12. KALIGTASAN NG KALULUWA

Ang may kapangyarihan sa katawang ito sa anomang gawain at desisyon ay ang kaluluwa. Katunayan nito ay ang pagsasabi na ang kaluluwa ay ang ating kamalayan sa sarili, dahil dito, mula sa ating mga paguugali at sa kakayahan upang pumili at tumanggi ay patunay na ang kaluluwa ay ang "kalakasan" ng ating katauhan. Kaya't kung tayo ay nagkakasala, ito ay unang nanggaling sa kaluluwa at isinaka-tuparan ng laman.

Nalalaman natin na ang tao ay hindi maaaring mabuhay ng espiritu at katawan lamang ng wala ang kaluluwa. Kahit na sa mga mananampalataya ay mahalaga ang kaluluwa dahil kung wala ito ay walang magiging buhay ang katawan. Ang kaluluwang nananatili sa lumang pagkatao ay alipin ng kasalanan. Walang magagawa ang isang alipin sa sarili niyang kalakasan upang makalaya sa anomang umaalipin sa kaniya; ang kailangan ay mayroong magpalaya sa kaniya. Habang ang kaluluwa'y naglilingkod sa kasalanang umaalipin sa kaniya, ang patutunguhan nito ay kapahamakan.

Gaya na lamang din ni Tarzan na nabubuhay sa piling ng mga hayop, kung walang makasasagip sa kaniya ay mamamatay siyang gaya ng hayop. Ang magiging kapahamakan niya ay maaaring gaya din ng hayop. Gayundin ang mga makasalanan na kung walang magaahon sa kanila sa kasalanan ay mamamatay silang makasalanan at ang patutunguhan ay ang walang hanggang kapahamakan. Nang may magturo kay Tarzan kung paanong magsalita ng wika ng tao, binihisan din siya na gaya ng isang tao, at tinuruan siya ng ugali gaya ng sa tao; ang makikita na natin ay isang bagong tao na. Kaya't ang kailangan sa mga makasalanan upang mahango sa pagkakasala ay alisin sa kasalanang kanilang kinasasadlakan at bigyan ng panibagong pagkatao.

Mula sa araw na ang tao'y manampalataya ay tinanggap na niya agad ang panibagong pagkatao. Ang kaniyang kaluluwa na noong araw ay naliligayahan sa kasalanan, ngayon ang kaligayahan niya'y lumakad ng may kabanalan. Sa pamamagitan ng pagbabagong ito ay naging malaya na siya sa pagkaka-alipin ng kasalanan, subalit ngayon ay alipin siya ng Panginoong Dios. Sa kasalanan ay wala na siyang magiging kaligayahan dahil ang lumang pagkatao ay wala na sa kaniya. Hangad niya ngayon ay mapaluguran ang nagbigay ng bagong pagkatao sa kaniya.

May mga pagkakataon na bagaman gusto nating gumawa ng kabutihan ay kasamaan pa ang nagagawa natin. Makikita pa natin ang paulit-ulit na pagkakadapa natin sa kasalanan, ay para bang tayo'y mga tunay na talunan. Ito naman ang sasamantalahin ni Satanas upang maghatid sa ating isipan na tumalikod sa pananampalataya. Hanggang sa mangyari ay maramdaman natin na tayo ay talunan at bigo sa ating pananampalataya. Sa gayon ay magiisip tayo na muling balikan ang lumang pagkatao na minsan nating iniwan. Naniniwala ako na ang mga ito'y nangyayari dahil sa kakulangan ng tao ng liwanag na nanggagaling sa Diyos.

Habang pinipilit nating magtagumpay sa kasalanan, nakikita naman natin ay ang pagkatalo natin. Para bang ang salita ng Dios ay walang katotohanan na nagsasabing tayo ay mga patay na sa kasalanan. Nangyayari ay lalong nagiging maliwanag pa na ang kasalanan ay naghahari sa ating buhay. Mayroon bang solusyon sa ganitong problema? Pagkatanggap ng tao sa Panginoong Jesus ay natural na siya'y may maka-laman pang hangarin. Itinuturing na sila ay mga sanggol pa. Gaya ng isang sanggol, ang mga ito ay walang kakayahan upang ipagtanggol ang sarili sa mga atake ni Satanas. Ang kailangan ay patatagin sila sa pananampalataya at alagaan sa pamamagitan ng mga salita ng Dios (I Pedro 2:2). Magiging masakit na karanasan sa kanila ang tumayo at pagkatapos ay madapa, na ang magiging turing nila dito ay pagkatalo.

