kasamaan sa puso ng tao; hindi din mapagbabago ng mga Muslim ang isang magnanakaw sa pamamagitan ng pagtutol dito ng kamay habang ang kasamaan sa puso nito ay hindi napuputol. Ang Dios ay magsisimula sa kalooban sa pamamagitan ng pagpapakita sa tao ng kaliwanagan na masama ang kaniyang mga ginagawa.

Mahalaga ang kaliwanagan para sa pagbabago: ang kaliwanagan ay ang kaalamang espirituwal na ibinabahagi sa atin ng mga manga-ngaral ng ebanghelyo. Habang wala ang kaliwanagan ng Dios sa tao, ay hindi niya mapagkikilala ang mga kinasusuklaman ng Dios. Kung wala ang kaliwanagan sa tao, siya'y mabubuhay ng ayon sa laman; subalit kung makakakita tayo ng taong lumalakad sa espiritu, siya ang taong naliwanagan. Pagdating ng kaliwanagan sa tao, doon niya mapagkikilala ang lahat ng niyang kasamaan. Kung ano ang pagtingin ng Dios sa kaniyang kasamaan gayon niya ito kasusuklaman. Kapag dumating sa kaniya ang kaliwanagan ng Dios, pawawalang kabuluhan ng tao ang lahat sa kaniyang buhay at bibigyan ng malaking halaga ay tanging si Cristo.

Matututunan ng tao na hatulan ang kaniyang sarili sa mahalagang kaalaman na maitatanim sa kaniya. Noong araw ay wala siyang pamantayan sa pagkilala ng mabuti at masama, dahil wala itong pinagkaiba sa kaniya. Ngayong wala na siya sa kadiliman ay wala na ding talukbong ang kaniyang mukha kaya't nakikita na niya ang kaibahan ng mabuti at masama.

Walang sinomang tao na pagkatapos makita ang kaliwanagan ng Dios ay mananatili pa ring nakatayo at nanghahawakan kaniyang prinsipyo. Gaya ni Saulo ng makita niya ang kaliwanagan ng Panginoong Jesus ay nasubsob siya sa lupa. Nang idilat niya ang kaniyang mga mata ay wala na siyang paningin, kaya't kailangan na niyang magpaakay sa iba patungo sa daan na ituturo sa kaniya ng Panginoon (Gawa 9:3-8).

Bago nakilala ni Pablo ang Panginoong Jesus ay ipinapatotoo niya: "Tungkol sa pagsisikap ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan" (Filipos 3:6). Akala niya noong una ay napapaluguran niya ang Dios sa mga ginagawa niyang paguusig sa iglesia at pagsunod sa mga bagay na nasa kautusan. Dahil wala kay Pablo ang tunay na kaliwanagan iniisip niyang tama ang kaniyang mga ginagawa, ang kaniyang buhay ay punung-puno ng pagpapaimbabaw, ng galit, at pagmamataas. Ang nakikita niya ay ang gawang tinutupad niya sa kautusan at hindi ang gawa ng Dios.

Nang sumilay sa kaniya ang liwanag ng Dios, nawalan siya ng paningin kaya't hindi na niya makita ang daan na kaniyang tinutun-guhan. Ang nakikita niya mula ng oras na iyon ay si Cristo at ang daan nito na itinuturo sa kaniya. Nang lakaran niya ang daan ng Panginoon ay nasumpungan niya ang kaligayahan ng kaligtasan na nanggagaling sa Dios.

Gaya ni Pablo noong una, namumuhay tayo sa pagrerebelde at pagmamataas laban sa Dios. Hindi natin ito nalalaman dahil wala sa atin ang liwanag ng Dios. Akala natin ay higit tayong malakas sa iba, dahil ang nakikita natin ay ang kahinaan ng iba at hindi ang sa atin. Walang sinomang tao ang maituturing na malakas kung siya ay hiwalay kay Cristo. Lahat sila ay mahina, dahil ang nakikita nila sa buong kapaligiran ay pawang kahinaan, kaya't ang akala nila'y malakas na sila dahil naging iba sila sa ibang tao.

Pagkatapos makilala ni Pablo ang Panginoong Jesus, ang kaniyang ipinagmamalaking pagsunod sa kautusan ay nasumpungan niyang hindi makapagbibigay-lugod sa Dios. Sa kautusan ay may kaluguran ang ating mga espiritu, subalit ang layunin ng pagbibigay nito ay upang ipakilala ang kasalanan. Minsan pa ay nais niyang tuparin ito ng walang pagpapaimbabaw, datapwat hindi niya magawa dahil sa kalooban ng kaniyang mga sangkap ay may isa pang batas na gumagawa na bumibihag sa kaniya. Kaya't ang naging sigaw niya: "Abang tao ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan. Nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin" (Roma 7:24-25a). Dumating sa kaniya ang kaliwanagan sa pamamagitan ni Cristo.

