1. PAGSISISI

pagsisisi isinulat ni D. S. Padua

“Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipapatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.” (II Cronica 7:14).

Bago umakyat ang Panginoong Jesus sa langit ay Kaniyang ibinilin sa mga alagad ang pangangaral ng pagsisisi at pagpapatawad sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan (Lucas 24:47). Ang pagsisisi ay salitang ipinapangaral simula pa noong nagkasala ang tao, sa mahabang panahon na nagdaang yaon, napakarami pa ring tao ang hindi nalalaman kung ano ang pagsisisi. Nadarama ng tao na kailangan niyang magsisi, subalit hindi niya nalalaman kung paano ang tunay na pagsisisi.

Mga Maling Aral sa Pagsisisi

Maraming pinuno ng relihiyon, gaya ng Budismo na nagsasabing hindi dapat madama ng tao ang pagkakaroon ng pagkahiya sa sarili, dahil ang mga ito daw ay humahadlang sa pagkakaroon ng lubos na kaligayahan at kapayapaan. Subalit ang Dios ay nagiwan sa atin ng isang saksi na hindi tatahimik hanggang ito’y magkaroon ng kasiyahan sa kapatawaran na nanggagaling sa Dios: ito ay walang iba kundi ang ating budhi. Kung seselyuhan nila ang sarili nilang mga budhi upang huwag lamang makadama ng pagkahiya lalo naman silang magugumon sa paggawa ng lalo pang malaking kasamaan. Ang budhi natin ay sumasaksi na tayo’y makasalanan at nangangailangan ng pasisisi.

Sinasabi naman ng mga paring Katoliko na kung ang tao’y magsisisi, ay dapat na ikumpisal niya sa pari kung anoman ang nagawa niyang kasalanan. Sa gayon, kung marinig ng pari ang bigat ng mga kasalanan niya ay mabibigyan daw ang tao ang tamang kaparusahan sa pamamagitan ng bilang ng pagdadasal. Kapag narinig nila ang mga kasalanan mo, sasabihin ng pari: “Magdasal ng sampung ‘Aba ginoong Maria’ at dalawampung ‘Ama Namin’, at pagkadasal mo ay pinatawad na ang mga kasalanan mo.” Silang mga paring daw ang nagiging kinatawan ni Cristo sa lupa, kaya’t kung sila’y magsabing may kapatawaran ang tao ito’y patatawarin daw ng Dios.

Ang pangungumpisal na pinapairal ng Iglesia Katoliko ay hindi Biblikal, kundi ito ay isang tradisyon. Wala tayong makikitang halimbawa na ginawa ang mga apostol ng Panginoong Jesus na pinangumpisal nila ang tao sa kanila. Wala din tayong makikita sa mga aral ng Panginoong Jesus at ng mga apostol na nararapat mangumpisal ang nagkasala sa tao. Ang Panginoong Jesus ay ang Dios na nagkatawang-tao kaya may kapamahalaan Siyang magpatawad, subalit ang ginawa ng Panginoong Jesus na pagpapatawad sa mga kasalanan ay hindi ginawa ng mga apostol. Ang aral ng mga apostol, sa Dios natin nararapat ikumpisal ang ating mga kasalanan.

Nagawa ng Panginoong Jesus ang magpatawad ng mga kasalanan dahil Siya ay walang kasalanan. Hindi Siya nangangailangan ng tagapagligtas dahil Siya na ang Tagapagligtas sa mga kasalanan at kapahamakan. Nalalaman ng mga apostol na sila’y nagkasalang gaya natin, kaya’t nangangailangan sila ng kapatawaran at kaligtasan. Hindi nila hinimok ang mga tao na mangumpisal sa kanila dahil wala naman silang kapatawarang maibibigay. Kundi ang pangangaral ng mga apostol, ang pagsisisi ay nararapat sa Panginoong Jesus dahil Siya ang nagpapatawad ng mga kasalanan. “Siya’y pinadakila ng Dios ng kaniyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan” (Gawa 5:31).

Mayroon namang tao na nagsasabing siya’y nagsisisi sa kaniyang mga kasalanan, at upang maipakita ang seryoso niyang pagsisisi ay pinapahirapan pa ang sarili. Taun-taon ay nagpapanata sila ng pagpipinitensya: mayroong pinapalo ang kanilang sarili at pagkatapos ay susugatan at ang mga sugat ay papaluin muli; mayroon namang bumubuhat ng mabigat na krus na ang akala nila ay sila mismo ang Cristo; mayroon namang naglalakad ng kung ilang milya at pagkatapos ay walang saplot ang talampakan. Sa mga ginagawa nilang pagpapakahirap ay para bang ayaw na nilang magkasalang muli. Ginagawa daw nila ang mga pagpapahirap na iyon upang makamit nila ang kapatawaran ng Dios. Ang mga ito ay kasama sa kamangmangang itinuro sa atin ng Iglesia Katoliko.

Ano ang magiging pakinabang ng lahat ng paghihirap na iyon kung kinabukasan ay babalikan mo ang lahat ng mga naging bisyo mo? Hindi natin kailangang pahirapan ang ating sarili upang makamit ang kapatawaran ng Dios. Sa katotohanan wala sa lahat ng iyan ang makatatanggap ng kapatawaran galing sa Dios.

Ang Imbitasyon ng Dios: Magsisi

Lahat ng tao na hindi nakakapagsisi bago mamatay ay impierno ang kinababagsakan. Hindi ako naniniwala na dahil ang tao’y mabait at matulungin sa kapuwa ay papasok siya sa kaharian ng langit. Ang lahat ng mga pumapasok sa kaharian ng langit ay ang mga taong dumaan sa tunay sa pagsisisi at sumunod sa salita ng Dios. Kaya’t hindi maikakatuwiran ng tao na siya’y mabuti kaya’t nararapat siya sa kaharian ng langit.

