5. PAGKAWASAK: RESULTA NG GAWA NG KALULUWA

Sa ating kapaligiran ay makikita natin ang mga gawa ng kaluluwa. Nakikita natin ang isang tao sa telebisyon na walang ginawa kundi batikusin ang lahat ng relihiyon. Sa mga pananalita niya'y parang siya lamang ang katotohanan at ang lahat ay hindi na. Magaling ang mga pananalita niya subalit walang kapangyarihan. Kaya't hindi ako naniniwala na ang paglilingkod niya ay katanggap-tanggap sa Dios. Dahil sa kaniyang kahusayan sa pananalita, ang mga gawa niya ay pinangungunahan ng kaniyang karunungan.

Naging saksi din ako sa pagtanggap dalawang mag-asawa at nakita ko pa ang mainit na paglilingkod nila sa Dios. Humahayo sila upang mangaral, sumasama sa bawat fellowship, binuksan pa nila ang kanilang tahanan para sa gawain ng Dios. Sa bandang huli, nabalitaan ko na ang dalawang ito ay nagsasama ng hindi kasal. Ang lalaki ay may tunay na asawa. Gayunman, patuloy silang naglilingkod sa Dios sa ganoong situwasyon.

Tinatanggap kaya ng Dios ang kanilang mga gawa? Ang sabi ng ebanghelista sa telebisyon, siya'y lingkod ng Dios; ang sabi naman ng mag-asawa, sila'y nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, bakit nananatili pa rin sila sa gayong kalagayan? Ang kanilang bang mga gawa ay tunay na espirituwal? Pagkaraan ng kaunting panahon naging malinaw sa akin ang kasagutan: sila'y hindi nakalulugod sa paningin ng Dios.

Dumating ang panahon na ang mag-asawa ay nagrereklamo sa ilang pamamalakad ng namumuno sa iglesia; nagsimula silang pumuna ng mga kamalian; gumawa sila ng rebelyon; sa bandang huli ang lahat ng gawa nila ay nauwi sa pagkawasak sa kanilang sarili at nag-iwan pa ng sugat sa buong iglesia.

Pagdating sa ministeryo, isang malaking kasiraan kung ang gagamitin natin sa espirituwal na serbisyo ay ang sarili nating kalakasan. Kadalasan ay nakikita ng mga pinuno ng Iglesia ang magandang potensyal ng isang miyembro, kaya't ginagamit nila ang mga miyembrong iyon ng ayon sa kanilang sariling kalakasan. Kung ang kakayanan ng mananampalataya ay nakuha niya sa lumang pagkatao, asahan natin na ang Iglesia at ang mananampalatayang iyon ay mananatiling talunan. Hindi sila magtatagumpay habang ang kalakasan ng kaluluwa ang nangingibabaw. Nawa'y bigyan tayo ng Dios ng karunungan upang mapagkilala natin kung paano ang talagang paglakad ng sa Espiritu. Itakwil natin ang lahat ng mga gawa ng kaluluwa pati na ang kabutihan nito. Saliksikin natin ang kalooban ng Dios kung paano tayong makapaglilingkod sa Kaniya ng ayon sa espiritu.

Kung gayon, isang mapanganib na bagay ang ginagawa ng mga Kristiyano na naglilingkod sa Dios ayon sa dikta ng kaluluwa. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang maraming manggagawa na ang paglilingkod ay hindi ayon sa espiritu kundi sa kaluluwa. Hindi gayon ang klaseng paglilingkod na hinahanap ng Dios! "Datapwat dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagkat hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya" (Juan 4:23). Hindi ang paglilingkod na ayon sa kaluluwa ang nais ng Dios kundi ayon sa espiritu.

Sa espiritu'y may kasiguruhan tayo na ang pagsamba ay sa katotohanan; samantalang sa kaluluwa ay wala. Kung bakit kailangang salitain ng Panginoon ang salitang "katotohanan" ay dahil marami ang naglilingkod sa Dios ng paimbabaw. Kunwari ay sa Panginoon naglilingkod, iyon pala ay para sa kaniyang sarili.

