8. KAPAHINGAHAN NG KALULUWA

Ang mundo na ating ginagalawan ay mundo ng kaluluwa. Habang kaluluwa ang nananaig sa bawat tao, magpapatuloy sa pagbulusok ang mundong ito patungo sa pagkawasak. Hindi ko ibig sabihin na masama ang magkaroon ng kaluluwa; kundi ang nakasasama ay kung ang kaluluwa ang siyang mangunguna sa tao. Kaya nga, hindi dapat bigyan ng pagkakataon ang kaluluwa na maging mataas sa espiritu, dapat itong mapailalim sa kapamahalaan ng espiritu.

Kapag ang kaluluwa ay napailalim sa espiritu, ito ay magiging napakainam na kasangkapan sa gawain ng Dios. Susulong ang tao sa paglagong espirituwal, at ang tao'y magiging pagpapala sa mga mananampalataya at di-mananampalataya.

Sinabi ni Pablo: "Hindi baga ninyo nalalaman, na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka alipin upang tumalima ay kayo'y mga alipin niyaong inyong tinatalima, maging ng kasalanan sa ikamamatay, maging ng pagtalima sa ikapagiging matuwid" (Roma 6:16). Kung tayo ay susunod sa ating kaluluwa, tayo ay magiging alipin ng ating sariling kalayawan; kung tayo ay susunod naman sa Espiritu, tayo ay magiging alipin ng Dios.

Ang mga taong maka-kaluluwa ay alipin ng kanilang emosyon at kaisipan. Maaaring sila ay walang pagpipigil sa galit, mga may matigas na kalooban, o maaaring napaka-lambot na kalooban; punung-puno ng prinsipyo at mga pagpapalagay, pagmamataas, hindi pagkilala sa katuwiran ng Dios, at mga pagmamayabang: lahat ng ito ay iisa ang kinababagsakan: ang pagiging maka-sarili. Ang akala ng tao siya ay malaya dahil wala siya sa kulungan; maaaring sa pisikal ay malaya siya, subalit alipin ng sarili niyang katauhan.

Iba't-ibang bagay ang umaalipin sa tao sa pamamagitan ng laman: nariyan ang sigarilyo, alak, sugal, o maka-lamang paghahangad. Maaaring ang tao ay wala ng ibang bagay, subalit maaaring mayroon naman siya ng ibang bagay sa katawan. Maaaring ang tao'y walang pagpipigil sa pagkain, ang gusto maya't-maya ay may inilalagay sa sikmura. Ang iba naman ay kinakailangang sunod sa kung ano ang usong damit o anomang bagay, na ang nagiging resulta ay napagnanasaan ng tao ang kaniyang kapuwa: ng mga lalaki ang mga babae o maaaring kabaligtaran, dahil sa katotohanan, ang mga makabagong uso ng mga damit ay nagaalis ng kahinhinan sa babae. Higit na mapanganib ang ginagawang pagsunod ng tao sa kaniyang katawan kay sa kaluluwa.

Ang mga taong alipin ng kaluluwa ay alipin ng kasalanan (Juan 8:34). Kaya't imposible na ang Kristiyanong maka-kaluluwa ay makapagbigaylugod sa Dios. Ang magiging wakas ng lahat ng iyan, ayon kay Pablo ay kamatayan (Roma 6:21).

Sinabi natin ng una pa man, kung ano ang puno ay siyang bunga. Ang pamumuhay ng maka-kaluluwa ay puno ng kalungkutan, pagkabalisa, pagkatakot, at kapaguran. Sa pagaakala ni Adan at Eba na sila'y makakalaya sa responsibilidad na ibinigay ng Dios ay kinain nila ang punong ipinagbabawal; ang nasumpungan nila ay higit na kabigatan, dahil naging alipin sila ng kasalanan.

Sa aking pagtatrabaho noon sa sekular na kumpanya. Pagdating ng suweldo, ang mga kasama kong taga-sanlibutan, ay laging nagtatabi ng ilang bahagi para sa kanilang sarili at ang iba ay sa pamilya na daw. Ang para sa kanila ay paglilibang lamang, sila naman daw ang nagpagod ng perang iyon. Isang araw ay narinig ko ang isa na nagsabing, nagsasawa na siya sa ganoong pamumuhay. Napapagod na siya, kaya't kung puwede ng mamatay ay mamatay na lamang daw sana siya. Kinumusta ko ang paglilibang na ginagawa niya, ang sabi niya sa akin, sakit lamang ng ulo ang nakukuha niya. Katotohanan na ang mga bagay na maka-laman ay walang ibinubungang mapapakinabangan at mabuti. Lahat ng paghahangad ng kaluluwa sa sarili ay lumilipas lamang na parang bula.

