Mula sa mga plano ng Dios ay mapapatunayan natin na ang pinaka-mataas sa lahat ng nilikha ay ang espiritu. Sinabi ng Dios na ang tao ay magkakaroon ng kapamahaan sa mga isda, sa mga ibon, at sa mga hayop; ito ay iniutos niya sa isang espirituwal na tao. Nang sabihin pa rin ng Dios na sa lahat ng mga bunga sa halamanan ay malaya silang makakakain maliban sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama, tinanggap ng tao ang utos na ito sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Dahil dito, ang masasabi nating tunay na ako o ikaw ay ang espiritu.
Gaya ng isang katiwala, ang kaluluwa ay napapasailalim ng namamahala: ng espiritu. Ayaw ng kaluluwa na sa kaniyang balikat ay laging may nakapasan. Ninanais niyang magkaroon ng pangungu-na at maging malayo sa anomang pasanin. Kaya't ng dumating si Satanas at dayain si Eba sa pagsasabing siya'y magiging gaya ng Dios: may kapangyarihan sa lahat ng bagay at malayo sa anomang pasanin. Agad ay nadala si Eba ng pandarayang iyon.
Kapag kinain nila ang bunga ng pagkakilala ng mabuti at masama sila'y magiging gaya ng Dios. Ang espiritu na pinagkalooban ng Dios ng kapamahalaan sa lahat ng bagay ay napasa ilalim ng kaluluwa na itinalagang katiwala. Bilang luklukan ng ating kamalayan, lahat ng iniisip ng kaluluwa ay para sa kaniyang sarili lamang. Lagi siyang nagaalala para sa kaniyang sarili. Kaya't ng marinig niyang siya'y magiging gaya ng Dios, pansariling hangarin agad ang pumasok sa kaniya.
Lahat ng inaalala ng kaluluwa ay ang ikagiginhawa, ayaw niya ng responsibilidad. Kung siya'y maging gaya ng Dios, hindi na siya susunod sa anomang utos, kundi ang sariling kalooban niya ang masusunod. Lahat ng bagay na ikagiginhawa at ikalulugod ang hahanapin niya. Ang espiritu na ang sumailalim sa kaniya ngayong siya'y nasa pagkakasala. Ang buhay na walang hanggan na ipinagkakaloob ng Dios sa tao sa pamamagitan ng pagkain ng bunga ng punong kahoy ng buhay ay tinanggihan nila. Ang hinangad nila ay ang buhay mismo ng Dios ang mapasakanila upang sa gayon ay makapamuhay ng hiwalay sa Panginoong Dios. Inaakala nilang kapag nangyari ito ay magagawa na nila ang mga bagay na magagawa ng Dios, at hindi na rin sila malilimitahang gaya Nito.
Kabaligtaran ang lahat ng nangyari matapos na sila'y sumuway: Ang hinangad nilang karunungan ay hindi nila nakuha, bagkus lalo pang nalimitahan ang kanilang kakayahan at karunungan. Naging gaya sila ng Dios hindi sa katotohanan, kundi sa esensya na nalalaman nila ang mabuti at masama. Hangad nilang mahiwalay sa Dios at mamuhay sa kanilang sarili; nangyari ang nais nila subalit ang kapalit ay kalungkutan, kahirapan, kapaguran, pagkakasakit at kamatayan. Wala silang nakuhang kapangyarihan, buhay, at karunungang gaya sa Dios.
Nararamdaman ko ang malaking responsibilidad na maipaunawa ang mahalagang katotohanang ito. Kung ang kaluluwa ang nangunguna sa atin, lahat ng ating hahanapin ay pawang ikagiginhawa; kapag ang espiritu ang nanguna, walang magagawa ang kaluluwa kundi pasanin ang mga responsibilidad na ibinigay sa kaniya at isakatuparan ito sa pamamagitan ng katawan. Subalit kung ang kaluluwa ay mapasa ilalim ng espiritu at hindi pababayaan ng tao na magkaroon ng pangunguna, ito'y magiging kagamitgamit sa gawain ng Dios. Kung tayo'y lalakad ng ayon sa espiritu, ang Dios ay sasa atin; subalit kung tayo'y lalakad ng ayon sa kaluluwa, ang Dios ay lalayo sa atin.