Dahil ang paglilingkod nila ay sa kaluluwa, ang akala nila'y nakalulugod pa rin sila sa Dios. Kabaligtaran ang sinasabi sa kanila ni Pablo: "Sapagkat marami ang nagsisilakad na siyang madalas na aking sinasabi sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pag-iyak, na sila ang mga kaaway ni Cristo" (Filipos 3:18). Sa halip na sila'y ituring ng Dios na Kaniyang mga lingkod, nakakakilabot dahil ang turing sa kanila ay mga kaaway. Sa paanong dahilan? Dahil ang paglakad ng ayon sa dikta ng kaluluwa ay nagreresulta ng pagkawa-sak sa tao at gayon din sa iglesia.

Walang mananatili sa mga gawa ng kaluluwa dahil ang mga gawa nila'y pansamantala lamang. "Na ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, na ang kanilang dios ay ang tiyan, at ang kanilang kapurihan ay nasa kanilang kahihiyan, na nagiisip ng mga bagay na ukol sa lupa" (Filipos 3:19). Ang lahat ng gumagawa ayon sa kapangyarihan ng kaluluwa kadalasan ay nabibigyan ng kapurihan dahil sa kanilang kagalingan. Ang babala ni Pablo, sa bandang huli ang kapurihang iyon ay nauuwi sa kahihiyan.

Kaya nga, nakakatakot gumawa ng hindi ka handa para sa gawaing espirituwal. Ito'y isang napakalaking responsibilidad. Mainam pa ang ikaw ay makinig muna hanggang sa lumago sa espiritu, at kung maging handa ka na, naniniwala akong Dios mismo ang siyang gagawa ng paraan upang gamitin ka sa mainam para sa iyo.

Narinig ko ang dating presidente ng kabataan namin na nagsabi: "Magpapakumbaba ako, para itaas ako ng Dios." Hindi ito ang klase ng kapakumbabaang nais ng Dios, dahil ito'y may maling motibo: ang nais niya'y mataas. Kapag siya'y naitaas, magpapakagalak at magpapakalasing ba siya sa pagkilala at pagtingala ng tao? Maliwanag na ang taong ito'y lumalakad ng ayon sa kaluluwa at hindi sa espiritu. Ang kaniyang paglilingkod ay hindi sa Dios kundi sa kaniyang sarili. Tunay na walang katotohanan sa pananambahan ng mga taong lumalakad ayon sa dikta ng kaluluwa.

Ilang pastor na ang nakita kong nahulog sa pagkakasala at pagkatapos ay nananatili pa ring humahawak ng gawain? Ilang manggagawa na rin ang nakita kong gumawa ng pagkakabahagi at pagkatapos ay kinuha ang ministeryo ng pagpapastor? Ilang mangga-gawa din ang nakita kong naglilingkod dahil mayroon silang nakukuhang kapakinabangan? Sila ba'y tunay na mga manggagawa ni Cristo? Ang sagot ni Pablo: "Sapagkat ang mga gayong tao ay mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa, na nagpapakunwaring mga apostol ni Cristo" (II Corinto 11:13).

Kaya't sinasabi ng Panginoong Dios na hindi siya tumitingin sa mga nakikitang panlabas ng tao, ay dahil punung-puno ito ng pagpapakunwari. Ang tinitimbang ng Dios ay ang puso (I Samuel 16:6-7; Jeremias 17:10). Makikita natin sa panlabas na anyo ng tao na siya'y abala sa maraming gawain ng iglesia; nagsasalita siya mga tamang doktrina ng Bibliya, subalit maaaring ang puso ay puno ng pagnanasang makalaman. Ang nais niya'y posisyon, katanyagan, at pagtinga-la ng mga Kristiyano. Wala sa kanila ang katotohanan na ang dapat hangarin ay mapaluguran ang Dios.