Natutuwa ba ang Dios sa tuwing may taong namamatay na pumapasok sa impierno? Ang sabi ng Panginoong Dios: “Mayroon baga akong anomang kasayahan sa kamatayan ng masama? Sabi ng Panginoong Dios: at hindi baga mabuti na siya’y humiwalay sa kaniyang lakad, at mabuhay” (Ezekiel 18:23). Naging napakasama man ng tao sa buhay na ito ay walang kaligayahan ang Dios sa kamatayan ng mga taong yaon. Ang kaligayahan ng Dios ay makita na ang tao’y humiwalay sa kaniyang kasamaan at magsisi sa mga kasalanan.

Nang magkasala si Adan at marinig niya ang tinig ng Panginoong Dios ay nagtago siya sa mga puno. Ang tanong sa kaniya ng Dios: “Saan ka naroon?” (Genesis 3:9). Ang ibig sabihin ng Panginoong Dios, ikaw ba ay sa akin pa o hindi na? Hinihingi lamang ng Dios kay Adan na aminin niya ang nagawang pagkakasala at siya ay patatawarin. Sa halip na magpakumbaba si Adan ay ibinigay niya ang sisi sa kaniyang asawang si Eba; ibinigay naman ni Eba ang sisi sa ahas na tumukso sa kaniya. Walang sinoman sa kanila ang umamin ng pagkakasala kundi sila ay nangagdahilanan pa.

Sa pasimula ng pangangaral ng Panginoong Jesus, kauna-unahan Niyang ipinangaral ang pagsisisi sa mga tao (Mateo 3:17; Marcos 1:15). Ano ang dahilan ng pangangailangang ito na magsisi ang tao? Dahil nakikita ng Panginoong Dios ang nakakakilabot na kaparusahan sa impierno kung hindi magsisisi ang tao. Lahat ng tao ay doon magtutungo at nais itong pigilan ng Dios. Hindi Siya nalulugod sa nakikita Niyang kapahamakan ng mga kaluluwa; higit Siyang nalulugod kapag nakikita Niya na ang tao’y nagsisisi sa ikaliligtas. Subalit ang pagnanasa ng Dios na tayo ay mabuhay ay hindi nauunawaan ng mga tao.

Maihahambing natin ang ating sarili sa isang gamo-gamo na natutuwa sa magandang kislap ng apoy. Alam natin na kapag nadampi ang gamo-gamo sa apoy ito ay mapapahamak. Sigawan man natin ito na umalis sa apoy upang huwag mapahamak ay hindi tayo maiintin-dihan nito. Kung atin namang huhulihin ang gamo-gamo upang ilayo sa apoy, malamang na mapatay natin ito at masaktan lamang. Dahil sa hindi tayo maiintindihan nito at hindi din natin maaaring supilin ang malaya nilang kalooban, ang tangi nating magagawa upang sila’y maligtas ay maging gamo-gamo din tayo. Sa gayong paraan ay maihahatid natin ang babala sa panganib na aabutin niya.

Gumamit ang Panginoong Dios ng mga tao upang tayo ay himukin sa pagsisisi, subalit ang mga taong isinugo Niya ay hindi natin pinakinggan sa mahabang panahong sila’y nangangaral sa atin. Sa kahuli-hulihan ay nagkatawang tao ang Dios upang tayo ay bigyang babala, na kailangang magsisi dahil tayo’y patungo sa kapahamakan. Hindi ginawa ng Dios na ilagay sa ating kalooban na tayo’y palakarin Niya sa katuwiran, dahil sa ganoong paraan, ang malaya nating kalooban ay kukulungin Niya. Ang nais ng Dios, ang ating kalooban mismo ang gagawa ng desisyon na susunod sa Kaniya upang maligtas. Ang lahat ng ito ay magsisimula sa pagsisisi.

Paano Ang Magsisi?

Sa mahabang panahon ng kasaysayan ng tao, ang pagsisisi ay ipinapangaral subalit hindi pa rin lubos na maunawaan. Paano ba natin maipapakita ang tunay na pagsisisi? Paano din ba tayong makapagsisisi? At ano ang dapat nating pagsisihan?

Gaya ng sinabi ko nang una hindi sa pamamagitan ng pangungumpisal sa mga pari, dahil ang mga paring iyan ay pawang nagkasala din. Hindi din sa pamamagitan ng pagpipinitensya upang ipakita nating tayo’y nagsisisi, dahil napakahirap ng bagay na iyan. Ang pagsisisi ay paghingi ng kapatawaran sa Dios, ito ay halos gaya ng ginagawa nating paghingi ng paumanhin sa ating mga asawa o mga magulang. Ganoon lamang kadali. Hindi na natin kailangan pang magpakahirap na magdasal ng sampung Ama Namin at dalawampung Aba Ginoong Maria, upang maipakita lamang ang ating pagsisisi. Hingin lamang natin sa Dios na patawarin tayo sa ating mga pagkakasala.

Ayon sa ipinapakita ng Bibliya, hindi lamang tayo basta hihingi ng kapatawaran. Bago natin hingin ang kapatawaran sa anomang nagawa nating kasalanan kailangang ipahayag natin ang lahat ng iyon sa Panginoong Dios. Gaya ng halimbawang ipinakita ni David: “Aking kinikilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli. Aking sinabi, Aking ipahahayag ang aking pagsalansang sa Panginoon; at iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan” (Awit 32:5). Kailangan kilalanin natin na tayo’y nagkasala at tanggapin natin ang lahat ng ating kasamaan at pagsalansang sa Dios. Tinisod natin ang Dios sa pamamagitan ng ating mga kasalanan kaya’t nararapat nating tanggapin at kilalanin ang ating mga kasalanan, at humingi tayo ng paumanhin sa Dios.