Pinagmumulan ng Kaliwanagan

Ayaw ng sinomang taong nasa kadiliman ang sa kanila'y may lalapit na isang nasa kaliwanagan. Sa pamamagitan ng kaliwanagan ay nahahayag ang kanilang mga gawang masama. Subalit ang pagpasok ng kaliwanagan ay laging nananaig saan mang kadiliman. Liliwanagin ng kaliwanagan ang kadiliman. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: "Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napaguunawa ng kadiliman" (Juan 1:5). Ang tunay na liwanag ay ang Panginoong Jesus, dumarating siya sa maraming nasa kadiliman upang sila'y maliwanagan. Ayaw ng maraming tao sa kaliwanagan ng Panginoon kaya't ito ay kanilang tinatanggihan.

May dalawang pamantayan sa paghatol ang tao: ito ay ayon sa sariling kaliwanagan na nasa kanila, at ang ikalawa ay ayon sa kaliwanagan na nanggagaling sa Dios. Hindi natin madadala ang tao sa pagsisisi hangga't sila'y nananatili sa kadiliman. Sa katotohanan ay kakikitaan pa natin sila ng pagmamalaki dahil iniisip nilang hindi naman sila tutoong masama. Kaya't ang kailangan ay maipakilala natin sa tao ang kanilang kalagayan sa harap ng Dios, upang malaman nila kung bakit kailangan nila ng Tagapagligtas.

Pagdating sa ating mga Kristiyano, maraming manggagawa ang nagkakaroon ng pagmamalaki dahil iniisip nilang nakahihigit sila sa kanilang mga kapatid. Hindi nila nakikita ang kaliwanagan ng Dios dahil ang buong pansin nila ay nasa kanilang sarili, higit na nangin-gibabaw sa kanila ang mga maka-kaluluwang gawa.

Ang mga taong hindi nakakakita ng liwanag ng Dios ay mga taong binulag ni Satanas ang mga pagiisip. Sila'y nasa ilalim pa rin ng pagkabihag ng diablo at hindi pa lubusang nakakalaya. Kaya nga, hindi natin masasabing ang isang tao'y maka-Dios habang nananatili siya sa kadiliman; habang ang nakikita niya'y ang gawa ng kaniyang kaluluwa.

Sino kung gayon ang tunay na mga maka-Dios? Ang palatandaan ay sinabi sa atin ni Juan sa kaniyang sulat: "At ito ang pasabing aming narinig sa Kaniya at sa inyo'y aming ibinabalita, na ang Dios ay ilaw at sa kaniya'y walang anomang kadiliman" (I Juan 1:5). Ang isang tunay na maka-Dios ay nakikita at tinatanggap ang liwanag ng Dios. Lantad sa kaniya ang gawa ng kadiliman at wala siyang kaluguran upang gawin ito o bigyan man ng puwang sa kaniyang buhay. Napagkikilala niya ang gawa ng espiritu at ang gawa ng kaluluwa.

Sa Awit naman ni David: "Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag" (Awit 36:9). Nakasalalay ang paglago ng isang Kristiyano sa liwanag na ibinigay sa kaniya ng Dios. Tutoong kailangan natin ang makinig, magbasa ng Bibliya, at manalangin, subalit hindi ito ang pangunahing batayan upang lumago ang isang Kristiyano. Ang tunay na paglago ay sa pagkakita ng liwanag ng Dios. Sa liwanag na ibibigay ng Dios ay makakakita pa tayo ng maraming kaliwanagan, hanggang sa maging makabuluhan ang ating pagbabasa ng Bibliya at pananalangin.

Gaano karaming pangangaral na matapos nating mapakinggan ay agad nating nakakalimutan? Ilang ulit nating nababasa ang Bibliya, na pagkatapos basahin ay nagsisilbing karunungang pang-kaisipan lamang? Hindi natin naaabot ang talagang mensahe at hindi tayo nahihipo ng mga salitang nababasa natin. Gaano kahaba ang panahong ibinuhos natin sa pananalangin? Baka mas mahaba pa ang panahong ibinuhos natin sa panonood ng telebisyon kay sa pananalangin. Nakasisiguro ba tayo na ang pananalangin natin ay umaabot sa trono ng Dios? Baka ang mga dasal na inusal natin ay hindi pa lumalampas sa bubong ng bahay.

Kaya nga, hindi yaon ang mga batayan ng ating paglagong espirituwal, kundi, "Sa iyong liwanag ay makakakita kami ng liwanag." Kapag sumilay sa atin ang liwanag ng Dios, kung ano ang pagtingin ng Dios sa buhay na ito ay gayon ang ating magiging pagtingin. Kung gaano nakapandidiri sa paningin ng Dios ang kasalanan ay gayon natin ito pandidirihan. Kung paano nating nakikita ang kapahamakan ng mga makasalanan, higit pa doon ang nadarama natin na kailangan natin ang Dios.