Timbangin natin ang ating sarili ngayon, ano ang iyong talagang motibo sa mga bagay na ginagawa mo para sa Dios? Sagutin natin ito ng may katapatan. Kung masumpungan natin na ang kasagutan ay ayon sa maka-kaluluwang pakinabang, marapat na magsisi tayo. Hindi maitutuwid ng pagtatalaga ang ating mga maling motibo. Ang kailangan natin ay magsisi at ipakita ang bunga nito sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga kasalanang nasumpungan natin sa ating sarili.

Kadalasan ay nakikita ng mga namumuno ang magandang kakayahan ng isang mananampalataya. Pinapayuhan pa ng mga namumuno sa iglesia na kailangang pagibayuhin ang talentong iyon upang magamit sa gawain ng Dios. Naniniwala ako na anomang kakayahan mayroon ang isang tao kung ito'y galing sa laman, hindi ito nararapat gamitin sa gawain ng Dios. Ilalagay natin sa panganib ang buong iglesia, at higit sa lahat ilalagay natin sa pagkawasak ang tao.

Matagal na nating karanasan ang lahat ng ito subalit hindi tayo natututo. Bakit? Dahil nagiging bulag tayo sa pagkilala ng mabuti at masama; ng katotohanan at kasinungalingan; at ng maka-kaluluwa at maka-espiritu. Bakit? Dahil tayo'y nananatiling sanggol na walang karanasan sa salita ng katuwiran. "Ngunit ang pagkaing matigas ay sa mga may gulang, samakatuwid ay doon sa mga sa pamamagitan ng pamimihasa ay nangasanay ang kanilang mga pakiramdam, upang makilala ang mabuti at masama" (Hebreo 5:13-14). Kaya't pag-aralan nating kumain ng matitigas na pangaral, upang tayo'y lumago sa pananampalataya.

Mga Halimbawang Naiwan

Ang Bibliya ay punung-puno ng mga halimbawa ng naging karanasan ng mga taong maka-laman. Nasulat ang lahat ng mga iyon sa layunin na tayo'y matuto sa kanilang mga karanasan, at matakot sa Dios na nagpaparusa sa mga hindi lumalakad ng matuwid sa Kaniyang daan. Tingnan natin ang mga yaon.

1. Si Adan at si Eba (Genesis 3).

Ang pagkakaroon natin ng relasyon sa Dios ay ayon sa espiritu. Kung bakit sinasabi na ang Dios ay Ama ng mga espiritu ay sa pamamagitan ng ating mga espiritu kung bakit tinatawag tayong mga anak ng Dios. Sa pagsuko natin ng ating sarili sa Dios, Siya ang mangunguna at mangungusap sa ating mga espiritu. Sa ganitong paraan nahahayag ang pagka-Panginoon ng Dios sa ating buhay.

Nang manguna ang kaluluwa kay Eba, isina isang tabi muna niya ang Panginoong Dios. Sa pagkakataong iyon ay nais niyang siya muna ang maging panginoon sa kaniyang sarili upang mabigyan ng puwang si Satanas sa kaniyang buhay. Naging tuntungan ni Satanas ang katawan at kaluluwa ng tao upang ihulog ito sa pagkakasala. Hindi maaaring pakialaman ni Satanas ang espiritu dahil ito'y para sa Dios lamang. Pinuno ni Satanas ang imahinasyon ni Eba ng mga bagay na parang mabubuti: ng mga bagay na maka-kaluluwa.

Naniwala si Eba sa mga kasinungalingan ni Satanas, at dito'y nahulog siya sa pagrerebelde. Mula ng araw na kainin nila ang bungang ipinagbabawal, ang kanilang naging paglakad ay hindi na sa espiritu. Ang ibinunga ng kanilang mga gawang maka-kaluluwa ay kapahamakan. Lahat ng mga nanggaling sa kanila ay pawang nasa kapahamakan din. Nang sila'y napalayas sa halamanan ng Eden, kasama tayong pinaalis doon, dahil alam ng Dios na ang mga magiging bunga ni Adan ay pawang mga maka-kaluluwa. Ang resulta, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng sumpa dahil sa kasalanan. Ito ay nangyari dahil sa unang dalawang tao lamang.

