Nang likhain ng Dios ang tao ay kinuha siya at hinugis sa alabok ng lupa. Ang nilikhang ito ng Dios para sa tao ay ang katawan pa lamang. Hindi nangyari na pagkatapos ihugis ng Dios ang katawan ay nagkaroon agad ito ng buhay, kundi ito'y nananatili pa ring patay.
Pagkatapos ay hiningahan ng Dios ang ilong ng tao, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay. Sa paglalagay ng Dios ng espiritu sa tao ay nagkaroon ng buhay ang katawan; kasabay nito, isa pang buhay ang ibinunga ng pagsasama ng katawan at espiritu: ito ay ang sa kaluluwa.
Sa ngayon ay may dalawang buhay na umiiral sa tao: ang nanggagaling sa espiritu at ang nanggagaling sa kaluluwa. Nang likhain ng Dios ang tao at bigyan ng buhay, hindi siya isang maka-laman, kundi ayon sa larawan ng Dios siya'y nilikha, nangangahulugang siya'y espirituwal. Binigyan siya ng Dios ng malayang kalooban upang pumili ng kung ano ang lalakaran: kung sa espiritu ba o sa laman.
Kaya't ng pinili ng tao ang puno ng buhay, isang buhay pa ang malalakip sa kaniya: iyon ay ang buhay na nanggagaling sa Dios. Ipinagbilin ng Dios na sa lahat ng bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay malaya silang makakakain, kasama na dito ang bunga ng punong kahoy ng buhay, maliban sa punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.
Sa ngayon ay may sinisimbulo ang dalawang punong ito: ang pagdedeklara na hindi natin kailangan ang Dios ay pagpili sa punong kahoy na ipinagbabawal. Ang pagpili natin sa kahoy ng pagkakilala ng masama at mabuti, ay ang pagsasabing hindi natin kailangan ang Kaniyang patnubay, at tayo ang pipili ng mabuti at masama para sa atin. Ang punong kahoy naman ng buhay ay ang pagpili natin sa patnubay ng Dios at pagsasabi na Siya ang manguna para sa atin. Ang puno ng buhay ay paglapit natin sa Dios, pagsasabi na kailangan natin ang Kaniyang buhay. Ang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama naman ay paghahayag na hindi natin kailangan ang Dios.
Bagaman gayong kabuti ang inihahandog, hindi tayo pipilitin ng Dios na piliin Siya. Sa atin manggagaling ang desisyon na Siya ang ating pinili. Ito'y katotohanan na tayo ay binigyan ng Dios ng malayang kalooban; hindi Niya inilagay sa ating isipan na gawin ang kalooban Niya, kundi tayo mismo ang pipili kung ating susundin Siya o susuwayin.
Inilagay ng Dios ang dalawang puno sa gitna ng halamanan: ang puno ng buhay at ang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ipinagbilin ng Dios sa tao na sa lahat ng bunga ng puno ay malaya silang makakakain maliban sa bunga ng puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Nasa ating kalooban ngayon kung tayo ay susunod sa bilin ng Dios o hindi. Katunayan lamang na tayo ay may malayang kalooban.
Mababasa natin sa Genesis 3 kung paanong ang tao'y nagkasala. Ang mga isinalaysay na ito ng Bibliya ay hindi alegorya kundi ito ay tunay na mga nangyayari. Dahil sa ito'y tunay na mga pangyayari, kaya't naniniwala tayo na ang dalawang puno na nasa gitna ng halaman ay pawang tutoo din.
Ganito ang sinasabi sa unang talata, "Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin mang mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios..." Nalalaman ng mga hayop kung sila ay pinapasok ng mga masasamang espiritu. Kapag sila'y pinapasok ay maaari silang tumanggi, at kapag sila'y tumanggi ay walang magagawa ang mga masasamang espiritu. Halimbawa ay ang kawan ng mga baboy na nagsidaluhong sa dagat at bangin dahil ayaw nilang pasukin sila ng mga masasamang espiritu (Mateo 8:31-33). Ang ahas na nasa halamanan ay nagpabayang pasukin siya ni Satanas upang magamit sa pandaraya.