Hindi ang lahat ng pagkakasalang nagagawa natin sa ibang tao ay maituturing ng mga kasambahay natin na kasalanan. May mga pagkakasala din tayong nagagawa na hindi itinuturing ng gobyerno na kasalanan. At may mga pagkakasala tayong nagagawa laban sa Dios na hindi itinuturing ng sinoman na kasalanan. Subalit ang lahat ng kasalanan na ating nagagawa laban sa ating kapuwa, sa mga kasambahay, at pati na sa gobyerno ay kasalanan sa Dios. Sa gayon ding paraan, may mga kasalanan tayong nagagawa sa ating kapuwa, mga kasambahay, at sa gobyerno ng tao, subalit hindi kasalanan sa Dios: ang mga ito ay may kinalaman sa ating pagsunod sa Dios.

Ano ang ibig sabihin ng pagsisisi? Sa salitang Griego ito ay metanoia, ito ay dalawang salita mula sa salitang meta ang ibig sabihin nito ay “pagbabago” at ang noia ay nanggaling sa salitang nous na ang ibig sabihin ay “isipan”. Nangangahulugan na ang pagsisisi ay “pagbabago ng isipan”. Kung ano ang mga bagay na ating ipinagkasala ay tatalikuran na natin at hindi na muling babalikan pa.

Upang maipakita natin ang tunay na pagsisisi kinakailangang ito ay magkaroon ng bunga. Sinabi ni Juan Bautista: “Kayo nga’y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi” (Mateo 3:8). Sa paanong paraan na tayo’y magbubunga sa ating pagsisisi? Lahat ng bagay na ating pinagsisihan ay kailangang hindi na natin muli pang babalikan, iyan ang tanda na tayo ay talagang nagsisisi sa ating mga kasalanan. Ang payo pa ng Dios: “Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagkat siya’y magpapata-wad ng sagana.” (Isaias 55:7).

Paano kung nagsisi ka ngayon at kinabukasan ay nagawa mong muli ang kasalanang pinagsisihan mo? Kung nagawa ng tao ang kasalanan ng hindi sinasadya, pangako ng Dios na sagana ang kapatawarang ibibigay niya sa tao. Nalalaman ng Dios ang nilalaman ng isip ng tao, pinapatawad Niya ang tao na talagang may lubos na pagsisisi, ang mga ito ay makakatanggap ng saganang kapatawaran sa Dios; nalalaman din Dios kung pagpapaimbabaw lamang ang pagsisisi, simula pa lamang na humingi ng kapatawaran ang mga taong ito ay wala na silang matatanggap na tawad galing sa Dios.

Pangako ng Dios

Maraming ulit nating mababasa sa pahina ng mga Kasulatan na ang Dios ay magpapatawad ng sagana. Sinabi ni Juan na minamahal: “Kung ipinahhayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan. Kaya’t kung ang tao ay tunay na nagsisisi, mapanghahawakan niya ang mga pangakong ito ng Dios: mayroong nakalaan na kapatawaran sa kaniya.

Kahit na gaano karami ang kasamaang nagawa ng tao hindi naliligayahan ang Dios sa kamatayan ng mga taong ganito. Ang tao ay nagiging maligaya kapag ang kaaway nila’y namatay na, subalit ang Dios gaano man ang naging pagkakasala ng tao, kapag ito’y nagsisi ay Kaniyang pinatatawad.

Hindi maitutumbas ang mga kayamanan ng sanlibutang ito upang tubusin ang tao sa pagkakasala. Kaya’t ang hinihingi na lamang ng Dios sa mga kaluluwa ay magsisi. Mayroong biyaya na nakatago ang Dios sa lahat ng nagsisisi, na sapat upang malampasan ang lahat nilang pagkakasala, ang kailangan lamang ay magsisi. Hindi natin maaaring sabihin, dahil marami at mabigat ang ating mga kasalanan kaya’t hindi tayo mapapatawad ng Dios, ang Dios ay sagana na magpapatawad sa atin. Kung hindi natin panghahawakan ang mga pangako ng Dios, ito ang magpapahamak sa atin. Sa hindi paniniwala ng tao sa mga pangakong ito ay ginagawa niyang sinungaling ang Dios. Kailangan mong magsisi subalit hindi mo matanggap ang kapatawaran ng Dios, hindi ka talaga mapapatawad ng Dios.

Tingnan natin ang napakasarap na pangako ng Dios: “Ngunit kung ang masama ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga palatuntunan, at gumawa ng tapat at matuwid, siya’y walang pagsalang mabubuhay, siya’y hindi mamamatay. Wala sa kaniyang mga pagsalansang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang katuwiran na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya” (Ezekiel 18:21-22). Maliwanag ang mga pangakong ito ng Dios. Bakit mamamatay ang tao, gayong mayroong pagkakataon na siya’y mabuhay?

Ang babala naman ng Dios sa mga taong tumanggap na ng kaligtasan: “Ngunit pagka ang matuwid ay humiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at gumawa ng ayon sa lahat ng kasuklamsuklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay baga siya? Walang aalalahanin sa kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa: sa kaniyang pagsalangsang na isinalangsang, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinagkasala, sa mga yaon mamamatay siya” (tal. 24). Kaya nga, yamang ang buhay natin ay ibinigay na sa Panginoong Dios mabuhay na tayo ng ayon sa katuwiran ng Dios at huwag ng lumayo pa. Napakahalaga ng ating kaligtasan kaya’t ngayon pa lamang tayo ay magsisi na, kung hindi natin ito gagawin ngayon pagkatapos ng kamatayan ay walang hanggan na ang ating magiging pagsisisi.