2. Nimrod ( Genesis 11:1-9)

Pagkatapos na magunaw ang mundo dahil sa bahang ipinadala ng Dios, sa pamamagitan ng walong kaluluwa nagpasimula ang panibagong lahi. Sa pamamagitan ng tatlong anak ni Noe na si Shem, Ham, at Japhet, ay muling nagpasimula ang pagdami ng mga tao sa mundo.

Nang magpasimulang kumalat ang tao sa lupa, ang lahi ni Ham ay pinamunuan ng isang malakas at matapang na tao na ang pangala'y Nimrod. Ang lahi ni Ham ay humiwalay sa lahi ni Shem at Japhet, sila'y napasa lupain ng Shinar at doon nagpasimulang magtayo ng isang siyudad na ang pangalan ay Babel. Noon ay mayroon pa silang takot na muling magpabaha ang Dios tubig, kaya't nagpasimula silang magtayo ng isang malaking tore na ang balak nila'y aabot ang taluktok hanggang langit.

Si Nimrod ang kauna-unahang tao na lumaban sa Dios. Sa kaniyang pagrerebelde ay isinama pa ang buong lahi ni Ham. Siya at ang kaniyang asawang si Semiramis ay nagsasanay ng itim na mahika, dibinasyon, at pangkukulam. And dahilan ng mga pagsasanay nila ay upang kalabanin ang Dios kapag nagkaharap sila. Ang nalalaman nilang itim na mahika at pangkukulam ang gagamitin nilang palaban sa mahika ng Dios; ang kaniyang dibinasyon ay gamit niya upang mahulaan kung magpapadalang muli ang Dios ng tubig baha. Sa gayon ay inaakala nilang hindi sila mapapahamak dahil malalaman niya agad kapag darating ang baha. Ibinenta niya ang kaniyang kaluluwa kay Satanas, upang magkamit lamang ng kapangyarihan.

Kung ang paglilingkod sa Dios ng ayon sa kaluluwa ay mapanganib, higit na mapanganib ang magsanay ng okultismo. Hindi lamang sasarhan ni Satanas ang isipan ng tao kundi ito'y magiging kaniyang bihag at lingkod. Dahil sa pangunguna ng isang taong maka-demonyo, ginulo ng Dios ang mga wika ng tao. Dahil sa pagkakagulo ng mga wika, ang pagtatayo ng tore ay natigil at ang lahat ng tao ay nagsipangalat sa buong lupa. Noon ay nag-iisa lamang ang wika, dahil sa isang pinunong maka-kaluluwa ngayon ay may mahigit 3,000 wika ang buong daigdig. Hindi lamang si Nimrod ang napahamak kundi lahat ng sumunod sa kaniya. Ang pagkakaroon ng iba't-ibang wika sa daigdig ay tanda ng sumpa sa naging gawain ng isang pinunong maka-kaluluwa.

3. Ang Asawa ni Lot (Genesis 19:1-29)

Kung tutoo ang doktrinang ginawa ni John Calvin ng Preservation of the Saints, mas kilala sa katawagang "Once Saved, Always Saved", bakit ang asawa ni Lot na minsan nang naligtas ay napahamak pa? Upang maunawaan natin ang naging kaparusahan sa asawa ni Lot, tingnan muna natin ang naging kasaysayan sa Lumang Tipan.

Sa panahon ng pagsasama ni Abraham at ni Lot ay pinagpala sila ng Dios. Ang kanilang mga ari-arian at hayupan ay lumago ng napakarami. Nagkaroon ng pagaaway ang mga pastor ng hayupan ni Lot at ang pastor ng hayupan ni Abraham dahil naliligaw ang hayupan ng bawat isa; napag-usapan ng dalawa na upang matigil ang pag-aaaway ng dalawang pangkat ay maghiwalay na lamang sila. Pinapili ni Abraham si Lot ng lugar na kaniyang tutunguhan at kung saan siya magtutungo ay papakabila naman siya. Pinili ni Lot ang napakagan-dang lugar ng Sodoma at Gomorra dahil sa madamong kapaligiran.