Walang magiging kasayahan ang mga taong maka-kaluluwa. Ang mga bagay na nais nila ngayon ay kaiinisan pagkaraan ng ilang sandali. Kahit kailan ay hindi masasapatan ng mga bagay na tinatangkilik nila ang kasapatang Dios lamang ang makapagbibigay.

Tutoong mahirap ang mamuhay ng ayon sa kaluluwa. Alipin ka ng sarili mong emosyon, alipin ka ng iba't-bang bisyo, alipin ka pa rin ng sarili mong kahinaan. Habang nasa higaan ka'y iniisip mo kung ano ang ipantutustos mo sa bisyo mo kinabukasan; iniisip naman ng mga mayayaman kung ano ang higit na makabubuti sa kanila sa kinabukasan. Bukod sa kapaguran nawawala pa sa kanila ang kapayapaan. Kahit na ang mga taong seryosong naglilingkod sa Dios ay nagkakaroon ng kaguluhan at kalituhan sa isip kapag nakakagawa ng kasalanan. Kapag nangingibabaw ang kaluluwa, sa halip na magsisi ay hahanap sila ng solusyon kung paanong makakatakas sa problemang ibinunga ng kasalanan.

Ang Solusyon ng Tao

Sa katotohanan, ang buong sanlibutan ay humihibik sa paghihirap. Inaabot ng Dios ang Kaniyang kamay upang tayo ay tulungan, tayo pa ang nagmamalaking kaya natin ang lahat samantalang sa katotohanan ay hindi. Nagtatampisaw tayo sa kinasasadlakan nating putik subalit ayaw pa rin natin ng paghuhugas ng Dios. Tayo ang gumagawa ng sariling paraan ng paghuhugas: gumagawa tayo ng resolusyon taon-taon, nagpipinitensya, nangungumpisal, nagkaka-wanggawa; sa sarili nating mata ay nagiging malinis tayo, hindi sa mata ng Dios. Ang mga gawang ito ay maka-kaluluwa, kaya't hindi ito ang hanap ng Dios. Hindi tayo malilinis ng mga gawang ito sa harap ng Dios. Habang namumuhay ang tao na maka-kaluluwa, hindi nito tinatanggap ang tulong ng Dios.

Nais ipakita ng tao sa Dios na siya'y walang dinaramdam at walang dapat baguhin sa pamumuhay niya. Hindi sila sensitibo sa pangangailangan na magkaroon ng Dios sa buhay nila. Maraming beses nating nakikita ang walang pagpipigil na dila ng mga taga-sanlibutan na para bang matalim pa sa labaha. Hindi sumasagi sa kanilang isipan na isang araw, sa paghuhukom ay pagbaayaran nila ang lahat ng masasamang sinabi nila. Ang mga ito ay balewala sa kanila na mga hindi natatakot sa Dios, dahil sa kanilang pamumuhay ay ayos lamang ang lahat.

Bakit maraming tao ang nakakagawa ng mga karumaldumal na krimen? Bakit maraming tagapamahala ang nandaraya sa kanilang mga empleyado? Bakit maraming manggagawa ang lumalabag sa mga patakaran ng kanilang pinagtatrabahuhan? Dahil sa kanilang isipan ay hindi sumasagi na mayroong Dios na nakakakita ng lahat ng bagay, kaya't ang lahat ay ayos lamang gawin ng mga makasalanan.

Pagdating naman sa daigdig ng relihiyon, bakit maraming mangangaral ang sinungaling? Bakit maraming Kristiyano, bagaman nalalaman nila ang mga bagay na ipinagbabawal ng Dios, ay ginagawa pa rin nila? Dahil tayo'y nabubuhay sa maka-kaluluwang mundo, at habang ang Kristiyano ay nabubuhay na maka-kaluluwa, wala sa kaniya ang tunay na pagkatakot sa Dios.

Kaya't sa katotohanan, ang tao ay walang solusyon sa kaniyang kalagayang maka-kaluluwa upang makapagbigay kaluguran sa Dios. Kung may anomang nagagawa ang tao ayon sa kalakasan ng kaluluwa, ito ay hindi pararangalan ng Dios. Dahil ang mga maka-kaluluwa ay, "Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; walang gumagawa ng mabuti, wala, kahit isa. Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; nagsisigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang dila... Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan. Ang kanilang paa ay matulin sa pagbubo ng dugo: kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan; at ang mga daan ng kapayapaan ay hindi nila nakikilala; walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata" (Roma 3:12-18).