Pagkadama ng Kalungkutan

Maraming tao ang nagsasabing sila ay nagsisisi sa mga nagawa nilang pagkakasala. Ano ang katunayan nilang maipapakita kaya? Sa mga panahon ng aking paglilingkod sa Dios, may dalawang klase ng tao akong nasumpungan, na naging palatandaan ko kung sino ang magiging matibay at kung sino ang mahihiwalay pagdating ng araw. May mga taong nagpapatoo na matapos nilang tanggapin ang Dios ay napuno sila ng kasiyahan at para bang ang mga problema nila ay nawala, nagkaroon ng kaluwagan sa kanilang damdamin at naging matahimik sila. Ang ikalawang klase ng mga tao na nakita ko ay ang mga nagpapatotoo, na noong makilala nila ang Panginoong Jesus ay doon nila nalaman na ang kanilang mga gawa ay hindi nakalulugod sa Kaniyang paningin.

Maraming tao ang nagiging maligaya dahil sa pagtanggap sa Panginoong Jesus. Ang kaligayahang ito kailan man ay hindi makakapagpatatag sa ating pananampalataya. Kung sino pa ang mga naging maligaya sa kanilang pagtanggap kadalasan ay siya pang kauna-unahang nawawala pagdating ng mga pagsubok. Walang kapahayagan sa kaligayahan, ang kailangan ay makilala natin ang ating sarili at kung Sino ang paglilingkuran natin. Malibang darating ang kapahayagan sa mga taong ito ay hindi sila magiging matibay sa pananampalataya.

Higit akong humahanga sa mga taong, na matapos tanggapin ang Panginoong Jesus, sa kanilang kauna-unahang pagpapatotoo ay nagsabi na nasumpungan nila na ang mga masama nilang ay hindi nakalulugod sa paningin ng Dios. Ito ay isang kapahayagan. Nakita agad ng tao ang kaniyang pagiging makasalanan. Siya’y hindi karapat-dapat sa Dios subalit nakita niya agad ang biyaya at pagpapatawad ng Dios. Ito ang mga tao na kadalasang nagiging matatag sa kanilang pananampalataya.

Dumarating sa tao ang pagkahiya sa sarili sa araw na kanilang makita ang pagiging makasalanan nila. Ang pagkahiyang ito ay nagdadala ng kalumbayan, at ang kalumbayang ito ay patunay na tinatanggap ng tao na siya’y nagkasala laban sa Dios.

Naging karanasan din ng mga taga-Corinto ang pagkapahiya sa kanilang mga nagawang kasalanan, ng sila’y sawayin ni Pablo sa pamamagitan ng kaniyang mga sulat. Sa halip na ang mga taga-Corinto ay magrebelde sa ginawang pagsaway sa kanila, tinanggap nila na sila’y mga nagkamali sa kanilang mga gawa. Ang naging resulta, sila ay nagkaroon ng kalumbayan. Sa ikalawang sulat ni Pablo sa kanila ay kaniyang sinabi: “Ngayo’y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi; sapagkat kayo’y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin. Sapagkat ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: dapatwat ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay” (II Corinto 7: 9-10).

Dalawang klase ang kalumbayang sinabi ni Pablo: una ay ang kalumbayang ukol sa Dios, ikalawa ay ang ukol sa sanlibutan. Ang kalumbayang ukol sa Dios ay nagdadala sa tao sa ikapagsisisi tungo sa kaligtasan; ang kalumbayang ukol naman sa sanlibutan ay nagda-dala sa tao sa kamatayan.

Ang halimbawa ng kalumbayang ukol sa Dios ay ang nangyari kay Pedro. Noong una pa man ay nangako siya sa Panginoon na hindi niya ito iiwan mangahulugan man ng kaniyang kamatayan (Lucas 22:33). Sinabi ng Panginoong Jesus, “Sinasabi ko sa iyo Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako’y hindi mo nakikilala. Matapos niyang ipagkaila ng tatlong beses ang Panginoong Jesus, “ay tumilaok ang manok. At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya’y lumabas at nanangis ng kapait-paitan” (tal. 60-62). Labis ang naging pagsisisi ni Pedro dahil sa ginawa niyang pagkakaila sa Panginoon, subalit ng sila ay muling magkita ng Panginoong Jesus, nanampalataya siya na ang kapatawaran ay iginawad sa kaniya. Sa gayon ang pagsisisi ni Pedro ay naging sa ikaliligtas.

Ang halimbawa naman ng kalumbayang nanggagaling sa sanlibutan ay ang nangyari kay Judas Iscariote. Alam natin na sa kasaysayan ay ipinagkanulo niya ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng tatlong pung piraso ng pilak. Akala niya ay huhulihin lamang ang Panginoon at pagkatapos ay pawawalan, ang hindi niya alam Ito pala ay papatayin na, nakakita lamang sila ng tamang pagkakataon sa pamamagitan niya. Sinasabi ng Kasulatan, “Nang magkagayo’y si Judas, na nagkanula sa kaniya, pagkakitang siya’y nahatulan na, ay nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa matatanda, na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Datapwat kanilang sinabi, Ano sa amin? Ikaw ang bahala niyan. At kaniyang ibinulaksak sa santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya’y yumaon at nagbigti” (Mateo 27:3-5).

Hindi matanggap ni Judas na mayroon pang kapatawaran sa kaniyang mga kasalanan. Sa labis niyang kalungkutan ay hindi niya natagalan ang paguusig ng kaniyang budhi dahil sa Panginoon na hinatulan ng kamatayan, at siya ay nagpakamatay.

