2. ANG PAGKAHULOG NG TAO

Pagkahulog ng Tao Nang likhain ng Dios ang tao ay kinuha siya at hinugis sa alabok ng lupa. Ang nilikhang ito ng Dios para sa tao ay ang katawan pa lamang. Hindi nangyari na pagkatapos ihugis ng Dios ang katawan ay nagkaroon agad ito ng buhay, kundi ito'y nananatili pa ring patay.

Pagkatapos ay hiningahan ng Dios ang ilong ng tao, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay. Sa paglalagay ng Dios ng espiritu sa tao ay nagkaroon ng buhay ang katawan; kasabay nito, isa pang buhay ang ibinunga ng pagsasama ng katawan at espiritu: ito ay ang sa kaluluwa.

Sa ngayon ay may dalawang buhay na umiiral sa tao: ang nanggagaling sa Espiritu at ang nanggagaling sa kaluluwa. Nang likhain ng Dios ang tao at bigyan ng buhay, hindi siya isang maka-laman at hindi din siya espirituwal. Binigyan siya ng Dios ng malayang kalooban upang pumili ng kung ano ang lalakaran niya: kung sa espiritu ba o sa laman.

Naglagay ang Dios ng dalawang puno sa gitna ng halamanan upang mapatunayan ng tao kung hanggang saan ang kaniyang pagsunod sa Dios. Ang dalawang punong ito ay ang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama, at ang isa ay ang puno ng buhay. Kapag ng pinili ng tao ang puno ng buhay, isang buhay pa ang malalakip sa kaniya: iyon ay ang buhay na nanggagaling sa Dios. Ang simbulo ng puno ng buhay sa ngayon ay paglapit natin sa Dios: pagsasabi na kailangan natin ang Kaniyang buhay. Ang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama naman ay paghahayag na hindi natin kailangan ang Dios.

Bagaman gayong kabuti ang inihahandog ng Dios sa atin, na tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, hindi Niya tayo pipilitin na piliin Siya. Sa atin manggagaling ang desisyon na siya ang ating pipiliin. Ito ay katotohanan na tayo ay binigyan ng Dios ng malayang kalooban. Hindi inilagay ng Dios sa ating isipan na gawin natin ang kalooban Niya, kundi tayo mismo ang pipili kung ating susundin Siya o susuwayin.

Ang Eksena sa Eden

Ipinagbilin ng Dios sa tao na sa lahat ng bunga ng mga puno ay malaya silang makakakain maliban sa bunga ng puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. ito ay sadyang inilagay ng Dios upang makita kung tayo ay susunod sa bilin ng Dios o hindi.

Ang dalawang punong ito ay literal na nasa gitna ng halaman ng Eden. Hindi ito isang alegorya kundi katotohanan. Marami sa Kristiyanismo ang hindi naniniwalang ito literal na nangyari kundi isang alegorya lamang daw. ang paniniwalang ito ay walang matibay na batayan; higit na pumapanig ang siyensa sa paniniwalang ito ay katotohanan at literal na nangyari.

Mababasa natin sa Genesis 3 kung paanong ang tao ay nagkasala. Ang mga isinalaysay na ito ng Bibliya ay hindi alegorya kundi ito ay tunay na mga pangyayari. Dahil sa ito’y tunay na mga pangyayari, kaya’t naniniwala tayo na ang dalawang puno na nasa gitna ng halaman ay pawang tutoo din.

Ganito ang sinasabi sa unang talata, “Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin mang mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios…” Nalalaman ng mga hayop kung sila ay pinapasok ng mga masasamang espiritu. Maaari silang tumanggi, at kapag sila’y tumanggi ay walang magagawa ang mga masasamang espiritu. Halimbawa ay ang kawan ng baboy na pinasok ng mga masasamang espiritu: nagsidaluhong sila sa dagat at bangin, dahil ayaw nilang pasukin sila nito(Mateo 8:31-33). Ang ahas na nasa halamanan ay nagpabayang pasukin siya ni Satanas upang magamit sa pandaraya.