Hindi popular sa mga Apostolikong Iglesya ang katuruang ito. Minsan ay hindi pa ito matanggap dahil inaakala nilang hindi biblikal. Sa katotohanan ito ay napaka-biblikal! Maging sa bibig ng Panginoong Jesus ay lumabas ang mga katuruang ito. "Nang magkagayo'y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. Sapagkat ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay (psuche) ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay (psuche) dahil sa akin ay makakasumpong niyaon. Sapagkat ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay (psuche)? O anong ibibigay ng tao katumbas ng kaniyang buhay (psuche)?" (Mateo 16:24-26).
Narito ang isang mahalagang bagay na ating matututunan. Binanggit ng Panginoong Jesus ang pagsunod sa Kaniya at pagtanggi sa ating sarili. Kapalit ng ating pagsunod sa Panginoon ay pagdanas ng pag-uusig, pagtakwil, pagkutya ng mga kasambahay at ng ibang tao. Ito ang unang iniaral ni Pablo kay Timoteo ng siya'y magdesisyon na susunod kay Jesus: "Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig" (II Timoteo 3:12).
Magkaibang karanasan ang nangyayari sa tumatanggap at sumusunod sa Panginoon. Sa ating pagtanggap ay napupuno tayo ng kagalakan; pagkatapos ng pagtanggap ay kailangan naman ang pagsunod. Papasanin natin ang ating mga krus at tayo ay susunod sa Kaniya: ang krus na ating papasanin ay nangangahulugan ng kahirapan, kagipitan, at pagtitiis. Higit na marami ang kalungkutan sa pagsunod kaysa kaligayahan ng pagtanggap sa Dios. Subalit ang talagang kahulugan ng krus ay ang kamatayan ng ating lumang pagkatao. Sa huling kabanata ay muli kong bibigyang pansin ang kahulugan ng krus.
Napapaloob sa ating pagsunod ang pagtanggi sa ating sarili. Akala ng iba, ang pagtanggi sa sarili ay hindi ka na magtatrabaho, at mangangaral ka na lamang, at hihintayin mong suportahan ka na lang ng Dios sa lahat ng pangangailangan. Ang ganitong ugali ay pagpapabaya at hindi pagtanggi. Sa katotohanan, ito'y gawaing maka-kaluluwa at hindi espirituwal. Iniisip nilang sila'y nakalulugod sa Dios, subalit sa katotohanan, sila'y nangangaral upang makatakas lamang sa ibang responsibilidad. Ito'y maliwanag na gawaing makalaman, makasarili, at may bahid ng pagrerebelde. Ang ibig sabihin ng pagtanggi, hindi mo na hahanapin ang sariling kaluguran at ikagiginhawa; nakahanda kang dumanas ng pagkutya, pagtakwil, paguusig, at kahirapan dahil sa pagtatapat kay Cristo.
Ang salitang psuche ay isinaling "buhay" sa talatang ibinigay natin. Hindi nagkamali ang mga tagapag-salin kung sakaling naisalin ito ng buhay. Hindi na ito ang buhay na nanggagaling sa Dios, kundi sariling buhay nanggagaling sa kaluluwa. Ang pagmamahal natin sa ating buhay ay pagmamahal sa kaluluwa. Kaya't kung takot ka sa pagtakwil at paguusig, minamahal mo ang iyong kaluluwa. Kung hahanapin ng tao ang sarili niyang ikagiginhawa sa buhay na ito at takasan ang lahat ng paguusig dahil sa pangalan ni Jesus: hindi karapat dapat ang taong iyon sa Panginoon. Pagdating ng paghuhukom, hindi niya magagawang harapin ang Panginoon na kaniyang itinakwil.
