ANG KAISAHAN NG DIOS

D. S. Padua
dspadua@hotmail.com

Ang theismo ay paniniwala na mayroong dios, subalit ito ay nababahagi sa dalawa: una ay ang monotheism at ikalawa ay ang polytheism. Ang una ay nangangahulugan ng paniniwala na may iisang Dios lamang; ang pangalawa naman ay ang paniniwala sa maraming dios.

Sa buong mundo ay may tatlong pangunahing relihiyon na kumikilala sa iisang Dios: ito ay ang Judaismo, ang Kristiyanismo, at ang Islam. Ang Judaismo at Kristiyanismo ay relihiyon ng iisang libro. Ang aklat na pinanghahawakan ng Kristiyanismo ay binubuo ng Luma at Bagong Tipan, samantalang ang Judaismo ay tanging sa Lumang Tipan lamang nanghahawakan. Ang Islam naman ay may sariling aklat na kung tawagin ay Quran. Ang Quran ay nahango sa Luma at Bagong Tipan, subalit may malaking pagbabago lalo na sa mga mahalagang kasaysayan ng Bibliya. Halos lahat ng mga bansa sa Lumang Tipan ay kumikilala sa maraming dios, subalit ang bawat isa sa kanila ay may mga pangunahing dios. Ang mga Madianita ay mayroong dios na Baal (Hukom 6:25). Ang dios naman ng mga Amoreo ay si Chemos (Hukom 11:24). Si Nisroch naman ang pangunahing dios na sinasamba ng mga Asiria (II Hari 19:36,37). Sa bansang Israel ay tanging si Yahweh lamang ang Dios na sinasamba.

Ang paniniwala ng mga bansang pagano sa Lumang Tipan, kung sino ang dios na kinikilala ng mga bansa, doon lamang makapangyarihan ang dios na iyon. Kapag lumabas na sa kanilang hangganan ay wala na itong kapangyarihan. Ito ang naging malaking pagkakamali nila sa Dios ng Israel. Nang makipagbaka ang Israel laban sa mga Siria at sila’y matalo ng Israel ay kanilang sinabi: “Ang kanilang dios ay dios sa mga burol; kaya’t sila’y nagsipanaig laban sa atin; ngunit magsilaban tayo sa kanila sa kapatagan at walang pagsalang tayo’y magiging malakas kay sa kanila” (I Hari 20:23).

Ang ganitong paniniwala ay tinatawag na henotheism, na nangangahulugang ang bawat bansa ay kinakailangang magkaroon ng isang dios na kikilalanin. Sa kasaysayan ng mga bansa sa Lumang Tipan, ang kanilang paki-kipagbaka laban sa ibang mga bansa ay pakikipagbaka din ng kanilang mga dios.

Isa sa mga kautusang mahigpit na ipinapatupad ng Dios sa Israel ay ang pagbabawal ng pag-aasawa sa ibang lupain (Exodo 34:16; Deut. 7:3). Kapag ang isang hari ay nakipag-asawa sa mga prinsesa ng ibang mga bansa, sa paglipat ng babae sa kaharian ng kaniyang napangasawa ay dadalhin nito ang kaniyang dios na sinasamba at ipasasamba din sa kaniyang asawa. Sa ganitong pagkakasala nahulog si Solomon: hindi lamang niya sinamba ang dios ng kaniyang mga asawa, ipinagpatayo pa niya ang mga ito ng templo (I Hari 3:1; 7:8; 11:1-8). Ang nangyari kay Solomon ay nangyari din kay Achab. Nang mapangasawa niya si Jezebel ay pinasamba din siya sa mga dios nito (I Hari 11:1-8; 16:19-23). Lumalabas na ang pakikipagasawa ng mga bansa sa ibang mga bansa ay pakikipagkasundo din sa kanilang mga dios. Hindi ninanais ng Panginoong Dios na ang tao ay may kikilalanin pang ibang mga dios. Ang Kaniyang unang kautusan din ay nagsasabi, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.”

Ilan ba ang Dios na dapat kilalanin? Isa, dalawa ba, o tatlo, o kung marami ba ay mas mainam? Hingan natin ng kasagutan ang isa sa pinaka-matalinong tao na lumabas sa kasaysayan ng pilosopiya: si Thomas Aquinas. Ganito ang sinabi niya: “If then many gods existed, they would necessarily differ from each other. Something therefore would belong to one which did not belong to another. Ang if this were a privation, one of them would not be absolutely perfect; but if a perfection, one of them would be without it. So it is impossible for many gods to exist” (Summa Theologica by Thomas Aquinas, Q. XI, Article 3).