“At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?” Ito ay nagpapakita ng limitasyon ni Satanas, hindi niya alam kung nasaan ang punong ipinagbabawal. Ginawa niyang mapandaya ang mga tanong, itinanong niya kay Eba kung ang lahat ba ng bunga ng puno sa halamanan ay bawal kainin. Sagot naman ng babae: “Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: datapwat sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay.”

Itinuro agad ng babae ang kinalalagyan ng punong ipinagbabawal. Kasabay ng kaniyang kasagutan ay ang bahid ng pagtatampo sa Dios. Ang isip ng babae ay nabasa agad ni Satanas, na kung ang Dios ay talagang mabuti, bakit pa Niya kami pinagkaitan? Lalo pang ipinakilala ng babae kay Satanas ang pagiging mapagkait ng Dios, sa pamamagitan ng pagdudumi sa salita ng Dios. Idinagdag ng babae ang salitang “huwag hihipuin” upang ipakita kay Satanas na sila’y talagang nagdaramdam sa Dios.

Pagsagot ni Satanas ay ginawa niyang sinungaling ang Dios: “Tunay na hindi kayo mamamatay,” samantalang sinabi ng Dios na sila’y mamamatay (Genesis 2:17). Katumbas ito ng pagsasabing “walang kaparusahan”. Kaya't ng maniwala sila sa mga kasinungalingan ni Satanas, nangahulog sila sa pain nito.

Dagdag pa sa kaniyang sinabi: “Sapagkat talastas ng Dios na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Dios, na nakakakilala na mabuti at masama.” Sa mga salitang ito ay naikilos ni Satanas ang kalooban ni Eba upang magrebelde sa Dios. Maaaring sa isip ni Eba: “Ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit ipinagkakait ng Dios ang bungang ito, ayaw Niyang kami’y maging katulad Niya. Ang pinaka-mainam na bagay na abot ng aming mga kamay ang Kaniya pang ipinagbabawal. Ang Dios pala ay hindi mabuti sa amin.” Ang ganitong kaisipan ang laging nasa isip ng mga taong nasa pagrerebelde sa Dios.

Kasunod na naging hakbang ni Eba: “At ng makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito’y kumain.” Nang kainin ng babae ang bunga ng punong kahoy na ipinagbabawal, at nakita ng lalaki na walang anomang nangyari sa asawa ay kumain din siya ng bunga. Sa gayon ang lalaki ay nahulog din sa pagsalansang. Alam ni Adan na iyon ang bunga ng punong ipinagbabawal. Sa labis na pagmamahal niya sa asawa, pinili pa niya ang sumunod dito kaysa Dios.

Hindi na lumakad si Eba ng ayon sa Espiritu, kundi ayon sa lakad ng sanglibutan. Nang makita niya ang puno ay sinabi niyang, “ito’y mabuting kanin”, sarili niya ang naisip niya, sa sanlibutan ito ay ang masamang pita ng laman. Habang pinagmamasdan niya ang puno ay nalugod siya sa bunga nito, ito naman ang masamang pita ng mata. Higit sa lahat, ang bunga ay makakapagpapantas sa tao: ito naman ang kapalaluan sa buhay (I Juan 2:16).

Pagkakain nila ng bungang ipinagbabawal, “At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila’y mga hubad…” nagkaroon ng katuparan ang sinabi ng Panginoong Dios; kabaligtaran naman sa sinabi ni Satanas ang naging katuparan. Nadilat kapuwa ang kanilang mga mata at nakita nila ang kanilang kahubaran sa pisikal at espirituwal. Ngayon ay malayo na sila sa presensya ng Dios at ito’y kanilang tinatakasan. Ang hindi masayod na kalungkutan at pagkabalisa ang sumasaklob sa kanila. Napakalaking pagkatakot ang gumagapang sa buong pagkatao nila, at ang malaking pagkatakot ay lalong nadaragdagan sa hindi nila pagkaalam kung ano ang mga susunod na pangyayari.

