Habang may bansang Pilipinas, at habang ang Mindanao ay bahagi ng Pilipinas, ang paglalaban sa pagitan ng mga rebeldeng Muslim at ng sandatahang-lakas ng gobyerno ay magpapatuloy. Para sa pamahalaan, ito ay pakikibaka nila laban sa mga rebelede upang ipagtanggol ang konstitusyon; para naman sa mga Muslim, ito'y pakikibaka sa ipinaglalabang ideolohiya laban sa mga Kristiyano.
Ang higit na nakararami sa tropa ng pamahalaan ay nanggaling sa pananampalatayang Katoliko, iilan lamang ang nanggaling sa ibang denominasyon. Dahil nakakabit sa pangalan ng Kristiyanismo ang mga denominasyong iyon, kaya't ang turing ng Muslim sa lahat ng mga kalaban ay mga Kristiyano.
Nais kong ipahayag sa puntong ito na hindi ang lahat mga taong nagsasabi na sila'y Kristiyano ay mga tunay na Kristiyano. May mga taong tinatawag na Kristiyano sa pangalan lamang; mayroon ding tinatawag na mga Kristiyano hindi lamang sa pangalan kundi pati sa mga gawa: sila ang mga tunay na Kristiyano.
Paano ba nating malalaman kung sino ang tunay na Kristiyano? Bago natin masagot ang katanungang iyan, kailangang maunawaan muna natin kung ano ang ibig sabihin ng salitang Kristiyano.
Nang matatag ang iglesia sa panahon ng Pentecostes, ito'y nasa 33 AD, ang tawag sa mga unang miyembro nito ay mga mananampalataya kay Cristo, mga alagad, mga banal, o mga kasapi ng iglesia. Ang bilang ng mga unang mananampalataya sa panahong iyon ay nasa 130 tao lamang. Sa unang pangangaral ni Pedro, nadagdag agad sa iglesia ang may 3,000 kaluluwa, hanggang sa patuloy na lumago ang ang bilang ng mga mananampalataya.
Nakita ng mga pinuno sa relihiyong Judaismo ang mabilis na pagdami ng mga mananampalataya, umisip agad sila ng paraan upang ito ay mapigilan. Hindi nila nais na ito'y magpatuloy sa paglago. Sinimulan nilang ito'y usigin upang mapigilan sa pagdami, subalit ang mga mananampalataya ay naging matibay sa kanilang pinanghahawakang kaligtasan kay Cristo. Sa halip na sila'y sumuko sa paguusig, pinili pa nila ang magdusa at mamatay sa pangalan ng Panginoong Jesus.
Ang unang nagdusa sa mga kamay ng mang-uusig ay si Esteban. Ang kamatayan niya ay sinang-ayunan ng isang pinuno ng relihiyon na si Saulo. Dala ng maalab na pagmamahal sa kaniyang relihiyon, ipinakukulong ni Saulo at ipinapapatay ang mga mananampalataya kay Cristo. Saan man ito magtungo ay kaniyang hinahabol upang usigin ng walang kadahilanan.
Noon ay nananatili lamang sa Jerusalem ang iglesia, nang ito'y pinag-usig, lahat ng mga kasapi nito'y nagsipangalat sa iba't-ibang lugar. Ang pag-uusig ay hindi nakapigil sa pagdami, kundi sa panahong iyon ay lalo pang dumami ang bilang ng mga mananampalataya. Pagkatapos usigin ni Saulo ang iglesia sa Jerusalem, nagtungo naman siya sa Damasco upang usigin ang mga alagad doon.
Habang siya'y patungo ng Damasco, ang Panginoong Jesus mismo ay nagpakahayag sa kaniya. Ipinakita ng Panginoon na ang paguusig na ginagawa niya sa mga Kristiyano ay sa Kaniya niya ginagawa (Gawa 9:4-6). Nalugmok siya sa lupa at pagtayo niya ay wala na siyang paningin. Sa loob ng tatlong araw na nawalan siya ng paningin, ay nag-ayuno siya, dumalangin at nagsisi sa kaniyang mga nagawa. Simula noon ay naging kabahagi na siya ng iglesia ng Dios. Naging kabilang siya sa mga apostol, at siya ang ginamit ng Dios upang maging apostol sa mga Gentil. Sa pamamagitan niya, ang salita ng Dios ay lalong nahayag sa marami. Ang bilang ng mga mananampalataya sa iba't-ibang lugar ay lalong nadagdagan.
