9. ANG KASAMAAN NG IMAHINASYON

Ang iba't-ibang klase ng tao ay may iba't-ibang ugali, ang pagkakaiba ng mga ugaling iyon ay katunayan na tayo'y umiiral sa maka-kaluluwang mundo. Mayroong mga masayahin, may mga tao na kung tawagin naman ay moody, may mga matatalino, at mayroong mangmang, may magagalitin, may malambing. Hindi ba't lahat ng iyan ay sa kaluluwa? Sa katotohanan, mula ng magkasala ang tao ay hindi na niya nagamit sa tama ang kaniyang emosyon at kaisipan.

Sa mga sumusunod sa kapahayagan at mga kabanata, nais kong ipakita sa abot ng aking makakaya ang mga katangian ng kaluluwa na kinakailangan nating rendahan. Kung ito ay mapasa ilalim ng Espiritu, ito ay magiging mabunga sa ating gawain sa Dios; kung hindi mapipigilan, magmumukha itong ipa na tinatangay ng hangin, walang patutunguhan at walang katiyakan ang kahahantungan.

Kauna-unahang dapat bantayan ng tao sa kaniyang isipan ay ang kaniyang imahinasyon. Hindi natin sinasabing masama ang imahi-nasyon, sa katotohanan, ito ay mabuti at kapakipakinabang na kaloob ng Dios. Kung ito ay magagamit sa kabutihan, higit itong magagamit ng mga makasalanan sa kanilang kasamaan.

Anoman ang nais nating maging kalalagayan pagdating ng araw ay binubuo natin sa pamamagitan ng imahinasyon; anomang bagay na mahirap abutin, una na itong naaabot sa pamamagitan ng imahinasyon. Ang imahinasyon ang kinaluluklukan ng ating pagiging malikhain.

Noon ay imahinasyon lamang ng tao ang makarating sa buwan, nang ito'y kaniyang pagsikapang gawan ng paraan ay nakita niyang hindi imposible, ito'y nagkaroon ng katuparan at ang buwan ay kaniyang narating. Nabuo din ng magkapatid na Wright sa pamamagitan ng imahinasyon ang pagkakaroon ng sasakyang lumilipad na maaaring maghatid sa tao saan man siya magtungo. Nang maimbento ni Alexander Volta ang kuryente, akala ng tao noon ay wala itong magiging kapakinabangan; sa pamamagitan ng imahinasyon ni Thomas Edison, nagamit niya ang ginawa ni Volta upang mabigyan tayo ng ilawan sa ating mga tahanan at mga pagawaan ngayon.

Naniniwala ako na ang Dios ay mayroon ding imahinasyon. Lahat ng umiiral na ating nakikita at mga hindi nakikita ngayon ay sa imahinasyon muna ng Dios nagmula. Ang kaibahan lamang ang imahinasyon ng Dios ay banal at ito'y kontrolado Niya; samantalang ang sa mga tao ay parang patak ng ulan na mahirap pigilan. Kaya nga, ang imahinasyong kaloob ng Dios sa tao, ay malaking tulong sa maraming bagay na nais nating maabot, subalit nakawawasak kung hindi magagamit ng wasto.

Halimbawa ng paggamit ng hindi wasto ay ang nangyari kay Eba, habang tinititigan niya ang punong ipinagbabawal. Ang imahinasyon niya'y naglalaro sa inaakala nilang sila'y magiging gaya ng Dios. Hindi lamang karunungan ang benepisyong tatanggapin nila, sila'y magiging gaya ng Dios kapag nakakain ng bunga ng punong ipinag-babawal: lahat ng nalalaman ng Dios ay malalaman na rin nila. Ang masamang imahinasyon ang nag-udyok sa kanila upang pumitas ng bunga ng punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ang kinahinatnan ng masamang imahinasyon ay ang pagkakahiwalay nila sa Dios.

Nang dumami ang tao sa lupa, nakita ng Dios na "ang boong haka (imagination, KJV) ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama na lamang parati." (Genesis 6:5). Kung ano ang kalalagayan ng tao sa panahon ni Noe, wala itong ipinagbago sa kalagayan ng tao sa ngayon: puno ng masamang imahinasyon ang kanilang pagiisip.

Mula sa pagkabata (youth, KJV) ng tao ay nakita na ng Dios ang masamang imahinasyon ng kanilang puso (Genesis 8:21). Hindi sinabi ng Bibliya na mula sa pagkasanggol, kundi mula sa pagkabata, ito ay patungkol sa mga kabataan. Sa sarili kong pagtitimbang, ang mga dalagita at binatilyong kabataan na may kakayanang gumawa ng sarili nilang imahinasyon ay haharap sa hukuman ng Dios. Marami sa kanila ang magsisiparoon sa dagatdagatang apoy, dahil sa pagma-mahal sa kanilang buhay.