Dumarating ang panahon na siya'y nagtatagumpay ng unti-unti sa mga kasalanan, hanggang sa makita niya ang kaibahan ng kaniyang sarili sa ibang mga baguhang Kristiyano. Nagkakaroon na siya ng pagtatagumpay, nauunawaan na niya ang maraming bahagi ng mga Kasulatan, unti-unti ay nahahanda na siya upang magbahagi ng mga tinanggap niya. Ang kaibahan na kaniyang pagkatao ay maaaring galing sa Espiritu Santo o maaaring galing pa rin sa maka-kalulu-wang kapangyarihan niya. Maaaring siya'y espirituwal na tao o maaaring siya'y maka-kaluluwa pa rin.

Hindi sa dahilang nakapagtuturo ang tao ng mga malalalim na katuruan ay maituturing siyang espirituwal; hindi din sa dahilang hindi makapagturo ang tao ng mga paksain sa Bibliya ay ituturing naman siya na isang maka-laman pa. Hindi batayan ang kaalaman sa Bibliya upang sabihing maka-laman o espirituwal ang tao. Ang tunay na batayan sa isang tao ay ang makatanggap ng mga kaliwanagang galing sa Dios.

Maraming tao ang nagiisip na siya'y espirituwal na ang sa katotohanan ay maka-laman pa. Akala nila'y malakas na sila at nakahihigit dahil nagtatagumpay na sila sa kasalanan. Hindi nila nakikita na ang kaluluwa pa rin ang umiiral sa kanila, dahil ang pansin nila'y na sa kanilang sarili. Subalit kung ang tao ay lumalakad sa Dios, hindi niya ikukumpara ang sarili niya sa iba o iisiping higit siyang magaling.

Bagaman siya'y nagtatagumpay sa mga kasalanan, sa harapan ng Dios siya ay nasa pagsuway pa rin. Napagtagumpayan niya ang kasa-lanan sa sarili niyang kalakasan, kaya't sa mga bagay na espirituwal gagamitin pa rin niya ang kalakasan at kakayahan ng kaniyang kalu-luwa. Ito pa rin ang mga gawang hindi dalisay dahil naroon ang bahid ng dungis. Kaya't ang mga tao na kaniyang maimpluwensiyahan ay pawang magkakaroon din ng karanasang hindi dalisay. Kung siya'y gagawang may katalinuhan, magpapakatalino din ang kaniyang mga taga-sunod. Kung siya'y gagawang maka-emosyon, ang kaniyang mga taga-sunod ay magiging emosyonal din. Sa gayon ang pagkatakot sa puso ng mga mananampalataya ay hindi sisibol, ang pagkatakot ng mga maka-kaluluwa ay hindi sa Dios kundi sa kung ano ang masasabi ng tao sa kanila ay iyon ang ikinatatakot nila.

Pagkaraan ng ilang panahon, muli ay mauunawaan niya sa kaniyang sarili na hindi pala siya lumalakad sa daan ng Dios kundi sa pagiging makasarili. Muli ay aaminin niya sa Dios na siya'y nadapa at magpipilit na muling bumangon. Nalalaman ng bawat tao kung ang kaniyang paglakad sa harap ng Dios ay sa pagpapaimba-baw, subalit binubulag lamang nila ang kanilang sarili kaya nila ito hindi nakikita. Sa pagkakataong ito na siya'y muling nagsisisi ay sa higit niyang ikabubuti. Ang liwanag ng Dios na sumilay sa kaniya ay naging malinaw na ngayon.

Pagdating muli sa kaniya ng kagila-gilalas na kaliwanagan ay magpipilit siyang lumakad ng matuwid sa harap ng Dios. Nariyan muli na ang pagkakasala ay hahanap ng pagkakataon upang makapa-sok sa kaniyang buhay. Masusuklam ang tao sa mga kasalanang hindi niya mapigil na gawin, at sa gayon ay sisigaw siya na gaya ni Pablo, "Sa abang tao ako. Sino ang magliligtas sa akin dito sa katawang may kamatayan?"