Nang dumating si Lot sa Sodoma at Gomorra ay nalumbay siya dahil ang magandang lugar na ito ay malubha ang kasamaan. Nang araw na siya'y nagtungo sa Sodoma ay itinakda na ng Dios na ito'y wasakin dahil ang kasamaan ay umabot na hanggang langit.

Ang gagawing paggunaw sa Sodoma at Gomorra ay ipinahayag ng Dios kay Abraham na kaniyang kaibigan. Nakipagtawaran sa Dios si Abraham na kung may masumpungang limang pung matuwid na kaluluwa hanggang sa sampu ay kung gugunawin pa rin ba ito ng Dios. Ipinangako ng Dios na alang-alang sa sampung matuwid na iyon ay hindi Niya gugunawin ang bayan, sa kasamaang palad, walang nasumpungan kahit sampung matuwid sa lugar na iyon.

Nalalaman ng Dios ang puso ni Abraham kung bakit siya nakikipagtawaran ng gayon. Ang tutoo'y nagaalala siya sa pamangkin niyang si Lot. Kapag nangyaring winasak ito ng Dios, kasamang mapapahamak ng siyudad ang kaniyang pamangkin.

Isinugo ng Dios ang dalawang anghel anghel upang bisitahin ang Sodoma at Gomorra, at upang iligtas si Lot. Nang makita sila ni Lot na naglalakad sa kalye, pinilit sila na magtuloy muna sa kaniyang tahanan dahil alam ni Lot na sila'y mapapahamak sa daan, sa pagaa-kalang sila'y mga karaniwang tao lamang. Nang kinagabihang iyon ang lahat ng tao sa siyudad ay nagtungo sa bahay ni Lot, upang kunin ang mga lalaki.

Ipinahayag ng mga lalaki na ang siyudad ng Sodoma at Gomorra ay nakatakdang wasakin ng Dios. Kung hindi sila lilisan ay kasama silang mapapahamak ng siyudad. Inutusan ng mga anghel si Lot na ipagsama ang kaniyang mga kamag-anak at kaibigan upang huwag madamay sa mangyayari, subalit walang naniwala sa kaniya maliban sa kaniyang dalawang anak na babae at sa kaniyang asawa.

Hinawakan sila sa kamay ng mga anghel upang ilayo sa siyudad. Kung ang pagkawasak ay mangyayari agad at sila'y abutan sa kapatagan, maaaring madamay pa rin sila; dahil sa malaking habag ng Dios sa kaniya, pinayagan Niyang makatakas sila hanggang makarating sa mga bundok. Ipinagbilin lamang ng mga anghel na habang sila'y tumatakas ay huwag na silang lilingon pa sa likuran.

Walang nadala kahit isang kayamanan ang pamilya ni Lot habang tumatakas. Lahat ng kanilang ari-arian ay naiwan sa Sodoma. Habang sila'y tumatakbo upang tumakas ay sinabing, "...ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran ni Lot, at naging haliging asin" (Genesis 19:26). Wala sa puso ng asawa ni Lot sa kaligtasan ng kaniyang buhay. Higit niyang pinaghihinayangan ang mga kayamanang naiwan ng kaniyang asawa sa lupain ng Sodoma kaysa maitakas ang buhay niya sa kapahamakan. Higit na mahalaga sa kaniya ang buhay na maka-laman kaysa maka-langit. Ano ang kaligtasan na maaaring maibigay ng pagmamahal sa kaluluwa? Wala. Kung tayo ay hindi matututo sa mga kasaysayang ito, malamang na kapahamakan din ang abutin natin pagdating ng paghuhukom.

4. Nadab at Abihu (Levitico 10:1-2)

Nalalaman nina Nadab at Abihu na kapag namatay ang kanilang amang si Aaron, ay sila ang papalit sa posisyon ng pagiging mataas na saserdote. Dios mismo ang nagtakda ng kanilang katungkulan na sila'y magiging katulong ng kanilang ama habang ito'y nangangasiwa sa katungkulan. Sa lahi nila itinakdang manggagaling ang lahat ng magiging mataas na saserdote ng Dios (Exodo 30:30). Tumanggap sila ng basbas kay Moises, at itinalagang magiging katulong sa paghahandog (Levitico 8:13; 9:9-10).