Upang matakpan ang kanilang kahihiyan, “ sila’y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi.” Ang pagkatakot na humarap sa Dios ang bumabalot sa kanila. Wala na ang pagtitiwala kundi natabunan na ito ng kahihiyan. Ang tawag ng Dios ay hindi na nila pinakikinggan kundi tinatakbuhan. Kapighatian ang naging hatid ng kasalanan at hindi kabutihan.

Paano Itong Nangyari?

Ayon sa maka-Dios na pagkakasunod-sunod, ang pinaka mataas sa lahat ng nilikha ng Dios ay ang espiritu. Kaya’t ang ating mga magulang, bago nila makainin ang puno ng buhay, sila’y ayon na sa espiritu subalit walang mga kamalayan sa tunay na espirituwalidad. Sinomang espirituwal ay hindi magpapadala sa tukso gaano man ito makapanghihikaya’t, ang kanilang hahanapin ay ang kaluguran ng Dios.

Sa kabuuan ng tao maihahambing natin ang espiritu sa isang tagapamahala; ang kaluluwa ay sa katiwala; at ang katawan ay sa alipin. Sa lahat ng ito ay Dios ang nagmamay-ari. Ang espiritu ang siyang tumatanggap ng bilin na nanggagaling sa Dios, inihahatid niya sa kaluluwa kung ano ang mga utos, isasagawa naman ng katawan kung ano ang utos o bilin ng Dios.

Sa maraming pagkakataon, ito ay karanasan natin sa buhay na ito: na ang katiwala ay laging nagnanais higitan ang tagapamahala! Nang tuksuhin ng ahas si Eba, hindi na ang espiritu ang nangingibabaw sa kaniya, kundi ang kaluluwa na. Kung espiritu ang nangingibabaw, sasawayin niya at ipagtatabuyan si Satanas.

Laging hangad ng espiritu ang kaluguran ng Dios, kaya’t sa isang espirituwal na tao, walang anomang tukso ang kaniyang iistimahin. Ito ang dahilan kaya natin sinasabing ang espiritu ay ang kamalayan ng Dios: ang kaniyang hangad sa tuwina ay pawang maka-Dios. Ang kaluluwa naman ang kamalayan natin sa ating sarili. Kapag ito ang nanguna, lahat ng hahangarin ng tao ay ang para sa kaniyang sarili. Kaya’t mapapansin natin, matapos ang paguusap ni Satanas at ni Eba, hindi na pumasok sa isipan ni Eba ang Dios, kundi ang lahat ng pansin ay para sa kaniya ng sarili at hindi sa Dios, ito ay sa dahilang nangingibabaw na sa kanila ang kaluluwa.

Nang oras na iyon ay sinapawan ng kaluluwa ang espiritu, dahil wala na isa kontrol ang espiritu, nangingibabawa na ang kaluluwa. Nasunod din naman ang hangarin ng katawan na magpakalasing sa kalayawan. Sa gayon ay pumitas si Eba ng bunga ng punong ipinagbabawal, at binigyan pa ang kaniyang asawa.

Kung si Eba ay lumalakad ng ayon sa Espiritu, hindi siya makikipag-usap kay Satanas. Sasawayin niya agad ito, at hindi niya hahayaang magpatuloy. Ang makikita natin, itinama pa niya si Satanas ng siya’y nakipagkatwiranan. Hinangad niya ang lumakad ayon sa laman at hindi ayon sa espiritu. Iginupo niya ang espiritu upang maitaas ang kaluluwa.

Ang pinagmumulan ng ating emosyon, kaisipan, at kalooban ay ang kaluluwa. Pinukaw ni Satanas ang kalooban ni Eba, sa gayon ay nagkasala siya; pinukaw naman ni Satanas ang emosyon ni Adan, sa gayon ay sumunod siya sa kaniyang asawa at siya din ay nagkasala. Dahil sa paglakad nila ayon sa tulak ng kaluluwa, kapuwa sila nagkasala.