Ang mga yaon ang katatayuan ng mga taong maka-kaluluwa. Kahit na gaano kasama ang lumalabas sa bibig; at kahit na lihis sa daan ng Dios ang kanilang ginagawa ay wala silang pakialam, basta't magawa nila sa sarili ang nais nilang gawin. Lahat ay ayos lamang at wala silang dapat ikabahala, dahil hindi nila naiisip na may Dios na humuhusga.

Ang Solusyon ng Dios

Lumalabas dito na ang pagiging makasalanan ng tao ay ang pagiging maka-kaluluwa. Nagawa niya ang kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang kaluluwa, kaya't kaluluwa din ang kailangang gamitin upang ipantubos dito. Bagaman ang tao'y makasalanan, hindi ko ibig sabihin na ang kaluluwa ay masama. Nagkasala ang tao dahil niloob niyang magkasala; ang kalooban ay bahagi ng kaluluwa at narito ang kaniyang kapangyarihan sa paggawa ng desisyon. Tayo ay binigyan ng Dios ng malayang kalooban. Ang pagtanggi o pagpili sa punong ipinagbabawal ay katunayan ng pagkakaroon natin ng malayang kalooban.

Kapag pinili nating sundin ang Panginoong Dios, ang kaluluwa ay ipinapasa-ilalim natin sa pamamahala ng espiritu; kung ang desisyon natin ay mamuhay ng malayo sa Dios, ang kaluluwa ang susundin natin. Kapag kaluluwa na ang nangingibabaw sa tao, ang takbo ng isip niya ay puro na lamang sa sarili. Matitikman niya ang layaw ng sanlibutan, unit-unti ay iikot ang buhay niya sa mga kalayawang iyon. Habang sinusunod niya ang sariling kalayawan, doon tinatawag na ang tao ay alipin.

Paano naman ang mga taong malinis na namumuhay: yaong mga hindi naninigarilyo, naglalasing o nagsusugal, nangangahulugan ba na walang umaalipin sa kanila? Ilang tao na rin ang nakita kong hindi natatali sa anomang bisyo, subalit ang umaalipin naman sa kanila ay ang mga pagmamataas; ang iba naman ay hindi makapagpigil sa masamang dila, mga mapamintas at mapaghatid ng hindi magandang balita. Alipin sila ng iba't-ibang bagay.

Salamat na lamang at ang Dios ay talagang mabuti sa atin. Sa kabila ng ating pagiging masuwayin, lagi Siyang gumagawa ng paraan upang tayo'y maabot. Nais ba nating maging pagpapala? Kung ganoon, huwag tayong bibitiw sa Kaniya; maging gaya tayo ni Jacob na nakipag-baka sa Dios sa pamamagitan ng kalakasang nasa kaniya. Binali ng anghel ang kasukasuan ng hita ni Jacob, anopa't dumating siya sa hangganan ng kaniyang kalakasan, gayunman, hindi siya bumitiw sa anghel, hanggang pagpalain siya nito.

Alam ni Jacob na maaaring magkaroon ng pagbabaka sa kanila ng kapatid niyang si Esau. Kung mangyayari ang iniisip niya'y hindi na siya makakapanlalaban, ang buong buhay at tiwala niya ay ibinigay na lamang niya sa Dios (Genesis 32:22-28). Dios ang nangalaga sa kaniya, sa gayon ay nagkaroon siya ng kapahingahan sa masakit na kasukasuan niya.

Sa ating kapaligiran ay maraming tao ang nagsasabing pagod na sila sa kanilang buhay at naghahanap ng kapahingahan. Maraming tao ang nangangakong hindi na sila maglalasing, dahil sila'y alipin, muling binabalikan ang kanilang iniwan. Hindi matatagpuan ng kaluluwa ang kapahingahan sa sanlibutan, sa katotohanan, ang sanlibutan ay hindi nagaalok ng kapahingahan kundi kapaguran at kapahamakan. Hindi natin masusumpungan ang kapahingahan, hangga't may bahagi tayo sa gawa ng sanlibutan. Ang mayaman at mahirap ay walang magiging kapahingahan sa mga maka-laman nilang paghahangad.