"At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?" Ito ay nagpapakita ng limitasyon ni Satanas, hindi niya alam kung nasaan ang punong ipinagbabawal. Ginawa niyang mapandaya ang mga tanong, itinanong niya kay Eba kung lahat ba ng bunga ng puno sa halamanan ay bawal kainin. Sagot naman ng babae: "Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: datapwat sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kao'y mamatay."
Itinuro agad ng babae ang kinalalagyan ng punong ipinagbaba-wal. Kasabay ng kaniyang kasagutan ay ang bahid ng pagtatampo sa Dios. Ang isip ng babae ay nabasa agad ni Satanas, "Kung ang Dios ay talagang mabuti, bakit Niya kami pinagkaitan ng makabubuti sa amin?" Lalong ipinakilala ng babae kay Satanas ang pagiging mapagkait ng Dios, sa pamamagitan ng pagdudumi sa salita ng Dios. Idinagdag ng babae ang salitang "huwag hihipuin" upang ipakita kay Satanas na sila'y talagang pinagkaitan ng Dios.
Pagsagot ni Satanas ay ginawa niyang sinungaling ang Dios: "Tunay na hindi kayo mamamatay," samantalang sinabi ng Dios na sila'y mamamatay (Genesis 2:17). Katumbas ito ng pagsasabing "walang kaparusahan", doon ay nangahulog sila sa pain ni Satanas.
Dagdag pa sa kaniyang sinabi: "Sapagkat talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala na mabuti at masama." Sa mga salitang ito ay naikilos ni Satanas ang kalooban ni Eba upang magrebelde sa Dios. Maaaring sa isip ni Eba: "Ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit ipinagkakait ng Dios ang bungang ito, ayaw Niyang kami'y maging katulad Niya. Ang pinaka-mainam na bagay na abot ng aming mga kamay ang Kaniya pang ipinagbabawal. Ang Dios pala ay hindi mabuti sa amin!" Ang ganitong kaisipan ang laging nasa isip ng mga taong nasa pagrerebelde sa Dios.
Kasunod na naging hakbang ni Eba: "At ng makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito'y kumain." Nang kainin ng babae ang bunga ng punong kahoy na ipinagbabawal, at nakita ng lalaki na walang anomang nangyari sa asawa ay kumain din siya ng bunga. Sa gayon ang lalaki ay nahulog din sa pagsalansang. Alam ni Adan na iyon ang bunga ng punong ipinagbabawal. Sa labis na pagmamahal niya sa asawa, pinili pa niya ang sumunod dito.
Hindi na lumakad si Eba ng ayon sa Espiritu, kundi ayon sa lakad ng sanglibutan. Nang makita niya ang puno ay sinabi niyang, "ito'y mabuting kanin", sarili niya ang naisip niya, sa sanlibutan ito ay ang masamang pita ng laman. Tunay na ang unang inaalala ng mga taga-sanlibutan ay ang kanilang sarili. Kung may anomang gusot na darating, ang proteksiyon agad sa sarili ang iniisip. Pinipilit nilang magkaroon ng kaginhawahan at pag-iingat sa sarili.
Habang pinagmamasdan niya ang puno ay nalugod siya sa bunga nito, ito naman ang masamang pita ng mata. Sinasabi niya sa kaniyang sarili, "Ngayon ay magiging akin ang ipinagkakait ng Dios sa amin." Ang sanlibutan ngayon ay napupuno ng masamang pita ng mata, ang gusto niya'y magkaroon ng kung ano ang uso ngayon. Kapag nakakita sa kaniyang kasamahan ng naiibang bagay, ang gusto niya'y magkaroon din. Kaya nga, ang sanlibutan ay punung-puno ng pagiimbot dahil sa masamang mata.