Mainan na magkaroon ng kalumbayan ang tao bilang pagtanggap sa kaniyang sarili na siya’y nagsisisi. Subalit ang kalumbayang ito ay huwag maging dahilan ng labis na kalungkutan dahil kung hindi, baka ito’y maging sa ikamamatay. Tanggapin natin ang ating mga kasalanan, at panampalatayanan natin na ang Dios ay magpapatawad ng sagana sa lahat ng may tunay na pagsisisi.

Ang pagpapakita ng kalumbayan ay palatandaan na tayo mismo ay namumuhi sa kasalanan na ating nagawa. Walang sinomang tao na nagkasala ang maligaya pa rin habang humihingi ng kapatawaran, dahil kung ganito ang gawa ng isang tao ay malinaw na hindi siya seryoso sa kaniyang pagsisisi. Kaya nalulungkot ang tao habang nagsisisi ay dahil nasusuklam siya sa kaniyang ginawa. Ang paghingi ng tawad ay tanda na hindi na natin muling gagawin ang kasalanang ipinagkasala natin. Dumarating lamang ang kaligayahan pagkatapos na ating matanggap ang kapatawaran.

Kondisyon ng Dios sa Pagpapatawad

Ito ay isang mahalagang bagay na dapat nating maunawaan upang magkaroon tayo ng kasiguruhan na makatanggap ng kapatawaran sa Dios. Sa bawat pabor na ating hinihingi sa Dios, nakita ko na Siya ay nagbibigay din naman ng kondisyon. Narito ang kondisyon ng Dios sa pagpapatawad: una, kailangang matanggap natin na ang Dios ay nagpapatawad ng sagana. Ayon sa sinabi ni apostol Juan: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” Kung tapat ang ating pagsisisi ay tapat siya na magpapatawad sa atin.

Sinasabi ng iba, tatanggap ka pa rin ba ng kapatawaran sa Dios kahit paulit-ulit mong nagagawa ang kasalanan mo? Nalalaman ng Dios ang nilalaman ng puso ng tao; alam ng Dios kung sino ang taos sa puso na nagsisisi. Ang mga taong ito ay makakaasa na sila’y may matatanggap na kapatawaran, kung sila’y nananampalataya. Nalalaman din ng Dios kung sino ang mga taong hindi seryoso sa ginagawa nilang pagsisisi, ang mga taong ito sa araw pa lamang na humingi ng patawad sa Dios ay walang kapatawarang matatanggap. Alam ng Dios na sa pagdating ng ilang oras o ilang araw ay magagawa nilang muli ang pinagsisihan nila. Kaya nga, hindi sila maaaring umasa na sila’y napatawad sa oras na iyon.

Hinihingi ng Dios na tayo’y magbunga ng karampatang bunga ng ayon sa pagsisisi. Sinabi ng Panginoong Jesus sa babaing patutot na hinatulan ng kamatayan, “mula ngayo’y huwag ka ng magkasala” (Juan 8:11). Naniniwala ako na ang babaing ito ay umalis at hindi na muli pang nagkasala. Ang hindi na niya muling pagbalik sa kasalanan ay patunay na ang kaniyang pagsisisi ay nabunga.

Gaano kasaganang magpatawad ang Panginoong Dios? Ganito naman ang tanong ni Pedro sa Panginoon: “Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? Hanggang makapito? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.” (Mateo 18: 21-22). Kung babasahin natin ang huling bahagi sa King James Version ay sinasabing, “seventy times seven”, ang katumbas nito ay apat na daan at siyam na pu. Ito ay utos pa lamang ng Panginoong Jesus sa tao, paano pa kaya Siya na sagana sa pagpapatawad? Magakasala man tayo ng 490 beses ay may kapatawaran tayong matatanggap sa Kaniya.

Paano kung iyon at iyon din ang ginagawang kasalanan sa iyo, magpapaloko ka na lamang ba? Gaya ng sinabi natin, nalalaman ng Dios ang nilalaman ng puso ng tao. Kung ang pagsisising ginawa ng tao ay hindi talaga bukal sa kaniyang kalooban ito ay hindi makata-tanggap ng kapatawaran; gayundin, kung sinasabi ng tao na siya’y nagsisisi at hindi naman nagpapakita ng pagbabago sa kaniyang ginagawa, hindi din makatatanggap ng kapatawaran ang taong ito. Subalit kung ang tao ay talagang bukal ang kalooban na nagsisisi, at sa hindi inaasahan ay nagawa niyang muli ang dating ipinagkasala, naniniwala akong may kapatawaran sa taong ito. Makagawa man siya ng apat na raan at siyam na pung klase ng kasalanan, nalalaman ng Dios kung nararapat na ito ay patawarin.

Kasama sa mga hindi pinapatawad ng Dios na mga nagkasala ay ang mga taong hindi din marunong magpatawad sa kasalanan ng iba. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan. Datapwat kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan” (Mateo 6:14-15). Kaya nga, kung nais nating tumanggapng kapatawaran sundin natin ang mga salitang ito ng Dios.

Naniniwala din ako na ang mga taong hindi marunong tumanggap ng kanilang sariling pagkakamali na nagagawa sa kanilang kapuwa ay hindi din mapapatawad ng Dios. Gaya ng nangyari kay David, matapos na siya’y magkasala ng pangangalunya kay Batsheba at maipapatay niya si Urias, nagpatuloy siya sa kaniyang paghahari na tila baga napakataas pa rin ng integridad. Maaaring ang akala niya ay nasa kaniya pa rin ang patnubay ng Dios, ang hindi niya alam lumayo na sa kaniya ang Dios ng mga oras na iyon. Isinugo ng Panginoong Dios ang kaniyang propeta na si Nathan at pinagsalitaan nito si David sa kaniyang nagawang kasalanan. Doon nabatid ni David ang kaniyang kasalanan, kaya’t kaniyang sinabi: “Ako’y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay” (II Samuel 12:13). Natanggap lamang si David ang kapatawaran ng tanggapin niya ang kaniyang nagawang kasalanan.