Unang lumabas ang salitang "Kristiyano" sa Bibliya sa Gawa 11:26, dito "ang mga alagad ay pinasimulang tawaging Kristiyano sa Antioquia." Ang salitang "Kristiyano" ay hindi nanggaling sa mga alagad kundi pangalang ibinansag ng mga hindi mananampalataya bilang panlait sa mga alagad. Mababa ang pagtingin ng mga Judyo kay Jesus, kaya mababa din ang kanilang pagtingin sa mga alagad na naging tagasunod ng Panginoon. Kaya't ang pangalan ng Panginoon na nilalait nila'y ikinabit sa mga mananampalataya ng Panginoon.
Bagaman hindi nanggaling sa mga mananampalataya ang katawagang Kristiyano, ito'y may kaligayahang tinanggap ng mga alagad. Kung tayo man ay pagusigin dahil sa pangalang ito, maging sa kaluwalhatian nawa ng Dios ang maging paguusig sa atin (2 Pedro 4:16). Ikaligaya nating tawagin tayong Kristiyano dahil sa ating pagsampalataya kay Cristo.
Ang iglesia ay pinaguusig noong una dahil sila'y mga alagad ng Panginoong Jesus; ang mga alagad ngayon ay pinaguusig pa rin kapag nalamang sila'y mga Kristiyano. Kung ang dahilan ng ating paguusig ay sa pangalan ng Panginoong Jesus o dahil sa katawagang Kristiyano, ito ay walang pagkakaiba dahil ang Kristiyano ay kay Cristo at ang Kristiyanismo ay si Cristo. Subalit kung ang tao'y pinaguusig dahil bahagi lamang siya ng Kristiyanismo, ito ay ibang bagay na; magkaiba ang pinaguusig ang tao dahil sa kaniyang mga gawang Espirituwal, at iba ang inuusig dahil sa pangalan lamang at hindi naman talagang tagasunod.
Ano ba ang kalikasan ng isang tagasunod ni Cristo? Dahil ba lumabas sa kaniyang bibig na tinatanggap niya si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas, kaya't siya'y isang Kristiyano na? Ito ay isang hakbang pa lamang subalit walang garantiya kung mapapa-ngatawanan ng tao ang pagsunod sa Panginoong Jesus, na siyang tatak ng katunayan ng pagiging Kristiyano.
Dahil ba ang tao'y nangangaral kung kaya't siya'y masasabing Kristiyano. Maaaring lumabas sa bibig ng tao ang pangalan ng Panginoon at ang mensahe ng Kristiyanismo, subalit kung sa kaniyang buhay ay hindi nahahayag ang mensaheng ipinapangaral ay hindi pa rin siya matatawag na Kristiyano.
Ibinigay ng Panginoong Jesus ang pagkakilala sa mga tunay na Kristiyano: "Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ang mga igos sa dawagan? Gayon din naman ang bawat mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapwat ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama. Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti" (Mateo 7:16-18). Nangangahulugan ito na ang maka-kaluluwang gawa ay hindi magbubunga ng maka-espiritu, kundi maka-kaluluwa din; ang maka-Espiritung gawa ay hindi magbubunga ng maka-kaluluwa, kundi maka-Espiritu lamang. Ano ba ang pamantayan ng maka-Espiritung gawa bilang katunayan ng pagiging tunay na Kristiyano?
Kung mayroon mang talata na maituturing nating pamantayan para sa isang tunay na Kristiyano, ito ay ang Roma 12:1-3. Sa unang talata ay sinabi ni Pablo: "Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alang alang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba." Ang ideyang ipinapakita dito ni Pablo ay ang katulad ng paghahain ng mga hayop sa Lumang Tipan. Lahat ng mga hayop na inihahain para sa Dios ay pinapatay at sinusunog sa apoy. Sa ating mga mananampalataya ngayon, ang nais ng Dios ay ihain natin ang ating mga katawan na isang haing buhay sa Dios. Paano ba ang ganitong paghahain?
Hangad ng Dios na ang katawan natin ay maihandog sa Kaniya na isang haing buhay, hindi ito papatayin kundi ibibigay na sa Dios. Anomang bagay na inihandog ay hindi na sa kaniyang sarili, ito'y nagiging pagaari na ng pinaghahandugan. Kaya't kung ang mga katawan natin ay inihandog na natin sa Dios, inaalisan na natin ng karapatan ang ating sarili para sa buhay natin. Ang lahat ay ibinibigay na nating pagmamay-ari ng Dios. Ito ang tunay na Kristiyanismo! Sa ganitong paraan ang tunay na paglakad sa Espiritu.