Higit sa lahat, ang bunga ay makakapagpapantas sa tao: ito naman ang kapalaluan sa buhay (I Juan 2:16). Hindi ba't ang nais ng tao'y maging tanyag, tinitingala, at iginagalang? Ang nais niya'y siya ang mag-uutos at hindi siya ang inuutusan; siya ang marunong kaya't huwag mo siyang tuturuan at pangangaralan. Maraming artista sa pelikula ang hindi matalikuran ang kanilang propesyon dahil ayaw nilang mawala sa piling ng mga nagkikislapang ilaw, ayaw nilang mawala ang paghanga at pagpalakpak ng tao sa kanila. Hindi na baleng mawala ang Dios sa kanila, huwag lamang ang katanyagan. Ganiyan ang sanlibutan, magagawa nilang ipagpalit ang Dios sa mga tinatangkilik nila ngayon.
Anong halaga mayroon ang sanlibutan at ang kalayawan nito? Hindi ba't ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan, pati na ang masamang nasa nito ay lumilipas? (I Pedro 1:24). Kung iinom ka ng alak ngayon, maya-maya lamang ay lasing ka na. Kapag lumipas na ang pagkalasing mo, iinom ka na naman upang malasing. Hindi ba't nakakabagot ang buhay na gayon?
Kung ninanais mong magkaroon ng sigla ang buhay mo at makita ang sarap ng mabuhay sa mundo, subukan mong ibigay ang buong buhay mo kay Cristo ng wala kang itatago kahit ano. Ito lamang ang buhay na punung-puno ng pakikipagbaka, tunay na kaligayahan, at buhay na mayroon ding kalungkutan. Ang makapiling si Cristo ay ang buhay na hindi mo ipagpapalit sa anomang bagay.
Ang bilin sa atin ni Juan: "Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama. Sapagkat ang lahat ng nangasa sanglibutan, ang masasamang pita ng laman at ang masamang pita ng mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan" (I Juan 2:15-16). Kaya't ng pinili ni Adan at Eba ang sanglibutan, iwinala nila ang pagibig ng Dios. Kung tayo ay sa Dios, hindi tayo sa sanlibutan; kung tayo'y sa sanlibutan, hindi tayo pakikisamahan ng Dios.
Pagkakain nila ng bungang ipinagbabawal, "At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila'y mga hubad..." Nagkaroon ng katuparan ang sinabi ng Panginoong Dios; kabaligtaran naman sa sinabi ni Satanas ang naging katuparan. Nadilat ang kanilang mga mata at nakita nila ang kanilang kahubaran sa pisikal at espirituwal. Ngayon ay malayo na sila sa presensya ng Dios at ito'y kanilang tinatakasan. Ang hindi masayod na kalungkutan at pagkabalisa ang sumasaklob sa kanila. Napakalaking pagkatakot ang gumagapang sa buong pagkatao nila, at ang malaking pagkatakot ay lalong nadaragdagan sa hindi nila pagkaalam kung ano ang mga susunod na pangyayari.
Nang marinig nila ang tinig ng Dios ay tinakasan nila ito. Ang pagtakas nilang ito sa tinig ng Dios ay pahiwatig na sila'y nangamatay sa espiritu. Kaya ibinibigay nating kahulugan sa espirituwal na kamatayan, ay ang pagkakahiwalay ng Dios at ng tao. Ito ang kalagayan ng lahat ng mga taong wala kay Cristo, sila'y mga hiwalay sa dios: mga patay sa espiritu. Ang gawa nila'y takbuhan ang tinig ng Dios tuwing maririnig nila.
Ano ang ginagawa ng mga taong patay sa espiritu? Nililibak nila ang pangangaral ng ebanghelyo, pinagtataguan, at minsan ay hinahampas pa ang mga taong nangangaral nito. Ayaw nila sa kaliwanagan, dahil mahahayag ang mga kasalanan nila.