Hihingi tayo ng kapatawaran sa Dios samantalang ang kasalanang nagawa natin sa ating kapatid ay hindi natin inaamin, paano tayong mapapatawad ng Dios sa kasalanang pinagsisisihan natin? Ang paghingi ng kapatawaran sa Dios ay napakadaling bagay, kaya’t hindi na natin nararapat pahirapan ang ating sarili sa mahahabang panalangin o pagpapasakit sa katawan. Ang kailangan natin pagkatapos ng pagsisisi ay isakripisyo na ang lahat ng ating ipinagkasala; iyan ang isang bagay na napakahirap gawin, higit na mahirap sa pagpipinitensya, subalit makakaasa tayo na may kapatawaran sa ganiyang klase ng pagsisisi.

Ang pangako ng Dios na kapatawaran sa mga kasalanan ay hindi maaaring akuin ng sinoman. Ang pangako ng Dios na kapatawaran ay may kondisyon, hindi ito basta ibinibigay ng Dios sa mga taong hindi karapat-dapat na hindi tumutupad sa Kaniyang mga itinalagang kondisyon. Kaya’t hindi maaaring aminin ng tao na siya’y pinatawad na ng Dios samantalang hindi naman niya nagagawa ang mga kondisyon. Ang Dios ay magpapatawad ng sagana doon lamang sa mga taong tunay na sumusunod sa Kaniya.

Batayan ng Pagsisisi

Tayo ngayon ay nasa panahon ng biyaya. Habang hindi pa nangyayari ang ikalawang pagbabalik ng Panginoong Jesus ang tao ay may pagkakataon pa upang magsisi, kapag siya’y nagsisi ang Dios ay may nakalaang kapatawaran sa kaniya. Paanong nangyayari na sa araw na kanilang marinig ang pangangaral ng pagsisi ay sumusunod sila at nagsisisi?

Kung pagbubulayin natin, sa ganang ating sarili ay wala tayong dapat pagsisihan dahil bulag tayo sa sarili nating mga gawa. Hindi natin kinikilala na ang mga masasamang gawa natin ay masama talaga. Makikita natin ang mga magulang na kung magmura sa kaniyang kapuwa ay balewal, subalit kapag narinig niyang nagmura ang kaniyang anak ay nagagalit sila. Kung ganoon alam ng mga magulang na masama talaga ang magmura subalit hindi nila pinipigilan ang sarili nila; hindi sila nagsisisi sa mga masamang nasabi nila.

Kung papansinin natin, dumarating lamang ang pagsisisi sa tao sa araw na sila’y maliwanagan ng ebanghelyo. Hindi tinitingnan ng tao ang kanilang masamang gawa dahil sila’y nasa kadiliman, namumulat lamang ang tao sa kanilang masamang gawa dahil sa kaliwanagan na ibinibigay ng ebanghelyo ni Cristo. Ano ang maitatawag natin dito? Ito ay biyaya na nanggagaling sa Dios. Hindi magagawa ng tao na magpakumbaba sa harap ng Dios kung sa kaniyang sarili lamang. Kung hindi dahil sa biyaya ng Dios na dumating sa kaniya sa pama-magitan ng pangangaral ng ebanghelyo ay hindi niya matututunan ang pagsisisi.

Ilang situwasyon ang ginagamit ng Dios upang ang tao ay akayin? Hindi natin ito mabibilang. Maraming ulit na ang Dios ay tumatawag sa tao sa pamamagitan ng iba’t-ibang pangyayari subalit hindi tumutugon ang tao. At habang hindi nangyayari ang takdang panahon ng paghatol sa lahat ng tao, ang Dios ay patuloy na magsusugo ng kaniyang mga lingkod upang akayin ang marami sa tunay na pagsisisi. Tama si Pablo sa pagsasabi ng “ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi” (Roma 2:4). Subalit ano ang ginagawang tugon ng tao? Hinahamak niya ang lahat ng ito.

Hindi tayo titigilan ng Dios na tawagin upang magsisi. Sa Kaniyang labis na pagmamahal ayaw Niya na ang sinoman ay mapahamak. Malaki ang tiniis sa atin ng Dios sa panahon na tayo ay hindi tumugon sa Kaniyang mga tawag. Mabuti na lamang at ang Dios ay mayaman sa pagtitiis. Kaya nga, kung mayroon mang dahilan kung bakit tayo ay natutong magsisi ay dahil sa kabutihan, pagtitiis, at pagpapahinuhod sa atin ng Dios. Wala tayong maipagmamalaki kundi ibaba natin ang ating sarili at ating idalangin, “Patawarin mo ako Panginoon dahil ako’y naging bulag sa iyong mga gawa. Ngayong nakita ko na ang kaliwanagan ay nais kong manatili dito. Hawakan mo ako ng mahigpit at huwag ng pawalan pa.” Tayo din ang magpapatotoo sa bandang huli na napakainam ng tayo’y nasa Dios.

Gumawa ng Pagsasauli

Maipapakita pa natin ng lubusan ang ating pagsisisi sa pamamagitan ng pagsasauli o pagbabayad. Halimbawa nito, kung mayroon tayong nakuhang anoman na pagaari ng iba kailangang ibalik natin ito sa talagang nagmamay-ari. Ang pagbabayad sa ating mga nagawa ay utos ng Panginoong Dios sa panahon pa lamang ni Moises. Sa Exodo 22:1-15 ay makikita natin ang mga karampatang kabayaran sa mga bagay na kinuha.