Mapapansin natin sa dalawang talata na kinuha natin sa aklat ng Genesis, ang masamang imahinasyon ay laging kakabit ng puso. Ang kapangyarihan ng kaisipan at moralidad ng tao ay nanggagaling sa puso, kaya't tama ang Bibliya sa pagsasabi na ang masamang imahi-nasyon ay nanggagaling sa puso, "Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masamang pagiisip..." (Marcos 7:21).

Bakit sa bawat araw na dumaraan ay dumarami ang bilang ng mga babaing ginagahasa? Hindi lamang mga dalaga ang pinagsasa-mantalahan, pati na ang mga batang edad dalawang taon! Bakit may mga taong nagagawa pa ang makiapid sa iba? Ang tanging kasagutan ay dahil sa masamang imahinasyon. Ito ang nagiging dahilan ng mga pagnanakaw, pagpatay, kasakiman, at marami pang kasamaan.

Ang imahinasyon ay ang kubling bagay o lihim na bahagi ng tao. Walang ibang taong makakapasok sa ating imahinasyon, kaya't walang ibang tao ang nakakaalam ng nilalaman nito. Tayo lamang at ang Dios ang nakakaalam ng nilalaman. Nagagawa ng mga taong walang takot sa Dios na paliparin ang kanilang imahinasyon sa mga bagay na maaaring mangyari at hindi mangyari; mula sa paggawa ng kabutihan hanggang sa sukdulang kasamaan. Hindi mahihiya ang tao na maglaro sa kanilang isipan ang karumihan ng pagnanasang maka-laman, dahil siya lamang ang nakakaalam niyaon.

Dahil dito, ang paghatol na gagawin ng Dios sa tao ay hindi lamang sa kaniyang mga gawa, kundi pati na sa imahinasyon ng kaniyang puso. Ito ay maliwanag na ipinahayag ng Dios kay Pablo: "Kaya nga huwag muna kayong magsihatol ng anoman, hanggang sa dumating ang Panginoon, na Siya ang maghahayag ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at ipahahayag naman ang mga haka ng mga puso; at kung magkagayo'y ang bawat isa ay magkakaroon ng kapu-rihan sa Dios" (I Corinto 4:5).

"Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios? Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso," ang sabi ni David (Awit 44:21). Hindi lamang ang puso ng mga walang takot sa Dios ang sisiyasatin, pati na ang mga mananampalatayang walang kontrol sa kanilang imahinasyon. Kung ito ay sinisiyasat ng Dios, nangangahulugang ito ay Kaniya ding huhukuman!

Magaang pa ang paghuhukom na tatanggapin ng tao sa mga bagay na kaniyang ginawa; subalit higit na mabigat ang paghuhukom sa mga bagay na hindi ginawa ng tao. Bakit? "Sapagkat ang mga bagay na ginagawa sa lihim ay mahalay na salitain man lamang" (Efeso 5:12). Ang pinaka-mabigat na kasamaan ay ginagawa ng tao sa pamamagitan ng kaniyang imahinasyon. Nariyan ang kasamaang napakahirap gawin sa tutoong buhay, subalit napakadaling gawin sa imahinasyon.

Mula sa panahon ni Adan at Eba hanggang sa panahon natin ay iisa ang takbo ng imahinasyon ng tao: pawang kasamaan. May mga taong magsasabi na kaya nila nagagawa ang mga gayong bagay ay dahil sa masama nilang karanasan sa ibang tao. Ito ang sinasabi ni Pablo na "Ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't-isa" (Roma 2:15). Ayaw nilang tanggaping sila'y may pagkakamali, iyan ay maliwanag na gawa ng kaluluwa.

Gaano man nagmamatuwid ang tao sa kaniyang sarili, hindi ito magiging katanggap-tanggap hangga't wala si Cristo sa kaniyang buhay. Upang siya'y ariing-ganap, nararapat na ang maging pamantayan ng kaniyang katuwiran ay ang mga Kasulatan; hindi ang sarili niyang pagmamatuwid. Mabuti man ang iyong mga gawang nakikita, kung sa kalooban mo'y naroon ang kasamaan, dapat ay magsisi ka at sumunod sa ebanghelyo. Huhukuman ng Dios ang natatagong bagay sa likod ng mga kabutihang iyan.

Itinakda ng Dios ang araw ng kahatulan (Hebreo 9:27). Ipinahayag ni Solomon na ma'y kahatulan sa mga lihim ng tao, ang kapaha-yagang ito ay hawig din ng kay Pablo, "Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesucristo" (Roma 2:15). Ang lihim na ito'y hindi lamang ang kanilang ginagawa sa lihim kundi pati na ang lihim na nasa puso ng tao. Lahat ng masasamang imahinasyon ng tao ay itatanyag ng kaliwanagan sa araw ng paghuhukom (I Corinto 3:13; Efeso 5:13). Pati na ang mga mahahalay na salitain ay itatanyag ng Dios sa lahat. Bubuksan Niya ang bawat imahinasyon ng puso ng tao at ito'y ipapahayag Niya. Kapag nakita ng tao ang lahat ng nilalaman ng kanilang imahinasyon, pawang kahihiyan ang sasaklob sa kanila. Kalituhan at paghahanap ng awa ng Dios ang babalot sa kanila na hindi nag-ingat ng kanilang masamang imahinasyon.