Sino ang naghahangad ng kapahingahan? Nang maginhawang kapahingahan? Ang paanyaya ng Panginoong Jesus: "Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal, at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagkat ako'y maaamo at mapagpakumba-bang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa" (Mateo 11:28-29). Tanging sa Panginoong Jesus masusumpungan natin ang kapahingahan sa ating kaluluwa. Mabigat ang pasaning ibinibigay ng sanlibutang ito; samantalang ang pamatok ng Panginoon, ay magbibigay sa atin ng kapahingahan.

Sa araw na loobin nating isuko ang buhay natin sa Dios, ibinabalik natin sa espiritu ang pamamahala sa buo nating katauhan. Ang espiritu naman ay ipinapasakop natin sa pamamahala ng Espiritu Santo. Sa gayon ang kaluluwa ay natitigil sa anomang sariling gawain. Hindi na siya alipin ng maka-sariling pagnanasa; kundi ang kapahingahan ay nasumpungan niya.

Napakaraming tao sa kapanahunan natin ay talagang pagod na sa gawaing maka-laman. Ang espirituwal na kapahingahang ipinagkakaloob ng Panginoong Jesus ay ginaya din ni Satanas upang mabihag niya ang tao sa pagsunod sa kaniya. Ginagamit niya ang okultismong relihiyon ng New Age Movement upang ang pagka-uhaw ng tao sa espirituwalidad ay matugunan. Nabasa ko pa ang patotoo ng ilan, na ang pagka-uhaw nila sa espirituwalidad ay napawi mula ng sumanib sila doon. Ang hindi nila alam, dagdag na pagkauhaw ang mararanasan nila sa mga pandarayang ginagawa ni Satanas. Sa halip na kapahingahan, lalo silang maghahangad ng kapangyarihang ipinamamalas ni Satanas. Sa bandang huli, lahat ng iyon ay sa kanilang ikawawasak.

Walang sinoman sa mundong ito ang may kapamahalaang gaya ng Panginoong Jesus. Sa lahat ng mga nagsisikap matamo ang tunay na espirituwalidad, at nagnanasang makalaya sa anomang pagka-alipin, masusumpungan lamang nila ito sa Panginoong Jesus. Mayroon Siyang kapamahalaan upang patigilin ang kaluluwa sa paggawa, upang mabigyan ito ng kapahingahan.

Ang isang taong nabibigatan sa kaniyang pasan ay talagang makakaramdam ng kapaguran. Upang siya'y mabigyan ng kapahingahan ay kailangang ibaba muna ang lahat ng pasanin niya. Upang ang dating mabigat na pasanin ay hindi na niya muling pasanin, kailangang bigyan siya ng ibang pasanin na magiging magaang para sa kaniya. Ang pasaning ibinibigay ng Dios ay magaang at malambot, kapag ito ang tinanggap natin, mararanasan natin ang tunay na kaginhawahan para sa kaluluwa. Ang tunay na espirituwalidad ay mararanasan natin.

Kaluluwang Naliwanagan

Ang ating magiging gawang espirituwal ay magsisimula sa kaliwanagang ipinahayag ng Dios sa atin. Ang kapahayagang iyon ay hindi natin malalaman habang ang kaluluwa ay hindi napagwawagian ng espiritu. Tatanggap lamang ang kaluluwa ng kapahayagan kung siya ay nasa ilalim na ng pamamahala ng espiritu.

Dalangin ni Pablo sa mga taga-Efeso na lalo pang mahayag sa kanila ang Dios. Binanggit niya na ang mga kaliwanagang ito ay "sa mga mata ng inyong puso" (Efeso 1:17,18). Kapag ang kaluluwa ay napagwagian na ng espiritu, ito ay nagiging kasangkapan ng Dios upang ang mga kapahayagang tinanggap ng espiritu ay maihatid sa wikang nauunawaan ng tao. Ang kaluluwa ang magiging tagapagsalin mula sa espirituwal hanggang sa maunawaan natin ito sa sarili nating wika. Sa pamamagitan ng mga kapahayagang tinatanggap ng kaluluwa mula sa espiritu, ito ay kasamang binabanal ng Espiritu Santo. Sa gayon ang nagiging paglakad ng tao ay sa Espiritu.