Ang batas na ito ay hindi inalis ng Panginoong Jesus sa Bagong Tipan kundi Kaniya pang sinang-ayunan. Nang magtungo siya sa bahay ni Zaqueo na isang maniningil ng buwis ay sinabi sa Kaniya nito, “Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pagaari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali'’t nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isasauli kong makaapat” (Lucas 19:8). Ang gawang ito ay hayagang pagpapakita ng tunay na pagsisisi. Kung nagkasala tayo sa ating kapuwa tayo ay nagkasala na rin sa Dios; mayroon tayong pagkakasalang nagagawa laban sa Dios na maaaring hindi laban sa ating kapuwa, subalit ang mga kasalanang nagawa natin sa ating kapuwa ay kasalanang nagawa din natin sa Dios. Kaya’t kung tayo ay magbabayad sa ating kapuwa na naging kasalanan natin sa kanila, nararapat na magbayad din tayo sa Dios. Hindi ko ibig sabihin na ang nakuha nating piso sa ating kapuwa ay babayaran din nating ng apat na piso sa Dios, kundi ang tanging kabayaran na maibibigay natin sa Dios ay ang bunga ng ating pagsisisi. Mayaman ang Dios at hindi Siya nangangailangan ng anomang materyal na bagay na manggagaling sa atin. Ang buong mundong ito ay pagaari ng Dios, kaya’t hindi natin maaaring ibayad sa Dios ang sarili Niyang pagaari. Ang tanging kabayaran na Kaniyang hinihingi ay ang bunga ng ating ginawang pagsisisi.

Darating ang Paghuhukom

Bakit kailangan natin ang magsisi? Ayon pa rin sa sinabi ni Pablo: “Datapwat ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom. Na Siya ang magbibigay sa bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa” (Roma 2:5-6). May itinakdang paghuhukom ang Dios at sa araw na iyon ay magsusulit ang bawat tao sa Dios ng mga bagay na kaniyang ginawa ng siya’y nabubuhay.

Hihingin ng Dios sa araw na iyon kung tayo ay tumalikod sa ating mga kasalanan o hindi. Kung ang tao ay hindi magsisisi sa kaniyang mga gawa, ang lahat ng araw na kaniyang ipinamuhay dito sa lupa ay pagtitipon lamang ng kapootan sa araw ng paghuhukom. Kung ang tao ay magsisisi, lilimutin ng Dios ang lahat ng kaniyang nagawang at siya ay maliligtas sa paghuhukom. Mahirap tumayo sa hukuman ng Dios, ang lahat ng tumatayo dito ay pawang patungo na sa walang hanggang pagdurusa.

Sa araw ng paghuhukom, pawang sumbat ang maririnig ng mga taong hindi nagsipagsisi. “Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Niniveh na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagkat sila’y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas. Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagkat siya’y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan si Salomon; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon” (Mateo 12:41-42).

Ano ang kalagayan ng Niniveh ng sila ay datnan ng pangangaral ni Jonas? Sinabi ng Dios kay Jonas: “Bumangon ka at pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko” (Jonas 1:2). Nalalaman ni Jonas na ang mga taga Ninive ay talagang masama at ayaw niyang magtungo doon, kaya’t tumakas siya sa tawag ng Dios. Higit bang malakas ang tao sa Dios? Hindi nagawang takasan ni Jonas ang responsibilidad na ipinaguuto sa sa kaniya ng Dios. Lumu-lan siya sa isang sasakyan patungong Tarsis, subalit sa kanilang paglalayag ay nagpadala ang Dios ng isang malakas na hangin. Alam ni Jonas na iyon ay gawa ng Dios kaya’t inutusan niya ang mga lalaki na buhatin siya at itapon sa dagat. Nang mga oras na iyon ay naghanda na ang Dios ng isang malaking isda na magdadala kay Jonas sa Ninive.

Pagdating sa bayan ng Ninive ay nagsimulang mangaral si Jonas na nagsasabi: “Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawat isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang kamay. Sino ang nakakaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay ang Kaniyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay. At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan na Kaniyang sinabing Kaniyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa” (Jonas 3:4).

Ang Ninive sa panahong iyon ay isang napakayamang siyudad dahil ito’y naging sentro ng kalakalan. Marami ang mayaman at mayroon din namang mahirap; ang kalayawan ay laganap pati na ang mga pangdadahas. Subalit ng marinig nila ang pangangaral ni Jonas, mula sa hari hanggang sa pinaka-mahirap na tao ay nagsipagsisi. Kung sila na sagana sa panahong iyon ay nagsisi sa kanilang mga kasalanan. Napakaraming sumbat ang maririnig ng lahing ito sa kanila, marami sa panahong ito ang nangangaral ng pagsisisi subalit ang tao hindi ginagawa ang magsisi. Si Jonas ay isang araw lamang lumibot sa bayan at nangaral ng pagsisisi, ang buong bayan ng Ninive ay nagsipagsisi agad pagkarinig ng pangangaral!

Sa panahon ng paghuhukom ay makikita din natin ang reyna ng Seba na tatayo at susumbatan ang lahing ito. Nang marinig niya ang karunungan ni Solomon ay hindi siya nanatili sa kaniyang bayan, kundi nagtungo sa Jerusalem at sinaksihan niya ang karunungan ni Solomon. Ang bayan ng Sabah na nasa Gitnang Silangan ang bayan ng reyna, tingnan ninyo sa mapa kung gaano ang paglalakbay na ginawa niya upang hanapin ang mabuting karunungan. Sasabihin ng reyna ng Seba sa panahong iyon ng paghuhukom: “Ako’y nanggaling pa sa isang lupaing napakalayo upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. Bakit sa dinami dami ng nangangaral ng ebanghelyo ay hindi kayo nagsipagsisi?”