Kung gayon hindi pala dapat na ang tao ay manambahan sa maraming dios. Imposible din palang sabihin na maraming dios ang nabubuhay, dahil kung magkagayon, ang mananatili sa kanila ay ang pinaka-sakdal at pinaka-makapangyarihan. Kung sinoman sa kanila ang nagtataglay ng kapangyarihang hindi mahihigitan, kaganapang hindi mapapantayan, at kalikasang walang kahawig, Siya lamang ang nararapat sambahin. Hindi tayo sasamba sa dios na mababa at may kaunting kakayahan lamang. Ang lahat ng katangiang kailangan natin sa isang Dios ay hindi natin matatagpuan kanino man, kundi tanging sa Dios lamang na ipinapakilala ng Bibliya.

Nag-iisa lamang ang Dios na dapat kilalanin. Kung marami man ang dios na kinikilala ng buong mundo, ang nararapat nating kilalanin ay ang makapangyarihan sa lahat, walang kapintasan, lahat ng salita at panukala ay hindi nagbabago, higit sa lahat nararapat na siya ay may personal na pakikibahagi sa tao. Hindi natin makikita ang Dios na ito sa Islam; lalo na sa mga pagano; hindi din siya ang Dios na ipinapangaral ng Judaismo; ang Dios na ito ay walang iba kundi ang Dios ng Kristiyanismo

Politeismo sa Kristiyanismo

Ang Kristiyanismo ay nababahagi sa iba’t-ibang denominasyon, na may iba’t-ibang paniniwala din tungkol sa Dios. May naniniwala na ang Dios ay iisa subalit nababahagi sa tatlong persona. Ang tatlong Dios na ito ay magkakapantay, magkakahiwalay, magkakaiba, at mga magkasingkapangyarihan. Ito ang doktrina na kung tawagin ay trinidad. Ang nagdala nito sa Kristiyanismo ay ang Romano Katoliko na itinayo ni Emperor Constantino.

Ang ibang relihiyon naman ay naniniwala na may dalawang Dios; nag-iisa daw ang Dios na makapangyarihan sa lahat, at ang isang Dios daw ay makapangyarihan lamang. Kaya daw nila sinasamba ang Dios na makapangyarihan (mighty) ay dahil ibinigay ng Dios na makapangyarihan sa lahat (almighty) ang pagsamba dito. Ito naman ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Kung tawagin ang paniniwalang ito ay dualismo.

Ang iba ay nagsasabi na may iisang Dios lamang, hindi Siya nababahagi sa dalawa o sa tatlo. Ang paniniwala sa trinitarianismo at dualismo ay mga anyo pa rin ng politeismo. Ang estriktong monoteismo ay paniniwala na may iisang Dios lamang. Siya ay hindi nababahagi; at Siya ay walang kasamang ibang Dios. Nagiisa Siyang Dios na makapangyarihan sa lahat, at walang susunod sa Kaniya na Dios na makapangyarihan lamang.

Ipinahayag ng Dios: "Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inayuan” (Isaias 42:8). Maliwanag ang pahayag ng talatang ito. Kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova pala ay nagkakasala sa pagbibigay ng kaluwalhatian sa Dios na mababa. Ninanakaw nila ang kaluwalhatiang nararapat sana’y ibigay sa Dios na makapangyarihan sa lahat.

Hindi nais ng tunay na Dios na ang tao ay magkaroon ng iba pang Dios na kikilalanin. Ang unang utos na ibinigay ng Panginoong Dios kay Moises, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” (Exodo 20:3). Bakit ito iniutos ng Dios? Ito ang kasagutan: “Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang manunubos ng Panginoong ng mga hukbo; at liban sa akin ay walang Dios” (Isaias 44:6). Kung may iba pang dios na kinikilala ang sanlibutan, hindi na natin nararapat pang kilalanin kung sino ang mga dios na iyon. Ang mga yaon ay hindi kilala ng Dios, ng mga tunay na Dios. Mula ng pasimula ay wala Siyang nakikilalang ibang dios, ang ibang mga dios ay pawang mga diosdiosan lamang.