Upang matakpan ang kanilang kahihiyan, "sila'y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi." Bukod sa humiwalay sila sa daan ng Dios, sila na din ang gagawa ng makakabuti sa kanila. Ang pantakip sa kanilang kahihiyan ay simbulo ng relihiyon, edukasyon, pilosopiya, at sikolohiya ng tao. Kapag mayroon nito ang tao, pakiramdam niya sa sarili'y ayos lang ang lahat. Kahit na ang tao'y mahirap, kung may prinsipyo naman at paninindigan, halos hindi niya kailangan ang Dios. Kung ang ating gawa ay sapat na sa paningin ng Dios, hindi na sana Siya nagbigay ng ibang panapi sa kahihiyan ni Adan at Eba.
Ang pagkatakot na humarap sa Dios ang bumabalot sa kanila. Wala na ang pagtitiwala kundi natabunan na ito ng kahihiyan. Ang tawag ng Dios ay hindi na nila pinakikinggan kundi tinatakbuhan. Kapighatian ang naging hatid ng kasalanan at hindi kabutihan.
Maihahambing natin ang espiritu sa isang tagapamahala; ang kaluluwa ay sa katiwala; at ang katawan ay sa alipin. Sa lahat ng ito ay Dios ang nagmamay-ari. Ang espiritu ang siyang tumatanggap ng bilin na nanggagaling sa Dios, inihahatid niya sa kaluluwa kung ano ang mga utos, at isasagawa naman ng katawan. Sa maraming pagkakataon, ito ay karanasan natin sa buhay na ito: na ang katiwala ay laging nagnanais higitan ang tagapamahala! Nang tuksuhin ng ahas si Eba, hindi na ang espiritu ang nangingibabaw sa kaniya, kundi ang kaluluwa na. Kung espiritu ang nangingibabaw, sasawayin niya at ipagtatabuyan si Satanas.
Laging hangad ng espiritu ang kaluguran ng Dios, kaya't sa isang espirituwal na tao, walang anomang tukso ang kaniyang iistimahin. Ito ang dahilan kaya natin sinasabing ang espiritu ay ang kamalayan ng Dios: ang kaniyang hangad sa tuwina ay pawang maka-Dios. Ang kaluluwa naman ang kamalayan natin sa ating sarili. Kapag ito ang nanguna, lahat ng hahangarin ng tao ay ang para sa kaniyang sarili. Kaya't mapapansin natin, matapos ang pag-uusap ni Satanas at ni Eba, hindi na pumasok sa isip ni Eba ang Dios, kundi ang lahat na ng pansin ay para sa kaniyang sarili, ito ay sa dahilang nangingibabaw na sa kanila ang kaluluwa.
Nang oras na iyon ay sinapawan ng kaluluwa ang espiritu. Dahil wala na ito sa kontrol ng espiritu ang nangingibabawa na ay ang kaluluwa. Nasunod din naman ang hangarin ng katawan na magpakalasing sa kalayawan. Sa gayon ay pumitas si Eba ng bunga ng punong ipinagbabawal, at binigyan pa ang kaniyang asawa.
Kung si Eba ay lumalakad ng ayon sa Espiritu, hindi siya makikipag-usap kay Satanas. Sasawayin niya agad ito, at hindi niya hahayaang magpatuloy. Ang makikita natin, itinama pa niya si Satanas ng siya'y nakipagkatwiranan. Hinangad niya ang lumakad ayon sa laman at hindi ayon sa espiritu. Iginupo niya ang espiritu upang maitaas ang kaluluwa.
Ang pinagmumulan ng ating emosyon, kaisipan, at kalooban ay ang kaluluwa. Pinukaw ni Satanas ang kalooban ni Eba, sa gayon ay nagkasala siya; pinukaw naman ni Satanas ang emosyon ni Adan, sa gayon ay sumunod siya sa kaniyang asawa. Dahil sa paglakad nila ayon sa tulak ng kaluluwa, kapuwa sila nagkasala.