Sa mga seryosong naglilingkod sa Dios, may masaganang kapatawaran para sa kanila; subalit sa mga taong sarado ang budhi sa paggawa ng kasamaan ay sinasabi: "Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasala-nan, kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway" (Hebreo 10: 26-27).

Ano naman ang sinasabi tungkol sa ating mga nagnanasang magpakabanal subalit nagkakasala pa rin? "Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana? Huwag nawang mangyari. Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa riyan? (Roma 6:1-2). Nangangahulugan ito na sa ating pagkakasala ay sumasagana naman ang biyaya. Subalit tayo ay mga patay na sa pagkakasala kaya't hindi tayo nararapat magpatuloy na magkasala. Naniniwala ako na kaya tayo nagkakasala ay dahil pinili nating magkasala, kung ito'y iiwasan natin sa tulong ng Espiritu Santo ay maiiwasan natin ito.

Sinabi pa rin ni Pablo: "Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus" (tal 11). Bagaman tayo patuloy na nagkakasala kailangang ibilang natin ang ating mga sarili na patay na sa kasala-nan. Ang problema nito, ibibilang natin ang ating sarili na mga patay na sa pagkakasala, pero habang ibinibilang natin dito ang ating sarili, ay lalong nagiging aktibo ang ating mga kasalanan. Ito ay isa din sa mga naging kahirapan ko sa paglilingkod sa Dios.

Maraming kabiguan tayong mararanasan bilang mga Kristiyano, pakatandaan lamang natin na ang mga pagkabigong iyon ay hindi pagkatalo. Tayo ay dumadaan lamang sa proseso ng paglilinis ng Dios. Hindi sa dahilang ikaw ay nagkasala at muli'y nagkasala ay talunan ka sa labanang ito. Ang mga talunan ay ang mga taong umuurong pagkatapos mapasimulan ang pakikibaka; subalit kung tayo ay nagpapatuloy hindi pa maituturing na tayo ay talo.

Hiniling ko sa Panginoon kung paano kong mapapatunayang na ako'y patay na nga sa pagkakasala. Ang tugon naman sa akin ng Dios: "Ibilang ko ang aking sarili." Tuwing ibinibilang ko naman ang aking sarili na isang patay, lalo naman nagiging aktibo at maliwanag ang kasalanan sa aking buhay.

Iniisip ko ano ang kulang sa sarili ko, baka naman ako'y nagkukulang ng pananampalataya kaya't agad akong humingi sa Dios na dagdagan ang aking pananampalataya. Sa patuloy na pagbabasa ng Kasulatan ay isang talata ang nagpagalak sa akin: "Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya" (Roma 6:14). Ang espiritu sa aking kalooban ay nagagalak dahil sa katotohanang ito na aking nasumpungan. Hindi na ako alipin ng kasalanan dahil ang buhay ko ay ipinagkatiwala ko sa biyaya ng Dios. Kung gayon, dapat ay panampalatayanan ko ang sinasabi Kasulatan na ako'y patay na sa kasalanan. Iyan ang katotohanan at hindi na ako nararapat maghanap ng iba pang kasagutan.

Hindi na makapaghahari ang kasalanan sa atin kung hindi natin ito bibigyan ng pagkakataon. Ako ay alipin ng Dios at hindi ako alipin ng kasalanan. Kung sa Dios ko isinuko ang aking sarili ay Siya ang maghahari sa akin; subalit kung wala ako sa pamamahala ng Dios ay alipin naman ako ng kasalanan. Bilang alipin ng Dios, hindi ko na nararapat pang ihain ang aking sarili sa ikatitisod ng aking pinaglilingkuran ngayon.