Walang kotse o eroplano ang masasakyan sa panahong iyon upang makarating sa agad sa Jerusalem. Pinagtiyagaan ng reyna ang napakahabang biyahe upang saksihan lamang ang pangangaral ni Solomon. Ang gawain ng mga Kristiyano ay napakarami sa ngayon. Hindi mahihirapan ang sinoman upang maghanap, subalit sino nga ba ang talagang humahanap sa Dios? Napakalaking kapootan ang haharapin ng lahing ito dahil sa kanilang hindi pagsisisi.

Mayroong paghuhukom na gagawin ang Dios at ito ay darating na. Walang sinoman ang makakatakas dito kundi tayong lahat ay haharap sa Dios upang hukuman. Ang tanging ibinigay ng Dios ay ang paraan upang tayo ay magkaroon ng kaligtasan, at ito ay ang pagsisisi. Kaya’t habang mayroon tayong panahon upang magsisi ay gawin na natin ngayon.

Babala

Tungkol sa mga nagsisising hindi nagsisipagbunga, ang babala ni Juan Bautista: “At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawat punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at hinahagis sa apoy” (Mateo 3:10). Kung sa pagkarinig natin ng mga mensaheng ito at ginawa agad natin upang isapamuhay, tayo nga ay magkakaroon ng kaligtasan; kung sakali mang narinig natin ang mensaheng ito at hindi tayo nagpakababa sa harap ng Dios, gaya ng sinasabi, tayo ay puputulin at ihahagis sa apoy.

Ano ang ibig sabihin kung ipagpapaliban natin ang pagsisisi matapos nating marinig ito? Nangangahulugan ito na ang tao ay nagmamalaki sa Dios. Sa mga taong hindi nagsisipamunga sa kanilang pagsisisi, at sa mga taong hindi nagsisisi, hindi natin maaaring pagmalakihan ang Dios dahil anomang oras ay maaari Niyang putulin ang ating buhay sa mundong ito. Dapat tayong matakot dahil ngayon pa lamang ay sinasabing “nakalagay na ang palakol sa ugat.” Anomang oras na Kaniyang selyuhan ang ating buhay upang ipadala sa kabilang-buhay, wala tayong magagawa dahil Siya ang may hawak ng palakol.

Kaya nga, ngayon pa lamang ay sinasabi ko: magsisi tayo sa ating mga kasalanan at talikuran ang lahat ng mga masasamang gawa. Ito ay unang hakbang pa lamang tungo sa kaligtasan.

Pagsisisi sa Pangalan ni Jesus

Ang pagsisisi ay pagtalikod sa mga kasalanan. Kung tayo ay nagsisi na isang panibagong harapin ang ating tatahakin. Ang Islam, Judaismo, at iba pang sekta ng relihiyon sa Kristiyanismo ay nagtuturo na kailangang magsisi. Kung tayo ay makikinig sa panga-ngaral ng Islam na magsisi, ay mangyayari na ang kanilang daan ang bago nating lalakaran; gayundin ang Judaismo na kung tanggapin natin ang kanilang pangangaral ng pagsisisi, ay ang kanilang daan ang bago nating lalakaran.

Sasabihin ko sa inyo ng may katapangan ito: ang tanging pagsisisi na binibigyan ng Dios ng parangal at kapatawaran ay ang pagsisisi tungo sa ikapagiging tunay na Kristiyano. Sinasabi ng Bibliya: “At sinabi niya sa kanila, Ganiyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral sa Kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapata-wad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem” (Lucas 24:46-47). Kung gayon, hindi pala tayo basta magsisisi lamang, kundi kinakailangang gawin natin ang pagsisisi sa pangalan ng Panginoong Jesus. Dahil Kristiyanismo ang ating haharapin pagtalikod natin sa mga kasalanan, kaya’t nararapat na gawin ang pagsisisi sa pangalan ng ating Panginoong JesuCristo.

Dugtong pa ng Panginoong Jesus: “At kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito” (tal. 48). Anong kapatawaran ang ipinangako ng ibang mga relihiyon? Wala. Pinatototohanan ng mga apostol ayon sa turo ng Espiritu Santo na ang kapatawaran ng mga kasalanan ay tanging sa Panginoong Jesus natin masusumpungan. Kahabag-habag ang mga taong gumawa ng pagsisisi subalit hindi sa Panginoong Jesu nanumbalik, kundi ang tinanggap ay ang aral ng mga tao lamang. Walang ibang tao na gaya ng mga apostol na nakapagpatotoo na sila ay pinatnubayan ng Espiritu Santo.

Narito ang mga Kasulatang nagpapatunay na ang kapatawaran ng mga kasalanan ay tanging sa Panginoong Jesus lamang:

Lucas 1:77 – “Upang maipakilala ang kaligtasan sa Kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan.”

Lucas 24:47 – “At ipangaral sa Kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.”

Gawa 2:38 – “At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo at mangagbautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni JesuCristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.”

Gawa 5:31 – “Siya’y pinadakila ng Dios ng Kaniyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.”

Gawa 10:43 – “Siya ang pinatototohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa Kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang pangalan.”

Gawa 13:38 – “Kaya maging hayag nawa sa inyo, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito’y ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan.”

Gawa 26:18 – “Upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila’y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila’y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.”

Nakagagalak dahil tayong mga nakasisigurong na kay Cristo na ay makatitiyak na mayroon kapatawaran sa ating mga kasalanan. At kung tayo ay napatawad na sa ating mga kasalanan, tanggapin natin ang kaligtasang ipinagkakaloob ng Dios.

Magbalik sa unang pahina