Matapos nilang mapagkilala na sila'y nagkasala sa Dios, nagsipagtago sila sa mga puno. Katotohanan ito na walang paghahangad ang tao na makipag-ugnayan sa Dios. Tinatakasan nila ang Dios baka sila'y hukuman nito at makitang nagkasala. Hindi nais sabihin ng kaluluwa na sila'y nagkasala, kaya't ang sumbat ay ibinigay nila sa iba. Sinabi ni Adan na si Eba ang dahilan; sinabi naman ni Eba na ang ahas ang dahilang ng kanilang pagkakasala. Kaya't ng makita ng Dios na sila'y mga nagkasala, pinaalis sila sa Kaniyang harapan at sa halamanan.
Upang matakpan ang kanilang kahubaran ay tumahi sila ng mga dahon ng igos upang maging pantakip. Ang pantakip na ito sa kasalanan ay sinisimbulo ng mga gawain ng kaluluwa: ito ay ang edukasyon, relihiyon, pagkakawang gawa at iba pa. Akala ng maraming tao napapawi ng gawaing ito ang galit sa kanila ng Dios. Hindi ito ang paraan ng Dios upang maglubag ang Kaniyang kalooban at sa Kaniyang harap ito'y walang kabuluhan.
Lahat ng ating kabutihan na kung ang pinagmumulan ay kaluluwa, ay walang kabuluhan. Kung ang mga ito ay sapat na, hindi sana binigyan ng Dios ng ibang pantakip si Adan at Eba (Genesis 3:21). Ang ating espiritu ay galing sa Dios, kaya't ito ay para sa Kaniya lamang; ang kaluluwa naman ang sa atin, subalit ito ang nagiging gamit ni Satanas upang maging kasangkapan niya ang tao. Ang pantubos na ginawa ng Dios para kay Eba at Adan ay sa espiritu, kaya't sa araw na tayo ay tumanggap kay Jesus bilang ating Dios at Tagapagligtas, ibinabalik Niya sa Kaniya ang espiritu, kasunod nito ang kaligtasan ng ating kaluluwa.
Nang mabigyan sila ng Dios ng panibagong kasuutan ay pinalayas sila sa halamanan ng Eden. Nahiwalay sila sa Panginoong Dios, kaya't ang kaalaman ng tao patungkol sa Dios ay nawala; nahiwalay din sila sa puno ng buhay, kaya't ang buhay na nanggagaling sa Dios upang sila'y magkaroon ng buhay na walang hanggan ay naputol din.
Bawat sanggol na isinilang na hindi naturuan sa daan ng Dios, ay magkakaisip ng hindi kumikilala sa tunay na Dios. Ang buong sangkatauhan ay nasa ganitong kalagayan ngayon. Tinatawag ng Bibliya ang kalagayang ito na "patay sa espiritu", ito ay ang paghihiwalay ng Dios at ng tao. Kung tayo ay nasa halamanan ng Eden lamang, ang masaganang kaalaman ay nasa ating isipan agad mula sa pagsilang.
Habang ang kaluluwa ay nasa katawan, ang katawan ay sensitibo sa buong kapaligiran; kapag wala na ang kaluluwa sa katawan, wala ng magagawa ang katawan sa anomang bagay. Gayundin ang patay na espiritu, wala silang kamalayan para sa Dios. Dahil ang buong sangkatauhan ay hiwalay sa Dios mula sa kanilang kapanganakan ay hindi sensitibo para sa Diyos. Wala na rin ang puno ng buhay na magbibigay sa tao ng buhay na walang hanggan.
Maibabalik lamang ang lahat ng bagay na naiwala ni Adan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Kung tayo ay sasampalataya sa Kaniya, ang buhay na walang hanggan ay muling ipinagkakaloob sa atin. Kung gaano kasagana ang buhay na mayroon si Adan sa halamanan, iyon ang muli nating mararanasan. Ang Panginoong Jesus ngayon ang nagsisilbing puno ng buhay, lumapit tayo sa Kaniya upang tayo'y magkaroon ng buhay na walang hanggan.