Dahil ang ating buhay ay naibigay ng hain sa Dios, ang dumadaloy ngayon dito ay ang buhay na nanggagaling sa Dios. Inalis mo na ang sarili mong buhay, kaya't ito ay papalitan ng buhay na nanggagaling sa Dios. Ito ang handog ng Dios na buhay na walang hanggan, katunayan ito na ngayon pa lamang ay tinanggap na natin ang buhay na walang hanggan, at ito'y mahahayag sa katapusan ng panahon.
Ang mga handog na hinihingi ng Dios ay banal at walang kapintasan (Exodo 12:5; Levitico 1:3). Bawat panganay sa mga hayop at sa tao ay inilaan sa Dios subalit ito ay maaaring tubusin ng tao. Kung hindi ito matutubos ay babaliin ang leeg. Kaya't sa Israel ay ang mga panganay na lalaking hayop ay inaalagaang mabuti upang sa paglaki ay maialay sa Dios. Kaya't sa ating pagaalay ng ating katawan, hindi lamang nararapat na ito'y buhay kundi "banal" din naman. Ang ibig sabihin ng salitang banal ay hiwalay, at nakalaan na sa pinag-aalayan. Hindi lamang nararapat na ang tao ng Dios ay hiwalay sa sanlibutan, kundi siya'y hindi dapat nagkakasala.
Ano ba ang kalikasan ng Dios? "Sapagkat nasusulat, kayo'y mangagpakabanal; sapagkat ako'y banal" (I Pedro 1:6). Kung ang Dios ay banal, at kung ano ang pagkaintindi natin sa banal na kalikasan ng Dios ay dapat na gayon tayo. Hindi Siya nagkakasala, tapat siya sa Kaniyang mga salita, wala sa Kaniya ang anomang kalayawan ng laman, at marami pang bagay, nararapat na ang mga katangiang ito ay maging atin.
Narinig ko nang sinabi ng marami, "Hindi ko kayang maging banal dahil tao lamang ako." Nang sabihin ng Dios na "kayo'y mangagpakabanal" nangangahulugan ito na magagawa nating lumakad ng may kabanalan kahit tayo'y nasa katawan pa. Hindi hihingin ng Dios sa atin ang mga bagay na hindi natin magagawa. Lahat ng ginagawang paghubog ng Dios sa atin ay hindi lang Siya ang may nais, kundi laging may bahagi ang ating puso at kalooban. Kaya't kung hinuhubog tayo ng Dios sa katapatan at kabanalan, ay dahil naging kalakasan natin ang Kaniyang mga salita upang ang ating kalooban ay sumunod sa kagustuhan ng Niya.
Dahil tayo'y binabanal ng Dios, nararapat na maging tapat tayo sa lahat ng bagay na gaya Niya. Umiwas tayo sa anomang uri ng pagkakasala, sa lahat ng kalayawan ng sanlibutang ito, sa mga masamang pagnanasa ng laman, pati na sa mga pagmamataas sa buhay. Dumarating sa atin ang mga pagkakasala dahil binibigyan natin ito ng pagkakataon; hinahayaan nating maglaro ang ating isipan sa mga bagay na ipagkakasala natin.
Kapag dumarating ang mga gayong bagay, huwag nating kali-mutan na tayo'y mga Kristiyano na dapat ay maging kahawig ng Dios. Ang tunay na Kristiyano ay umiiba sa takbo ng sanlibutang ito. Ang kaniyang kaluguran ay nasa salita ng Dios at wala sa sanlibutan.
Ang mga maka-kaluluwa ay hindi nagpipigil sa anomang kalayawan ng sanlibutang ito. Naaaliw sila sa paggawa ng kasalanan. Hindi nila itinuturing na kasamaan ang anomang kasalanang hindi nakakasakit ng iba. Nakakasakit man ang kasalanan o hindi, kung ito'y nakakasugat ng ating relasyon sa Dios ay nararapat nating itakwil. Kung ano ang pagtingin ng Dios sa kasalanan, gayon sana natin tingnan ang kasalanan.
Kailangang iharap din natin sa Dios ang ating mga katawan na kaayaaya sa Kaniyang paningin. Ang ibig sabihin ng salitang kaaya-aya ay "nakalulugod". Ang pagsunod sa mga kautusan ng Dios kautusan ay iba sa pagsunod sa kalooban ng Dios. Inilagay ng Dios ang mga kautusan bilang pamantayan sa pagkilala ng mabuti at masama; ang Kaniya namang kalooban ay hiwalay sa mga gawa ng kautusan. Sa bawat Kristiyano ay mayroong kalooban ang Dios, kailangan saliksikin natin kung ano ang kalooban Niya para sa atin. Kung matuklasan natin ito, ikalulugod ng Dios na ito ay gawin natin.