Kapag ang kaluluwa ay naipagwagi natin, ito naman ang makikipagbaka laban sa laman. Kaya't ang sabi ni Pedro: "Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo'y magsipagpigil sa mga masasamang pita ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa" (I Pedro 2:11). Hindi makikipaglaban ang espiritu ng direkta sa laman dahil hindi niya ito mauunawaan, kundi ang kaluluwang binanal ang siyang makikipag-baka. Ito ang pinaka-mahirap sa parte ng pagbabaka. Hindi ito panandalian kundi pang habang buhay na pagbabaka. Ang pagwawagi ay maaaring mangyari sa loob ng 10 o 20 taon, kung hindi mangyayari na ito'y maipagwagi, ang tao ay mauuwi sa pagkawasak.

Marami ang naniniwala na hindi si Satanas ang mahigpit na kalaban ng mga Kristiyano kundi ang kanilang sarili. Ito ay katotohanan, maging sa karanasan ni Pablo ay makikita natin na ang naging kalaban niya ay ang kaniyang sarili, "Sapagkat nalalaman ko na sa akin, samakatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagkat ang pagnanasa ay nasa akin datapwat ang paggawa ng mabuti ay wala. Sapagkat ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: ngunit ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa" (Roma 7:18-19).

Habang binabasa ko ang sulat na ito, ay parang nababasa ko ang sarili ko. Naghahanap si Pablo ng paraan kung paanong makaliligtas sa katawan na nagreresulta ng kamatayan. Sa kaniyang sarili ay wala siyang magawa. Natagpuan niya ang tulong na kailangan sa Panginoong Jesus lamang (tal. 25). Naipagwagi ng espiritu ang kaniyang kaluluwa; naipagwagi naman ng kaluluwa ang kaniyang katawan, sa gayon ay lumakad siya ng ayon sa Espiritu.

Ang kabanalan ay hindi lamang panloob, ito ay panlabas din naman. Kamalian ang sinasabing ang tinitingnan ng Dios ay ang nasa loob at hindi ang nasa labas. Kung ang panlabas na anyo ay hindi tinitingnan ng Dios, hindi na sana sinabi ito ni Apostol Pablo, "At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan hanggang sa pagparito ng Panginoong Jesucristo" (I Tesalonica 5:23). Ang kailangan ng Dios ay ang buong pagkatao natin, hindi espiritu lamang kundi espiritu, kaluluwa, at katawan; nangangahulugang kabanalan mula sa loob hanggang sa labas. Hindi natin magagawa sa ating sarili ang lumakad sa harap ng Dios na may kabanalan, ang kailangan natin ay ang kalakasang nagmumula sa Dios upang magawa natin ito (Zacarias 4:6).

Sa pagtatapos ng kabanatang ito, nais kong kunin ng buo ang napakahalagang sinabi ni T. Austin-Sparks sa kaniyang aklat na What Is Man: "We must be careful that, in recognizing the fact that the soul has been seduced, led captive, darkened and poisoned with a self-interest, we do not regard it as something to be annihilated and destroyed in this life. This would be but ascetism, a form of Buddhism. The result of any such behavior is usually only another form of soulishness in an exaggerated degree, perhaps occultism. Our whole human nature is in our souls, and if nature suppressed in one direction she will take revenge in another. This is just what is the trouble with a great many people if only they knew it. There is a difference between a life of suppression and a life of service. Submission, subjection and servanthood in Christ's case, as to the Father, was not a life of soul destruction, but of rest and delight.

Slavery in its bad sense is the lot of those who live wholly in their own souls. We need to revise our ideas about service, for it is becoming more common to think that service is bondage and slavery; when really it is a Divine thing. Spirituality is not a life of suppression. That is negative. Spirituality is positive; it is a new and extra life, not the old one striving to get the mastery of itself. The soul has to be taken in charge and made to learn the new and higher wisdom. Whether we are able to accept it or not, the fact is that if we are going on with God fully, all the soul energies and abilities for knowing, understanding, sensing, and doing will come to an end, and we shall - on that side - stand bewildered, dazed, numbed and impotent. Then, only a new, other, and Divine understanding, constraint and energy will send us forward or keep us going. At such time we shall have to say to our souls, 'My soul, be thou silent unto God' (Psalms 62:1); 'My soul... hope thou in God' (Psalms 62:5); and 'My soul, come thou with me to follow the Lord.' But what joy and strength there is when, the soul having constrained to yield to the spirit, the higher wisdom and glory is percieved in its vindication. Then it is that 'My soul doth magnify the Lord, and my spirit hath rejoiced in God my Saviour' (Luke 1:46). The spirit hath, the soul doth, note the tenses." (What is Man by T. Austin-Sparks, page 36-37, itlalic his).

«   |   »

Home