Hangad ng dalawang anak ni Aaron ay magawa ang katungkulan ng pagkasaserdote, ayaw nilang sila'y maging katulong lamang. Kaya't ang ginawa nila, "At si Nadab at si Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ang bawat isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinutungan ng kamangyan, at sila'y naghandog sa Panginoon ng ibang apoy na hindi iniutos niya sa kanila. At sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila, at namatay sila sa harap ng Panginoon".

Ang paraan ng paghahandog na ginawa ni Aaron ay siya ding ginawa nila, subalit ito ay hindi tinanggap ng Dios. Ito ang ibig sabihin ng "ibang apoy": ito ang pananambahang maka-kaluluwa. Hindi ang serbisyong ganito ang nais ng Dios. Binigyan Niya tayo ng espiritu kaya't sa espiritu natin Siya dapat sambahin. Ang nagiging resulta ng pananambahang maka-kaluluwa ay laging kamatayan.

5. Si Mirriam at Aaron (Bilang 12)

Bawat pinunong itinalaga ng Dios sa isang kongregasyon ay dapat igalang lalo na't kung nakikita nating sila'y lumalakad sa katotohanan. Bilang siya'y lingkod ng Dios, hindi tayo nararapat magsalita ng anomang laban sa kanila, baka ang lahat ng kasamaan ay ibalik sa atin ng Dios. Hindi ba't ito ang nangyari kay Mirriam at Aaron ng sila'y magsalita ng laban kay Moises, lahat ng kasamaang inisip nila sa lingkod ng Dios ay ibinalik sa kanilang lahat ng Dios.

Inilagay ng Dios si Moises na maging pastor sa kongregasyon ng Israel, si Mirriam at Aaron ay mga katulong sa lahat ng mga gawain. Dumating ang isang araw na hindi nabantayan ni Mirriam at Aaron ang kanilang sarili, hindi na sila lumakad sa espiritu kundi sa kaluluwa na. Sinilip nila ang ginawang pag-aasawa ni Moises sa isang babaing Cusita, ito ay taga-Ethiopia at ayon sa lahi ni Ham at hindi kalahi ng Israel.

Pinanghahawakan ni Mirriam at Aaron na hindi lamang si Moises ang kinakausap ng Dios, kaya't pagdating sa isyu ng relihiyon, nang inaakala nilang matuwid ang kanilang paghatol ay nag-isip silang alisin si Moises sa puwesto at sila ang pumalitdahil sa pagaakala nilang ito'y nagkasala.

Ang pagka-propeta ni Moises ay hinamon din nila ng sabihin ni Mirriam na: "Ang Panginoon ba'y kay Moises lamang nakikipag-salitaan? Hindi ba't nakikipagsalitaan din naman Siya sa atin?" Maliwanag na ang mga salitang iyon ni Mirriam ay dikta ng kaluluwa, nais niya'y hukuman ng Dios si Moises at ipakita ang pagkakamali dito. Ibig din niyang sabihin, hindi lamang si Moises ang inspirado ng Dios kundi sila man. Kaya't kung haharap sila sa Dios ay may pagkatiwala silang papanig sa kanila ang Dios.

Hindi ba't maraming ganitong pangyayari sa loob ng iglesia: na ang mga manggagawa kung maaari ay paalisin ang pastor nila at sila ang pumalit? Marami ang nagaakala na dahil marunong na silang na silang mangaral at alam na ang buong Bibliya ay maaari na silang humawak ng gawain. Hinahamon nila ang pagpahid ng langis sa itinalagang pastor. Ayaw nila ng salitang pagpapasakop, ang nais nila'y pamumuno. Hindi na sila tumatanggap ng payo mula sa mga espirituwal na tao, kundi gaya ni Mirriam at Aaron, ang nais nila'y maging tagapayo ng Dios.