Walang Makapaglilingkod sa Dalawang Panginoon

Ang apostol sa mga Gentil ay nagsabi, “Sapagkat bagama’t mayroong mga tinatawag na mga dios at maraming mga panginoon; ngunit sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama...” (I Corinto 8:5,6a). Kung ang sanlibutang ito ay kumikilala sa maraming dios, hindi tayo nararapat maging gaya sa kanila. Ang Apostolikong Kristiyano ay sumusunod sa yapak ng mga apostol; ang paniniwala ng mga apostol ay may isang Dios lamang, kaya’t ito ang ating pinaniniwalaan, tayo ay naniniwala sa iisang Dios lamang.

Bago naging apostol ang mga apostol , ang kanilang sinundad muna ay ang pinaka-pangulong Apostol: ang Panginoong Jesucristo (Hebreo 3:1). Sinabi ng Panginoong Jesus: “Sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang Panginoon: sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya’y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan” (Mateo 7:24). Ang kayamanan ay maaari ding maging dios ng mga tao, subalit hindi ito maipapalit sa tunay na Dios.

Kung ang kayamanan ay ayaw maging kakumpitensya ng Panginoong Dios sa pagsamba sa Kaniya, gaano pa kayang matatanggap ng Dios ang ating pananambahan kung iba pa tayong dios na kinikilala na gaya Niya? ang sabi ng Panginoong Dios: “Huwag mong yuyukuran sila, o paglilingkuran man sila; sapagkat akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin” (Exodo 20:5). Ang buong pag-ibig natin ay sa Kaniya lamang nararapat ibigay. Hindi Niya nais magkaroon ng kahati sa pag-ibig natin.

Tayo ang mamili kung sino ang Dios na paglilingkuran natin. Tayo ba ay kikilala sa dios na mababa o sa ibang mga persona na kapantay ng Dios? Maraming ulit na sinabi ng Panginoong Dios na Siya lamang at wala ng ibang Dios (Isaias 45:5,6,14,18,21,22; 44:8; 46:9). Ang ibang mga dios ay gawa na lamang ng mga tao, nag-iisa lamang ang tunay na Dios na hindi magagawa ng tao.

Kung ang buong kalawakan ay nagpapahayag ng hindi malilimitahang kapangyarihan ng Dios, ito ay nagpapatutoo din na iisa lamang ang Dios na lumikha sa lahat ng ito. Ang Bibliya ay nagsabi: “Wala baga tayong isang Ama? Hindi baga isang Dios ang lumalang sa atin?” (Malakias 2:10). Kung mahigit sa isang Dios ang lumikha sa lahat ng bagay, maaari silang magkaroon ng pagaaway sa paglikha. Isa sa kanila ay higit na magiging matalino kay sa iba, at ang ideya ng pinaka-matalino ang laging mananaig.

Sinasabi sa doktrina ng trinidad na Sila’y nagkakaisa sa lahat ng bagay, walang pagsasalungatan, at nagkakaisa sa lahat ng plano. Ang sabi ni Pablo: “Sapagkat sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? O sino ang kaniyang naging naging kasangguni? O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya’y babayarang muli? Sapagkat sa kaniya at sa pamamagitan niya, ang lahat ng bagay. Suma kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.” (Roma 11:34-36).

Sa liwanag ng talatang ito ay wala silang maikakatwiran. Kung mayroong nakakaalam ng pagiisip ng Dios, siya ay babayaran. Wala ding nalalaman ang Panginoong Dios na iba pang Dios na naging kasangguni Niya. Hindi din papayag ang Dios na may magpapayo sa kaniya. Ibig lamang sabihin, higit na matalino ang Panginoong Dios na ito kaysa ibang mga dios. Kung may iba pang na magiging kapantay Niya, babayaran Niya ang Dios na iyon.

Tanging sa ‘Kaniya’ lamang at hindi sa ‘kanila’; at sa pamamagitan ‘Niya’ at hindi ‘Nila’, ang lahat ng mga bagay. Kung may iba pang Dios bukod sa Panginoong Dios, ang Dios na iyon ay mapanibughuin din. Hindi din Niya pababayaang magkaroon ng ibang Dios na tulad Niya. Kaya’t sa katotohanan, nag-iisa lamang ang tunay na Dios.

(Ito ay hango sa maliit na aklat na pinamagatang "Ang Doktrina ng Dios" na isinulat ni DSPadua)

Magbalik sa unang pahina

Susunod na pahina