Pagkatapos ng Pagkahulog

Matapos nilang mapagkilalang sila’y mga nagkasala sa Dios, nagsipagtago sila sa mga puno. Katotohanan ito na wala ng paghahangad ang tao na makipag-ugnayan sa Dios. Tinatakasan nila ang Dios baka sila’y hukuman nito at makitang sila’y nagkasala. Hindi nais sabihing ng kaluluwa na sila’y nagkasala, kaya’t ang sumbat ay ibinigay niya sa iba. Sinabi ni Adan na si Eba ang dahilan; sinabi naman ni Eba na ang ahas ang dahilang ng kanilang pagkakasala.

Upang matakpan ang kanilang kahubaran, tumahi sila ng mga dahon ng igos upang maging pantakip sa kanilang kahubaran. Ang pantakip na ito sa kasalanan ay sinisimbulo ng mga gawain ng kaluluwa: ito ay ang edukasyon, relihiyon, pagkakawang gawa at iba pa. Akala ng maraming tao napapawi ng mga gawaing ito ang galit sa kanila ng Dios. Hindi ito ang paraan ng Dios upang maglubag ang Kaniyang kalooban at sa harap ng Dios ito ay walang kabuluhan.

Lahat ng ating kabutihan na kung ang pinagmumulan ay kaluluwa, ito ay walang kabuluhan. Kung ang mga ito ay sapat na, hindi sana binigyan ng Dios ng ibang pantakip si Adan at Eba (Genesis 3:21). Ang ating espiritu ay galing sa Dios, kaya’t ito ay para sa kaniya; ang kaluluwa naman ang sa atin. Ang pantubos na ginawa ng Dios para kay Eba at Adan ay sa espiritu, kaya’t sa araw na tayo ay tumanggap kay Jesus bilang ating Dios at Tagapagligtas, ibinabalik Niya sa Kaniyang ang espiritu, kasunod nito ang kaligtasan ng ating kaluluwa.

Nang mabigyan sila ng Dios ng panibagong kasuutan ay pinalayas sila sa halamanan ng Eden. Nahiwalay sila sa Panginoong Dios, kaya’t ang kaalaman ng tao patungkol sa Dios ay nawala; nahiwalay din sila sa puno ng buhay, kaya’t ang buhay na nanggagaling sa Dios upang sila’y magkaroon ng buhay na walang hanggan ay naputol din.

Bawat sanggol na isinilang na hindi naturuan sa daan ng Dios, ay magkakaisip ng hindi kumikilala sa tunay na Dios. Ang buong sangkatauhan ay nasa ganitong kalagayan ngayon. Tinatawag ng Bibliya ang kalagayang ito na “patay sa espiritu”, ito ay ang paghihiwalay ng Dios at ng tao.

Habang ang kaluluwa ay nasa katawan, ang katawan ay sensitibo sa buong kapaligiran; kapag wala na ang kaluluwa sa katawan, wala ng magagawa ang katawan sa anomang bagay. Gayundin ang patay na espiritu, wala silang kamalayan para sa Dios. Dahil ang buong sangkatauhan ay hiwalay sa Dios mula sa kanilang kapanganakan ay hindi sensitibo para sa Dios. Wala na rin ang puno ng buhay na magbibigay sa tao ng buhay na walang hanggan.

Maibabalik lamang ang lahat ng bagay na naiwala ni Adan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Kung tayo ay sasampalataya sa Kaniya, ang buhay na walang hanggan ay muling ipinagkakaloob sa atin. Kung gaano man kasagana ang buhay na mayroon si Adan, iyon ang muli nating mararanasan sa ngayon. Ang Panginoong Jesus ngayon ang nagsisilbing puno ng buhay, lumapit tayo sa Kaniya upang tayo’y magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang artikulong ito ay nasa ikalawang kabanata ng aklat na Ang mga Gawa ng Kaluluwa.

Magbalik sa unang pahina Ang Tunay na Pagsisisi