Ang pagkakamaling itinuturing nilang nagawa ni Moises ay hindi kinikilala ng Dios na pagkakamali. Kaya't ang pagbabanta nila kay Moises ay ibinalik sa kanila ng Dios. Ang sagot Niya kay Mirriam at Aaron: "Ang aking lingkod na si Moises... siya'y tapat sa aking buong buhay." Tinanong pa rin sila ng Dios kung bakit hindi sila natatakot na magsalita ng laban kay Moises. Ang katanungang ito ay bumabalik pa rin sa atin hanggang ngayon, matutunan natin ang matakot sa delegado ng Dios. Ang kasamaang gagawin natin sa kanila ay sa Dios natin gagawin, kaya ba nating kalabanin ang Dios? Kung tayo'y may takot sa Dios, igalang natin Siya at ang Kaniyang itinalaga. Magpasakop tayo sa kanila.

Ang pagsasalita ng laban sa kanila ay pagsasalita natin ng laban sa Dios. Kung mayroon man silang nagawang pagkakamali, hindi tayo ang nararapat na humukom sa kanila dahil hindi tayo itinalaga ng Dios na maging hukom nila. Hindi natin nararapat pangunahan ang Dios sa kailangan Niyang gawin; hindi nangangailangan ang Dios ng payo natin. Kaya't ang lahat ng bagay na patungkol sa kapamahalaan ay hayaan natin sa Kaniyang kamay.

Matuto tayo sa mga kasaysayang ito. Nang si Mirriam ay luma-kad ng ayon sa kaluluwa, nakatikim siya ng palo sa Dios. Pagkatapos na makipag-usap sa kanila ang Dios, nagkaroon siya ng ketong kaya't siya ay nahiwalay sa bayan ng pitong araw. Huwag nating hintayin na maging huli ang lahat. Habang may panahon pa ay magsisi na tayo at baka hukuman tayo ng Dios sa ating ikawawasak.

Minsan ay inilalagay talaga ng Dios ang mga tila ay pagkakamali na ating nakikita, upang masubukan sa mga Kristiyano kung sino ang talagang susunod sa Dios. Kung mayroong tamang espiritu ang tao, hindi siya magkakaroon ng mapait na saloobin sa mga lingkod ng Dios; subalit kung siya'y isang maka-kaluluwa, katitisuran niya ang hindi maganda sa kaniyang paningin.

Kung tayo'y mananatili sa maka-kaluluwang gawain, magiging mahirap ang ating pagsulong. Nang maihiwalay si Mirriam dahil sa kaniyang karamdaman, ang Israel ay hindi nagpatuloy sa kanilang paglakad. Walang sinomang maka-kaluluwa ang gumugulang sa espiritu; silang lahat ay nananatiling walang-malay sa mabuti at masama, dahil ang tanging nakikita nilang mabuti at masama ay ang para sa kanilang mga sarili lamang.

6. Saul. Ang kauna-unahang hari na ibinigay ng Dios para sa bansang Israel ay si haring Saul. Ang mga unang taon ng pasimula ng kaniyang paghahari ay naging mainam. Nang una siyang tawagin ng Dios, hindi niya inaasahang siya ang mapipiling hari; naging mapag-pakumbaba siya sa harap ng Dios, at sa katotohanan ay tinakasan pa niya ang pamumuno noon (I Samuel 9:21; 10:11, 21-24).

Bilang palatandaan ng pagkahirang sa kaniya, ang Espiritu ng Dios ay lumakip sa kaniya at siya'y tumanggap ng kapangyarihan galing sa Dios (I Samuel 10 5-7, 10-11). Nang dumating ang pakikipagbaka laban sa mga Amonita, ang Espiritung tinanggap niya ay ang makapangyarihan pa ring nakisama sa kaniya. Kinilala niya ang sugo ng Dios na si Samuel; ipinakilala din niya sa buong bayan ang pagkatakot sa Dios (I Samuel 11:6-7). Napagtagumpayan ni Saul ang pagbabaka sa mga Amonita, kaya't mula noon ay kinilala siya ng buong Israel na kanilang maging hari.