Bakit kailangan pang hukuman ng Dios ang imahinasyon ng tao, kung hindi naman ito nagawa ng aktuwal? Sa katotohanan, hindi man nagawa ng tao ng aktuwal ang nilalaman ng kaniyang imahinasyon, ito ay huhukuman pa rin. Kahit na hindi ito nagawa ng aktuwal, kung ang kasamaan ay pinagpistahan mo sa iyong isipan, ito ay parang aktuwal mo na ring ginawa.

Lahat ng nag-aaral ng Psychology ay pamilyar sa sinasabing, ang hindi naging makatotohanan sa buhay mo ay maaaring maging kato-tohanan sa iyong imahinasyon. Kahawig ito ng sinabi ng Panginoong Jesus: "Datapwat ang sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso" (Mateo 5:28). Sa imahinasyon ng tao ay nabigyang katotohanan niya ang masamang hangarin.

Kung ang Kristiyano ay patuloy na nagbubuo ng mga masamang imahinasyon, at hindi makapag-kontrol, patunay ito na mayroon pang karamdamang espirituwal ang tao. Maaaring hindi pa siya lubusang nakakalakip sa kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na muli ng Panginoon ayon sa sinasabi ng Roma 6. Hindi natin kaila-ngang magkaroon ng malalim na katuruan tungkol dito, ang kaila-ngan ay magkaroon tayo ng malalim na karanasan sa sinasabing ito ni Pablo. Maraming matatalino ang hindi naipapamuhay ito, subalit maraming simpleng Kristiyano ang may malalim na karanasan dito.

Walang ipinaguutos ang Bibliya na hindi na tayo nararapat magkaroon ng imahinasyon. Sinabi ko sa sarili ko noon, kay sa mahulog ako sa pagkakasala, mabuti pang hindi ko na gamitin ang isipan ko sa anomang imahinasyon. Kinontrol ko ito at hindi ko pinayagang magkaroon ng anomang imahinasyon, kahit na mabuti o masama. Ang nangyari sa akin ay naging makakalimutin ako. Maraming talata ng Bibliya ang nakalimutan ko at hindi na maalala pa. Pagkaraan ng kaunting panahon sinubukan kong mag-ipon muli ng mga memory verse, nahirapan lamang ako, ang isang talata ay inaabot ng isang linggo bago pumasok sa aking isipan, at pagkaraan ng ilang linggo ay muli kong nalilimutan.

Kasabay ng naging ko karanasan sa panahong iyon ang kahirapan sa pakikipag-usap. Kapag may biglang pumasok sa isip ko na gusto kong sabihin habang nakikipag-usap, hindi ko masabi agad. Hindi ko mailabas sa dulo ng aking dila ang gusto kong sabihin. Kadalasan ay nagiging parang blangko pa ang utak ko.

Ilang ulit kong tinanong sa Dios kung ano ang dahilan ng mga nangyayaring ito sa akin. Ipinakita sa akin ng Dios ang ginawa kong pagbaka sa aking kaluluwa sa maka-kaluluwang paraan. Dito'y naging maliwanag sa akin na ang kaluluwa ay hindi dapat susupilin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kalakasan. Gaya ng sinabi ni T. Austin-Sparks, kung ito'y susupilin nating sa kaniyang pamamaraan, ito'y maghihiganti naman sa ibang paraan. Ang pagsupil sa mga gawa ng kaluluwa ay sa pamamagitan ng espiritu.

Ang pagsupil sa ating masamang imahinasyon ay hindi sa pag-aalis nito, kundi sa pamamagitan ng pagbabago. Kung lumalabas sa ating imahinasyon noong una ay pawang maka-laman, alisin natin ito at ipalit natin ang mga maka-espiritung pag-iisip. Sa ganito natin magagamit ang sinabi ni Pablo: "At huwag kayong magsiayon sa sanlibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng 'pagbabago' ng inyong pagiisip..." Ang mga maka-langit na pagiisip ay ang espirituwal na pagiisip.

Ilagay natin sa ating imahinasyon kung ano ang gusto nating maabot at pagsikapan natin iyon. Huwag nating pabayaan ang mga walang kabuluhan at mga imposibleng bagay ay manatili dito. Ang isang espirituwal na tao ay may kontrol dito. Magagawa niyang ilagay sa kaniyang imahinasyon ang mga bagay na gusto niyang ilagay at alisin ang gusto niya alisin. Lumapit tayo sa Dios at humingi ng kalakasan upang ito ay mangyari sa ating buhay, upang tayo ay makalakad sa Espiritu at hindi sa gawa ng kaluluwa.

Kapag dumating ang panahon ng paghatol, hindi pipigilin ng Dios ang awa Niya upang sa gayo'y maging pantay sa lahat ang paghatol na ibibigay Niya. Ngayon pa lamang ay magpalinis na tayo sa Diyos, makiisa tayo sa Dios na linisin ang ating kaisipan at emosyon.

«   |   »

Home