Kung hahanapin natin ang ikasisiya ng ating kalooban; pag-igihin pa ang personalidad upang maging katanggap-tanggap tayo sa iba; at ingatan ang ating emosyon sa mga panunuya at mga panlalait, ay ito pagliligtas sa ating kaluluwa. Kung ililigtas natin ang ating kaluluwa sa lahat ng iyan mapapahamak ito sa pagdating ng ating Panginoon. Nakaligtas nga tayo sa mga panunuya at paguusig sa ngayon, sa pagdating ng Panginoon ay wala na tayong kaligtasan pa.
Noong araw sa panahon ng unang iglesia, ang mga unang Kristiyano ay hinuhuli at ikinukulong, ipinapakain sa leon, ginagawang panggatong sa halamanan ni Nero, ipinasusuwag sa mga toro, nilalagari ang lalamunan, ipinapakaladkad sa kabayo hanggang ang balat ay mawala at laman na lamang ang matira. Iba't-ibang klase ng pagpapahirap ang ipinalalasap sa mga Kristiyano bago sila pagpapatayin. Lahat ng iyan ay napagtagumpayan ng unang Iglesia. Ang pag-uusig na ginagawa ngayon sa mga Kristiyano ay sa pamamagitan ng paghamak at panunuya.
Inihula ng Bibliya na pagdating ng araw ay darating ang lalong higit na paghihirap na daranasin ng mga Kristiyano, kay sa dinanas noong una. Ang panahong ito ay malapit na. Ito ang panahong makikilala kung sino sa mga Kristiyano ang umiibig sa kanilang buhay o kaluluwa ng higit sa Panginoon. Tandaan natin ito, kapag kaluluwa ang mangunguna sa atin, ito ang magdadala sa kapahamakan. Kaya't ngayon pa lamang, pag-aralan na nating mahalin ang Panginoon ng higit kay sa ating buhay.
Kung tayo ay inaalimura, pinagwiwikaan ng masasama dahil sa pangalan ng Panginoon, binabantaan ng mga kasamaan: ito nga ang kapahamakan ng ating kaluluwa. Sira na ang ating personalidad sa ibang tao, dahil alam nilang hindi natin ipagpapalit sa anomang bagay ang ating pagibig sa Dios. Iyan nga ang kapahamakan ng ating kaluluwa, kung mapahamak man ang ating kaluluwa sa panahong ito, sa pagbabalik ng Panginoong Jesus ito'y maliligtas (Sant. 1:21). (p) Anong kapakinabangan mayroon sa lahat ng bagay kung ito ay mapasa atin? Kapahamakan ang naghihintay sa tao pagdating ng panahon ng paghuhukom at iyan ay siniguro ng Panginoon. Hindi maitutumbas ang kayamanan ng sanlibutang ito, kung pagdating ng paghuhukom ay maiwala natin ang ating kaluluwa. Kaya't ngayon pa lamang, tanggihan na natin ang anomang kalayawan na naghihiwalay sa atin at sa Dios. Ang pasakit na daranasin natin dahil sa pagsunod, ay kaluwalhatian ang magiging kapalit pagdating ng araw.
Bakit ganito ang pangangailangang masupil ang pangunguna ng kaluluwa? Ang kasagutan: "Ngunit ang mga taong ayon sa laman (psuchikos) ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya at hindi niya nauunawa, sapagkat ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu" (I Corinto 2:14).
Narito ang panganib sa mga taong lumalakad ayon sa pangunguna ng kaluluwa at hindi ng espiritu: sinasabi ng Bibliya na sila ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu. Hindi ako tumutukoy sa mga taong wala pa sa iglesia kundi sa mga taong nagtuturo at nangangaral ng mga salita ng Dios.