Ipinaglingkod ko ang luma kong pagkatao sa kalayawan at kasalanan. Nang makilala ko at tanggapin ang Panginoong Jesus ay binigyan Niya ako ng isang panibagong pagkatao. Nasumpungan ko na ang ibinubunga ng mga gawa ko sa sanlibutan ay pawang kahihi-yan sa harap ng Dios. Sa gayon ay naglingkod ako sa Dios at nagsisi ng kapait-paitan. Matapos ang aking pagtangis, ang nakikita kong pangitain ay ang bukas na palad ng Dios. Alam kong ako'y pinatawad Niya at tinanggap ang aking pagsisisi.

Alam kong ako'y binigyan Niya ng bagong pagkatao, ano naman ang magagawa ko sa luma kong pagkatao? Ang kasagutan ay masusumpungan pa rin natin sa mga kapahayagan ni Pablo: "Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan" (Roma 6:6). Tunay na ang Dios ay kumpleto ng kasagutan para sa ating mga katanungan.

Sinasabi na ang bautismo sa tubig na ating tinanggap ay ang ating paglakip sa kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na muli ng Panginoong Jesus (Roma 6: 3-5). Sa pamamagitan nito ay mayroon tayong kapatawaran sa ating mga kasalanan (Gawa 2:38). Higit sa lahat, ito ang katunayan ng ating kaligtasan (Marcos 16:16; I Pedro 3:20-21). Subalit ang bautismo sa tubig ay may isang bagay na hindi ginaga-wa, ito ay ang "pagaalis ng karumihan ng laman." Ang ating kaligta-san ay mayroong pasimula at ang pasimula nito ay ang ating pagtanggap sa bautismo. Ito ay mayroon din namang kasakdalan at ito ay magaganap pagkatapos ng ikalawang pagkabuhay na muli (I Corinto 13:10; Tito 2:13; Hebreo 12:2).

Pagkatapos nating tumanggap ng bautismo sa tubig ay nananatili pa rin ang karumihan ng laman. Hindi ito inaalis ng bautismo kundi ang kailangan dito ay mawasak sa pamamagitan ng pagpapako sa krus kasama ang Panginoong Jesus. Sa gayon kung ang datihan nating pagkatao ay magiba hindi na tayo magiging alipin pa ng kasalanan, dahil ito ay kasama ng napako ng Panginoon sa krus. Iyan ay mga kapahayagan na dapat nating panghawakan.

May katuruan na nagsasabing kailangan ay patuloy nating ipapako sa krus ang ating katawan, sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga pagdurusa, upang maalis ang lahat ng mga kasalanang umiiral dito. Sa gayon ay gumagawa sila ng mga pamamaraan upang pagkaitan ang katawan ng mga pangangailangan: gaya ng kakulangan sa pagtulog, kakulangan sa protina at iba pang bitamina, napakahabang panahon ng pagaayuno at pananalangin, at kakulangan pa rin sa ehersisyo. Nariyan din ang malabis na pag-iisa at pakikitungo sa mga kapanampalataya lamang, sobra-sobrang debosyon at mga pananalangin, labis din na katuruan at pagtanggap ng mga training. Ito ay isa pa rin sa maka-kaluluwang pamamaraan na kung tawagin ay "asetismo". Ginagamit nila ang mga pamamaraang iyon upang pagdusahin ang katawan. Mayroon pang mga taong nananalangin na magkaroon ng karamdamang gaya ng kay Pablo upang ang biyaya daw ng Dios ay maging sapat sa kanila.

Alalahanin natin na tayo ay nasa espirituwal na pakikibaka. Ang ginagawang ito na pagsugpo sa katawan sa maka-kaluluwang pamamaraan ay plano ni Satanas upang mailigaw ang mga Kristiyano. Sa katotohanan ito ay isa sa masasabi nating mataas na antas ng pagiging maka-kaluluwa, sa mga ganitong pamamaraan dinidisiplina ng budismo at mga hindu ang kanilang sarili.

Hindi natin kailangang araw-araw na sugpuin ang ating sarili. Panghawakan natin ang salita ng Dios na nagsasabing ibilang natin ang ating sarili na mga patay sa pagkakasala. Manalig tayo sa sinabi ni Pablo na ang katawang salarin na ito ay nagiba na. Nang tayo ay manampalataya kay Cristo kasama itong napako ng Panginoon sa krus dalawang libong taon na ang nakakaraan. Hindi natin kailangan ang magdusa araw-araw upang makasama sa pagpako sa Panginoon. Dahil ang katotohanan, tayo ay kasama ng napako ng Panginoon! Lahat ng mga napakong kasama ni Cristo sa krus ay sinasabing, "Sapagkat ang namatay ay ligtas na sa kasalanan" (Roma 6:7).