Sa pagpapatuloy ni Pablo: "At huwag kayong magsiayon sa sanlibutang ito..." Bilang binanal ng Dios, tayo ay hiwalay na sa sanlibutang ito, kaya't ang gawa ng sanlibutan ay hindi na natin sasang-ayunan pa. "...kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga pagiisip..." Lahat ng mga bagay na maka-sanlibutan ay aalisin na natin sa ating isipan, dahil ang mga bagay na iyan ay pawang maka-laman at maka-kaluluwa; itutuon natin ang ating isipan sa mga bagay na maka-langit.
Ang mga bagay na binabanggit ni Pablong iyon ay hindi magaga-wa ng karaniwang tao. Imposible sa mga maka-kaluluwa ang makagawa ng mga bagay na maka-espiritu. "Ang bukal baga'y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait" (Santiago 3:11). Walang bukal na dinadaluyan ng matamis at mapait na tubig. Ang dumadaloy sa isang bukal ay maaaring matamis o mapait lamang. Sa ating paglilingkod sa Dios, hindi maaaring mangyari na tayo'y maging isang maka-espiritu at maging maka-laman. Kung tayo ay espirituwal, tayo ay lalakad ng ayon sa Espiritu; kung tayo naman ay maka-sarili, ang lakad natin ay ayon sa kaluluwa.
Tingnan ng tao kung nasa kaniya ang mga katangiang ito, kung wala, nangangahulugang hindi siya ang tunay na Kristiyano. Kailangang makita sa kaniya ang paglakad sa Espiritu. Ang mga salitang ito ay sinasalita ko sa mga may-gulang na mananampalataya. Sa mga baguhan, kung magagawa nilang tanggapin ang mga ito ay sa kanilang ikabubuti, upang matutunan nila ng maaga ang paglakad sa kalooban ng Dios.
Kung may pumapasok sa atin na mga maka-sariling pagiisip, palatandaan ito na ang kaluluwa ay tumataas at iginugupo ang espiritu. Kung ang tao'y tunay na espirituwal, hindi niya papayagan ang maka-kaluluwang pag-iisip. Kung tayo ay lumalakad sa Espiritu, ang ating kaluluwa kung minsan ay maghahanap ng paraan kung paanong makakapangunang muli. Kaya sa buhay ng Kristiyano ay laging nagkakaroon ng pagbabaka sa katauhan, at ang nagiging lugar ng pagbabaka'y ang isipan. Sa tunay na espirituwal, hindi niya papayagang manatili ang maka-kaluluwang pagiisip. Sasawayin niya ito at papalitan ng mga bagay na maka-Espiritu. Subalit kung ikalulugod ng tao na manatili ang maka-lamang pagiisip, unti-unti siyang mahuhulog sa pain ni Satanas hanggang siya'y magkasala.
Kapag tayo ay naging iba na sa sanlibutang ito, ang magiging resulta, "...upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaaya-aya at lubos na kalooban ng Dios." Sa ganitong paraan natin malala-man ang kalooban ng Dios, sa gayon ay magagawa natin ang mga bagay na nakalulugod sa Kaniyang paningin.
Hindi doon nagtatapos ang payo ni Pablo, sa talatang 3 ay sinabi niya: "...na huwag magisip sa kaniyang sarili ng tutoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawat isa." Huwag nating isipin na tayo ang nakahihigit sa ating mga kapatid sa Panginoon. Huwag nating ikumpara ang ating ginagawa sa ginagawa ng iba. Ang pagmamataas ay gawa pa rin ng kaluluwa.
Marami ang nadadaya ng mga nagsasabing sila'y mga Kristiyano dahil ang sinasamba ay si Cristo. Ang Panginoong Jesus ay nagsabi: "Hindi ang bawat nagsasabi sa akin ng Panginoon, Panginoon ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit." Hindi natin malalaman ang kalooban ng Dios kung tayo'y namumuhay na maka-sanlibutan, maihahayag lamang ng Dios ang Kaniyang kalooban sa atin sa pamamagitan ng pagbabago ng pagiisip.
Pagdating ng araw ng paghuhukom, ang sabi ng Panginoon, "Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipapahayag ko sa kanila, kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala, magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan" ( Mateo 7:22-23).
Kung gayon, maraming manggagawa at mangangaral ang nagpapakita ng iba't-ibang kababalaghan sa pangalan ng Panginoong Jesus ang hindi papasok sa kaharian ng Dios. Huwag tayong magpadaya sa mga nagpapakita ng mga kababalaghan subalit namumuhay sa pag-mamataas. Maliwanag na ang mga ito ay nabubuhay pa sa laman. Magsilayo tayo sa kanila upang hindi tayo maparamay sa kanilang kapahamakan.