Sinong tao na matapos magkasala ay nagkaroon ng kalungkutan dahil sinaktan niya ang Dios? Kung ang tao ay nakaramdam ng ganitong klase ng kalungkutan, ito ay dahil may liwanag na sumilay sa kaniya. Maraming tao matapos na magkasala ay nagkakaroon ng kalungkutan dahil nahuhulaan nila ang maaaring ibunga ng pagkakasala nila. Ang kalungkutan nila ay hindi dahil natisod nila ang Dios kundi dahil sa maaaring mangyari.

Nagiging takbuhan ng marami ang Dios upang iligtas sila sa isang situwasyong nagigipit sila. Ang gawa ng kaluluwa ay takasan ang anomang kagipitan. Kapag sumilay sa tao ang kaliwanagan ng Dios, pagsisisihan niya ang anomang kasalanang nagawa at tatanggapin ang anomang ibubunga nito. Sasabihin pa ng tao sa kaniyang sarili: "Pagod na ako sa aking mga gawa, ang nais ko'y lumakad na ng may kabanalan at katotohanan."

Kapag hinayaan natin ang ating kaluluwa ang gumawa sa ating buhay, magkakaroon talaga ito ng kapaguran. Silang mga nakadama ng pagod ang hinahanap ng Panginoong Jesus upang bigyan ng kapahingahan (Mateo 11:28-29). Kapag nasumpungan ng tao ang kaginhawahang ibinibigay ng Dios, doon niya masasabing ito ang matagal na niyang hinahanap.

Pagkatanggap ng tao ng kaginhawahan ay lumiliwanag sa kaniya ang liwanag ng Dios. Makikita niya ngayon ang pagkakaiba ng kaniyang gawa ng siya'y hiwalay at ngayong siya ay nasa Dios na. Sa araw na iyon ay magtatapos ang paggawa ng kaniyang kaluluwa at magpapasimula naman ang gawa ng espiritu. Sa pagtigil ng kaluluwa sa kaniyang mga gawa, binibigyan siya ng Espiritu ng kapahingahan.

Bagaman tayo ay naliwanagan na ng Dios, ang kaliwanagan na iyon ay unti-unti lumilipas hanggang sa mangyari na tayo ay malugmok muli sa kadiliman at maging bihag muli ni Satanas. Sa pagdaan ng ilang mga panahon, ang akala natin ay nasa tamang pamantayan pa rin tayo ng Dios: ito ang matatawag nating maling pagkaalam sa sarili. Dumarating muli na ang espiritu ay nanghihina at ang kaluluwa ay muli na namang gumagawa, ang akala natin ay nasa tamang paglakad pa rin tayo, subalit nahihiwalay na. Nagbibigay tayo ng katuwiran kung bakit natin ginagawa ang isang bagay, sa katotohanan, ito ay gawa ng kaluluwa: ang magsumbong o magdahilan (Roma 2:15). Dahil sa tayo ay unti-unting nilalamon ng kadiliman, hindi na natin nakikita ang ating sarili dahil tayo'y binubulag ng sarili nating kabutihan.

Upang tayo ay huwag muling malugmok sa kadiliman, kinakailangan nating patuloy na tumanggap ng kaliwanagan. Ang Dios ay mapagbigay ng sagana, hindi lamang kakaunting kaliwanagan ang ibibigay Niya kundi masagana. Hindi lamang tayo nagiging bukas para sa Dios kaya't ang akala natin ay pinagdadamutan Niya tayo, subalit sa katotohanan marami Siyang inilalaan para sa atin.

Bigyan natin ng malaking puwang ang Diyos upang sa atin ay kumilos. Maging gaya tayo ni David na hinayaan ang kaniyang sarili sa Dios. Nang tingnan niya ang kaniyang sarili at wala ng nakitang anomang kasamaan, ang naging panalangin naman niya: "Siyasatin mo ako, Oh Dios, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang aking mga pagiisip: at tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan para sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan" (Awit 139:23-24). Maging panalangin din natin ito.

Kung tayo ang sasaliksik sa ating sarili baka hindi natin makita ang ating sariling pagkakamali; kung hahayaan nating Dios ang sumaliksik sa atin at hihingin nating ipakita Niya sa atin kung ano ang mga nagiging lakad natin sa Kaniyang harapan, makikita natin ang katotohanan kung sino tayo sa Kaniyang harapan. Ang kasamaang masusumpungan natin sa ating sarili ay unti-unti nating maaalis hanggang sa tayo'y lumakad ng sakdal sa harapan ng Dios. Sa pamamagitan ng Kaniyang liwanag ay makakakita tayo ng kaliwanagan.

«   |   »

Home