Maaaring magsalita ang sinomang tao ng mga bagay na espirituwal na para bang siya ay lumalakad ayon sa Espiritu. Sa mga gawang espiritu, ang ipinanghahalili nila ay mga bagay na pang-kaluluwa. Kapag ginamit natin ang kapangyarihan at kakayahan ng kaluluwa, ang anomang espirituwal na gawain ay hindi magkakaroon ng buhay, dahil ang kaluluwa ay hindi nagbibigay buhay. Kaya't ang resulta, ang mga taga-sunod ay hindi din lumalakad ng ayon sa espiritu dahil walang buhay na natatanggap. Paanong silang magkakaroon ng kaligtasan sa ganiyang klase ng buhay?
Ayon sa sinasabi ng Bibliya sila ay hindi tumatanggap ng mga bagay na ayon sa espiritu. Isa sa mga katotohanan nito ay ang hindi pagtanggap ng saway kapag sila'y nagkakamali. Sila ang mga taong higit na nagnanasang magbigay-lugod sa laman kaysa Dios. Nagpapakita ng kabutihan sa likod nito'y kasamaan.
Ilang manggagawa ng mga iglesia ang nasumpungan kong nagrebelde dahil tumanggi ang pastor ng kongregasyon na sila'y ordinahang magpastor. Umalis sila na may dalang galit, gumawa ng pagkakabahagi, nagtangka pang wasakin ang iglesia, at sa bandang huli ay humawak pa ng ministeryo ng pagpapastor. Hindi ito ang mga taong angkop sa ganitong klase ng ministeryo. Kung ang nangangalaga sa iyong kaluluwa ay ganitong klase ng tao, lisanin mo ang iyong kongregasyon alang-alang sa kaligtasan ng iyong kaluluwa.
Sila ang mga taong lumalakad ayon sa dikta ng kanilang kaluluwa. Sila'y mga hindi ligtas dahil sa malabis na pagmamahal sa kaluluwa. Kailan man ay hindi sila makapagbabahagi ng buhay dahil sila mismo ay nasa bingit ng kapahamakan. Sila ang sinabihan ng Panginoong Jesus na mga taong hindi karapat-dapat sa Kaniyang kaharian. Binulag ni Satanas ang kanilang isipan, at pinapagmatigas ang kanilang kalooban upang huwag kilalanin ang sarili nilang kasalanan. Hindi binigyan ng Dios ng awtoridad ang kaluluwa upang manguna kundi ang espiritu; hindi din tatanggap ng awtoridad sa Dios ang mga ganitong klase ng tao.
Naiisip natin ang magagandang ideya na maaari nating ipatupad kapag pinasok natin ang ministeryo ng pagpapastor. Nakikita natin ang gawa ng iba at hindi natin nagugustuhan. Pumapasok agad sa isip natin, kung tayo ang nasa situwasyong gayon, mayroon tayong higit na mainam na ideya. Marami ang pumapasok sa propesyon ng pagpapastor sa kagustuhang ituwid ang mga maling nakikita nila sa nangunguna.
Lahat ng mga gayong plano ay maliwanag na kaluluwa ang nagdidikta sa tao. Dapat nating paghintayin sa Dios ang ating kaluluwa. Ikikilos ng Dios ang ating espiritu sa takdang panahon, ang kailangan lamang ay maghintay. Kung mangunguna ang kaluluwa sa mga gawaing espirituwal, ang naghihintay sa kaniya pagpasok doon ay pagkawasak lamang; sa bandang huli ay maaaring kapahamakan.
Nabasa natin ang sinabi ng Panginoong Jesus: "Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili..." hindi kasagutan ang pagpasok sa isang ministeryo upang sabihing ang isang tao'y sumusunod sa Dios. Kung nais nating mangaral at magpatotoo bilang pagsunod, maaari tayong mangaral at magpatotoo kahit wala ang titulong pastor sa atin. Sa ating pangangaral at pagpapatotoo, kung tayo ay hindi tinanggap, iyan ay isa sa mga krus na nararapat nating pasanin. Iyan ang krus na ibinigay sa atin.