Sa katotohanan, hindi tayo inuutusan na sumamang magpapako sa krus kasama ang Panginoon. Ibinabahagi lamang ni Pablo ang mahalagang kapahayagan na tayo ay kasamang napako sa krus. Ito lamang ang tanging kasagutan upang ang luma nating pagkatao ay mawasak, sa gayon ay hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan.

Narito ang isa pang mahalagang katotohanan. Kung papansinin nating muli ang buong kapitulo ng Roma, paulit-ulit nating mababa-sa ang salitang "kay Cristo". Kung wala ang Panginoong Jesus sa ating mga gawa, walang kabuluhan ang lahat ng mga ginawa natin. Halimbawa na lamang ay ang bautismo. Ano ang magiging kabuluhan nito kung walang Cristo? Nang binautismuhan tayo sa tubig sa pangalan ng Panginoong JesuCristo, dahil sa ito'y ginawa natin para kay Cristo, kung kaya't tayo ay naging kalakip sa Kaniyang kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na muli. Dahil pa rin sa gawa ng Panginoong Jesus kung bakit tayo ngayon ay naging kalakip sa pagkapako sa kaniya sa krus. Mahalagang makita nating ang Panginong Jesus sa lahat ng mga gawain natin. Sa gayon ay sa Kaniya natin maibibigay ang kaluwalhatian.

"Kaya't ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan, at tanggapin ninyo ng may kaamuan ang salitang itinanim na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa" (Santiago 1:21). Sundin natin ang payong ito ni Santiago, alisin natin ang karumihan at kasamaan sa ating sarili, sa pamamagitan ng pagkuha ng krus ng Panginoon. Ano ba ang krus ng Panginoon? Ito ay ang kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na muli ng Panginoon (I Corinto 15:3-4). Kailangang mamatay sa atin ang lahat ng karumihan, kasalanan, at mga kasamaan na ang pinagmumulan ay ang lumang pagkatao. Ang lumang pagkatao na namatay ay kailangang mailibing, kaya't kailangan nating tanggapin ang bautismo sa tubig sa pangalan ng Panginoong Jesus upang malibing ang dati nating pagkatao. Sa pagahon natin sa tubig na iyon, ibinihis na natin ang isang paniba-gong pagkatao.

Sa pagtupad natin sa mga ganitong bagay, ayon kay Pedro, ay nililinis natin ang ating mga kaluluwa (I Pedro 1:21). Ang ating pagtalima sa katotohanan ay ang pagsunod at pananampalataya sa mga salitang ipinahayag sa atin. Bagaman parang hindi natin nararamdaman ang katotohanang tayo napakong kasama ng Panginoon sa krus, panampalatayanan pa rin nating ito'y katotohanan. Ang pananampalataya ay hindi bumabase sa pakiramdam, kundi sa pagtanggap na tutoo ang salita ng Dios. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na sa atin ay itinanim: magkakaroon ng kaligtasan ang ating kaluluwa. Ang mga kapahayagang ito ay may kabuluhan, dahil ang nilalaman nito ay si Cristo (I Corinto 15:1-2). Subalit kung ang ating pananampalataya ay sa pagtataltalang hindi naluluwalhati ang Dios, ito ay walang kabuluhan.

Ang panghuling payo na aking maibibigay mula sa Kasulatan at ang nasusulat sa Hebreo 10:38-39: "Ngunit ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: at kung siya'y umurong ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa. Ngunit tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa." Walang sinoman ang magiging talunan sa mga Kristiyano kung siya ay patuloy sa paglakad. Ang tanging mga talunan sa pananampalataya ay ang mga nagsisiurong lamang. Marami ang pagbagsak na ating mararanasan, marami ang pagkabigo; lahat ng iyan ay pinapayagan ng Dios sa ating ikabubuti. Upang sa pagdating ng araw, tayong lahat ay humarap sa Dios ng walang bahid dungis.

«   

Home