Sa pasimula ay hindi kinilala ni Saul na siya ang karapat-dapat na maghari. Walang pagpapaimbabaw sa kaniya. Natural na siya'y mapagpakumbaba; nang matanggap niya ang pamamahala sa buong Israel, ang kapakumbabaan niya'y napalitan agad ng pagmamataas. Ang pagkatakot sa Dios ay wala na sa kaniya, kaya't ang tinig ng Dios ay hindi na niya dininig.

Maraming kasalanan ang nagawa ni Saul subalit pinatawad siya ng Dios. Ang biyaya ng Dios ay labis. Bilang huling pagkakataon sinubukan ng Dios kung si Saul ay matututong sumunod sa utos. Inutusan siya ni Samuel na lipulin ang lahat ng Amalec, walang ititirang buhay bata man o matanda, pati ang mga hayupan ay lilipulin. Ang huling pagkakataong ibinigay sa kaniya ay hindi niya iningatan. Ang bilin ng Dios na walang ititirang buhay ay hindi niya tinupad: itinira niyang buhay si Agag na hari ng mga Amalekita, pati na ang mga pinatabang hayop. Si Agag ang magiging pinaka-tropeo niya; ang mga pinatabang-hayop naman ang magiging alay niya sa Dios. Kaya't ang nangyari, sa halip na siya'y sumunod sa utos ng Dios, nauwi siya sa pananamsam.

Iniingatan ni Saul ang kaniyang katatayuan sa buhay bilang hari. Ayaw niyang maging maliit sa paningin ng Israel, kaya't ang hiningi niya kay Samuel ay parangalan pa rin siya. Labis ang kaniyang pagmamahal sa kaluluwa niya kay sa Dios. Ito ang iniingatan niya at hindi niya hahayaang mawala.

Hindi naiiba si Saul sa maraming Kristiyano na nagmamahal sa kanilang kaluluwa. Makikita natin silang naghahandog ng mga awit at patotoo, subalit ang kanilang buhay na hinihingi ng Dios ay hindi nila maihandog. Ang tanong ni Samuel kay Saul: "Nagtataglay kaya ang Panginoong ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya ng pagsunod sa tinig ng Panginoon?" (I Samuel 15:22). Nalulugod kaya ang Panginoon sa inyong pagbibigay ng mga kaloob, sa inyong pag-awit, patotoo, at pangangaral ng higit sa pagsuko ng inyong kaluluwa sa Kaniya? Higit na nalulugod ang Dios sa mga taong lumalakad sa Espiritu kay sa bugso ng kanilang kaluluwa.

Dahil sa malabis na pagmamahal ni Saul sa kaniyang kaluluwa, inalisan siya ng Dios ng karapatan sa kaniyang kaharian. Inalis din ng Dios ang Espiritu sa kaniya at pinalitan ng masamang espiritu (I Samuel 16:14). Inalisan din ng Dios ng karapatan ang kaniyang mga anak na sumunod sa paghahari at ang karapatan ay ibinigay Niya kay David. Dahil sa paglakad ni Saul sa dikta ng kaluluwa ay napahamak siya; dinala din niya ang buong Israel sa kapahamakan. Sila'y natalo sa labanan: ang lahat ng mga anak niya'y napatay, siya naman ay nagpakamatay.

Tandaan natin ito, kung tayo ay susunod sa Dios, ang katwirang itinatag natin ay mamanahin ng ating mga anak. Si David ay sumu-nod sa Dios, at minana ng kaniyang lahi ang pagsunod na iyon. Si Saul naman ay sumuway sa Dios, at ang pagsalansang niya ay minana din ng kaniyang mga anak.

Marahil ay sapat na ang mga halimbawang ito na ibinigay natin, bilang patunay na ang paglakad ng ayon sa kaluluwa ay mapanganib. Magkaroon tayo ng pagkatakot sa Dios na huwag lumakad ng ayon sa laman kundi sa espiritu, upang huwag tayong mapahamak at makapagpahamak ng iba.

«   |   »

Home