Ang krus na tinutukoy ng Panginoon ay ang pagdurusa na darating dahil sa ating pagsunod na mangangahulugan ng kamatayan at muling pagkabuhay natin sa espiritu. Ang pagdurusa o krus ng iba ay magiging napakabigat, sa iba naman ay magaan, gayunman, kaila-ngang pasanin yaon ng walang paghihimutok.
Ang kahulugan ng krus ay sugat. Ang mga taong dumanas ng kahirapan at pagtakwil ay may mga sugat sa kaluluwa. Ang sugat ay nagbibigay kalungkutan at pagdaramdam. Sa atin ito ay kalungkutan; sa Dios ito naman ay kagandahan. Kung hindi natin maaarok na Dios ang may gawa ng sugat na ito, maaaring mawala tayo sa pananampalataya.
Walang pagkakaiba ang paghubog na ginagawa ng Dios sa atin sa ginawa Niya kay Cristo noong Siya'y nasa lupa. Inihula ni Isaias, "Siya'y makakakita ng pagdaramdam ng kaniyang kaluluwa at masi-siyahan: sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay aariing-ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami; at dadalhin niya ang kanilang kasamaan" (Isaias 53:11). Sa una ay magdaramdam tayo sa mga sugat na ibibigay ng Dios; pagkalipas ng sakit, ang ating espiritu naman ay magkakaroon ng kagalakan. Tanggapin natin ang sugat na galing sa Dios, at nawa ay sugatan pa tayo ng Dios sa ikabubuti natin.
Kailan man ang mga taong pinangungunahan ng kaluluwa ay hindi magiging pagpapala sa iba. Kung paanong sinabi ng Dios kay Cristo, "Aariing-ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami..." ito ay katotohanang naging pagpapala ang Panginoon sa marami, at sa pamamagitan Niya ay nagkaroon tayo ng kaligtasan.
Sa buong buhay Niya ay hindi Siya nagsawa sa pagsunod sa kalooban ng Dios. Kaya't sa buong buhay Niya hanggang kamatayan naging pagpapala Siya sa lahat ng maka-Dios. Gaya ng Panginoong Jesus, tayo man ay aariing-ganap ng marami dahil sa ating pagsunod. Kung nais ninoman na maging pagpapala sa marami, tanggapin niya ang mga sugat galing sa Dios, at sumunod siya kay Cristo.
Pagdating sa pagbibigay ng payo, maraming ulit ko ding nakita ang malaking kaibahan ng mga taong dumanas ng sugat sa Diyos kaysa mga taong nag-aral ng Psychology. Napakasarap pakinggan ang payo ng mga espirituwal na tao, ang kanilang pagsasanay ay hindi sa karunungan ng tao kundi sila'y inihasa ng Dios sa mga sugat at palo na galing sa Kaniya. Ang mga taong hindi dumaan sa pagsasanay ng Dios ay makapagpapayo din base sa karunungang natanim sa kanila. Subalit ang mga payo nila ay hindi makapagdadala ng kaligtasan sa tao, bagkus magiging maka-laman pa dahil hindi base sa karunungan ng Dios ang kaalaman nila.
Pag-aralan natin kung ano ang gawa ng espiritu at ng kaluluwa. Lahat ng bagay na may bahid ng pagiging maka-sarili ay itakwil natin at lumakad tayo ng walang pagpapaimbabaw. Alam kong nararamdaman ng bawat tao kung ang kaniyang paglakad ay kasiya-siya sa harapan ng Dios o hindi. Kung tayo mismo ay makaramdam na ang ating paglakad ay ayon sa dikta ng kaluluwa, maging bukas ang ating kalooban na itakwil ito. Sundin natin ang payo ni Pedro para na rin sa ating kaligtasan: "Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng boong ningas ng inyong puso sa isa't-isa" (I Pedro 1:22).